"Hoy!" Naalalang sigaw ni Xia nang makita niya si Nicole na binu-bully ng isang grupo ng mga kababaihan na katulad niya ay high school students din ang mga ito.
Napalingon sa kanya ang leader nang nasabing grupo ng mga kababaihan. Nanliliksik ang mga mat nito na para bang gusto nang kumain ng tao dahil sa kanyang pangingialam.
Nang nasa high school pa sila, sa kanilang tatlo laging binu-bully talaga si Nicole dahil hindi ito lumalaban at handa itong magpaapi. Siguro, dahil na rin sa takot na baka kapag lumaban ito'y kung ano pa ang gagawin ng mga ito sa kanya.
"Huwag kang makialam kung ayaw mong masaktan!" sigaw nito pero hindi pa rin siya nagpatinag.
"Alam mo bang pwede kang makulong sa ginagawa mong pambu-bully sa kanya?"
Napatawa lamang ang mga ito na para bang sinasabi ng mga ito na hindi ito takot masaktan o makulong dahil sa ginagawa nito.
"Ipakulong mo kami kung kaya mo," panghahamon pa nito sa kanya noon saka nito binalingan si Nicole na nakatalungko sa isang gilid habang napapaikutan ito ng iba pang kababaihan na kasama ng leader ng mga ito.
"Hindi ba, ang sabi ko sa'yo bilhan mo kami ng makain pero anong ibinigay mo sa amin?!" bulyaw nito kay Nicole na parang tutang nanatiling tahimik habang nasa mukha nito ang takot at kaba na baka sasaktan na naman siya ng mga ito.
"Wala na akong pera. Naubos na ang perang ipinadala sa akin ni Mama para sa allowance ko," pangatwiran ni Nicole pero galit na biglang hinablot ng babae ang kanyang buhok kaya napasigaw na lamang siya sa sakit.
"Ang sabihin mo, nagtapang-tapangan ka na ngayon," nangingitid sa leeg ng babae.
At nang akma na sanang sampalin ng babae si Nicole ay agad namang binato ni Xia ang napulot niyang maliit na bato rito at natamaan niya ito sa likod na siyang labis nitong ikinagalit.
Napakatapang ng mukhang binalingan siya nito.
"Sabi ko sa'yo, di ba? Huwag kang makialam kung ayaw mong masaktan?!"
"Huwag mo kasing subukang ilapat ang palad mo sa pisngi ng kaibigan ko kung ayaw mo ring masaktan," matapang niyang saad na siyang lalong nagpainit sa ulo ng babae.
Talagang kilala ang grupo ng mga ito sa pambu-bully kaya hindi na nakapagtataka kung isa sa mga binully ng mga ito si Xia.
"Matapang ka, ah! Gusto mo yatang masapok ng kamay ko."
"Subukan mo kung kaya mo," paghahamon pa niya rito noon habang si Nicole naman ay senyas nang senyas sa kanya na tumigil na siya dahil baka kung ano pa ang magawa sa kanya ng babae at nang kagrupo nito.
"Aba! Ang lakas ng apog. Alam ko namang hindi mo ako malalamangan."
"Alam ko namang nagtapang-tapangan ka lang, eh dahil marami kang kasama. Bakit kaya hindi natin subukan ang one on one?" muli niyang panghahamon at napatawa naman ng pagak ang kanyang hinahamon saka nito sinenyasan ang kagrupo nito na umatras muna dahil siya lang ang bahala na agad namang sinunod ng mga ito.
Mabilis na napatayo si Nicole saka niya hinarangan ang babae.
"Huwag mo siyang pansinin. Nagbibiro lang siya. Gusto ka lang niyang patawanin," aniya sa pag-aakalang maengganyo niya itong itigil na lamang ang lahat.
Napalingon si Nicole kay Xia at saka niya sinubukang awatin ang kaibigan pero nanatiling matapang si Xia ng mga sandaling 'yon.
"Puwes! Hindi ako natutuwa!" sigaw ng babae sabay tabig sa kanya na siyang dahilan nang kanyang pagkabagsak sa lupa.
Nabigla naman si Xia sa nakita kaya hindi siya papayag na hindi niya maipaghihiganti ang kanyang kaibigan.
Mabilis na tumakbo palapit sa kanya ang babae at nang dadakmain na sana siya nito ay agad naman siyang umilag.
Maya-maya lang ay nagkahulihan sila ng buhok kaya nagsabunutan na lamang sila.
"Tama na! Xia, tumigil ka na!" awat sa kanya ni Nicole noon pero hindi siya nakinig dahil sa inis na kanyang nararamdaman.
Biglang dumating si Martha sa eksena. Napahinto siya nang may nakita siyang nag-aaway.
"Tama na, please."
Napakunot ang kanyang noo nang marinig niya ang boses ni Nicole at lalo siyang naguguluhan nang makita na niya ang kaibigan na pilit inaawat ang dalawang babaeng nagsasabunutan.
Napaawang ang kanyang mga labi nang sa wakas ay nakita at nakilala niya ang isa sa babaeng nag-aaway. Si Xia!
Mabilis na tumakbo siya palapit sa mga ito para awatin.
"Hey! Hey!" sigaw pa niya habang tumatakbo siya palapit sa kinaroroonan nga mga ito.
"Tama na, please. Xia?" awat pa rin ni Nicole.
"Hey! Stop it!" awat din ni Martha.
Hinawakan ni Nicole si Xia sa braso para ilayo ito sa babaeng kasabunutan nito habang si Martha naman ay pinipilit na ilayo rin ang babae sa kanyang kaibigan.
Nagalit ang babae sa ginawa ni Martha kaya galit na galit itong binalingan siya ng tingin.
"Huwag kang makikialam!" singhal nito sabay hablot sa sling bag na nakasabit pa sa kanyang balikat na siyang dahilan ng pagkaputol nito.
Napanganga na lamang siya sa kanyang pagkabigla nang makita niya ang parang slow motion ng pagbagsak ng kanyang bag sa lupa.
"My bag!" sigaw niya na siyang nagpatigil sa lahat.
Matapang na binalingan niya ng tingin ang babaeng humablot sa kanyang paboritong bag. Ang bag na kahit maliit lamang na gasgas ay ayaw niyang magkaroon.
Napahalaga sa kanya ng bag na 'yon to the extent na kaya niyang bumasag ng mukha kapag iyon na ang magkaroon ng aberya.
Walang babalang sinapok niya nang ilang beses ang babae na h walang tigil at napapaatras naman ito dahil sa sakit.
"Anong ginagawa niyo?!" sigaw nito sa mga katropa nito kaya agad namang rumesbak ang mga iyon pero agad namang pinulot ni Martha ang isang may kalakihang kahoy na nasa gilid lang ng daan at isa-isang pinaghahampas niya ang mga iyon.
Si Xia naman ay napatayo na lamang sa isang tabi at agad naman siyang nilapitan ni Nicole para tingnan kung okay lang ba siya habang si Martha naman ay abala sa ginagawa nito.
Nagsitakbuhan ang katropa ng babae at nang tatakbo na rin sana ito ay agad namang hinila iyon ni Martha sa kwelyo ng suot nitong blouse.
"Saan ang punta mo?" inis niyang tanong habang nanginginig naman sa takot ang babae.
"Sorry na. Pangako, hindi na kami uulit," mangiyak-ngiyak nitong saad.
Bahagyang hinila iyon ni Martha paharap kina Xia at Nicole.
"Sa kanila ka humingi ng sorry," sabi niya habang nakatingin ang dalawa sa kanila.
"Sorry, Nicole," sabi nito habang parang asong hawak-hawak ito ni Martha sa kwelyo ng blouse nito.
Nanatili namang tahimik si Nicole.
Napatingin ang babae kay Martha na para bang nakikiusap na pakawalan na siya dahil nagawa na nitong humingi ng sorry kay Nicole.
"Sa kanya..." sabi ni Martha sabay turo sa direksyon ni Xia, "...wala ka bang balak?" tanong niya rito.
"Sorry. Hindi ko na-----"Nah! Don't mention it," agad na putol ni Xia sa iba pa sanang sasabihin ng babae.
Sapilitang napangiti ang babae sa pag-aakalang ligtas na siya pero biglang inihakbang ni Xia ang kanyang mga paa palapit dito at walang ano-ano'y bigla na lamang lumapat sa pisngi ng babae ang kanyang palad na siyang ikinabigla ni Nicole.
"Para 'yon sa kaibigan namin na binu-bully mo," saad niya saka muling dumapo ang kanyang palad sa pangalawang beses sa kabila nitong pisngi.
"Xia!" awat ni Nicole pero hindi niya ito pinakinggan.
Gusto lang niyang ipakita kay Nicole na walang sino mang pwedeng manlamang sa kapwa niya tao kaya dapat ipatikim sa mga ito ang mga mali nitong ginagawa.
"'Yon ay para naman sa iba pang mga estudyante na binu-bully niyo," matigas niyang turan.
Kung noon ay nanahimik sila kung may nakikita silang binu-bully ng grupo ng mga ito ay pikit-mata lamang sila pero dahil ginawa rin pala ng mga ito sa kanilang kaibigan ay hindi na nila iyon palalampasin pa.
Kailangan nang turuan ng leksiyon ang mga ito nang magtanda na!
"Huwag na kayong mam-bully, huh!" matapang na sabi ni Martha kasabay ng bahagya niyang paghila sa hawak niyang kwelyo nito.
"Oo! Hindi na kami manbu-bully. Titigil na kami," mangiyak-ngiyak nitong pangako.
"Oh, Nicole wala ka bang sasabihin sa kanya?" baling ni Martha sa kaibigang nanatiling tahimik habang nakamasid sa kanila.
"Wala na. Pakawalan niyo na siya," mahina nitong sabi.
"Kapag malaman naming inuulit niyo ang pambu-bully, hindi lang 'yan ang aabutin niyo!" pananakot ni Martha saka niya patulak na binitiwan ang kwelyo nito at mabilis naman itong kumaripas ng takbo palayo sa kanila.
Agad pinulot ni Martha ang kanyang bag at nang makita niyang sira na nga talaga ay nadismaya tuloy siya.
"My bag!" parang batang himutok niya saka niya niyakap ito.
"Okay ka lang?" Napalingon siya sa dalawa at nakita niya kung papaano mag-aalala si Xia kay Nicole.
"Bakit hindi mo sinabi sa amin ang tungkol sa pambu-bully nila sa'yo?" tanong ni Xia kay Nicole habang nasa loob sila ng isang bar.
Matapos ang eksenang kinasangkutan nila ay pinili nilang magpalamig muna sa loob ng isang bar kung saan sila madalas pumunta.
"Ayaw ko lang kasing mag-aalala pa kayo sa akin," sagot naman nito.
"Bakit ba ayaw mong lumaban?" singit naman ni Martha saka ito tumungga ng alak sa hawak na wine glass.
"Ayaw ko lang lumala pa kaya mas minabuti ko na lang na sundin kung ano ang inuutos nila sa akin."
"Mali ka, eh!" muling sabad ni Martha, "Kung hindi mo kayang lumaban, dapat naghanap ka ng magiging kakampi. Nandito naman kami."
Napatango naman si Xia sa tinuran ni Martha.
"Ayaw kong madamay kayo."
Hinawakan ni Xia ang palad ni Nicole at napatingin naman ito du'n.
"Kaibigan mo kami kaya kung ano man ang problema mo, pwede mong sabihin sa amin 'yon."
"Tama!" sabad ni MArtha, "...kaibigan mo kami kaya kung sino man ang kaaway mo, kaaway din namin iyon."
Itinaas ni Martha ang kanyang baso na may lamang alak.
"For our unending friendship!" sigaw nito.
Itinaas din ni Xia ang kanyang baso saka siya sumigaw.
"For our unending friendship!"
Napangiti na lamang si Nicole saka niya itinaas ang kanyang baso.
"For our unending friendship," sabi nito saka sabay-sabay nilang tinungga ang alak at nang muntikan nang masumid si Xia ay napatawa na lamang silang lahat.
Doon lalong tumibay ang kanilang pagkakaibigan na pareho nilang hindi inakalang hahantong sila sa ganitong sitwasyon.