Napakunot ang kanyang noo sa kanyang nabasa.
Bakit ganu'n ang text sa kanyang asawa ni Nico at isa pa, wala siyang kilalang Nico na kaibigan ni Alex at kung sakali mang meron at talagang nagkaibigan ang mga ito, ganu'n ba talaga kung mag-text ang magtropang lalaki?
May kung anong pagdududa ang bigla na lamang umusbong sa kanyang puso habang nanatiling nakatingin ang kanyang mga mata sa text message para sa kanyang asawa.
"Kung sa tingin mo, nagluluko ang asawa mo, bakit hindi ka mag-imbestiga?"
Naaalala niyang sabi sa kanya ni Marjorie nang nag-usap silang dalawa sa loob ng isang fast food chain.
"Hindi ko sinasabing nagluluko nga ang asawa mo pero mas mabuti na rin 'yong may ginagawa ka para sa katahimikan ng kalooban mo."
Tama kaya kung gagawin niya ang sinabi nito sa kanya? Hisni kaya siya mapapasama para kay Alex?
"Hindi naman sa nawawalan ka na ng tiwala sa asawa mo. Gusto mo lang ng closure kaya hindi naman siguro masama ang alamin kung ano nga ba ang totoo, hindi ba?"
Baka nga, ito na 'yong sign para gawin niya ang suhestiyon sa kanya ni Marjorie.
Agad niyang ibinalik ang phone ni Alex sa kung saan niya ito kinuha nang marinig niya ang paghinto ng paglagaslas ng tubig sa takot na baka makita siya ng kanyang asawa na hawak-hawak niya ang phone nito.
Inayos niya ang kanyang sarili na para bang walang nangyari at saglit siyang tinapunan ng tingin ni Alex nang nakalabas na ito mula sa banyo at tumutulo pa ang tubig sa buhok nito.
Nakita ni Alex ang damit na inihanda niya para rito na nasa ibabaw ng gilid ng kama pero dinaanan lamang nito at dumiretso na ito sa kanilang closet at kumuha ng damit panlakad.
"Aalis ka?" tanong niya habang abala ito sa kapipili ng damit na susuotin.
Hindi siya nito sinagot. Naaawa tuloy siya sa kanyang sarili dahil nagmumukha na siyang walang halaga para rito.
"Ipaghanda kita ng agahan mo," aniya at nang lalabas na sana siya para ipaghanda ito ng almusal nito ay agad naman itong nagsalita.
"Du'n na ako kakain," sabi nito kaya wala na siyang nagawa kundi ang tumahimik na lamang dahil kahit na anong gagawin niya ay wala pa rin siyang magagawa.
Nasa sala siya habang hinihintay niya ang paglabas ng kanyang asawa. Hindi naman mawala-wala sa kanyang isipan ang text message na kanyang nabasa sa phone ng kanyang asawa.
Kahit na anong pag-iisip ang kanyang gagawin ay talagang wala siyang matandaan na may kaibigan si Alexander na Nico ang pangalan.
At dahil sa bagay na 'yon ay lalong lumalaki na lamang ang kanyang hinala na baka may milagrong ginagawa ang kanyang asawa.
Kinuha niya ang kanyang phone saka niya sinubukang tawagan ang phone number na nagse-send sa kanya ng text message tungkol sa kanyang asawa pero ring lang ito nang ring.
Nakailang ulit na niya itong tinawagan pero hindi talaga siya nito sinubukang sagutin na siyang lalong nagpagulo sa kanyang isipan.
Sino ba talaga ang nagmamay-ari ng phone number na 'to? Bakit hindi siya nito magawang sagutin? Kilala niya ito?
Naaalala niya ang pag-uusap nilang dalawa ni Marjorie at that time, nasabi niya sa sariling hindi ito ang kalaguyo ni Alexander pero ang malaking tanong sa kanyang isipan ay kung bakit siya ang itinuro ng nagmamay-ari ng phone number na nagte-text sa kanya na siyang kabet ng kanyang asawa?
Totoo ba talagang nagluluko si Alexander o pinaglalaruan lamang siya ng kung sino mang may lakas ng loob para pagtripan siya?
Katanungang hindi niya alam kung ano nga ba ang tamang sagot.
Nang nakalabas na si Alex sa kanilang kwarto ay pasimple niyang itinago ang kanyang phone sa kanyang likuran saka niya ito ningitian nang matamis kahit na ang puso niya ay puno na nang pangamba at masamang agam-agam para rito.
"Bukas na ako uuwi."
Hindi niya alam kung nagpapaalam ba ito o gusto lang nitong ipaalam sa kanya na kaya nitong gawin kung ano ang gusto nitong gawin.
At sa sinabi nito ay lalo lamang ginulo ang kanyang isipan.
Saan ang punta nito at bakit kailangan pang magdamagan ang mga ito?
Napatango na lamang siya kahit na ang dami pa sana niyang itatanong at walang lingon-likod na lumabas na ng bahay ang kanyang asawa habang naiwan siyang hindi alam kung ano ang kanyang dapat na gawin.
Keep your eyes on your husband. He's having an affair with someone you know.
Naaalala niyang text sa kanya nang gabing 'yon habang mahimbing na natutulog ang kanyang asawa.
"Kung sa tingin mo, nagluluko ang asawa mo, bakit hindi ka mag-imbestiga?"
Muli niyang sabi sa kanya ni Marjorie.
Mabilis na kinuha niya ang kanyang bag saka siya agad na lumabas ng bahay. Kakaalis pa lamang ni Alex kaya alam niyang hindi pa ito nakakalayo. Magagawa pa niya itong masundan.
Mabilis siyang tumawag ng taxi at para bang nakikiramay sa kanya ang panahon dahil mabilis siyang nakakuha ng masakyan.
"Pakibilisan niyo po, Manong," pakiusap niya sa taxi driver at maya-maya lang ay natanaw na rin niya ang kanilang sasakyan na minamaneho ng kanyang asawa.
"Follow that car," saad niya sabay turo sa sasakyan nila.
Habang nasa daan sila ay panay naman ang kanyang usal sa kanyang sarili na sana mali ang lahat ng kanyang mga hinala dahil hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin kung magkataong totoo ang lahat.
Baka hindi niya kakayanin lalo na at alam naman ng lahat kung gaano niya kamahal ang asawa.
Makalipas ang ilang sandali ay nakita niyang pumasok sa isang basement ng isang hotel ang sasakyang minamaneho ni Alex.
"Anong gagawin niya rito?" nagtatakang-tanong ng kanyang isipan habang hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa sasakyan.
Agad siyang bumaba ng taxi nang nakita niyang papasok na sa isang elevator ang kanyang asawa.
Mabilis na sinundan niya ito hanggang sa dumating na sila sa third floor ng hotel.
Naglakad pa ang kanyang asawa patungo sa isang pasilyo kung saan ang destinasyon nito.
Napakunot ang kanyang noo nang makita niya si Alexander na huminto sa tapat ng isang room at maya-maya lang ay nag-door bell na ito.
Sino ba ang pinunta nito sa lugar na 'yon at bakit sa room pa talaga. Hindi ba pwedeng sa labas lang magkikita ang mga ito? Hindi ba pwedeng sa isang coffee shop o sa isang fadt food chains o di kaya sa isang kainan magtatagpo ang mga ito? Bakit kailangang dito pa talaga? Ano naman ang gagawin nila sa loob kung sakali mang lalaki ang kikitain nito?
Napahinto siya dahil nasa puso niya ang pagdadalawang-isip. Kakayanin ba niya kung sakali mang totoo ang kanyang mga hinala?
Paano naman kung mali ang lahat ng kanyang mga hinala at malaman ni Alex ang kanyang ginagawa ngayon, siguradong masasaktan ito dahil sa kanyang pagdududa. Mahuhulog na nawawalan na siya ng tiwala rito.
Hindi na! Hindi na niya itutuloy ang kanyang binabalak. Ayaw niyang nang dahil sa kanyang mga hinala ay tuluyan silang magkasira ng kanyang asawa. Alam naman niyang hindi siya magagawang pagtaksilan nito dahil alam niyang mahal siya nito. Mahal na mahal!
Nang ihahakbang na sana niya ang kanyang mga paa patalikod para umuwi na lamang ay siya namang pagbukas ng pintuan kung saan nakatayo paharap ang kanyang asawa.
Dahan-dahan niyang inihakbang ang kanyang mga paa para mas malinaw sa kanya kung sino nga ba ang pinuntahan ni Alexander.
At nang lumabas ang taong pinunta nito ay siya namang paghinto ng kanyang buong mundo nang makilala niya kung sino nga ba ang taong 'yon.
Naitakip niya ang kanyang palad sa kanyang bibig habang nanlaki ang kanyang mga mata nang agad na nagyakapan ang dalawa kasabay nang paglapat ng mga labi ng mga ito sa isa't-isa.
Hindi na niya alam kung ano ang kanyang gagawin, ang alam lang niya ang sobra siyang nagulat.
Dahan-dahan na tumulo ang kanyang mga luha sa magkabila niyang pisngi.
Ang dibdib niya ay naninikip sa sakit na nararamdaman. Ang buong katawan niya ay nanginginig sa galit na bumabalot ngayon sa kanya.
Nandilim ang kanyang paningin dahil sa galit na lumulukob ngayon sa buo niyang pagkatao.
"Mga taksil!" sigaw niya na siyang ikinabigla ng dalawa.
Agad naghiwalay mula sa pagkakayakap ang mga ito habang nakaawang ang mga labi at nanlaki ang mga mata sa sobrang pagkagulat nang makita siya.
"Xia?" halos sabay pang sambit ng mga ito sa kanyang pangalan.
Nandidilim ang mga matang mabilis niyang inihakbang ang kanyang mga paa palapit sa mga ito at bago pa man nakailag ang babaeng kayakap ng kanyang asawa kani-kanina lang ay mabilis niyang idinapo sa pisngi nito ang may kaliitan niyang palad na siyang labis nitong ikinagulat.
"Hayop ka, Nicole! Mang-aagaw ka!" bulyaw niya saka walang babalang bigla na lamang niyang hinila ang buhok nito kaya napasigaw ba lamang ito sa sakit.
Yes! It was Nicole. Ang babaeng kalaguyo ng kanyang asawa noon pa!
"Taksil ka!" paulit-ulit niyang sigaw habang hila-hila niya ang buhok nito.
"Xia, let her go!" awat ni Alexander sa kanya pero hindi siya nagpatinag dahil sa galit na kumukontrol sa kanya ngayon.
"Mga sinungaling!" sigaw niya.
Umiiyak na nagmamakaawa si Nicole upang bitawan niya ang buhok nitong hila-hila niya.
"Tama na!" singhal ni Alexander pero hindi pa rin siya nakikinig.
Gusto lamang niyang ipadama kay Nicole ang sakit na kanyang nararamdaman ng mga sandaling 'yon. Gusto lamang niyang ipadama sa kaibigan ang galit na siyang nangingibabaw sa kanyang buong pagkatao.
"Stop it! Huwag mong saktan si Nicole!"
Natigilan siya sa kanyang ginagawa nang marinig niya ang pasinghal na pag-awat ng kanyang asawa sa kanya habang hindi pa rin pinakawalan ng kanyang mga kamay ang may kahabaang buhok ni Nicole.
"Xia, let her go!" matigas na utos sa kanya ni Alexander.
Galit na binalingan niya ito at agad niyang binitiwan ang buhok ng kanyang kaibigan kasabay ng isang mataginting na sampal ang iginawad niya sa pisngi ng kanyang asawa na siyang labis nitong ikinabigla.
Napaawang ang mga labi nito at napahawak ito sa bahagi ng pisnging tinamaan ng kanyang palad habang napatingin ito sa kanya.