Part 3

1374 Words
“MISS… MISS!”             “Oh!” tila gulantang namang sabi ni Ivy. “What are you saying?” she asked stiffly at dumeretso ng tindig. Gusto niyang palampasin na tila walang nangyari sa nakalipas na sandali kahit na nga ba sa loob niya ay nakadama siya ng alinsangan. She felt mortified. Iyon ang unang beses na tila nawala siya sa kanyang sarili.             At sa wari ay nais namang ipamukha iyon sa kanya ng lalaki. Bago nito sagutin ang tanong niya ay ngumiti ito ng ngiting ipinapaalam sa kanya na hindi nakaligtas dito ang ikinilos niya.             “Miss, sabi ko, sorry. Nagmamadali kasi ako, eh,” pagkuwa ay sabi nito. His tone was polite pero hindi rin maikakaila ang waring pagkislap ng mga mata. “Pasensya na, ha?”             Tumaas ang kilay niya. “Nagmamadali ka pala, sige na, alis na,” ingos niya at ang tono ay halos walang pinag-iba sa nagtataboy ng asong gala.             Naglapat ang mga labi nito at ilang sandaling ipinako ang tingin sa kanya. Umirap lang siya. Hanggang sa tumalikod ang lalaki ay nakaarko pa rin ang kanyang kilay.             “Bakit ka naman ganoon?” disapproving na wika sa kanya ni Rachel. “Nanghihingi na nga ng pasensya sa iyo iyong tao, eh.”             “Hindi bale na lang, ‘no!” matayog na sabi niya. “Nagso-sorry nga, mukha namang nang-iinsulto!”             “Iyong mukhang iyon, nang-iinsulto?” kontra nito sa kanya. “Hello! Ivy, ano ka ba? Ang guwapo nga, eh.”             “Pakialam ko? Sa America, kahit saan mo ibaling ang leeg mo, guwapo ang makikita mo.”             “Ay, oo nga pala, matindi nga pala ang colonial mentality mo. Bad iyan. Baka mamaya sa isang pangit ka bumagsak.”             “Nunca!”             “O, siya, baka nga naman bumangon sa hukay ang Lola Beatriz mo kapag ginawa mo iyon. Pero what if… what if lang, ha? Dito ka sa kumpanyang ito makahanap ng partner for life?”             “Bakit, may executive pa ba rito na single and available?”             “Malay natin? O kaya, lineman?”             Pinandilatan niya ng mga mata si Rachel. “Lineman?!” Her voice was obviously filled with horror.             “Lineman,” flat naman na kumpirma nito. “Ano naman ang nakaka-shock doon?” “Excuse me, hindi ako nagpakahirap maging Bill Gates scholar kung sa isang lineman lang ako mapupunta!” palalong sabi niya. “No way. He’s out of my league!”             “Huwag kang magsalita nang tapos. Baka mamaya, kainin mo lang ang sinabi mo,” hamon sa kanya ni Rachel.             Pero hindi man lang siya natinag. “I swear!”   “I SWEAR pala, ha?” pabulong na sabi ni Lance buhat sa kabilang pasilyo. Dinig na dinig niya ang usapan ng dalawang babae. At hindi naman niya sinadyang pakinggan iyon. Nakatayo siya roon sapagkat sinenyasan siya ng general foreman na maghintay. Dapat sana ay pupunta na siya sa facilities upang magpalit ng uniform.             “Gatas! Duty ka ba?” may kahalong panunukso ang tawag na iyon sa kanya ng leadman niya.             Sa buong Meralco, mabibilang sa daliri ang tumatawag sa kanya ng Lance. He was Gatas to everybody. Minana niya ang bansag na iyon sa retiradong tiyo na Darigold ang bansag. Halos lahat ng empleyado ay may kani-kaniyang bansag. May nakakaaliw, mayroon ding nakakainsulto. Ang kailangan ay hindi pikon. Dahil mientras pikon, lalong ididiin ang bansag.             At tinanggap na niyang Gatas ang tawag sa kanya ng lahat. Wala naman siyang magagawa. It was because of their skin. Given the choice, mas gusto sana niyang tawagin na lang Tisoy dahil parang mas lalaki ang dating ng ganoong klase ng bansag. Pero mayroon nang naunang binansagan ng ganoon. Come to think of it, hindi naman insulto ang kahulugan ng bansag sa kanya. “Gatas,” tawag sa kanya ng general foreman. “Saktong-sakto ka naman sa oras kung dumating. Dapat, media hora nandito ka na. Alam mo naman iyon, di ba?”             Mapagkumbaba siyang tumango. “Hayaan ninyo, GF. Hindi na mauulit.”             “Sige, labas na.” Papatalikod na siya dito nang tawagin siya uli. “Mag-uniporme ka.”             Tumango siya. Nasa bitbit niyang bag ang uniform. Dumeretso na siya sa naghihintay na pick-up. Mabilis siyang nagpalit ng damit saka pinalitan ang leadman niya sa pagmamaneho.             “Nasabon ka, ‘no? Ikaw kasi, kung dumating ka, kung hindi late, eksaktong alas dies.”             “Hindi na nga mauulit,” sabi na lang niya dito. “Marami ba tayong CR ngayon?” He meant complaint report.             “Kayang-kaya natin ito. Bago mag-hatinggabi, nabalanse na natin ito sa kanila.”             “Ayos!” tuwa namang sabi niya. “Ibig sabihin, relax na lang tayo hanggang mamayang alas sais nang umaga.”             “Ganoon na nga. Huwag lang magkaka-trouble ang sirkito.”             Palabas ng compound ay lumigid ang pick-up sa harap ng lobby. Huminto doon sandali sapagkat pinara sila ng isang engineer upang ipaalala ang isang trabaho. Namataan pa niya roon ang dalawang babae na nag-uusap. Mabilis niyang hinagod ng tingin ang babaeng nabunggo niya.             She was beautiful. Iyon nga lang, hindi lang mataray. Mata-pobre pa.             Ano kaya kung bigyan ko ng leksyon? he told himself. At isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.             “Sino ang bibigyan mo ng leksyon?” linga sa kanya ng leadman.             “May sinabi ba ako?” kunwa ay maang na wika niya. “Wala, Pete.”             Umungol ito. “Anong wala? Hindi naman ako bingi, ah? Nakita kita, tiningnan mo iyong babae tapos nagsalita ka.” Siniko siya nito. “Iyon ba namang tatlong taon na tayong partner, paglilihiman mo pa ako? Bakit ka naman magbibigay ng leksyon?” kulit nito.             “Wala nga sabi.”             Tiningnan siya nito nang masama. “Kapag ganyan, kalimutan na nating magkumpare tayo. Magsolian na tayo ng kandila!” nangongonsensyang wika nito. “Hindi ko na pagmamanuhin sa iyo ang anak ko sa Pasko.”             “Di mabuti. Mabawawasan naman maski paano ang ipinagsosobre ko pag Disyembre,” wika naman niya.             “’Tado! Sabihin mo na kasi.”             Sa itsura ni Pete ay hindi ito titigil hangga’t hindi siya nagsasalita. At dahil nga matagal na rin silang magkasama, alam din ni Pete na sa lahat ng ayaw niya ay ang kinukulit. Napipilitan siyang umamin kaysa naman parang sirang-plaka na may tanong nang tanong sa kanya.             “Ang taray kasi, eh,” sabi niya pagkuwa. “Naisip ko lang, iyon sigurong mga ganyang ubod ng taray, masarap paibigin.”             Sunud-sunod ang naging pag-ubo ni Pete na halata namang pineke lang. “Liligawan mo?”             “Bakit masama ba?” ganti naman niya.             Humalakhak ito. “Sama ako ng sampu. Hindi mo mapapasagot iyan. Ubod ng ganda, Gatas. Iyong itsura na kagaya ni Madam.”             Ang madam na tinutukoy nito ay ang hepe nila sa buong distrito. Maganda, matalino, sopistikada, mayaman at sosyal. Iyong itsura ng babae na hindi nila alam kung bakit naging hepe nila gayong mas mukhang pang-first lady ng bansa. Pero siyempre, obvious ngang magaling at matalino kaya naging hepe nila.             “Mapapasagot ko iyan,” kontra naman niya. “Hindi mo mapapasagot iyan, pustahan?” “Sige ba. Magkano?” wika niyang naaliw na sa pinag-uusapan nila.             “Isang libo.”             “Isang libo? Ang laki nu’n, ah?”             Ngumisi ito. “Siyempre. Llamado yata ako. Sa itsura ng babaeng iyon, sigurado ako, panalo ako sa pustahan natin. Kaya ngayon pa lang, ihanda mo na ang isang libo.”             “Baka ikaw ang mapilayan. Isang libo, pambili na iyon ng gatas ng anak mo,” sabi naman niya. “Sigurado ka ba?”             “Call. Kapag hindi mo napasagot iyan, may isang libo ako sa iyo.”             “Paano pag napasagot ko?” hamon naman niya.             “Di may isang libo ka sa akin.”             Napatango siya. “Okay. Deal.”             “Pero, pare, dalawang linggo lang, ha? Baka naman mamaya, abutin ng isang taon ang panliligaw mo diyan.”             “Isang taon! Wala akong tiyaga, ‘no. Dalawang linggo lang ang usapan, call! Kapag hindi ko iyan napasagot, talo ako ng isang libo. Pero kapag napasagot ko iyan sa loob ng dalawang linggo, ikaw ang talo. ”             “Call!” nakangising sagot ni Pete.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD