Patricia
Napatayo ako't mabilis na hinugot ang pagkakasaksak ng desktop ko nang biglang bumukas ang pintuan. Mabilis na tumingin ako sa pintuan saka ko itinaas ang dalawang kamay ko. "Hindi ako naglalaro!"
Humalukipkip si Mama at sumama ang tingin sa akin kaya napalunok ako. Unti-unti siyang lumapit sa akin saka niya iniangat ang kamay niya papunta sa gilid ng ulo ko. Nang maalala ko na nakasuot pa ako ng headset, kaagad ko itong tinanggal at inilapag sa desktop.
"Hindi naglalaro?"
Napatingin ako sa pintuan nang makarinig ako ng mahinang pagtawa. Nakita ko sina Kuya Kendrick at Kuya Billy na nakasilip habang pinipigilan ang pagtawa. Napapikit na lang ako't napabuntong-hininga dahil sa pagkakahuli sa akin.
"S-Sorry, Ma. May event kasi kaya kailangan ko mag-online—"
"Sumunod ka." Tinalikuran niya ako kaya dali-daling umalis sina Kuya sa pintuan. Sumunod na lang ako sa kaniya hanggang sa makababa kami. Dumiretso siya sa gilid ng pintuan at itinuro ang pader rito. "Alam mo na gagawin."
"Pero, Ma, magsisimba pa tayo."
"Alam mo nang magsisimba, naglaro ka pa! Nakabihis ka na't lahat-lahat, nakuha mo pang umupo sa harap ng computer mo! Kaya pala ang aga mo naligo, ha?! Talikod!"
I grunted saka ako unti-unting tumalikod sa kaniya't humarap sa pader habang ang dalawang kamay ko ay itinaas ko. "Ma, nangangalay kaagad ako."
"Kakakumpyuter mo iyan!" Narinig ko ang yabag ng paa niya paalis sa likuran ko at ang ginawa niyang pagsusumbong kay Papa kaya napasimangot na lang ako.
"Matuto kasing mag-lock ng pinto." matawa-tawang sinabi ni Kuya Billy nang dumaan siya sa likuran ko.
"Makulit ka, ha?" Dumaan rin si Kuya Kendrick sa likuran ko saka lumabas ng bahay.
Ang sarap tusukin ng karayom.
Halos 15 minutes lang rin yata akong tumayo bago nila ako bitbitin papunta sa simbahan. Lahat na ng dasal, ginawa ko dahil naalala ko bigla ang usapan namin ni Lie Jun. Napapaisip nga ako kung may isasama pa ba ang araw na ito. Nahuli na ako ni Mama, magkikita pa kami ng lalakeng iyon.
Pagkatapos na pagkatapos ng misa, nagpunta na ako sa dorm na tinitirahan ni Lie Jun. Na-late pa nga ako ng 30 minutes dahil hindi kaagad ako pinaalis nina Mama. Napapikit ako't napakagat sa ibabang labi ko nang makita ko si Lie Jun na nakaupo sa isa sa mga bench na nakapuwesto sa harap ng dorm. Panay ang tingin niya sa wristwatch niya kaya alam kong bagot na bagot na siya.
Nagtago pa nga ako sa nakita kong shrub ng mga halaman dahil natatakot ako lumapit. Baka bulyawan ako, o worst, mabugbog. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko at kahit may takot pa rin sa dibdib ko ay tumayo na ako mula sa pagkakatago saka siya nilapitan.
As expected, salubong ang kilay niya nang makita niya ako sa harap niya. Naihawak ko ang dalawang kamay ko sa strap ng shoulder bag ko para kung sakaling saktan niya ako ay maihahampas ko ito sa kaniya.
"S-Sorry."
"Ang rami mo nang atraso sa akin." Napaatras ako nang tumayo siya. Bumuntong-hininga siya matapos umiling saka nagsimulang maglakad.
"Saan natin ipapagawa iyong cell phone?"
Iniayos niya ang pagkakasabit ng bag sa balikat niya saka ipinasok ang isang kamay sa bulsa ng suot niyang pantalon. Para siyang nasa drama kung titignan. Paano ba naman, tumatama sa kaniya ang sinag ng araw tapos iyong mga puno pa sa gilid ng walkway, nagsilbing background. Ang ganda rin ng walkway kasi bricks talaga. Dumagdag pa iyong simpleng porma niya na t-shirt na pinatungan ng black polo tapos pantalon at rubber shoes.
Hindi rin malaki ang katawan niya kaya kahit noong High School pa lang kami, napapaisip ako kung paano niya nagagawang makipagbugbugan. Hindi rin naman ito maliit. Parang tama lang. Walang muscles, hindi payat. Sabagay. Normal naman sa mga binata ang ganiyang pangangatawan. Siguro nakakatulong ang tangkad niya sa pakikipagbugbugan niya. Ewan ko.
Nag-hintay kami sa isang bus stop. Hindi ko alam kung saan kami pupunta dahil sinusundan ko lang siya. Mukhang alam niya naman kung saan kaya bahala siya sa destination namin. Wala pang tao sa ilalim ng waiting shed kaya naupo muna ako habang naghihintay sa pagdating ng bus. Nakatingin lang ako sa likod niya habang nakatayo siya't nakahalukipkip.
Para akong mapapanisan ng laway sa kasama ko dahil umabot na lang ng 10 minutes, hindi pa rin kami nag-uusap. Napa-Thank you, Lord pa nga ako nang dumating na ang hinihintay namin. Hindi muna siya pumasok sa bus at dahil nga hinihintay ko siyang mauna, hindi rin ako pumasok.
"Sasakay ba kayo?" tanong ng kundoktor.
Tinignan niya ako't sinenyasan na pumasok na kaya nauna ako. Naupo ako sa bandang gitna, sa pang-tatluhan at dahil okupado na ang lahat ng upuan, tumabi siya sa akin. Umusog ako't tahimik na tumingin na lang sa bintana dahil alam ko naman na hindi kami mag-uusap ng lalakeng ito. Baka nga kapag kinausap ko siya, hindi siya sumagot.
Inilabas ko ang earphone ko mula sa bag pati na ang cell phone saka ako nagpatugtog. Mabibingi kasi ako sa katahimikan ng katabi ko kaya mas mabuti nang magpatugtog na lang ako.
Habang nag-ha-hum ako para sabayan ang kanta, napatingin ako sa katabi ko dahil sa pagkuha nito sa earphone ko. Isinaksak niya ito sa tenga niya at nanatiling nakatingin ng diretso. “I’m bored.”
Okay… and?
“Baka hindi mo magustuhan iyong mga pinatutugtog ko.”
“What’s this song?” Tinaasan niya ako ng kilay matapos ako tignan.
“Fancy ng Twice.”
“Okay.”
Hindi na siya nagsalita pero napangiti ako ng bahagya nang makita kong nag-ba-bob ng kaonti ang ulo niya. Mukhang nagustuhan niya. Siguro masaya kung magiging Once siya. Kaya lang, wala sa itsura niya na mahilig siya KPop.
Nakarating kami sa isang mall at sakto na kabubukas pa lang nito. Pumila muna kami hanggang sa makapasok. Matapos i-check ang mga bag namin ay bumuntot ulit ako sa kaniya. Bumaba kami sa ground floor at pumasok sa isang store na gumagawa ng mga gadget. Naupo siya sa harap ng lamesa ng gumagawa saka inilabas ang cell phone sa bag niya at ipinatong rito.
"Nabasag lang iyong screen. There are no other defects. Papalitan lang ng screen."
Tinanong ng manong na gagawa sa lalake na nasa gilid niya kung may stock pa ba sila ng screen na kakailanganin at mabilis na kinuha naman ito ng lalake.
"Medyo matatagalan ito ayusin, sir."
Nagsalubong ang kilay ni Lie Jun sa narinig. "Bakit matatagalan? Papalitan niyo lang naman iyong screen?"
"May tatlong nauna po kasi." Itinuro nito ang magkakapatong na cell phone sa gilid ng lamesa.
"Kakabukas niyo lang, may customer kaagad—"
"Lie Jun..." Tinignan ako nito saka ako tinaasan ng kilay. Bumuga ako ng hangin saka ko tinignan iyong manggagawa. "Ano pong estimated time na matatapos kayo?"
"1 hour lang siguro, Ma'am."
Ibinalik ko ang tingin kay Lie Jun only to see na nakatingin pa rin ito sa akin. "May lalakarin ka ba? Okay lang naman sa akin maghintay hanggang maayos iyong cell phone."
Ibinaling niya ang tingin sa manggagawa saka tumayo. "Babalik kami in an hour."
"Sige po. Bale, iwan niyo na lang po number niyo para ma-contact kayo kapag ayos na."
"Wala akong cell phone." sarkastikong sagot niya kaya napakamot sa batok si manong.
Tumingin sa akin si manong saka ako nginitian. "Sa iyo na lang, Ma'am."
Tumango ako ng isang beses at tinanggap ang ibinigay niyang ballpen at papel pero bago ko pa man ito masulatan, kinuha ito sa akin ni Lie Jun. "Bakit?"
Hindi ako nito sinagot at ibinalik lang ang ballpen kay manong. "Hindi na kailangan. Babalik na lang kami kaagad." Tumingin siya sa akin saka ako tinalikuran. "Let's go."
Humingi na lang ako ng pasensiya sa manggagawa saka ako sumunod kay Lie Jun. "Lie Jun, sandali." pagkuha ko sa atensyon niya dahil nauuna na siya.
Huminto naman siya't humarap sa akin habang nakatago ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa. "Ang careless mo talaga."
"Ba... Bakit? Paanong careless? Wala naman akong ginagawa?"
"I told you, didn't I? Always analyze the face of the person you're talking to, especially their eyes." Tinalikuran niya ako't naglakad na ulit kaya sumunod ako. "Ilibre mo ako. I'm broke."
Nauwi kami sa Jollibee dahil duon ang gusto niya. 2-piece chicken with rice ang in-order niya at ako, iyong 1-piece lang. Medyo nag-da-diet kasi ako. Gusto ko kasi i-improve ang sarili ko, physically speaking, habang nasa college ako.
Pumwesto kami sa pang-dalawahan at tahimik na kumain. At dahil gusto ko talaga maialis ang awkwardness na bumabalot sa amin, napagdesisyunan ko nang magsalita.
"Lie Jun."
"Hmm?" tugon niya habang tinatapos ang pagtatabi ng balat ng manok sa gilid ng plato niya. Mukhang mahilig siya rito.
"Gusto ko lang humingi ulit ng sorry." Napatigil siya sa ginagawa at iniangat ang tingin para salubungin ang mga mata ko. "Alam kong nakaabala ako dahil sa pangungulit ko. Probably, may mga gusto kumontak sa iyo pero hindi nila magawa dahil sa nangyari sa cell phone mo kaya sorry talaga."
"If you're really sorry then don't forget to feed me lunch everyday."
A smile formed in lips dahil sa sinabi niya. Tumungo ako para itago ito. Hindi ko lang mapigilan kasi nakakatawa iyong request niya. Iyon naman na ang gagawin ko buong sem so bakit kailangan niya pa sabihin iyon?
"Paano kung wala tayong pasok? Like iyong schedule ko, baka hindi bumangga sa schedule mo. Paano kita mabibigyan?"
"What's your sched?"
"Sun-Mon, wala akong pasok."
"That's good then. Same schedule tayo." Napaangat ako ng tingin dahil sa sinabi niya. Nagsalubong rin ang kilay ko dahil sa coincidence na ito. "What's with the look? Bakit? Ayaw mo?"
Tumikhim ako saka umiling at umayos ng upo. "Hindi naman."
"Let's look around after eating. 1 hour ang ibinigay na duration sa atin."
Pagkatapos kumain ay naglakad-lakad kami. Tahimik lang ako sa tabi niya habang natingin sa mga store na nadaraanan namin. Dahil wala naman kaming pera parehas, hanggang window shopping lang kami. Isa pa, wala talaga kaming plano bumili ng kung ano-ano dahil narito lang naman kami para magpagawa ng cell phone.
Habang kasama ko siya, pakiramdam ko, sobrang chill niyang tipo ng tao. Huwag lang siya magsalita dahil medyo rude talaga siya. Heto nga't naglalakad kami, wala siyang ginagawa kung hindi tignan lang ang mga gamit na ibinebenta sa mga store. Pumasok pa nga kami sa department store at pumunta sa section na nagtitinda ng male's apparel tapos ang ginawa niya lang, kumukuha siya ng damit tapos itatapat sa dibdib niya at kapag na-satisfy na siya, ibabalik niya na ulit sa pagkakasabit.
Nang magsawa siya sa department store, umakyat kami sa isang store na nagbebenta ng kung ano-anong mobile game merchandise. Nang makita ko nga iyong poster ng AOV, napatingin kaagad ako sa kaniya at tulad ko, bakas rin sa mukha niya ang pagkamangha sa nakita.
I guess may similarity kami dahil parehas kaming mahilig sa AOV.
"Ata." Nakangiting nilapitan ko ang picture ng favorite hero ko saka ko ito ipinakita sa kaniya. "Favorite ko."
"You like furry? Weird fetish." Tinignan niya ako ng may pangdidiri saka ibinaling ang tingin kay Violet.
"Hindi fetish iyon. Gwapo kaya ni Ata."
Kinuha niya iyong box ng figma ni Violet saka ito ipinakita sa akin. "My main."
"Favorite iyan ng developer. Hindi na nga ako magtataka kung palitan nila ng Violet ang Valor sa AOV. Ang dami niya nang skin kaya parang Arena of Violet na."
Napangisi siya sa sinabi ko saka ibinalik ang box. Umalis siya't iniwan ako sa AOV section habang ako, ipinagpatuloy ang patingin sa mga poster at figmas. Gusto ko sanang bumili pero wala akong pera. At isa pa, papatayin ako nina Mama kapag gumastos ako sa ganito. Iyon nga lang 200 pesos na pinangbili ko ng skin sa AOV, halos patayin na nila ako, ito pa kayang mga mahal na merch?
"Patricia," Napatingin ako sa likod at nilapitan siya. "Tara na."
Sumunod ako sa kaniya pabalik sa pagawaan ng cell phone. Umabot ako ng 1.5k dahil iPhone ang cell phone niya. Kinalikot niya muna ito para siguraduhin na walang problema at nang matapos siya ay niyayana niya na ako umalis.
Sumakay ulit kami ng bus papunta sa entrance ng univ at nang makababa, inialis niya ang pagkakapasak ng earphone sa tenga niya at ipinasok ito sa bag niya.
"Mauuna na ako." pagpapaalam ko rito saka ko siya tinanguan ng isang beses tapos tinalikuran ko na siya at naglakad.
"Patricia,"
Napatigil ako't humarap sa kaniya. "Bakit?"
Tumikhim siya saka nilaro ang cell phone sa isang kamay. "May event bukas iyong AOV. No star drop. May... ka-duo ka na?"
"Bukas na ba iyon? Akala ko next Monday pa?"
Umiling siya saka iniayos ang pagkakasabit ng strap ng bag sa balikat dahil dumudulas ito. "Bukas na iyon. You can check the group. Kasali ka naman siguro duon."
"Oo. Kasali ako."
"So... duo tayo bukas? Master 4 na ako. Magpapa-Conqueror ako bukas."
"S-Sige. Anong oras tayo maglalaro?"
"Early morning para masulit iyong event?"
Tumango ako saka ko siya binigyan ng maliit na ngiti. "Sige. Mga 7AM, magbubukas na ako."
Medyo natigilan ako dahil ngumiti rin siya kaya halos mag-isang guhit na lang ang singkit na mga mata niya. "See you in-game." Ibinulsa niya ang cell phone niya pati na ang magkabilang kamay niya saka ako tinalikuran at naglakad palayo.
Habang ako, heto, hindi mai-process iyong nakita ko. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ako o ano pero unang beses ko kasi na makita siyang ngumiti. Hindi ngisi kung hindi ngiti talaga. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti rin nang matauhan ako.
He smiled at me.