IKA-DALAWAMPU’T DALAWANG KABANATA (PAGPAPATULOY)

2072 Words
Pilipina’s POV               Kinabukasan, maaga akong nagising pero nakatulog din naman ako ulit lalo n’ong sinabi ni Virginia sa kin na wala palang klase sa tuwing pagkatapos ng selebresyon nilang iyon kahapon. Pabor din naman sa kin dahil inaantok pa ako at parang pakiramdam ko ay buhat-buhat pa rin ng katawan ko ang magarbong saya na meron ako kahapon.             Ngayon naman nakakain na kaming dalawa ni Virginia at nakapagbihis na rin ng panibagong saya. Naka-upo siya sa kinakainan naming mesa habang gumuguhit, oo, magaling pala siyang gumuhit habang ako naman ay hawak-hawak ang librong pinahiram sa kin ni Natalia n’ong isang araw at sinimulan na nga iyong basahin.             Ilang oras din ang nakalipas at nabitawan ko na ang librong kanina ko pang pinagpapalit-palitan ng puwesto, naumay na rin ako sa aking ginagawa kaya agad akong bumangon atsaka uminom ng tubig. Si Virginia naman ay determinado pa ring tapusin at mas lalo pang pagandahin ang kan’yang ginuguhti. Lumapit nga ako sa kan’ya at umupo sa tabi n’ya upang matignan ang kan’yang ginuguhit muntik na akong mabilaukan ng mapagtanto kong ako iyon suot ang sayang sinuot ko kagabi.             “Ako ba ‘yan, Virginia?!” bulalas ko na upang siguraduhin na ako nga ang kan’yang ginuguhit. Binalingan ako nito atsaka siya ngumiti. Ibinigay n’ya sa kin ang papel na iyon. Kamukha ko nga!             “Ang galing mo pala talagang gumuhit! Tapos na ba ito?”             “Bata pa po kasi ako ay nagsimula na akong gumuhit, binibini. Opo, tapos na po iyan. May nais ka po bang ipabawas o ipadagdag upang mas lalo pang mapaganda?” ani nitong nakatitig din sa hawak-hawak kong papel na may guhit n’ya.             “Wala na! Ang ganda nito! Salamat dito, Virginia!” masaya kong bulalas.             “Walang anuman po, binibini! Hindi hamak na mas maganda naman po ang gawa ni Panginoong Uno kaysa sa kin,” anito.             “Magkaiba naman kayong dalawa! Pero salamat talaga dito, Virginia!” aniya ko sabay hinawakan ko pa ang kan’yang mga kamay.             “Salamat talaga sa inyong lima. Kung wala kayo siguro ay hindi ko na makakayanan na mabuhay dito, salamat talaga,” ani ko naman na siyang nginitian at tinunguan n’ya.             “Masaya po kami dahil nabigyan po kami nang pagkakataon na alagaan kayo, binibini. Masaya kami kung mas lalo mo pa pong mapapabago si Uno,” anito.             “Hindi naman ako ang dahilan kung bakit siya nagbago ginusto naman n’ya iyon para sa kan’yang sarili,” sagot ko naman.             Umiling si Virginia at diniinan ang pagkakahawak sa aking kamay. “Iba po n’ong nandito na kayo, masayang-masaya po akong makita at malaman na pati ang tadhana ay nakikiayon sa inyong pag-iibigan,” sagot naman ni Virginia.             “Nga pala, Virginia, maari bang magtanong sa ‘yo?” panimula ko. Naaalala ko kasi ang nga sinabi sa kin ni Isiang at ng mga kasamahan n’ya sa kanilang komunidad.            “Ano po iyon, binibini? Handa po akong sagutin lahat ng katanungan na nais n’yong itanong basta nasa lugar po akong sagutin iyon,” anito.            “Hindi ko alam kung dapat ko bang itanong ito sa ‘yo ngunit maglalakas loob na ako, maari ko bang malaman kung bakit mukhang hindi kayo maayos ni Isiang? N’ong mortal na kasama ko sa silid aklatan,” tanong ko sa kan’ya. Natigilan si Virginia at napayuko ito bago muling harapin ako.            “Mahabang kuwento, binibini, hindi mo na kailangan pang malaman pa dahil ayaw ko rin namang may masira sa amin sa iyong paningin. Ngunit ang alam ko lamang ay ginawa ng pangkat namin ang nararapat. Minsan po kasi may mga nilalang na binabaliktad ang pangyayari at ang tunay na kuwento sa pamamaraan na mas pinapalabas nilang sila ang mas nahirapan, sila ang mas biktima. Ngunit minsan po, binibini, kung sino pa nga ang mas pinapangalandakan na sila ang mas nahirapan ay sila pa itong may mali talaga. Binibini, kung ano man po ang sinabi n’ya sa inyo ay wala po akong kokontrahin doon dahil ‘yon naman ang kuwento nila, opinyon nila iyon kaya bahala sila. Ang akin lamang ay alam namin sa mga sarili namin kung sino ang totoong nagkasala, sino ang totoong nagkamali. Wala kaming inapakan na tao o bampira, binibini, alam na alam namin nina Sanura, Minerva, Karmila at Natalia kung gaano kasakit ang matapaktapakan sa matagal na panahon dahil lumaki lamang kami sa isang bahay ampunan at walang mga magulang, hindi po namin maatim na gawin din iyon sa iba, mapamortal man o mapabampira,” seryosong-seryosong saad ni Virginia. Mabilis n’yang binawi ang kan’yang kamay sa aking kamay kaya nag-alala ako. Tumayo ito at ngumiti sa kin.            “Binibini, makakasigurado ka na lahat ng ginagawa namin sa ‘yo ay taus sa aming mga puso. Wala po kaming masamang nais at nanaisin na mangyari sa inyo, binibini, kasi sa mga nagdaang mga araw mas nakikita at nakikilala po namin kayo kaya mas minamahal din namin kayo. Ang komunindad na kinabibilangan ni Isiang ay kilala sa pagiging aktibista nila, lahat ng maari mong tanungin na iyong makakasalubong sa daan ano man ang lahi na meron may iisang sagot patungkol sa kanilang pangkat. Galit na galit sila sa gobyerno, lahat ng kamalasan na nangyari sa kanilang buhay kahit kasalanan naman talaga nila ay isinisisi nila sa iba. Kung makakapunta ka po sa kanilang komunidad para po silang lahat na mga basang sisiw at kaawa-awa ngunit hindi po ibigsabihin n’on ay sila ang biktima ng pagkakataon. Huwag ka pong mabilis na maniwala sa kahit na sino man kahit sa min pa po dahil lahat ng mga nilalang na nandirito ay may kan’ya-kan’yang gustong maabot at plano sa buhay. Ito lamang po ang masasabi ko sa inyo, binibini, mahal ka po namin. Lalabas po muna ako upang makabili ng ating makakain,” mahaba nitong wika sa kin bago nga ako tinalikuran. Kinuha n’ya ang kan’yang bayong at nagsimula na ngang maglakad paalis.            Pagkaalis n’ya at bigla akong nanghina. Mukhang hindi ko dapat itanong ‘yon sa kan’ya. Parehong magkaiba ang kanilang sinasabi sa kin, hindi ko na tuloy alam kung ano ba talaga at sino ba talaga ang tama. Siguro nga ay ang maari ko na lamang gawin ngayon ay ipagpatuloy kung anong ginagawa ko noon, maging mabait sa mabait sa ‘yo at maging masama sa masama rin sa ‘yo.   Virginia’s POV               Mabilis ang pagtibok ng aking puso sa naging tanong sa kin ni Binining Ina. Inaasahan ko na nagmatatanong siya ng ganoon pero bakit iba pa rin pala talaga kapag nanggaling na sa kan’ya. Tahimik akong naglalakad at naglilinga-linga, sigurado akong nasa malapit lamang si Sanura. Hindi nga ako nagkamali dahil may biglang kumalabit sa kin mula sa likod.             “Nagtanong siya ‘no?” agad na bungad sa kin ni Sanura kaya agad din naman akong tumango.             “Ano pa bang aasahan mo sa pangkat nila? Gawain na rin naman nila ‘yan dati pa. Huwag kang masyadong maapektuhan sa pagtatanong ni Binibining Ina. Pagkaraniwan lamang na maging reaksiyon at aksiyon n’ya ang ganoon. Sino ba naman ang hindi maguguluhan hindi ba?” aniya ni Sanura sa kin.             “Siguro nga ay kung ano-ano na lamang ang pinagsasabi n’ya kay Binibining Ina upang tayo ay siraan. Dinala n’ya pa talaga roon sa kanila para magpaawa,” sagot ko naman.             “Hayaan mo na ‘yon, mamalengke ka na ba?” tanong naman n’ya.             “Oo wala na pala kaming imbak na karne.”             “Halikana at sasamahan na lamang kita. Hayaan mo na ‘yang si Isiang ano pa at mamaalam din naman ‘yan. Hindi lang ngayon pero sa susunod na mga araw, mukhang may pakinabang pa sila sa kinikilala nilang pinuno kaya nakakapag-ingay pa. Tignan lang natin pagdating ng panahon kung hindi ang pinuno nila mismo ang siyang kikitil sa kanilang mga buhay. Mga balimbing.”   Pilipina’s POV               Pagbalik ni Virginia dala-dala ang mga binili n’ya ay mas maayos na siya, bumalik na ito sa dati n’yang sarili at mukhang wala lamang kaming napag-usapan. Mas lalo tuloy akong nakonsensiya dahil parang pinaghinalaan ko ang intensiyon nila sa kin.             “Mukhang malalin ang iniisip mo, aking binibini.”             “Ay palakang hilaw! Ano ba naman, Uno! Nangugulat ka naman, eh!” daing ko sa lalaking nakasunod na pala sa kin habang sapo-sapo ang aking puso.             “Pfft! Kanina pa akong nakasunod sa ‘yo hindi mo man lang ba napansin?” natatawa n’ya pang tugon.             “Magugulat ba ako ng ganoon na lamang kung napansin ko?”             “Ah? Kailan ka pa natutong sumagot sa kin ng gan’yan? Baka nakakalimutan mong si Uno ang kausap mo?” aniya na may pananakot pa. Inirapan ko siya.             “Wala akong pakialam! May mali ka rin naman, ah!” taas noo kong saad kaya nakatikim ako ng pitik sa noo.             “Mas matapang ka pa sa kin, ha? Hindi ka natatakot na parusahan kita?” mapanudyo n’yang saad.             “Hmph! Bakit naman ako matatakot? Nasa katwiran naman ako! Ayos lang maparusahan basta pinagtanggol ko ang sarili ko sa alam kong tamang pamamaraan. Ikaw! Masama ‘yang ginagawa mo! Hindi dapat ginagamit ang antas sa buhay para makapanakot ng iba. Alam mo ba sabi ni Inay Pilar sa kin kahit anong meron ka sa ngayon ay hindi mo naman madadala sa hukay kaya dapat maging mabait sa lahat!” parang bata kong katwiran. Nakanguso pa ako n’yan kaya natawa siya matapos kong sabihin iyon. Hinawakan n’ya ang likod ng aking ulo atsaka humalik sa aking noo.             “Kaya walang binatbat si Hiyas sa ‘yo kahapon, eh. Ang tapang-tapang naman ng Ina ko na ‘yan!” natatawa at hindi n’ya makapaniwalang ani.             Bumaba ang mga kamay n’ya hanggang sa napunta na ito sa aking bewang kaya nagpatuloy kaming maglakad sa ganoong ayos. Pinagtitinginan tuloy kami.             “Kailangan talagang ganito tayo maglakad?” aniya ko habang ang mga tingin ko ay nanatili pa ring nakatanaw sa mga nakakasalubong namin.             “Hayaan mo silang tumingin, hanggang sa tingin lang naman ang mga ‘yan,” mayabang nitong saad kaya napa-irap ako at napailing.             Natahimik kami sa saglit habang tinatahak na namin ang daan patungong silid aklatan. Kahit kasi walang klase ay kailangan ko pa rin namang pumasok sa silid aklatan upang gawin ang aking katungkulan doon dahil baka makarinig na naman ako ng sermon mula kay Ginang Melchor lahat na lang kasi ng gagawin kong mali ay pinapalaki n’ya. Parang mas masaya pa siyang nagkamali ako para may gamitin na naman siyang rason upang mapagalitan at mapagsabihan na naman ako ng kung ano-ano.             “Ano bang iniisip mo kanina at mukhang napakalalim?” untag ni Uno.             “Ah? ‘Yon? Kasi tinanong ko kanina si Virginia ng mga bagay na hindi ko dapat itanong. Teka! Kilala mo ba ‘yong babaeng mortal na kasama ko sa silid aklatan?” bulalas kong tanong bago ko itinaas ang aking tingin sa kan’ya sakto namang tinitignan n’ya rin pala ako. Nagkatinginan kami at agad kong ibinaba ang aking tingin.             “Isiang ang kan’yang ngalan hindi ba?” tanong n’ya.             “A-ah, oo! Siya nga,” nauutal kong tugon. Hindi ko pa rin talaga mawala sa sistema ko minsan na hindi mahiya sa tuwing biglang nagkakatinginan kaming dalawa.             “Oo, nakapunta na rin ako sa komunidad nila ng isang beses. Bakit mo natanong?”             “Wala naman. Anong tingin mo sa pangkat nila?” pasimple kong saad.             “Mula noon ay kilala sila bilang kumakalaban sa gobyerno ng unibersidad. Ang alam ko ay ilang beses na rin naman silang pinagbibigyan ng aking lolo at lola at ng ibang kataas-taasan ngunit balita ko ay hindi naman sila nagbabago. Mukhang kahit kailan ay mahirap namang paintindihin ng mga bagay-bagay ang mga katulad nila lalo at lagi namang sarado ang kanilang mga isipan sa katotohanan at pagbabago.”             “Anong ibig mong sabihin? Sarili lang nila ang pinaniniwalaan nila?”             “Parang ganoon na nga. Hindi ba at ganoon naman ang kilos at paraan ng pag-iisip ng mga katulad nilang mga aktibista? Kailangan nilang panghawakan ang pinaglaban nila dahil kapag nawala ay wala na rin namang saysay ang kanilang pinaglalaban.”             “Minsan kasi may mga pinaglalaban tayong hindi naman dapat ipaglaban,” sagot ko naman.             “Tama. Huwag mo na lamang silang isipin pa, aking binibini. Hayaan mo na ang batas ang umayos sakanila. Pumasok kana sa loob, mag-iingat ka,” aniya. Tumango na lamang ako at tahimik na pumasok sa silid aklatan.               “Nandito na pala ang paraluma ng gabi.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD