Minerva’s POV
“HINDI TOTOO ‘YAN! SA AKIN SI UNO! IPAPAKASAL SA KIN SI UNO!” nanggalaiti n’yang sigaw. Dinidiin n’ya talaga na papakasalan siya ni Panginoong Uno. Sa panaginip n’ya baka.
“Hindi totoo? Kung bulag ka puwes ibahin mo kami. Malinaw pa ang mga mata namin at higit sa lahat nasa matino pa kaming pag-isip. Napakasimple lang naman ng nangyayari ngunit hindi ko malaman-laman kung bakit hindi mo ‘yon makuha-kuha. Nauwi lang ba sa wala ang mga ginatos sa ‘yo ng iyong pamilya dahil ganito naman kahina ang utak ng kanilang anak?” muli kong pang-iinsulto sa kan’ya. Kanina pa akong nagtitimpi sa babaeng ito. Kung alipustahin n’ya kami lalong lalo na si Binibining Ina akala mo naman kung sino siyang magaling!
“TUMIGIL KA NA! ISARA MO ‘YANG BIBIG MO NA PUNONG-PUNO NG KASINUNGALINGAN KUNG AYAW MONG MAPATALSIK SA UNIBERSIDAD NA ITO! MAGSAMA-SAMA KAYO NG PILIPINA NA ‘YANG BUMAGSAK SA PUTIK! LINTIK KAYONG LAHAT! MGA WALA KAYONG MGA HIYA! MGA PATAPON! KINAHIHIYA KAYO NG LAHI NINYO!” Pero imbes na mainis ay malakas akong tumawa.
“Sa tingin mo natatakot ako sa ‘yo? Siguraduhin mo munang papakasalan ka para matakot naman ako sa ‘yo. Patalsikin man ako wala akong pakialam! Walang na rin namang natitira, nataya ko na rin naman lahat kay Binibining Ina kaya ngayon pa ba ako aatras? Ikaw ang mahiya dahil ‘yang ugali mo ang magdadala sa ‘yo sa kapahamakan! ‘Yang ugali mo ang kinahihiya ng lahi ng mga bampira! Tinagurian kang isang babaeng nanggaling sa pamilyang may mataas na angkan ngunit kung kumilos at magsalita ka patapon. Kung babagsak man kami sa putikan ano naman ngayon? Sanay na kami d’yan pero ikaw? Paano naman kung ikaw ang bumagsak sa putikan? Makakaya mo kaya? Kawawa naman ang kutis mong porselana!” Huli kong saad bago ko sila tinalikuran.
Tumango ako sa mga kasama ko at sabay-sabay kaming naglaho at muli kaming lumitaw sa silid pahingahan nina Virginia at Binibining Ina. Napasalampak na lamang ako sa higaan habang marahas na hinuhubad ang suot kong bakya. Nakakapagod naman ang araw na ito! Ang daming kaganapan!
“Bakit mo ba kami nais pang papuntahin dito, Virginia? Nais ko ng magpahinga!” ako ang unang nagreklamo dahil alam kong pare-pareho lang naman kami nang nararamdaman ngayon. Lahat kami pagod.
Binuhos ko na yata lahat ng enerhiya na meron ako kanina sa sayawan. Hindi ko na alintana o ramdam na kailangan ko na rin palang ipahinga ang katawan ko.
“Dahil nalaman ko mula kay Sanura kanina ang katotohanan kung bakit sila nagkasabay na dumating kahapon ni Binibining Ina,” panimula ni Virginia.
“Ha? Hindi ba at ang sabi ni Binibining Ina kahapon ay nagkasalubong lamang kayo, hindi ba ‘yon totoo, Sanura?” tanong naman ni Natalia na sinusuklay na ang buhok ngayon.
“Sa kasamaang palad ay nagsinungaling si Binibining Ina. Hindi ‘yon totoo dahil ang katotohanan ay sa kalye kami ng komunidad nila Isiang nagkasalubong. Nanggaling ako sa aking pinuntahan na alam n’yo na kung saan n’ong nadaanan ko si Binibining Ina na takot na takot na tinatahak ang kalye ng komunidad ng mga mortal. Ayon sa kan’ya pakiramdam n’ya raw ay may sumusunod sa kan’ya kaya mabilis kaming umalis doon. Ayon ang totoong nangyari kong bakit kami nagkasabay na dumating,” mahabang paliwanag ni Sanura na siyang nagpatampal sa kin sa aking noo.
“Paano napunta si Binibining Ina roon? Huwag n’yong sabihin sa kin na maaring si Isiang ang may kagagawan noon at plano na naman nilang gamitin si Binibining Ina upang sirain na naman tayo?” bulalas ko. Kahit kailan talaga ‘yang Isiang na ‘yan!
“Malamang ay ganoon nga ang nangyari. Mukhang dinala n’ya si Binibining Ina roo upang muling magpaawa,” sagot naman ni Sanura.
“Gagawin at gagawin naman talaga nila iyon lalo pa at alam naman ng lahat na pinapaboran ni Uno si Binibining Ina,” dugtong naman ni Virginia.
“Kung ganoon ay nagsisimula na naman pala ang pangkat nila,” aniya naman ni Natalia.
“Ngunit wala tayong magagawa hindi naman natin maaring bantayan lagi at sakalin si Binibining Ina sa ating presensiya mas lalo lang iyong aayon sa pangkat nila Isiang. Hindi ba at magkasama sila sa silid aklatan baka kung ano-ano nang kasinungalingan ang pinagsasabi ng Isiang na iyon!” saad naman ni Karmila.
“Anong gagawin natin?” tanong ko naman.
“Iyan ang malaking tanong dito. Anong gagawin natin? Hindi tayo maaring magkamali. Tulad nga nang sinabi mo kanina kay Binibining Hiyas, Minerva. Lahat ng meron tayo ipinusta na natin kay Binibining Ina. Hindi pwedeng tumigil tayo o pumalpak pa, ito na lamang ang huli nating alas. Matagal na nating hinihintay na mangyari ito. Hindi na tayo pwedeng matalo.”
Pilipina’s POV
Lulan ng kabayong sinakyan namin kanina ay tinatahak na muli namin ngayon ni Uno ang daan pabalik ng sentro ng unibersidad. Mukhang ihahatid na naman ako nito sa aming silid pahingahan. Tahimik lamang akong nakatingin sa aming dinadaanan at ganoon din naman siya.
Pagkatapos ng naging usapan namin kanina patungkol sa katotohanang siya pala ang batang lalaki na kasulatan ko ay muli na kaming lumabas ng bahay kubo na iyon at pinapatuloy na lamang ang pagkain ng mga inihanda n’ya. Mabuti na lang talaga at kahit ang sarili ko ay napagilan ko dahil kung pati ang aking sarili ay pabayaan ko baka kung saan kaming dalawa umabot kanina. Ramdam ko na rin naman kasi na ang mga halik sa kin ni Uno kanina ay unti-unti ng lumalalim kaya bago pa namin magawa ang bagay na hindi muna dapat naming gawin ay tinigil ko na ang aming paghahalikan. Mabuti nang pigilan agad habang maaga pa.
Sa bawat paghataw ni Uno sa katawan ng kabayo ay mas lalong nagkakalapit ang mga katawan naming dalawa kaya’y napapakagat na lamang ako ng aking bibig. Bukod sa kinikiliti ng hininga n’ya ang leeg ko ay damang-dama ko rin sa likuran kung gaano kakisig ang katawan ni Uno. Damang-dama ko kung gaano siya kalaking bampira.
“Ayos ka lamang ba? Natahimik ka yata, aking binibini?” untag n’ya ng malapit na kami sa amig silid pahingahan.
Tumango agad ako. “Oo naman! Ayos lamang ako natahimik lang ako dahil kahit naman hanggang ngayon ay hindi ko mapaniwalaan kung paano tayo pinaglaruan ng tadhana na dalawa,” pag-aamin ko na lamang.
“Kahit nga rin ako ay gan’yan din ang nararamdaman,” tugon naman n’ya. Tumigil kami sa harapan ng aming silid pahingahan at napansin ko kaagad na nakabukas pa rin ang ilaw kaya malamang ay hinintay na naman ako ni Virginia na makauwi. Si Uno ang unang bumaba kaya agad n’ya akong hinawakan sa bewang upang alalayan sa king pagbaba.
Maayos na akong nakababa at nakatayo sa lupa kaya agad kong inayos ang aking suot na saya. Bago pa naman at napakagarbo pa naman nito kaya kailangan ko ring ingatan at alagaan, hindi pa naman akin ito, pinasuot lang din sa kin. Agad kaming nagkatinginan kaya agad akong nagsalita at nag-alok.
“Ano kung tumuloy ka muna sa loob? Ipagtitimpla muna kita ng mainit na tsaa bago ka bumalik sa iyong pahingahan,” agad kong suhestiyon.
Umiling naman siya. “Mas mabuti pa kung pumasok ka na sa loob at magpahinga na. Huwag ka nang mag-abala at mag-alala pa sa kin busog na ako sa kinain natin kaina at isa pa ay matutulog na rin ako pagkauwi ko nito lalo na ngayon na alam ko na iisa lang pala ang batang babae na kasulatan ko noon at ang babaeng kinahuhumalingan ko ngayon,” muli na naman n’yang banat na nagpahulikipkip naman sa kin. Kahit kailan talaga hindi nauubusan ng mabubulaklak na salita ang lalaking ito. Halata mo talagang sanay na sanay.
“Sigurado ka ba? Mas maganda kasi ang pagtulog kapag nakainom ng tsaa bago humiga,” giit ko naman.
Sa totoo naman ay hindi ko lang talaga alam kung paano kami maghihiwalay na dalawa lalo na at hindi lang pala basta-basta ang ugnayan na meron kami ni Uno. “Siguradong-sigurado, hindi ko na kailangan pa ng tsaa para makatulog nang mahimibing ngayon. Tulad ng sabi ko n’ong dumating ka ay maayos na akong nakakatulog at nakakahinga,” ani na naman n’ya.
“Ang dami mo naman yatang baong mabubulaklak na mga kataga! Hindi ba mauubos ‘yan ngayong araw?” biro ko naman na siya ring tinawanan n’ya.
“Depende,” hindi n’ya pa siguradong tugon.
“Hindi ka pa talaga sigurado ha? Oh, siya, sige na papasok na ako sa loob upang ako ay makapagpahinga na rin. Mag-iingat ka sa iyong daan pauwi, magpahinga ka na rin,” aniya ko naman atsaka nag-umpisa nang maglakad paakyat ng hagdan papunta sa aming mismong silid pahingahan.
Nililingon ko siya paminsan-minsan at nanatili lamang itong nakangiti habang sinusubaybayan ang aking mga hakbang. Hawak-hawak ko na ang hamba ng pintuan ng kuwarto namin n’ong umakyat na rin siya sa kabayo at hinataw na ito. Kumaway pa ako sakan’ya bago tuluyang pumasok sa loob.
“Ay butiki! Nandito pa kayong lahat? Wala ba kayong balak na umuwi at magpahinga na?” bungad ko kaagad nang makita kong nakahilera silang lima sa higaan at puro pa nakaekis ang mga kamay at nakatingin sa kin. Anong meron? Ano naman ang ginagawa nilang ito?
“May problema ba kayo? Binalikan o ‘di naman kaya ay inaway ba kayo ng Hiyas na iyon? Ano magsalita kayo? Hindi pa talaga siya nadala sa nangyari kanina ha! Hindi ba siya nauubusan ng kompeyansa sa kan’yang sarili at kaya n’yang lunukin lahat ng mga pinagsasabi ko sa kan’ya kanina? Bilib din talaga ako sa kakapalan ng mukha ng babaeng iyon! Mukhang hindi lang kolorete n’ya sa mukha ang makapal dahil mismong mukha n’ya ay talagang makapal pala talaga!” litanya ko habang nakapamewangan ngunit wala naman silang naging imik.
“Hoy! Ano? Naririnig n’yo ba ang sinasabi ko? Bakit hindi kayo makasagot? Anong problema? May nais ba kayong sabihin o gustong itanong sa kin?” noong sinabi ko iyon ay doon na nagkinangan ang kanilang mga mata. Ay naku! Mukhang alam ko na ang nais nilang itanong.
“Pumunta kami sa lugar na siya lamang daw ang nakakaalam. Umuwi na siya matapos akong ihatid at bukas na ang iba dahil pagod na rin naman ako sa ginawa natin buong magdamagan. Mas lalo yata akong inantok nang maalala ko ang pakikipagsagutan ko kay Binibining Hiyas kanina. Sa totoo lang ay kinakabahan din naman ako at baka nga balikan n’ya ako dahil sa mga masasama at sa mga masasakit na tinagang pinagsasabi ko sa kan’ya kanina.”
“Naku, binibini! Huwag kang mangamba sa banta ng Hiyas na ‘yon nakita mo naman wala ngang binatbat sa ‘yo kanina sa sagutan. Lagi namang nakakubli ang babaeng ‘yan sa saya at anino ng kan’yang angkan. Kung hindi ka nararapat para sa Panginoong Uno kamusta naman siya ‘di ba? Magiging pabigat lang siya, hindi lang talaga siya nahiya,” may halong paninibugho sa tono ni Minerva.
“Sigurado ka ba d’yan, Minerva? Ang ayaw ko lang naman talaga mangyari ay ‘yong pati kayo ay balikan at awayin n’ya, labas naman na kayo sa aming usapin pero hindi naman ako papayag kung pati kayo ay kan’yang isasali,” determinado ko namang turan. Hindi naman ‘yon makatarungan ako ang problema n’ya kaya dapat ako rin lang ang harapin at awayin n’ya.
“Ay! ‘Yan ang hindi ko masasagot, binibini, tignan mo naman ang inasta n’ya kanina. Kulang na nga lang ay pating mga kasama mo ay sabunutan n’ya rin. Mabuti na lang talaga at dumating si Uno bago n’ya pa iyon nagawa. Nga pala! Dahil sa nabanggit ko na rin naman si Panginoong Uno, anong sunod na nangyari sa inyong dalawa? Magkuwento ka pa, binibini!” wika pa rin naman ni Minerva. Mabilis ko silang lahat na pinasadahan ng tingin at nang mapansin kong lahat sila ay nag-aabang ng susunod kong sasabihin ay napabuntong hininga na lamang ako at umayos na ng upo.
Pagbibigyan ko na lamang ang mga babaeng ito. “May magagawa pa ba ako? Mukhang lahat naman kayo ay nais marinig ang aking ikukuwento at kanina n’yo pa ako kinukulit tungkol d’yan, hindi n’yo na ipagpabukas,” natatawa kong turan na siya rin namang nagpatawa sa kanilang lahat.
“Wala namang kakaibang nangyari maliban sa naghanda siya ng pagkain at may mga regalo siyang ibinigay sa kin ‘yon nga lang habang kami ay nag-uusap may mga bagay kaming natuklasan na kapuwa namin hindi inaasahan,” panimula ko na.
“Hala! Bakit parang bigla naman akong nanabik na marinig ang kasunod sa iyong kuwento, binibini!” anang ni Natalia.
“Gusto mo pala marinig pero sumabat ka pa! Tumahimik ka na lang kaya muna, Natalia? Hayaan kaya muna nating si Binibining Ina ang magsalita at magkuwento?” supalpal ni Minerva kay Natalia kaya inirapan nito ang kan’yang kaibigan. Natawa na lamang akong nakatingin sa kanila. Totoo nga silang magkakaibigan dahil kahit gaano nila alaskahin ang isa’t isa ay wala pa ring napipikon o nagagalit.
“Binibini! Ipagpatuloy mo na po, huwag n’yo na pong pansinin ‘yan si Minerva at Natalia!” bulalas naman ni Karmila. Tumango ako sa kan’ya at ngumiti.
“Oh, siya, sige ba! Ayon nga habang kami kasi ay nagkukuwentuhan may mga nabanggit siya sa kin tungkol sa isang batang babae raw na kan’yang nakasulatan noon ng pasikreto. Noong una ay hindi naman ako ganoong kainteresado at nakikinig lamang ako sa kan’ya dahil ayon sa kan’ya importante rin ang babaeng iyon sa buhay n’ya dahil sa tulong na nabigay nito noong mga panahon na siya ay nangangailangan,” huminto muna ako sa pagsasalita upang huminga.
“Tapos po, binibini? Ano ang nangyari?” nagmamadaling tanong ni Virginia.
“Habang nagkukuwento siya ay nahagip ng aking mga tenga ang pangalan ng mga tauhan na nasali sa kanilang sulatan. Hindi ko naman inaakala pero kahit wala ako sa sariling sinabi na bakit parang magkapareho ang pangalan ng ginamit n’ong batang babae sa mga pangalan ng aking pamilya ay nagsimula na akong magsuspitsiya,” aniya ko naman.
Natatawa ako dahil ang apat ay nakatungo na sa aking harapan. “Kaya sinabi ko sa kan’ya kung maari ko bang makita ang mga naging sulat ng batang babae na iyon sa kan’ya. Ayon kasi sa kan’ya ay tinago n’ya pa itong lahat dahil kahit ngayon paminsan-minsan ay muli n’ya iyong binabasa at doon ko na nga natuklasan ang mga bagay-bagay na mukhang ang tadhana talaga ang nagplano,” nakangiti ko nang saad.
“Teka! Huwag mo pong sabihin na!” bulalas na naman ni Natalia kaya tumango ako.
“Tama ka nang iniisip, Natalia. Napakaimpossible man at napakamahiwaga ngunit ako rin ang batang babae na nakasulatan n’ya noon, siya rin pala ang estrangherong batang lalaki na sinusulatan ko lang noon. Ang natatandaan ko sinulatan ko lang din naman siya pabalik dahil ayaw ko siyang maging malungkot katulad ko pero hindi ko naman lubos akalain na iyon ang mangyayari, tadhana nga naman!”
Natahimik ang lahat n’ong tumigil din ako sa pagsasalita. Tinitignan ko silang lima ngunit parang lahat sila ay gulat na gulat at parang may inaalala. “May problema ba?” agad kong pagtatanong. Lahat naman sila ay umiling maliban na lang nang biglang nagsimulang dumighay nang dumighay si Karmila.
“Karmila, anong nangyari sa ‘yo? Kailangan mo ba ng tubig?” nag-aalala kong tanong tatayo na sana ako upang kunan siya ng tubig nang inunahan na ako ni Virginia.
“Mas mabuting umupo ka na lang muna diyan, binibini, ako na po ang bahala,” anito. Mabilis ang naging kilos ni Virginia at naibigay n’ya agad ang tubig kay Karmila habang hinahaplos-haplos pa nito ang kan’yang likuran.
“Naku! Naku, Karmila. Bumalik na naman ang pagiging pala-dighay mo!” natatawang ani ni Virginia kaya napangiti na rin ako.
“Naku, binibini! Akalain mo po iyon? Talaga pong itinadhana nga kayong dalawa ng tadhana! Napakatamis naman ng inyong pag-iibigan!” bulalas na naman ni Minerva kaya naramdaman ko na ang pagsisimula ng pagpula ng aking mga pisngi.
“Oo nga! Kahit nga kaming dalawa ay hindi makapaniwala sa aming natuklasan!” aniya ko naman.
“Napakamahiwaga po talaga ng pag-ibig, binibini! Sana dumating din ang panahon na gan’yan din ang magiging istorya ng aming pag-iibigan ng aking mapapangasawa!” sagot naman ni Natalia.
“Natalia, minsan kailangan mo ring tulungan ang tadhana upang mas mapadali ang kan’yang trabaho. Paano ka naman n’ya bibigyan ng lalaking para sa ‘yo kung wala kang ibang ginawa kundi ang magbasa sa sulok? Naku! Tiyak walang mangyayari sa buhay mo kung patuloy mo ‘yang gagawin!” sita naman sa kan’ya ni Minerva. Kahit kailan talaga itong si Minerva! Ang bibig talaga ay hindi mapipigilan.
“Oh, siya, sige na. Magsimula na kayong maghanda at bumalik na sa inyong silid pahingahan. Ako ay papasok na muna sa palikuran upang ako ay makapaghanda na rin at makatulog na,” saad ko naman.
Sanura’s POV
Pagkapasok ni Binibining Ina sa kanilang palikuran ay nagkatinginan kaming lahat. Napangiti na lang kami sa huli dahil alam naming lahat na malapit na ang katapusan. Unti-unti nang nailalagay sa lugar ang mga bagay-bagay.
“Matagal na rin nating lahat hinihintay na dumating ang araw na ito. Kailangan na nating gawin ang lahat ng ating makakaya. Walang sino man ang dapat na makasira sa lahat ng plano na meron tayo. Halina kayo,” saad ko habang nakatingin sa kanilang lahat at naglaho na nga kami sa silid pahingahan nina Binibining Ina at Virginia.
N’ong lumitaw kami sa aming sariling silid pahingahan ay kanya-kanya na kaming napahiga sa aming higaan.
“Sanura, sa tingin mo ba magtatagumpay talaga tayo?” usisa ni Natalia na nasa aking kaliwa. Binalingan ko siya ng tingin.
“Ano bang klaseng tanong ‘yan, Natalia? Magtiwala tayo na magtatagumpay ‘tong lahat. Ito na lamang ang pag-asa natin at mas lalong kapag nasira ‘to sa tingin mo ba ay makakaulit pa tayo? Ilang dekada na naman ang hihintayin natin, muli na naman tayong malulubog sa kumunoy nang pagtitiis. Kaya magtatagumpay tayo,” buo ang aking loob na isagot iyon. Sa aking nakikita lahat naman ay nasa kontrol at nasa tamang landas. Ang kailangan lang talaga naming gawin ngayon ay mas bantayan ang bawat kilos ni Binibining Ina.
Siya na lamang ang huli naming alas, siya na lamang ang natitira naming kanyon sa giyerang ito. Kapag pati siya ay mawala pa sa min, muli na naman kaming maghihirap.
Napansin kong bumangon si Minerva mula sa kan’yang pagkakahiga. “Hindi mo naman masisisi si Natalia kung magtatanong siya ng ganoon, Sanura. Alam mong lahat naman tayo rito ay nangangamba sa magiging resulta nitong lahat. Kahit nga siguro ikaw ay nakakaramdam din ng pangamba na paano kung hindi tayo magtagumpay. Hindi naman lingid sa ating kaalam na malalaking mga nilalang ang kakalabanin natin kung sakali,” sabat naman ni Minerva.
“Minerva, kahit gaano pa sila kalalakas wala silang panlaban kay Uno. Hanggang nasa panig natin si Uno walang mangyayari,” pangungumbinsi ko sa kanila. Kinukumbinsi ko rin ang aking sarili gamit ang mga katagang iyon dahil aaminin ko rin namang kahit ako ay kinakabahan din sa sitwasyon na meron kami ngayon.
“Sa tingin mo ba ay may oras pa tayo? Nakita mo naman ang reaksiyon ng lolo at lola ni Panginoong Uno kanina, mukhang hindi sila sang-ayon sa kung ano man ang meron sa pagitan ng apo nila at kay Binibining Ina,” sagot naman ni Karmila.
“Karmila, hindi ba at inaasahan na natin ito? Mortal si Binibining Ina kaya natural lamang na hindi siya gustuhin sa una ng mga kataas-taasan ngunit malaki ang aking paniniwala na magugustuhan din nila siya lalo na sa taglay n’yang kabaitan. Hindi n’yo ba nakikita? Nagbago ang Panginoong Uno dahil sa kan’ya, kung totoong mahal ng lolo at lola n’ya ang kanilang apo ay mas gugustuhin nilang makita siyang nakangiti kaysa noong halos lagi lamang siyang seryoso,” ani ko naman na nagpatango sa kanila. Aminado naman ako na sa ilang taong sinusubaybayan ko si Panginoong Uno ay napakalaki ng pinagbago n’ya simula nang dalhin namin dito sa unibersidad si Binining Ina.
“Alam mo tama ka naman sa sinabi mong ‘yan, Sanura! Ngayon ko lang nakita si Uno na tahasang ngumingiti kahit sa harap ng maraming nilalang. Dati halos hindi mo nga siya masilayang magsalita ng iba maliban sa ‘sa silid parusahan! Ngayon na!’ o ‘di kaya ‘gusto mo yatang latiguhin? Silid parusahan!’, ‘yong tipo na manginginig ka na lang sa tuwing maririnig mo siyang sumigaw na kahit hindi naman ikaw ‘yong sinisigawan n’ya ay nakakaramdam ka pa rin ng takot,” mahabang tugon ni Minerva.
“Pero bagay na bagay talaga silang dalawa! Kinikilig ako sa kanilang dalawa habang pinagmamasdan ko silang nagsasayaw kanina! Parang sila lang ang nandoon at nagsasayaw, parang hindi na nila alintana ang iba, ang importante ay masaya sila!” dugtong naman ni Natalia.
“Ganoon naman talaga kapag nagmamahal ka, Natalia! Palibhasa hindi mo naranasan na magmahal ng isang nilalang! Mas inuna mo pang mahalin, humagikhik o ‘di naman kaya’y ibigin ang karakter ng mga binabasa mong romansa!” pang-aasar na naman ni Minerva kay Natalia kung makapagsalita talaga ang isang ito lagi akala mo naman ay siya ay may nubyo ngayon.
Napailing na lamang ako nang batuhin ni Natalia si Minerva ng unan at tumama iyon sakto sa kan’yang mukha. Nagkatinginan na lamang kami ni Karmila at kapuwa nagtawanan. Buti nga sa kan’ya, nang mapansin kong babatuhin din sana ni Minerva si Natalia ng unan ay pumagitna na ako.
“Minerva, Natalia, tama na ‘yan. Magsitulog na kayo dahil may kailangan pa tayong gawin bukas ng maaga pa,” sita ko sa kanila.
“Maaga?! Wala namang klase bukas, ah? Bakit naman kailangang gumising pa rin ng maaga?! Sanura, naman! Kailangan ko ng tulog!” reklamo na naman ni Minerva. Gan’yan naman lagi ‘yan, laging kulang sa tulog paano ba naman kaysa matulog inuna pa ang pagsusulat ng mga liham para sa iba’t ibang lalaking iniibig n’ya. Imbes na matulog inatupag ang pagtatahi at pagpapaganda ng saya n’ya. Masisi n’ya ba kami? Kasalanan naman n’ya kung bakit siya laging kulang sa tulog.
“Alam mo, Minerva, kaysa magreklamo ka nang magreklamo sa kin ngayon mabuti pa ay tumahimik ka na lamang at matulog na. Kung ayaw mong gumising bukas, eh, ‘di iiwan ka namin dito, ganoon lang ‘yon kasimple,” aniya ko bago ako tumalukbong ng kumot para huwag na n’yang gambalain. Si Karmila ang unang gumamit ng palikuran kaya kailangan ko pang maghintay para ako naman, lagi kasing akong panghuling gagamit n’yan dahil ang tatagal nilang magsigamit at minsan napapabayaan pang magulo ang palikuran. Ayaw ko nang magulo kaya ako na lamang ang mag-aayos.
Habang nagkakagulo sina Minerva at Natalia kung sino ang mauuna sa kanila naalala ko kung paano hindi naituloy ni Uno kaninang sabihin na papatumbahin ng lahi namin ang lahi ng mga mortal. Hindi ko alam kung ano ang plinaplano n’ya dahil nakita ko pang lumuwas silang tatlo upang bisitahin ang presidente ng mga mortal. Siguro ay hindi n’ya lamang masabi iyon dahil nandiyan si Binibining Ina o ‘di naman kaya ay talagang unti-unti nang nawawala ang kan’yang galit sa mga mortal?
Ang importante ngayon ay may pag-asa pa kami.
Mukhang magiging masaya ang ama at inay ni Uno lalong lalo na ang kan’yang inay kapag nakita n’yang bumalik na ang ngiti sa labi ng kan’yang unico hijo. Sana ay matapos na itong lahat at magtagumpay na kami sa aming nais.
Pasimple akong sumilip sa kanilang tatlo na nagbabangayan na naman ngayon. Ang dami na naming napagdaanang lima para rito, hindi na kami pwede bang bumalik muli sa wala.