KABANATA 28 Gusto kong sabihin sa kanya na kumalma siya, pero paano? Kapatid niya ‘yung nawawala at four years old lang ‘yon. Hindi nga ‘yon nawawalay sa nanay nilang si Aling Malou at dumedede pa nga ‘yon sa bote. Hindi kakayanin ni Mikay na mawalay nang matagal sa kanila. “Paano nawala si Mikay?” tanong ko habang inaalalayan siyang maupong muli sa sofa. “Pinabantayan siya sa ‘kin ni Mama. Nalingat lang ako sandali dahil pinatay ko ‘yung kalan dahil baka masunog na ‘yung sinaing, tapos paglingon ko wala na siya. Kasalanan ko, Baste. Hindi ko dapat inalis ‘yung tingin ko sa kanya.” Napahawak siya sa mukha niya at humagulgol na naman ng iyak kaya hinimas ko siya sa likod. Inaalo ko pa si Mona nang humahangos na pumasok sa loob ng bahay si Linda habang may hawak na supot na may lamang ti

