Chapter 8
"Bro Roch, dito," agad namang napalingon si Roch nang marinig niya ang boses ni Octavo na tinawag siya.
Si Octavo kasi ang unang dumating sa labas ng bar. Hindi pa pumapasok si Octavo dahil hinihintay pa niya ang iba pagkatapos ay namataan niya si Roch kaya naman agad niya itong tinawag. Nagkayayaan nanaman kasi ang magkakaibigan na mag-bonding at syempre ang bonding nila ay ang magpakalasing. Tila malaki ang kanilang bodega para sa naghihintay sa kanilang masasarap at mamahaling alak. Malapit lang naman sa hotel ni Jason ang nasabing bar na lagi nilang pinupuntahan sa may bandang BGC kaya malakas ang loob nilang may matutulugan sila malapit dito.
"Early bird ah!" biro ni Roch sa kanyang kaibigan sabay nag-fist bump silang dalawa. "Nasaan na nga pala ang iba?"
"Magkakasama na sina Pariston, Jason at Maximo papunta dito. Papunta na rin sina Zach at Giordano," sagot sa kanya ni Octavo.
"Mabuti pa sa loob na lang natin sila hintayin. Mang-chix muna tayo. Let's go," natatawang sabi ni Roch sabay akbay kay Octavo.
Napangiwi naman si Octavo sa sinabi niya. Sinadya talaga ni Roch na sabihin iyon para asarin ang kanyang kaibigan. Alam naman kasi niyang hindi papayag si Octavo doon. Ayaw na ayaw ni Octavo na tuksuin siya sa mga babae lalo na iyong may irereto sa kanya ang mga kaibigan na tila allergy sa isang babae si Octavo.
"Bakit tila pinagsakluban ang mukha ni Octavo?" sakto naman na dumating si Giordano at agad niyang napansin ang nakangiwing mukha ng kaibigan. Sumilay tuloy sa labi ni Giordano ang kakaibang ngiti tila alam na niya ang nangyari ngunit nais pa niyang kumpirmahin. "Sabihin mo nga Roch may ginawa ka nanaman no?"
"Wala ah!" inosenteng sagot ni Roch habang nakaakbay pa rin kay Octavo ngunit hindi nakuntento si Giordano at akmang babatukan si Roch ngunit nagsalitang muli ang binata. "Fine! Ang sabi ko lang naman ay mangbabae kami."
Hindi mapigilan na mapahagalpak sina Octavo at Giordano dahil sa mukha ni Roch na nakanguso na animo'y isang bata. Sa mga harap lang ng mga kaibigan naipapakita ni Roch ang ganitong ugali niya. Ang mga kaibigan niya lang din ang pinagkakatiwalaan niya. Magkakaibigan na sila simula pa first year college nila. Hindi sila mapaghiwalay ng mga panahong iyon kaya madalas silang lokohin na iisa ang mga bituka na kanila lamang tinatawanan, mayroon naman kasi iyong katotohanan.
"Mukhang nagkakasiyahan na kayo ah!" agad namang napadako ang tingin nila sa lalakeng nagsalita sa may likuran nila, iyon ay si Zach. "Ano wala pa ba ang tatlo? Aba'y loko sabi sa akin ay agahan ko tapos sila ang wala pa?!"
"Baka naman..." huminto si Zach sa kanyang sinasabi at tinignan niya ng nakakaloko ang tatlong kaibigan niya na tila nagkakaintindihan na sila kahit sa tingin pa lang.
"SUMISISID SILA!" sabay-sabay na sigaw nina Zach, Giordano, Roch at Octavo sabay humagalpak pa sila ng tawa. Si Roch pa nga ay humawak na sa kanyang tiyan habang nakaakbay pa rin kay Octavo. Wala rin namang mayaw sa kakatawa si Octavo at sa gilid naman niya ay si Giordano na napapailing-iling pa habang hindi rin mapigilan ang pagtawa. Si Zach naman ay halos maiyak na dahil mayroon ng lumabas na luha mula sa kanyang gilid ng mata dahil sa walang katapusang tawa.
Hindi nila alintana ang mga matang nakatingin sa kanila kanina pa. Wala silang pakialam sa mga ito dahil para silang mayroong sariling mundo na sila lang ang nagkakaintindihan. Sanay na sila sa mga biruang ito dahil isa ito sa kanilang bonding. Isa pa sanay naman sila sa ganito dahil kahit wala silang gawin ay awtomatikong napapatingin sa kanila ang iba kahit saan sila pumunta.
"Sino ang sumisisid ha?" tanong sa kanila ni Jason na kakarating lang kasama sina Pariston at Maximo.
"Kaming kami ang pinag-uusapan niyo," sabi naman ni Pariston.
"Akala kasi namin ay nalunod na kayo sa kakasisid niyo," nakangising sabi ni Roch sa tatlo.
"Mamaya pa tayo sisid diba?" nakangisi ring sabi ni Maximo sabay kindat sa kanilang lahat kaya muli nanaman silang tumawa dahil iisa lang ang nasa isipan nila ngayon. Babahain nanaman sila ng alak at syempre ng babae.
"Mukha talaga kayong maninisid," natatawang sabi ni Octavo habang papasok sila ng loob ng bar.
"Mga bro, mukhang masaya doon sa baba," sabi ni Roch habang may hawak na basong may laman na alak at nakatingin sa first floor ng bar.
Nasa VIP lounge sila sa mga oras na ito at nasa iisang babae ang mga mata ni Roch na tanaw niyang nasa bar counter. Madalas lang kasi silang nasa VIP lounge sa nasabing bar upang walang manggulo sa kanila kung sakali. Ngunit paminsan minsan ay nakikihalubilo sila sa ibaba lalo na kung marami silang nakikitang magagandang babae. Kahit mga CEO na sila ng kanilang kumpanya ay pare-parehas pa naman silang normal na mga tao.
Bahagya pang natatakpan ng buhok ang mukha ng babae at medyo may kadiliman sa loob ng bar dahil sa paiba-ibang ilaw nito ay nasisigurado ni Roch na ito rin yung babae kanina sa may parking lot na nagwawala sa loob ng kanyang sasakyan. Hindi siya pwedeng magkamali dahil simula kanina pa ay hindi niya makalimutan ito.
"Ano guys gusto niyo bang bumaba?" tanong ni Roch ulit sa mga kaibigan niya. "Ako na magbabayad ng lahat."
Dahil sa kanyang sinabi ay napahiyaw ang mga kaibigan at pumayag na bumaba silang lahat upang doon na lang ipagpatuloy ang kanilang pag-iinuman. Pinili rin ni Roch ang pwesto na malapit sa counter kung saan nakaupo ang babae.
"Mukhang may nakitang target ang matang agila ni Roch ah," biro ni Giordano sa kanya kaya naman napangisi siya habang nainom sa hawak niyang baso at nakatingin sa babaeng nagpapakalunod sa alak.
"C'mon bro, let's enjoy this night," sabi ni Zach sa kanila at inaya niya ang mga ito na pumunta ng dance floor pero umiling lang si Octavo dahil hindi niya talaga hilig ang mga ganung bagay. "Enjoy na lang kayo."
"Pass muna din ako," sagot naman ni Giordano pagkatapos niyang lumagok sa baso na may lamang alak bago may sumilay na isang pilyong ngiti sa labi ni Giordano na agad naman nilang na-gets. "Sasamahan ko na lang si Octavo dito. Saka kailangan ko ireserve ang lakas ko dahil mukhang mapapalaban ako mamaya."
Hindi na napilit ni Zach si Giordano dahil alam naman niyang didiretso sa condo ni Chanel ang kanyang kaibigan. Si Chanel ay ang fiancee ni Giordano at simula ng maging sila ay hindi na tumingin pa sa iba si Giordano.
"Tara Jason sumama ka na sa amin. Mahaba pa ang gabi para magmukmok lang jan sa kinauupuan mo," sabi naman ni Pariston kay Jason na wala ding planong tumayo sa kanyang kinauupuan.
"Pass muna din ako," walang ganang sagot ni Jason kay Pariston pagkatapos ay tumayo sina Roch at Maximo saka nila sapilitang hinila si Jason kaya naman humagalpak nanaman sila ng tawa.
"Tara na. Hindi na nga sasama ang dalawa pati ba naman ikaw," nakasimangot na sabi ni Zach sa kaibigan ngunit maya-maya ay natawa rin dahil nakita niya kung paano hilahin nina Roch at Maximo si Jason.
"C'mon Jason, sa dance floor lang tayo," natatawang sabi ni Roch at pinipilit pa ding mapatayo ang tinatamad na si Jason.
"Hindi ka rin naman namin titigilan eh," pang-aasar pa ni Maximo tapos ay tinignan nito si Pariston na kikilitiin pala si Jason kaya naman nagpupumiglas at natatawa na rin si Jason.
"Stop! Fine! Tatayo na. Ang unfair!" sigaw ni Jason para tigilan na siyang kilitiin ni Pariston.
---