“HINDI! Pero syempre inaapi mo siya, ako na lang ang magagalit para sa kan’ya sa ‘yo,” saad ko naman.
“Sabi n’ya sa kin n’on kakamatay lang din daw ng ama n’ya kaya naiintindihan n’ya raw ako. Hindi ko pa nga malilimutan na sinabi n’yang kumain daw ako ng mansanas lagi kasi matamis daw ‘yong mansanas at nanakawala ng lungkot. Natatawa na lang ako pero sinusunod ko naman. Pakiramdam ko ay hindi naman magkalayo ang edad namin n’ong batang babae kasi kuwento n’ya na nasa elementarya rin siya n’ong panahon na iyon. ‘Yon nga lang wala raw siyang kaibigan kasi kahit ‘yong pinsan n’ya ay inaaway siya.”
“Pfft! Sinumbong pa pala n’ya sa ‘yo ang kaaway n’ya!” natatawa ko amang anang habang patuoy na kinakain ang masanas na hawak-hawak ko ngayon.
“Natatandaan ko pa nga ang pangalan ng pinsan n’ya, eh.”
“Pati pangalan ng pinsan n’ya sinabi n’ya?” tanong ko.
“Oo pero ang sarili n’yang pangalan hindi n’ya nabanggit. Kaya hinayaan ko na lang din kasi kahit ako hindi ko rin kasi nabanggit sa kan’ya ang pangalan ko. Esme pa nga yata ‘yong pangalan ng pinsan n’ya. Tapos kinukuwento pa n’ya na ‘yong tiyahin n’ya raw na si Esmel ay lagi silang inaapi ng inay n’ya,” pagpapatuloy n’ya ng kan’yang kuwento.
“Hala! Kapangalan pa ng pinsan at tiyahin ko!” bulalas ko naman pero natigilan ako.
“Talaga? Pfft! Akalain mo naman.”
(Pagbabalik tanaw)
Habang naglalakad ako pauwi sa min dahil galing na naman ako sa ilog kung saan ko pinapaanod ang papel na barkong gawa ko ay may papel na eroplano na bumagsak sa harapan ko. Dahil sa kuryusidad ay umupo ako sa dalampasigan at binasa iyon.
“Ama at ina, sana po kung nasaan man kayo ngayon ay sa pag-uwi ninyo rito sa ating tahanan ay may pasalubong po kayong polboron na gawa sa Intramuros. Masarap po kasi iyon at gusto rin ni lolo at lola. Pero hindi po ako umaasa na maibibigay n’yo pa po sa kin iyon lalo na at ngayon na mag-isa na lamang ako dahil wala na po kayo. Kasalanan po talaga ito ng mga taong iyon na halang ang kaluluwa, pinapangako ko po na ipaghihiganti ko po kayo sa kanila! Nagmamahal ang inyong nag-iisang anak.” Napakamot ako ng aking ulo.
“Tulad ko ba ang wala na rin siyang ama at ina? Pero sabi ni inay bawal daw ang maghiganti kasi masama raw iyon.”
Kinuha ko noon ang aking papel at lapis atsaka nagsulat ng aking sulat para sa batang lalaking iyon. Pinalipad ko rin iyon ng ubod ng taas atsaka nagpatuloy sa paglalakad dahil mapagalitan na ako ng aking Inay Pilar.
Kinabukasan magdadapit hapon na noong muli akong bumalik sa dalampasigan ng ilog kung saan ko pinapaanod ang gawa kong papel na barko para ipadala kay ama ang aking mga sulat.
Muli akong umupo sa buhangin ng mapansin ko ang isang eroplanong papel na natatabunan na ng iilang mga bato at dahon. Tumayo muna ako upang kunin ‘yon bago muling umupo at nagsimula nang ipaanod ang gawa kong papel na barko.
“Alam mo po ba, ama. Pinagalitan na naman po ako kanina ni Tiya Esmel dahil mas mataas ang nakuha kong puntos sa pagsusulit kaysa kay Esme. Hindi ko naman po kasalanan kung hindi po nag-aral ng mabuti si Esme, eh. Tapos sabi pa po ni Tiya Esmel sa kin ay dapat ko raw pong pakopyahin si Esme ng mga sagot ko sa susunod. Eh, ‘di ba po sabi mo masama po iyon? Ayos lang po kapag kunti lang kaso sabi n’ya po lahat talaga. Paano naman po matututo si Esme kung ganoon. Sabi ko po kay tiya na hindi ko po iyon magagawa kaso pinalo n’ya po ako at pinaalis sa kanilang bahay. Sayang din po ‘yong bente na dapat n’yang ibibigay sa kin kasi natapos ko na po ang takdang aralin ni Esme kaso hindi na n’ya po ibinigay sa kin kasi galit siya,” pagkukuwento ko habang iniisa-isa ko nang pinapaanod ang mga nagawa kong papel na barko. Sinundan ng aking mga mata ang pagsabay nito sa tubig hanggang sa lumubog na nga ito.
Malakas akong napabuntong hininga at napahiga na lamang sa buhangin. Mamaya na lang ako uuwi kung nandiyan na si Inay Pilar kasi kapag wala baka pagalitan na naman ako ni Tiya Esmel. Hindi ko mawari kong bakit ganoon sa kin si tiya. Simula n’ong yumao si ama ay lumabas na rin ang kasamaan n’ya sa min. Nakakaramdam tuloy ako ng kaba sa tuwing pupunta siya sa aming bahay at ako lamang mag-isa ang tao roon. Kung ano-ano na naman kasi ang sasabihin n’ya tungkol kay inay at sa kung ano-ano pa. Lagi n’ya na lang kasi kaming minamasama kahit nga maganda naman ang aming ginagawa ay para sa kan’ya mali pa rin.
Habang nakatingin ako sa kalangitan ay kinapa-kapa ko sa aking gilid ang eroplanong papel na kinuha ko kanina.
“Sino kaya ang nagsusulat nito? Atsaka taga saan kaya siya?” tanong ko sa aking sarili.
Binuklat ko ang papel at nakita ko na naman ang kaparehong sulat kamay na meron ang liham na binasa ko kahapon bago ako umuwi. “Sino ka? Bakit mo nabasa ang aking sulat? Paano mo nakuha ang eroplanong papel na gawa ko? Ibigay mo ‘yan kay ama at ina!” malakas na pagbabasa ko sa kan’yang sulat. Maganda ang kan’yang sulat kamay kaya baka nag-aaral din ito sa pribadog paaralan sa Intramuros.
“Paano ko naman mabibigay ang sulat n’ya sa kan’yang ama at ina? Eh, hindi ko naman sila kilala at higit pa akala ko ba ay tulad ni ama ay yumao na rin sila?” takha kong pagtatanong sa aking sarili. Kinakamot ko ang aking ulo habang kinukuha ang papel at panulat na dala ko kanina.
“Hindi na importante kung sino ako. Nabasa ko lamang ang sulat mo kasi tinangay siya ng hangin dito sa may ilog kung saan ako. Hindi ko mabibigay sa ama at ina ang iyong sulat hindi kasi ako anghel.” Pagbibigkas ko ng aking isinulat bago ko ito tinupi at pinalipad muli. Nakapagtataka dahil paanong sa iisang direksiyon lang lagi napupunta ‘yong eroplanong papel. Ginamit ko ang lakas ko upang maipalipad muli ang eroplano ng matayog. N’ong napansin kong tinangay naman siya ng hangin ay muli akong humiga sa buhangin. Doon na unti-unting tumulo ang aking mga luha muli ko kasing naalala ang sinabi sa kin ni Tiya Esmel kanina n’ong naabutan n’yang kakarating ko lang din mula sa eskuwelahan.
“Hoy, Ina! Pagsabihan mo nga ‘yang Inay Pilar mo, ha! May pumunta na naman ditong tagasinggil ng utang n’yo! Ako na naman ang pinuntahan tinatanong kung kailan kayo magbabayad! Utang kayo nang utang hindi n’yo naman kayang bayaran! Huminto ka na lang kasi sa pag-aaral! Tutal wala ka namang binatbat sa anak ko! Doon ka pa kasi nag-aral sa pribadong paaralan akala mo naman kung sino kayong mayaman! Ambisyosa ka kasi! Ambisyosang hilaw!” anito atsaka pa dinuro-duro ako. Paulit-ulit n’yang dinidiin ang daliri n’ya sa sintido ko atsaka iyon tinutulak-tulak. Hindi rin naman ako sa kan’ya makasagot dahil kabilin-bilinan ni Inay Pilar na huwag na huwag akong sasagot sa mga nakakatanda. Hindi ko rin naman nais pang ipaalam iyon kay Inay Pilar dahil mag-aaway lamang sila ni tiya at masasaktan lang din siya.
Walang humpay ang pagtulo ng aking mga luha dahil simula talaga n’ong mawala si ama sa ming buhay ay ang dami nang nagbago sa aming pamumuhay. Kung dati kahit kunti lamang ang kinikita ni ama ay hindi kami nakakapangutang ng marami at lagi kaming may kinakain, dati napapabili ko pa ‘yong mga bagay na gusto ko kay inay pero ngayon hindi na. Hindi ako makakain ng maayos sa tanghalian kasi lagi kong kaharap ang kanin at ang ulam ng mag-isa. Dati malaya pa akong nakakapaglaro sa labas ngayon hindi na kasi imbes na maglaro ako ay ginagawa ko na lamang ang mga gawain sa bahay. Simple lang naman ‘yon, eh, pero naiiyak talaga ako kasi nangungulila ako sa aking ama. Alam ko kasing hindi kami mahihirapan ni Inay Pilar ng ganito kung nandito siya sa aming tabi. Hindi ko alam kung bakit siya kailangang kunin sa min ng Panginoon ngunit siguro ay hanggang doon na lang talaga ang kan’yang buhay.
Mabilis kong pinunasan ang aking luha atsaka bumangon sa pagkakahiga sa buhangin nang makita ko na naman ang lumilipad na eroplanong papel. Hinabol ko iyon hanggang sa nakuha ko na nga at mabilis na binuksan at binasa.
“Sana bumalik na kayo, ama at ina. Ayaw ko pong mag-isa. Ang tahimik po,” pagbabasa ko nang malakas sa nakasulat. Muli akong napakamot ng aking ulo.
Paanong hindi tatahimik, eh, mag-isa siya? Syempre tahimik talaga kasi siya lang mag-isa?
Pero muli kong kinuha ang aking papel at panulat at nagsulat. “Alam mo hindi na sila babalik pero huwag kang malungkot. Kumain kang mansanas matamis ‘yon nakakawala ng lungkot,” aniya ko. Lagi kasi akong pinapakain ni inay ng masanas kapag nakikita n’ya akong malungkot. Tama naman siya nakakawala naman ng lungkot kaso minsan masakit sa panga kakagat.
(Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)
“Ang ilog ba na ito rito alam mo kung saan patungo?” tanong ko sa kan’ya.
“Ha? Ang alam ko palabas na ito ng unibersidad kaya baka sa lugar na ninyo, bakit?”
“Maari ko bang makita ‘yong mga sulat ng batang babae?” tanong ko na naman.
“Bakit? Anong meron?” Kasi baka ikaw ‘yong nag-iisang anak na lalaki na nanghihingi lang n’on ng pasalubungan na pulburon.
“Nasa loob ‘yong mga sulat. Puntahin natin,” aniya naman atsaka tumayo kaya ganoon din naman ang aking ginawa at sumunod ako sa kan’yang likuran. Pagkapasok ko ng bahay kubo ay maliit lamang ang loob noon ngunit napakalinis at tamang-tama para makatulog ang isang tao. Tinungo n’ya ‘yong maliit na mesa na nakapahalang doon sa may likod ng kan’yang mga higaan.
Umupo na lamang ako roon sa malambot n’yang higaan habang hinihintay siyang kunin ang kahon na may lamang mga sulat. “Iyan lahat, pagpasensiyahan mo na kasi kupas na ang iba. Nais mo bang basahin isa-isa?” tanong n’ya.
“Hindi, titignan ko lang,” ngumiti ako sa kan’ya bago ko buksan ang kahon at tignan ang bawat sulat na nandoroon.
Unang sulat pa lang ay pamilyar na agad sa kin, ganoon din sa pangalawa at sa pangatlo. Natatawa akong tinignan si Uno sa kan’yang mga mata. “Alam mo sigurado akong papaluin ko sa dibdib ng batang babaeng ito matapos n’yang marinig na pinagtatawanan mo ang kan’yang mensahe,” ani ko naman.
“Mabuti nga iyon para makilala ko rin ang taong nasa likod n’yang mga sulat. Hindi ko nga alam kung tao ba talaga o hindi naman kaya ay katulad ko ring bampira,” aniya.
“Ano pa ang naalala mo tungkol sa batang babaeng ito? Magkuwento ka pa,” pamimilit ko sa kan’ya habang patuloy ako sa pagtitinginin ng mga sulat na nandoon hindi ko naman na kailangan pang basahin ‘yon isa-isa.
“Hmm? Ano pa ba? Siguro ‘yong araw ng kaarawan ko. Matagal na kami n’on na hindi na nakakapagsulatan pero pabalik-balik pa rin ako rito. Nagsulat ako n’on kasi tumakas ako sa bahay ng lolo at lola ko matapos kung malaman na naghanda pala sila ng handaan para sa kin,” muli n’yang pagkukuwento.
“Oh? Bakit ka naman tumakas kung may handaan pala para sa ‘yo?” bulalas ko naman. Sayang naman ‘yon kung wala naman pala ang may kaarawan. Sinong kakantahan nila ng maligayang kaarawan kung wala naman pala ang may siyang kaarawan, ‘di ba?
“Hindi ko naman kasi makikita si ama at inay na abala para ipagdiwang ang aking kaarawan kaya mas mabuting hindi na lang, wala na lang,” hanggang ngayon ay bakas pa rin sa kan’yang tinig ang kalungkutan.
“Kahit na! Hindi mo ba alam na baka malungkot ang mga magulang mo na nakatingin sa ‘yo lalo na at kaarawan mo tapos malungkot ka? Sabi ni Inay Pilar sa kin nakikita nila tayo mula sa taas kaya dapat lagi nating subukan na maging masaya para sa kanila,” ani ko naman.
“Tama ka naman. Nagpapasalamat ako roon sa batang babae na nakasulatan ko dahil muli siyang nagsulat sa kin at nagbiro pa,” aniyang natatawa pa.
“Bakit ano bang sabi n’ya?”
(Pagbabalik tanaw)
Ilang linggo rin ang dumaan na hindi ako nakapunta sa ilog dahil mas pinili ko na magtinda ng mga panindang biko ni Aling Merlinda para may mabaon ako sa araw-araw. Marami akong bitbit na barkong papel n’on dahil ang dami ring araw na hindi ko iyon nagawang ipaanod sa ilog. Habang abala akong isa-isa na namang pinapaanod ‘yong mga papel na barko ay may muling lumilipad na papel na eroplano. Sa pagkakataong ito hindi ko na iyon kailangan pang habulin dahil kusa itong bumagsak sa aking harapan.
“Meron na naman?” aniya ko sa aking sarili bago ko iyon kinuha at binuksan.
“Ama at ina, alam n’yo po bang tumakas ako sa bahay nina lolo at lola dahil naghanda sila ng marami at nag-imbita ng iba’t ibang mga nilalang para ipagdiwang ang aking kaarawan,” muli kong pagbabasa ng malakas.
“Bakit ka naman tumakas? Para naman pala sa ‘yo ‘yong handaan, ah? Ayaw mo ba n’ong mga hinanda nila para sa ‘yo? Sayang naman ‘yon sana sinabi mo na lang! Alam mo bang ang daming tao ang nagugutom ngayon sa mundo!” bulyaw ko habang kaharap ang sulat nitong estranghero.
“Tumakas po ako kasi wala naman po kasi kayo roon. Tumakas po ako kasi maalala ko na naman po ang mga kaarawan kong masaya ako kasi nand’yan kayong dalawa. ‘Yong mga panahon na ako ay nagagalak na buksan ang inyong regalo dahil sigurado akong iyon ay mga bago na namang kagamitan para sa aking pagpipinta. Ayaw ko po roon kasi sa tuwing ililibot ko ang aking mga mata sa paligid upang sana ay hanapin kayo ay malulungkot lang ako dahil hinding-hindi ko na kayo makikita pang muli,” pagpapatuloy ko sa pagbabasa ng kan’yang sulat. Nagsimula na rin akong umiyak kasi mas lalo kong naalala si ama.
“Ang daya mo naman, eh! Bakit ka naman kasi malungkot? Kaarawan mo ngayon kaya dapat masaya ka, ‘yan tuloy pinaiyak mo rin ako!” singhal ko na naman sa papel na animo’y ‘yong batang lalaking may-ari ‘yon.
Kinuha ko na naman ang aking panulat at papel upang muling magsulat pabalik sa estranghero na ito. Kailangan ko siyang mapasaya kahit kunti lang kasi kaarawan n’ya. “Maligayang kaarawan sa ‘yo! May biro ako para sa ‘yo! Isang araw tinanong ni Pedro ang kan’yang ama na si Mattias. Ama! Ama! Ano po ang pinagkaiba ng kompidensiyal at kumpiyansa? Nag-isip muna ang ama ni Pedro bago siya sumagot. Anak kita at may kumpiyansa ako roon. Pero si Juan na iyong kalaro sa kanto, anak ko rin kaso kompidensiyal nanatawang sagot ni Mattias hindi n’ya alam na nandiyan pala ang kan’yang asawa sa likod kaya nakatikim siya ng malakas na tadyak. Huwag ka nang malungkot itaas mo ang iyong mga mata sa kalangitan, nakikita ka nila kaya dapat maging masaya ka para maging masaya rin ang iyong ama at ina.”
(Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)
“Alam mo kapag naalala ko ‘yong biro n’yang ‘yon natatawa ako kahit alam kong hindi naman dapat talaga ako tumawa,” anito habang tatawa-tawa pa. Siguro’y nasa kan’yang isip ngayon ang birong ‘yon.
“Ano ba kasi ‘yong biro n’ya sa ‘yo?” pangungulit ko na. Ang tagal naman sabihin, eh!
“Pfft! Sabi n’ya isang araw daw nagtanong ang anak na si Pedro sa kan’yang ama na si Mattias.”
“Tapos?” pagmamadali ko sa kan’ya.
“Sabi ni Pedro ano raw ang pinagkaiba ng salitang kompidensiyal at kumpiyansa. Pfft! Hahaha. Teka lamang!” anito kaya nginitian ko lang siya at tumango. Pinipigilan n’ya pa ang kan’yang sarili na tumawa, sinusubukan n’ya talagang kontrolin ang kan’yang sarili kaso hindi n’ya magawa. Napataas naman ako ng kilay.
“Ano? May balak ka pa bang sabihin o tatawa ka na lang nang tatawa d’yan?” bugnot kong ani na siyang nagpatigil sa kan’ya sa pagtawa.
Tumikham ito bago magsalita. “Ang sagot ng ama ay, Pedro, anak kita at may kumpiyansa ako pero si Juan na kalaro po sa kanto ay anak ko rin ngunit kompidensiyal! Pfft! Lingid sa kaalam n’ong ama ni Pedro ay nandiyan pala ang kan’yang asawa sa likod kaya nakatikim siya ng tadyak mula rito,” natapos naman n’yang ikuwento sa kin pero halos humiga na siya roon sa kakatawa. Natawa na lang din ako habang pinagmamasdan siyang bigay na bigay kung tumawa.
“Ngayon lang kita nakitang gan’yang kasaya at gan’yang tumawa, mas lalo kang nagiging guwapo, Uno,” wala sa sarili kong sambit kaya pagkalipas ng ilang segundo ay napatakip ako ng aking bibig. Sinabi ko talaga ‘yon ng malakas?! Pero totoo naman kasi kaya bakit ako mahihiya?!
“Salamat,” aniya. Pasimple n’yang inilihis ang kan’yang mukha sa kin kaya nahalata kong namula siya. Pfft! Si Uno kinikilig? Akalain mo ‘yon!
“Uy! Ang Panginoong Uno ng Unibersidad ng Maynila namumula!”
“Pfft! Sinong nagsabi sa ‘yo?” depensa naman n’ya. Kunwari pa siyang hindi kahit ang totoo naman ay namumula pa rin ang pisngi n’ya.
“Kitang-kita kaya!”
(Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)
Umiiyak ako na naglalakad papalapit sa ilog na lagi kong pinupunatahan. “Ama! Pagalitan mo po si Tiya Esmel! Pinalo na naman n’ya po ako ng bakya n’ya kasi mas mataas na naman po ako kaysa kay Esme! Hindi ko naman po kasalanan ‘yon! Kasalanan mo ‘yon ni Esme, ama! Bakit po ako ang pinalo n’ya? Wahh!” malakas ko na namang iyak lalo na ng maramdaman ko na naman ang pagkirot ng puwet ko.
“Ama! Ang sakit po nang pagkakapalo n’ya sa may puwet ko! Ang sama po talaga ni Tiya Esmel! Akala naman po n’ya hindi n’yo po siya papagalitan! Ibawi mo po ako sa kan’ya ama! Multuhin mo po siya o ‘di kaya pagalitan mo po siya sa kan’yang panaginip! Hindi po katanggap-tanggap ang ginawa n’ya sa kin, ama! Hindi po iyon makatarungan! Wala po siyang karapatan na paluin ako dahil kayo nga po ni inay ay hindi ako pinapalo! Ama! Ipalasap mo po sa kan’ya ang galit ng isang api! Hustisya naman po sa puwet kong namula dahil sa kan’ya! Ang sama po talaga ng kapatid ninyo, ama! Porket po wala na kayo rito ay ganoon na lamang n’ya po kami kung alipustahin!” hiyaw ko na naman. Napa-upo na lamang ako sa dalampasigan habang maga ang mga matang tinitignan ang pag-anod ng tubig sa ginawa kong papel na barko.
Kinuha ko na naman ang aking panulat at papel. Sa pagkakataon ngayon ay ako naman ang mauunang magpapadala ng sulat. “Alam mo ba na maganda ako? Itatanong mo kong bakit? Ang sagot kasi lagi akong napagdisdiskitahan ng aking tiyahing si Tiya Esmel, hindi ba at ganoon ako kaagaw pansin kasi sa araw-araw na ginawa ng Diyos lagi n’yang nakikita ang aking kagandahan. Alam mo ba na matalino ako? Itatanong mo na naman kung paano ko nasabi? Kasi laging mas mataas ang nakukuha kong puntos sa pagsusulit kaysa sa pinsan kong si Esme kaya nakikita na naman ako ni Tiya Esmel at pinapalo n’ya ako kasi bakit daw mas mataas ang marka ko kaysa kay Esme. Alam mo ba masuwerte ako? Kasi kahit hindi man kita nakikita at kahit iniwan na kami ni ama may nanay pa rin akong mapagmahal, nandiyan ka rin kaya hindi ako nag-iisa. Sana ikaw din, hindi ka rin sana nag-iisa kasi nandito rin ako para sa ‘yo. Aking kaibigan.” Matapos ko iyong isulat ay tinupi ko iyon bilang eroplano at pinalipad sa ere.
Iyon na ang huli kong sulat sa kan’ya dahil natuto na akong magtrabaho upang matulungan si Inay Pilar sa mga gastusin. Hindi na ako nakapunta pa sa ilog at kung makakapunta man ay madalang na lamang.
Isang araw muli akong nakatiyempo at habang nagpapaanod ako ng isang sulat ko ay nakita ko ang aking repleksiyon sa tubig. Mahina man ngunit naitanong ko sa aking sarili. “Kamusta na kaya ang batang lalaki na nakasulat ko noon?”
(Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)
“Mabalik tayo sa batang babae na aking nakasulatan,” muli nitong saad upang ibahin na ang aming pinag-uusapan.
Natawa na lamang ako atsaka tumango sa kan’ya. “Oh? Anong meron na naman sa batang babaeng iyon?”
“Hindi ko kasi makakalimutan ‘yong huli n’yang sulat sa kin. Marami akong pinadala ngunit kunti lang ang mga naisulat n’ya pabalik sa kin. Pero alam mo bang malaking tulong sa kin ang batang babaeng iyon. Simula n’ong sinabi n’yang hindi ako nag-iisa dahil nandiyan lang siya para sa kin parang pakiramdam ko nagkaroon ako ng kaibigan. Pakiramdam ko binigay siya sa kin ng aking ama at ina,” nakangit nitong saad habang nakatitig sa kin ng deretso. Hinaplos n’ya ang aking pisngi at inilagay sa aking tenga ang malilit kong buhok.
“Mabuti naman kung ganoon ang naramdaman mo dahil sigurado akong gugustuhin din ng batang babae na iyon na ‘yan ang maradaman mo,” sagot ko naman.
“Hindi ko alam pero maari bang magtanong?” seryoso n’yang anang kaya nakadama ako ng pangamba.
“Oo naman! Ano ba iyon?”
“Magagalit ka ba kapag sinabi kong nagustuhan ko rin ang batang babaeng iyon?” nahihiya n’ya pang saad na siyang nagpatawa sa kin.
“Bakit naman ako magagalit? Kung gusto mo roon ka na lang sa kan’ya! Baka mas maganda na ‘yon ngayon at mas maganda pa kaysa sa kin. Baka mas bagay kayo sa isa’t isa kung ikokompara sa ating dalawa,” wika ko naman na para bang nagtatampo.
“Nagseselos ka ba?” anito.
“Bakit parang masaya ka pang nagseselos ako? Kailangan mo pa bang itanong ‘yan? Nasa harapan mo ako pero ibang babae ang nasa utak at kinukuwento mo!” bulyaw ko naman. Noong una ay natatawa pa ito ngunit nang napansin n’ya yatang nanatili akong seryoso ay agad n’ya akong ikinulong sa isang mapanuyong yakap.
“Biro lang! Mas mahal naman kita! Nakaraan ko na iyon, ikaw na ang ngayon at ang kinabukasan ko, Ina! Ngayon ay kaibigan na lamang ang tingin ko sa batang babaeng iyon ngunit lubos ang aking pasasalamat sa tulong n’ya dahil kung hindi dahil sa kan’ya hindi tayo magkakatagpo noon at walang Uno kang kayakap ngayon.”
“Bakit parang dapat pa akong magpasalamat sa kan’ya? Bitawan mo na lang kaya ako at doon ka na lang sa nakasulatan mo!” pagkukunwari ko. Seryoso ang mukha ko ngayon ngunit sa likod ng aking isipan ay kanina ko pa gustong tumawa nang tumawa.
“Hindi! Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin, Ina! Sinasabi ko lamang ang mga maaring nangyari kong hindi siya dumating sa buhay ko. Kasalanan mo rin naman ‘yon kasi ngayon ka lang dumating sa buhay ko. Kung dati ka pa sana dumating, eh, ‘di sana hindi ko na kailangang malungkot, hindi ko na kailangang makipagsulatan sa kan’ya. Hindi ko naman sinasabing kasalanan mo lahat pero ako ay nagiging maintindihin dahil ngayon ka lamang dumating sa kin,” aniya. Natatawa ako sa pinagsasabi n’ya pero nagpumiglas pa rin ako sa yakap n’ya.
“Bitawan mo nga muna ako, Uno! Bitaw!” utos ko sa kan’ya. Mas lalo n’yang hinigpitan ang pagkakayakap sa kin kaya ako na mismo ang nagpumiglas hanggang sa wala na siyang nagawa kundi ang bitawan ako.
“Ano ba naman kasi! Parang kasalanan ko pa?” arte ko na naman. Hindi na maipinta ang mukha n’ya ng umayos akong tumayo at pumaharap sa kan’ya. Enikis ko ang aking mga kamay atsaka siya tinignan ng seryoso at makabuluhan.
“Hindi naman! Walang may kasalanan kundi ang tadhana. Lintik na tadhana na ‘yan! Bakit ba kasi ngayon lang n’ya hinayaan na magtapat ang ating mga landas!” maktol n’ya. Gustong-gusto ko na talagang humalakhak ng malakas at maggugulong sa higaan dahil sa mukha n’yang parang bata na kinunan ng kendi ng kan’yang kalaro ngunit pinipigilan ko na lang talaga.
“Anong huli n’yang sinabi sa ‘yo?” pagbabalik ko ng topiko.
“Ha? Sino?” takha at nag-aalangan n’yang tanong.
“Sino pa ba? Sino bang nakasulatan mo? Ano ang huli n’yang sulat sa ‘yo? Anong sinabi n’ya?” ulit ko na naman.
“Bakit gusto mong malaman? Ayos lang ba na pag-usapan pa rin natin siya?” aniya na parang nanghihingi pa ng permiso sa kin. Gan’yan dapat! Kung mahal mo dapat makontento ka lang sa isa at dapat lagi mong isinasaalang-alang ang mararamdaman ng taong mahal mo.
“Bawal bang malaman? Tinatago mo ba sa kin? Sinisikreto mo kung ganoon?” giit ko na naman kaya nataranta siya.
“Hindi ko alam, Ina, kung kailangan pa ba natin ‘yong pag-usapan pero hindi ba at sinabi ko na sa ‘yo kanina? Tama na iyon ayaw kong masaktan ka pa lalo dahil ikaw ang kasama ko ngayon, ikaw ang nasa harapan ko ngayon pero ibang babae ang binibida ko sa harapan ko. Nakaraan ko na ang batang babae na iyon tulad din nang sabi ko kanina ay ikaw na ang ngayon at kinabukasan ko kaya hindi na ‘yon importante pa,” mahaba n’yang paliwanag.
“Sa presinto ka magpaliwanag. Bilisan mo na kasi. Ano ‘yong eksaktong linya na sinabi n’ya sa ‘yo? Natatandaan mo pa ba?” pamimilit ko na naman sa kan’ya. Napangiwi siya bago nagsalita.
“Alam mo bang hinihiling ko na lang ngayon na sana iisa na lang kayong dalawa n’ong batang babae. Kasi habang naalala ko ‘yong naging kasulatan ko na ‘yon parang naaalala rin kita,” aniya na naman. Kaya napangiti ako.
“Ang dami mo pang pasakalye! Bilisan mo na kasi at sabihin mo na sa kin. Ano ang nakasulat sa huli n’yang sulat sa ‘yo?” ulit ko na naman. Dinidiin ko talaga lalo na at alam kong nagkagusto rin pala siya sa batang babae na ‘yon.
“Sigurado ka ba talaga? Pwede naman----” Pinutol ko na ang pagsasalita n’ya.
“Pinapatagal mo pa, eh! Mas lalo tuloy akong napapaisip na may tinatago ka talaga sa kin! Bilisan mo na kasi! Sabihin mo na!”
“Kalma! Ito na,” aniyang nagdadalawang isip pa rin. Siraulo ‘tong lalaki na ‘to.
“Ano na? Ang tagal naman!” reklamo ko pa na nagpatigla naman sa kan’ya.
“Ang huli n’yang sulat sa kin ang sabi n’ya ay, kung tama ang pagkakaalala ko. Alam mo ba masuwerte ako? Kasi kahit hindi man kita nakikita at kahit iniwan na kami ni ama may nanay pa rin akong mapagmahal, nandiyan ka rin kaya hindi ako nag-iisa---” Pero sa muli ay pinutol ko na ang pagsasalita at pagbibigkas n’ya ng mga katagang iyon.
“Sana ikaw din, hindi ka rin sana nag-iisa kasi nandito rin ako para sa ‘yo. Aking kaibigan,” dahil ako na mismo ang nagpatuloy n’on.
“Bakit mo alam? Huwag mong sabihing? Ikaw talaga?”
“Nagagalak akong makita at sa wakas ay madaupang palad ka, aking kaibigan,” malapad ang naging ngiti ko habang siya ay natagalan pa na nakatitig lang sa kin. Noong makabawi at mas rumihestro na sa kan’yang isipan ang aking binunyag ay agad n’ya akong dinambahan at siniil ng halik.
Nakangiti akong pinulupot ang mga kamay ko sa kan’yang leeg at malugod kong ibinalik ang kan’yang masugid na mga halik.
“Putangina, tadhana talaga kita,” aniya sa pagitan ng aming paghahalikan. Tumango lang ako at ngumiti sa kan’ya. Mas lalo n’yang diniin ang pagkakahalik sa kin kaya mas lalo ko ring ipinulupot sa kan’yang mga leeg ang aking mga kamay.
“Salamat kasi kasama kita n’ong akala ko si Inay Pilar na lamang ang meron ako. Salamat,” aniya ko n’ong nagbitaw ako sa halikan, isinara ko ang kan’yang mga labi gamit ang aking hinlalaki. Nagsimula ng umagos ang luha na kanina ko pa pinipigilan. Hindi ko alam ngunit ang laki pala ng papel ni Uno sa aking buhay.
“Putangina! Ang batang babaeng gusto ko lang noon ay siya rin palang babae na mahal na mahal ko na ngayon. Lintik na tadhana! Salamat sa lahat lahat! Putangina kang tadhana ka!” puno ng malulutong na mura ngunit masaya ang ibig sabihin.
Salamat, tadhana. Salamat.
“Salamat sa pag-ibig mo, lagi kang nasa isip at puso ko mula pa lang pagkabata.”
Minerva’s POV
Naiwan kaming lahat doon habang sina Binibining Ina at Panginoong Uno ay nakalayo na. Nakangiti kaming lima na nakatanaw sa kanila pero ewan ko lang dito sa babaeng nasa harapan namin ngayon na parang bampirang na-aawol.
Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa bago ako humakbang papalapit sa kan’ya. Halata mo ang pagkagulat at halatang hindi n’ya inasahan ang ginawa ni Uno sa kan’ya pero ganoon talaga pasensiya na siya at may nagmamay-ari na ng koronang nais n’yang ilagay sa ibabaw ng kan’yang ulo. “Paano ba ‘yan? ‘Yong lalaking akala mong tutulungan at dedepensahan ka iba ang denepensahan. Bago kasi umastang akala mo nasa kan’ya na ang mundo siguraduhin mo na kung totoo ang lahat ng pinaniniwalaan at alam mo. Binibining Hiyas, mukhang ikaw ang kakain ng mga pinagsasabi mo kay Binibining Ina kanina. Paano na ‘yan?” panunukso ko sa kan’ya na mas lalong nagpasiklab sa galit n’ya. Hindi ko siya aatrasan kahit sino pa ang ama at ina n’ya. Kahit ano pang apelyido ang dala-dala n’ya.