Nakauwi ng maayos si Roswald sa bahay matapos niyang maihatid ang dalaga. Ayaw sana nitong magpahatid pa dahil out of way nga naman ang Fairview mula sa bahay nila sa San Mateo dagdag sa kaalamang mamasahero lang sila at gabi na din naman. Nag-aalala ang dalaga na baka wala na siyang masakyan pabalik sa San Mateo. Pero nagpumilit siyang maihatid ito sa dahilang baka siya naman ang di patulugin ng kunsensya kapag hindi ito nakauwi ng maayos.
Sa isiping nag-aalala ang babae sa kanya ay tila may mumunting kiliti na nabubuhay sa kanyang puso. Unti-unti na atang napapalapit ang loob nito sa kanya at ganoon din siya dito kahit di naman nito sinasadya ang bagay na yun.
Kanina habang kumakain sila ay parang may malalim itong iniisip. Hindi isang beses lang na parang may gusto itong sabihin pero hindi naitutuloy. Naisip niyang baka may gusto itong pag-usapan na topic pero hindi ito sigurado kung magiging komportable siya kaya hindi na inumpisahan.
Masaya siyang nakasama ang dalaga kahit ilang oras lang kahit nakakabitin dahil gusto pa sana niya itong makasama ng mas matagal. Mas maganda ito ngayon sa paningin niya kumpara noong una at pangalawa nilang pagkikita. Nakalugay ang mahaba nitong buhok, pulbos at konting lipstick lang ang nakapahid sa mukha. Simpleng simple lang pero bagay dito. Kahit ang suot na plain black t-shirt at jeans na tinernuhan ng rubber shoes na pangyapak.
Palaisipan sa kanya kung bakit bigla itong nanahimik habang kinukulit niya ito kanina tungkol sa pabango na panlalaki kung magugustuhan na ba siya nito kapag yun ang ginamit niya. Biro lamang naman iyon pero kung sinabi nitong baka sakaling may pag-asa siyang magustuhan nito ay baka napabili siya ng dalawang bote agad ng Clinique happy for men. Napangiti siya sa naisip. Bakit nga ba hindi niya subukang bumili noon?
Alumpihit si MJ. Iniisip niya kung bakit ba siya nagkakaganoon? Naiinis siya sa kaalaman na may babae naman na idinedate si Roswald pero dahil missing in action ito ay naging proxy tuloy siya. Iniisip pa din niya na ang labas ay panakip-butas siya. At hate na hate nga niya ang idea na yun. "Bakit ba kasi laging rebound ang kinakalabasan ko? Tagasalo lang lagi!" inis na asik niya habang nakahiga sa kama at animo nakikipag-usap sa kisame.
"Ayoko na! Never na ko magpapaunlak sa imbitasyon ni Roswald o ni Kharlyn kahit sabihin pang pure friendship lang naman ang habol ng lalaki sakin! Pakiramdam ko may mali at kapag pakiramdam ko may mali, dapat umatras na ko agad hindi pa man!" pangungumbinsi niya sa sarili. Buo ang loob na hindi na siya makikipag-uganayan sa binata. Tutal wala naman silang koneksyon maliban kay Kharlyn. Magtatahi na lang siya ng mga dahilan maiwasan lang ang lalaki sa susunod. "Hoy, Ma. Janella! Assumera ka talaga! Sa susunod daw ba talaga? Ang lagay eh umaasa ka pa na may susunod pa kayong pagkikita ng lalaking iyon?" Dilat-matang pinagalitan niya ang sarili. Nakatulugan niya ang pag-iisip tungkol sa lalaki.
Ngunit agad namang sinubok ang paninindigan niya dalawang araw matapos silang magkita ni Roswald. Bumalik na sa Fairview Terraces si Kharlyn at doon na muli napaassign. Hindi ito magkamayaw sa pagkumusta sa kanila ni Roswald. Ano na daw ba ang development sa kanila? Tila ito teenager na kinikilig pa sa pag-uusisa. Pano ba naman hindi magiging ganoon ang reaction nito ay pauna na pala itong sinabihan ng binata na nagpapatulong sa babae kung paano ba siya maiimbitahan sa outing ng mga nagtatrabaho sa City hall. Pwede daw magsama ng kapamilya o kaibigan at siya ang naisipang imbitahin ng lalaki. Dangan nga lamang at wala silang koneksyon maliban sa babae. Excited si Kharlyn para sa kanya. Yun ay kahit hindi pa naman siya umoo dahil wala naman din siya balak sumama talaga. Napagdesisyunan niyang wag na ituloy ang friendship na alok ng lalaki dahil nga hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga pangyayari na tila siya nagagamit lang. At sinabi naman din niya agad sa kaibigan na nag-aalangan siyang sumama. Idinahilan na lang niya na hindi siya mapapayagan agad ng superbisor na magleave kahit ilang araw lang. Malungkot na nilubayan siya nito sa kapipilit. Naisip sigurong tama naman din ang dahilan niya. Alam nitong may pagkaistrikta ang kanyang superbisor.
Bandang hapon ng lapitan siya ulit nito. Nagtext daw si Roswald at kinukumusta siya. Tila nanunukso pa ang mga mata nito na tinatawanan lamang niya. Ang buong akala niya ay matatapos na ito sa pambubuska. Nagkamali pala siya dahil bago pa mag-uwian ay nagulat pa siya ng sabihin nitong papunta si Roswald sa mall para dalawin sila. Pero sigurado naman daw ito na siya lang ang pakay ng binata at nadamay na lamang ito.
Hindi nagtagal at dumating nga ito. Wala na siyang nagawa kundi magpatianod sa agos dahil nag-aya na naman ang binata na kumain silang tatlo sa labas. Masyado naman kasing obvious kung tahasan niyang tatanggihan ang paanyaya nito.