“IVY, mag-order tayo ng lunch sa canteen?” lapit sa kanya ni Rachel bandang alas onse. “Sa labas ako kakain,” wika niya. “Sa labas ka kakain?” nagtatakang ulit ni Rachel. “Bakit?” “For a change,” kaswal na sagot niya. Minutes before Rachel asked her, nakapagdesisyon na siya na paunlakan ang imbitasyon ni Lance. Bagaman parang nakikini-kinita na niyang sa Jollibee or McDonald’s sila kakain, wala siyang reklamo. In fact, nag-iisip na nga siya kung ano ang oorderin niya sa fast food na iyon. “May lunch date ka?” prangkang tanong sa kanya ni Rachel. “Wala, ah,” kaila niya. “Naisip ko lang umuwi sandali. May natira pa akong pagkain doon kagabi. Kapag hindi ko kinain today, mapapanis na iyon. Sayang naman.”

