IKA-DALAWAMPU’T PITONG KABANATA

4511 Words
            IBINUHOS ko lahat ng luha na kanina pang nagbabadya. Sinigurado ko talagang maiilalabas ko na lahat ng sama ng loob na meron ako bago ako naglakas ng loob na maglakad pabalik sa hapagkainan na iyon. Hindi ko mawari kung bakit parang isang tudlo ng demonyo ang lola ni Uno. Hindi ko alam na ang mga biyenan na matataray sa teleserye na naririnig ko lamang sa mga drama sa radyo ay totoo pala talaga, meron pala talaga.             Habang palapit ako sa hapag ay napansin kong wala na roon si Uno at si Don Enrico kaya agad silang hinanap ng aking mga mata. Nakita ko naman silang dalawa na nag-uusap sa isang silid na malapit lamang sa mahabang mesa. Agad na kumunot ang aking noo nang mapansin kong hindi hindi maiguhit ang mukha ni Don Enrico. Mukhang hindi sila nagkakaintindihan na dalawa ni Uno.             Lalapit na sana ako sa kanila ng agad akong hilahin ni Dos sa ibang direksiyon. Agad kaming nakalabas sa silid na iyon kaya nagtaka ako. “Anong ginagawa mo, Dos?”             “Ah, kinakapatid, bilin kasi ni pinsan ay mauna ka na lang daw muna na umuwi. Mukhang mag-uusap pa kasi sila ni Lolo Enrico ng matagal-tagal baka nga ay dito na rin siya magpalipas ng gabi,” anito kaya mas lalo akong kinutuban.             “Ha? Hindi pwede, Dos! Hihintayin ko na lamang si Uno at sabay na lamang kaming uuwi. Hindi naman ako nagmamadali kaya ayos lamang kahit matagalan pa sila sa pag-uusap nila,” pagpipilit ko na lamang.             Napakamot si Dos ng batok n’ya. “Kinakapatid, guwapo lang ako pero hindi talaga puwede, kailangan mo na talagang maunang umuwi kay Uno,” pilit n’ya rin.             “Pero---”             Hindi na n’ya ako pinatapos dahil agad n’yang tinawag ang kan’yang ama na kakalabas lamang mula sa loob. “Ama! Tamang-tama, ikaw na lang ba ang maghahatid kay Ina pauwi?” pagtatawag ni Dos sa ama n’ya.             Ngumiti ito at tumango.             Doon ko lang din napagtanto na siya ang lalaki noon sa paligsahan ng pagpana na nakatingin sa kin ng masama.             “Isipin mo na lang muna na ako ang aking pamangkin. Tumanda lang kaya hindi na kasing guwapo at kisig n’ya,” pagbibiro nito sa kin at hinayaan akong maunang maglakad.             “Wala naman pong problema ‘yon,” sagot ko naman at nagpatuloy na sa paglalakad paalis. Nag-aalala rin naman ako kay Uno lalo’t parang hindi sila nagkakaintindihan ng lolo n’ya n’ong makita ko sila kanina.             “Ayos lang po ba talaga na iwanan natin sina Uno at Don Enrico roon? Parang base po kasi sa nakikita ko sa kanila kanina ay hindi po maayos ang pag-uusap na meron sila,” tanong ko na sa ama ni Dos.             Natawa ito habang ang mga kamay ay nasa kan’ya ng likod at nakatingin sa dinadaanan namin. “Huwag kang mag-alala! Higit na mahal ni ama si Uno kaysa sa akin na sarili n’yang anak. Pagagalitan o pagsasabihan pero hindi n’ya kayang saktan ‘yang apo n’ya,” anito. Mukhang iba ang dating sa kin ng kan’yang sinabi ngunit nanatili namang kalmado ang kan’yang mukha.             “Sanay na ako d’yan, mula naman kasi pagkabata ay hindi naman na ako binibigyan ng pansin ni ama at inang,” dugtong na naman n’ya. Ngumiti lang ako sa kan’ya habang bumaba na kami pareho ng hagdan. Nanatili akong walang imik dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kan’ya o hindi kaya ay kung saan ko ilalagay ang pag-aalala ko kay Uno at ang pag-iisip sa resulta ng magiging pag-uusap nila ng kan’yang lolo.             “Siya nga pala, ipagpaumanhin mo na kung masama ang naging titig ko sa ‘yo n’ong araw ng paligsahan ni Uno. Wala kasi ako n’ong suot na salamin kaya hindi ko masyadong maaninagan ang iyong mukha. Dapat kasi ay pupunta lamang ako roon upang tignan ang magiging laro ng aking pamangkin ngunit agad n’yang pinagmalaki sa kin na nandoon ka nga raw nakahalo sa mga manonood kaya nakipagsiksikan din ako upang sundan kung saan patungo ang kan’yang mga titig,” pagpapaliwang nito. Tama nga kaya pala mukhang nagdadalawang isip pa ako kanina kung kilala ko siya o hindi dahil n’ong nakita ko siyang nakahalo noon sa mga manonood ay wala nga siyang suot na salamin habang ngayon ay meron na.             “Sa totoo lang po kinabahan po ako n’ong nagtama ang ating mga tingin. Akala ko po ay may masama kayong balak sa kin o sa king mga kasama. Hindi nga po kita agad na namukhaan kanina dahil may suot ka nga pong salamin ngayon pero n’ong nagkatinginan tayo n’ong araw na iyon ay wala,” pag-aamin ko naman.             “Pasensiya na po kayo kung napag-isipan ko po kayo ng masama ng mga oras na iyon,” dugtong ko. Inunahan ko na kaysa naman ano pang isipin n’ya sa kin, siya na nga lang itong kumakausap sa kin ng maayos sa pamilya nila maliban sa anak n’ya at kay Dos tapos iisipan ko pa ng masama.             “Sus! Ayos lamang iyon, hija. Kaya nga agad kong sinabi ang aking rason kung bakit masama ang naging titig ko sa ‘yo dahil alam ko naman agad na maari mong isipin na ako ay may tinatakang masama sa ‘yo. Ayaw ko naman na magkaroon tayo ng hindi kaaya-ayang relasyon lalo pa at hindi rin naman magtatagal ay magiging ganap na tayong pamilya,” tugon n’ya. Muli na naman n’yang sinabi ang magiging pamilya kami, mabuti pa siya suportado kaming dalawa.             “Matagal pa naman po iyon, Panginoong Estanislao! Atsaka po ay mukhang hindi naman mangyayari lalo na at halata naman po sa inasal sa kin ng iyong Inang Clarita na ayaw n’ya ako para sa kan’yang apo,” paglilinaw ko naman. Tulad nga ng sinabi ni Donya Clarita kanina ay mas mabuti na sinabi agad nila iyon sa kin upang hindi na ako umasa.             “Panginoong Estanislao?” tanong n’ya sa kin kaya agad akong naalarma.             “Po? Ano po bang dapat kung itawag sa inyo? Pasensiya na po, Don Estanislao! Alam ko pong nagawa ko na ito kanina kay Donya Clarita ngunit paumanhin po talaga sa king kabastusan! Sana po ay mapatawad at mapalagpas pa ninyo ang aking pagkakamali, Don Estanislao!” pagmamadali ko nang ipaliwag ang aking sarili.             “Don Estanislao? Mas pinalala mo pa nga, eh! Tiyo Estanislao na ang itawag mo sa kin mula ngayon. Huwag kang maniwala d’yan kay Inang Clarita, sila lang naman itong nais na tawaging Don at Donya, hindi naman ako ganoon,” saad n’ya. Sa totoo lang ay nabunutan ako ng tinik sa mga katagang kan’yang isinatinig.             “Sigurado po ba kayo? Nasinghalan na po ako ng inyong inang patungkol sa naging kilos ko kay Uno kanina kaya ayaw ko na po sanang maulit pa. Ayaw ko pong mas lalo n’ya akong kamuhian hindi lang bilang babae na ayaw n’yang mapangasawa ng kan’yang apo kundi pati na rin po bilang kapuwa babae n’ya,” pag-uusisa ko naman. Mahirap na! Pinakahuli ko nang gugustuhin na muli n’ya pa akong sigawan at pagalitan ng  ganoon. Hindi nga ako napagsabihan ng ganoon ng aking Inay Pilar sa bahay dito pa lang talaga.             “Oo naman! Huwag kang mangamba, hija. Ako ang bahala kapag pinagalitan ka n’ya dahil tiyo ang nais kong itawag mo sa kin. Kahit kunti naman ay nakikinig naman sa boses ko si Inang Clarita. Ako na lang ang humihingi ng paumanhin para sa kan’ya. Alam kong hindi talaga kaaya-ayang pakinggan ang mga pinagsasabi n’ya sa ‘yo kanina. Kaya hayaan mong ako na lamang ang humingi ng pansensiya,” anito. Ngumiti na lamang ako sa kan’ya at hindi na sumagot pa dahil pumarada na sa ming harapan ang isang panibagong kalesa.             “Sumakay kana, hija, ihahatid ka muna naman pabalik sa ‘yong silid pahingahan at nang sa ganoon ay makapagpahinga kana.”             “Salamat po talaga, Tiyo Estanislao.”             “Gan’yan nga! Mas kaaya-aya kung papakinggan,” sagot pa nito sa kin bago n’ya ako inalalayan na makasampa sa kalesa at makaupo ng maayos. Agad naman siyang sumunod at tumabi sa kin.             “Halikana,” hudyat nito sa kutsero.               Hindi naman na umimik ang kutsero ng sinasakyan naming kalesa at nagsimula na lamang na patakbuhin ang kabayo.             “Ayos lamang ba sa ‘yo, hija, kung may mga itatanong ako upang mas magkalapit ang ating loob?” seryoso nitong saad kaya agad akong humarap sa kan’ya at tumango.             “Oo naman po! Wala pong problema, ano po ba ang gusto n’yong malaman?”             “Sabi ni Uno kanina ay malaki ang naitulong mo sa kan’ya upang magpatuloy sa buhay. Magkakilala na ba kayo noon? Paano?”             “Hindi rin namin talaga alam na nagkakilala na kami noon pa, tiyo. Sa katunayan ang alam ko lang noong una ay nakagawa ako ng kawang gawa sa inyong pamangkin,” tugon ko naman sa kan’ya.             “Maari mo bang mas idetalye pa sa kin? Ito naman kasing si Uno kapag nagkuwento sa kin ay laging putol-putol ang dami pang padulas ng dila kaysa sa mismo n’yang kuwento,” anito na natatawa pa.             Natawa na lang din ako ng mahina. “Ganoon po ba? Kahit nga po sa kin hindi nauubusan ng pagpapadulas ng dila sa araw-araw, ito naman po kasing anak ninyo na si Dos ay talagang napakagaling na maestro!”             Napatawa ito ng malakas habag tinitignan kung nasaan na kami. “Iyan naman ang pinagpapasalamat ko dahil kung gaano kami kalapit ng aking Kuya Napthali noon ay ganoon din kalapit ang aking anak at ang anak ni kuya. Masaya akong nakikitang malapit sila sa isa’t isa,” aniya naman.             “Matagal na po itong nangyari, tiyo. Siguro ay may sampung taon na ang nakakalipas. Nagtratrabago po kasi ako bilang isang taga-hugas sa isang kainan sa roon sa min sa Intramuros at naging abala po ako n’ong araw na iyon kaya nang matapos ko na ang lahat ng nakatambak na hugasin ay doon ko pa lamang po naisip na kumain. Natuon naman na maari na akong umuwi. Habang kumakain na po ako n’ong isang mangkok na may lamang pagkain ay napansin ko po ang isang lalaki na nakatayo sa hindi naman kalayuan, hindi ko naman inasahan na si Uno iyon. Mukhang batang yagit po kasi siya n’ong araw na iyon kaya binili ko na lang po ng isa pang mangkok ng pagkain ang kunting barya na nasa aking bulsa bago ko siya inanyayahan. Una po,” natigil ako sa pagkukuwento at napatawa na lamang dahil muli kong naalala ang araw na iyon.             “Pasensiya na po! Hindi ko po talaga mapagilan na hindi matawa. Hindi ko po kasi napansin na may angking kapogian po pala ang inyong pamangkin napansin ko na lamang po iyon n’ong kay bilis n’yang naubos ang pagkain at pinagtitinginan na po siya ng mga taong naroroon din,” nakangiti kong pagpapatuloy. Kahit siya ay nag-umpisa na ring tumawa.             “Bakit naman ayon sa iyong kuwento ay gutom na gutom ang aking pamangkin, siya lamang ba mag-isa noon?” anito.             “Opo, tiyo. Siya lamang po mag-isa noon. Kinabahan pa nga po ako kasi baka magpabili pa siya sa kin na isa pang bagong mangkok dahil wala na rin po akong natitirang pera kaya nga po ako nagtratrabaho upang magkapera,” ani ko naman.             Muli na naman siyang napatawa ng malakas. “Kay ganda naman pala ng una ninyong pagkikita. Maiba ako, iyon nga ba talaga ang una ninyong pagkikita? Kasi sa mga panahon na ‘yan maayos na ang aking pamangkin, eh,” pagtatanong n’yang muli.             “Ah! Iyon po talaga ang una naming pagkikita, tiyo. Aksidente lamang po kaming nagkasulatan noong mga bata pa kami. Iyon po ang tinutukoy ni Uno na tinulungan ko siyang maayos ang kan’yang buhay hanggang sa ngayon,” muli kong pagkukuwento.             “Nagkasulatan? Paano? May mensahero na ba noon na nagdadala ng sulat  paloob at palabas ng unibersidad?” takha n’yang tanong. Makikita mo talaga sa kan’yang ekspresiyon ang pagtataka at pag-iisip ng malalim na baka may hindi siya alam na kalakalan na nangyayari sa kanilang unibersidad.             “Wala po! Hindi ko rin po alam ngunit aksidente lamang po ang nangyari. N’ong una, ang ginawa n’ya pong eroplanong papel na may laman na sulat sa loob ay napadpad sa isang ilog kung saan din ako paminsan-minsan namamalagi,” pagpapaintindi ko naman.             “Nagpapalitan kayo ng sulat sa pamamaraan na iyon? Napakaimpossible naman yata na dalhin ng hangin ang sulat ninyo sa iisang direksiyon lamang palagi,” anito. May punto naman ang sinabi n’ya dahil kahit nga ako ay nagtataka kung paano iyon nangyari.             “Maliban na lang kung may isang bampirang minanipula ang elemento ng hangin,” aniya at mukhang malalim na ang iniisip.             “O baka naman po nagkataon lamang! Mukhang magkarugtong po kasi ang ilog na laging pinupuntahan ni  Uno at ang ilog na lagi ko ring binibisita,” sagot ko naman.             “Maari nga. Naku! Ako ay nalulungkot dahil hanggang dito na lamang ang ating magiging pag-uusap lalo at nandito na tayo sa harapan ng iyong silid pahingahan,” anito. Hindi nga siya nagkamali dahil huminto na ang kalesang aming sinasakyan sa harapan ng aming silid pahingahan.             Naunang bumaba sa kin si Tiyo Estanislao kaya n’ong ako naman ang bumaba ay inabot n’ya pa ang aking kamay upang alalayan ako na makababa. “Maraming salamat po,” agad kong saad nang makaharap na kaming dalawa.             “Walang anuman, huwag kang mahiya na ako ay pansinin kapag tayo ay nagkasalubong sa daan, hija. Lalo na huwag kang mahiya na humingi sa kin ng tulong o pumunta sa kin kapag may problema o kailangan ka, ha?” anito at hinaplos-haplos pa ang aking likod.             Napangiti naman ako lalo sa kan’yang sinabi. “Opo! Pakakatandaan ko po ang sinabi n’yong ‘yan, tiyo. Sa muli po ay maraming salamat,” sagot ko naman.             “Walang anuman. Maari bang magtanong muli? Huli na ito at hindi naman ito mahaba kaya hindi naman tayo aabutin ng madaling araw,” anito.             “Sige po, ano po ba iyon?” tugon ko naman.             “Gaano mo kamahal ang aking pamangkin?” Madaliang napahinto ang pagtibok ng aking puso sa kan’yang naging tanong ngunit mabilis naman akong nakabawi.             “Katulad n’ya ay kaya ko pong iwanan ang lahat at sumama sa kan’ya kahit wala pang kasiguraduhan ang aming patutunguhan. Handa po akong ibuwis ang aking buhay alang-alang sa kan’ya,” matapang kung sagot. Muling ngumiti si Tiyo Estanislao ngunit may kung anong emosiyon na sa naging ngiti n’ya. Hindi ko mawari kung ano o sadyang namamalikmata na ako dahil sa gutom.             “Mabuti naman kung ganoon, humanda ka dahil simula pa lamang ito. Mauuna na ako, hija, asahan mong nasa likod lamang ako ninyo ni Uno. Kung kanino mas masaya ang aking pamangkin ay doon ako,” anito bago tapikin ang aking balikat.             Kumaway na lamang ako sa kan’ya ng agad na siyang sumampa at naupo sa loob ng kalesa. “Bumalik na tayo,” hudyat nito sa kalesa. Nanatili pa ako ng ilang segundo habang pinagmamasdan ang pag-alis ng kalesang sinasakyan ni Tiyo Estanislao at n’ong masigurado kong nakalayo na ito ay doon lang ako muling naglakad paakyat naman ng aking silid pahingahan.             Binuhat ko pa ang aking mahabang saya dahil nahihirapan akong umakyat habang ang suot kong saya ay sumasayad sa kongkretong hagdan. Ayaw ko namang madapa rito kaya mas mabuti na lang na buhatin ko iyon.             “Aking binibini,” agad akong binuhusan ng malamig na tubig ng marinig ko ang boses na iyon. Agad kong nabitawan ang pagkakabuhat ko sa sayang aking suot at agad na hinanap ng aking mata ang lalaking may-ari ng boses na iyon.             “U-uno,” saad ko. Bigla na lang akong naiyak ng makita ang mukha n’ya.             Ngumiti ito sa kin kaya agad kong tinakbo at isinara ang distansiya sa aming pagitan. Agad akong yumakap ng sobrang higpit sa kan’ya. “Mahal kita, tatandaan mo ‘yan,” malumanay n’yang anang.             “Ganoon din naman ako,” sagot ko naman. Nanaig ang emosiyon ko kaysa sa aking utak kaya tahimik ako ngayong nanangis. Naramdaman ko na lamang ang pagdampi ng mga labi ni Uno sa aking noo bago n’ya ipinatong ang kan’yang panga sa aking ulo. Humihimig ito ng mahina atsaka tinatapik-tapik ang aking likran.             “Tahan na, aking binibini. Walang masamang mangyayari hanggat nandito tayo para sa isa’t isa, hanggang hindi ka bumibitaw sa kin. Pagsubok lang ito sa tin at hindi ako papayag na mabuwal tayong dalawa dahil lang sa king lolo at lola,” muli n’yang saad.             Itinaas ko ang aking ulo at tinignan siya ng diretso. “Pinagalitan ka ba ng Don Enrico na ‘yan? Sinaktan ka ba? May masakit ba sa ‘yo?” umiiyak kong saad habang hinahaplos ang magkabilaan n’yang pisngi. Agad naman n’ya akong mabilisan na hinalikan sa labi at ngumiti.             “Pinagalitan, oo, sinagot ko naman kasi talaga si lola ng pabalang n’ong nagbanyo ka. Ngunit kalimutan mo na iyon dahil ang mukha mo ngayon ang siyang nagpawala ng lahat,” anito. Mahina kong pinalo ang dibdib n’ya pero mabilis n’yang ipinuwesto ang kan’yang kaliwang palad sa kanan kong pisngi at muling siniil ako ng halik.             Napapikit na lamang ako dahil naramdaman ko ang kadalisayan ng paghalik sa kin ni Uno. Hindi ko mahihindian ang sensasyon at ligayang nabibigay nito sa kin ngayon habang binabalik ko rin ang bawat paghalik at paggalaw ng labi ni Uno. Totoo, marami na kaming beses na naghalikan na dalawa kahit noong hindi pa opisyal na naging kami ngunit kakaiba ang hatid na emosiyon ng halik na ito ngayon sa kin. Makapangyarihan. Nang-uusig. Siguro, dahil alam kong totoo sa puso ng binatang nasa aking harapan ngayon ang kan’yang ginagawa. Para bang nais n’yang iparating sa kin na hindi lang siya puro sa salita dahil susundan n’ya iyon ng gawa.             “Huwag mo nang isipin pa ang mga narinig at mga sinabi ni Lola Clarita sa ‘yo kanina. Isipin mo na lang nabubulag pa siya kaya hindi pa n’ya magawang makita ngayon kung gaano ka kabuting mortal. Hindi ka mababa dahil para sa kin ikaw ang pinaka na nangyari sa king buhay,” wika n’ya nang magbitaw ang aming mga labi.             Tumango na lamang ako na sinundan ko pa ng ngiti. Muli ko siyang hinagkan ng mahigpit. “Maraming salamat, Uno. Hayaan mo sa susunod gagawa ako ng gayuma at ipapainom ko sa lola mo baka sa ganoon ay muli na siyang makakita, baka naman kasi sa sobrang yaman ninyo ay nabulag na siya,” pagbibiro ko na lamang.             “Isusumbong kita kay lolo, hindi ka gumamit ng paggalang na salita kanina n’ong binanggit mo ang kan’yang ngalan,” aniya.             “Oh, ano naman ngayon? Bakit sabi naman ng lola mo maari akong maging asal kalye kapag tayo lang ang magkasama na dalawa, ah? Wala namang ibang bampira o mortal na nandito kaya anong ngayon? Ano pang paratang o parusa ang maari nilang ibigay sa kin?” pagtatapang-tapangan ko.             “May isang parusang maaring ipataw sa ‘yo, aking binibini,” anang n’ya.             “Ano naman ang parusang iyon?”             “Ang parusang ako lamang ang nakaalam at ako rin ang gumawa, gusto mo bang malaman kung ano?”             Kumunot ang noo ko matapos ko iyong marinig mula sa kan’ya. “Ano naman ang parusang iyan? Maari bang tawagin na parusa ‘yon kung ikaw lang pala ang nakakaalam?” agad kong pangongontra.             “Syempre naman. Nakakalimutan mo na bang ang lalaking kasintahan mo ngayon ay siyang presidente ng samahan ng mga mag-aaral?” tanong n’ya sa kin taglay ang pinagsamang natatawa at matiwasay na mukha.             “Hindi ko po ‘yon nakakalimutan, ‘Panginoong Uno’,” balik ko namang pagtutukso.             “Pfft! Naalibadbaran ako sa tuwing ako ay tinatawag mong panginoon,” aniya kaya pinagtaasan ko siya ng kilay.             “Nais mo bang sumulpot dito ngayon na si Donya Clarita at sabunutan ako dahil kung pakitunguhan kita ay impormal?” muli kong pananakot sa kan’ya.             Hinawakan n’ya ang aking bibig atsaka itinaas ng kunti ang aking mukha upang mas lalo kaming magkatinginan. “Sa susunod kasi huwag kang yumuko kay lola, mas lalo n’yang minamata ang mga nakakausap n’yang nakayuko sa kan’ya. Lagi kasing gusto n’on ay inaaway siya, palaban kung baga. Huwag kang magpapasindak,” saad n’ya at muli akong hinalikan sa king noo.             “Hindi mo rin kailangang masindak kahit na kanino man dahil tandaan mong kahit na ano mang mangyari sa ‘yo ako magpapatali, habambuhay,” matamis na naman n’yang saad.             Napahalakhak naman ako. “Kailan ka kaya mauubusan ng mga matatamis na salita? Parang araw-araw kusa na lang lumalabas sa bibig mo ang mga katagang ‘yan, ah!” daing ko naman.             “Paano ba? Mahal kita,” ani na naman n’ya.             “Anong kinalaman n’on?”             Nagkibit balikat siya sa kin na sinabayan n’ya pa ng pagnguso kaya mas lalong lumitaw ang kapogian n’yang taglay. “Para sa parusang ako lang ang nakaalam at ako rin ang gumawa, pinaparusan ko ang babaeng nasa aking harapan na nagngangalang Pilipina Amador na habang siya ay nabubuhay kailangan n’yang mangako na si Zacarias Gervacio lamang ang kan’yang pipiliin na pakasalan, may angal ka ba, binibini?”             Muli na naman akong napatawa ng malakas. Bumitaw ako sa pagkakayakap ko sa kan’ya at agad akong yumuko tulad ng ginawa ng mga kasama nila sa bahay sa kanila at ng mga mortal o bampira na mas nakakababa sa antas na meron siya. “Masusunod po, Panginoong Uno. Maari na po ba akong pumasok sa aking silid pahingahan upang makapag-ayos na at makatulog?” panunukso ko pa.             Nakatikim na naman ako ng pitik sa noo mula sa kan’ya. “Maari na po, Binibining Ina. Ako rin po ay aalis na upang makapagpahinga na rin. Sana po ay ako, ang guwapo mong kasintahan ang laman ng iyong magiging panaginip.”             Nanlaki ang mga mata ko at agad ko sana siyang papaluin sa balikat ng nakangiti siyang naglaho sa aking harapan. “UNO! HUMANDA KA SA KIN BUKAS!” malakas kong bulalas bago napatakip ng aking bibig at pumasok sa aming silid pahingahan ni Virginia.   Third Person’s POV (Ang naging pag-uusap nina Panginoong Uno at ni Don Enrico)               “Lolo, hindi ko po babawiin ang sinabi ka kay lola kanina. Ipagpaumanhin n’yo po kung ipagtatanggol ko si Ina,” agad na panguna ni Uno nang makapasok sila sa isang kuwarto na punong-puno ng mga nagkikinangan at mamahaling mga bagay.             “Zacarias, hindi ka namin pinalaki ng iyong Lola Clarita para lamang kami ay iyong bastusin din tulad kanina,” seryoso ngunit kalmadong wika ni Don Enrico sa apo.             “Kahit kailan hindi ko po kakalimutan at mamakalimutan ang lahat ng ginawa ninyong sakripisyo at pag-aalaga sa kin ni lola, lolo. Alam n’yo po na kung nandito pa ang aking ama at inay ay taus puso silang magpapasalamat sa inyo dahil hindi n’yo ako pinabayaan at minahal n’yo pa ako na parang sarili n’yo ng supling. Nais ko rin pong malaman ninyo na lahat ng inyong minumungkahi at suhestiyon na sinasabi sa kin ay pinapapasok ko sa aking sistema at talagang tinitimbang ko, ganoon kayo kaimportante sa kin ngunit sa pagkakataon pong ito hindi ko po maaring payagan na lapastanganin ni lola si Ina ng ganoon na lamang at sa akin pang harapan,” diretso at malakas na loob na sagot naman ni Uno.             “Hindi ko alam na kaya mo na ngayong makipagtalastasan ng mahaba sa kin. Naalala ko dati na halos opo o hindi po lamang ang lagi mong sinasagot sa kin o sa iyong lola. Maganda itong pagbabago ngunit hindi ko masasabing mainam ang pagbabago mo na ito dahil natuto ka na ring salungatin ang aming desiyon para sa ‘yo. Hindi ko mawari kung magandang impluwensiya ba ang nabibigay sa ‘yo ng mortal na iyan o kinukuha na n’ya ang loob mo upang kumalaban sa min, ano ba sa dalawa, apo?”             Malalim ang naging buntong hininga ni Uno bago nito nabuo ang sarili at muli nang magsalita. “Lolo, tulad ng sabi ko sa inyo kagabi maganda ang kalooban ni Ina. Kung hahayaan n’yo lamang na mas makilala ninyo siya ay mas maiibigan n’yo sana siya para sa kin. Katulad siya ng aking ina ngunit hihingi ako ng pahintulot sa yumao ko nang inay dahil sasabihin kong mas pa ang kabaitan na taglay n’ya kaysa sa kabaitan ni Inay Elizabeth.”             “Nasagot mo ng maayos ang aking katanungan, mukhang unti-unti mo na akong nakukumbinsi tungkol sa karakter ng iyong nubya ngunit mas nanaisin kong makarinig din ng mas maayos na sagot sa susunod kong tanong,” ani ni Don Enrico habang hawak-hawak na ang isang gintong bola.             “May nais din po sana akong sabihin sa inyo. Ngunit matapos ko na lamang pong sagutin ang inyong susunod na katanungan,” saad ni Uno.             “Alam mong may punto ang sinabi ng Lola Clarita mo kanina. Hindi mo itinuloy na sabihin ang mga katagang lagi mong sinisigaw sa anibersaryo ng pagkakatag ng unibersidad na ito. Ibabase ko ang magiging sagot mo sa katanungan ng iyong lola kanina sa magiging sagot mo sa katanungan kong, kamusta na ang progreso ng planong matagal na nating isinagawa?” naging madiin ang tingin ng matanda sa kan’yang apo. Animo’y may nais itong marinig na kasagutan mula sa kan’yang pinakapaboritong katalastasan.             “Iyan din po sana ang nais kong sabihin sa inyo kanina. Naunahan n’yo lamang ako. Paumahin po ngunit sa mga nagdaang araw ay natambakan po ako ng gawain sa aking opsina, napakarami rin po kasing nangyari lalo na at napag-alaman kong may nagtatangka sa buhay ni Pilipina kaya humihingi po ako ng paumahin kong mas inuna ko ang pansarili kong aktibidad kaysa sa katungkulan na meron ako sa buong unibersidad,” masama man ang binalita ngunit nanatili pa ring taas noo si Uno habang nakikipagsukatan ng titig sa kan’yang lolo.             Nahulog man ang mga balikat ay hindi na lamang pinahalata ni Don Enrico ang kan’yang pagkadismaya. Humakbang ito papalapit kay Uno at agad na pinatong ang kan’yang kaliwang kamay sa kanang balikat ng apo. “Sa ngayon, mas papaniwalaan ko muna ang iyong lola. Mas nakikita ko ang mortal na iyan sa pangalawang opsiyon na binigay ko kanina. Na kinukuha na n’ya ang loob mo upang kumalaban sa min at kalimutan ang tunay na rason kung bakit ka binuhay ng mga Bathala,” anito bago nagpatuloy na maglakad paalis.             Nasa kalagitnaan na siya ng kan’yang paglalakad ng muli n’yang nilingon ang apo na nanatiling nakatayo at nakatalikod mula sa kan’ya. Napailing ito at napangiwi. “Hindi maganda ang mga senyales na nakikita ko sa ‘yo, aking apo,” mahina nitong wika bago tuluyang lisanin ang kuwarto.             Noong marinig ni Uno ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng kuwarto kong nasaan siya sa kasalukuyan ay doon lang din n’ya nilingon ang likod ng kan’yang lolo. “Sana hindi naman laging kakulangan ko ang nakikita ninyo. Sana naman ay nakita n’yo rin kung gaano ako kasaya ngayon. Ngayon mas lalo kong naiintindihan ang mga sinasabi sa kin noon ng aking ama.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD