Filipinas
Mayo 30, 1900
SUOT–SUOT ang aking paboritong berdeng saya ay masaya kong akay si inay palabas ng simbahan. Kakatapos lamang magdaos ng misa ang Kura Paroko kung kaya’t ngayon naman nagkukumpulan na ang mga tao para abangan ang parada ng mga naggagandahang arko. Pinagdiriwang kasi namin sa araw na ito ang Flores de Mayo.
“Inay, doon tayo! Mukhang mas kunti ang tao,” mungkahi ko kay inay na may ngiti pa sa aking mga labi.
“Oh siya, halikana at baka mapawi pa ang iyong galak, anak,” sagot naman ni inay bago kami nagsimulang maglakad. Halos lumundag-lundag ako sa kagalakan.
Pawang naggagandahang mga saya ang aking nakikita.
“Inay, tignan mo! Ang reyna elena ay talagang napakaganda! Sulyapan mo halos punong-puno ng diamante ang kanyang suot na magarang saya!” bulalas ko pa habang tinuturo ang babaeng nasa likuran ng parada.
“Oo nga anak, napakaganda niya ngunit mas maganda ang aking unica hija!” paglalambing nito sabay pisil ng aking mga daliri.
“Naku, inay! Lubos naman pong mas maganda ang binibining iyan kay’sa sa kin.”
Dalawa na lamang kami ni inay sa buhay, ang aking ama kasi ay matagal nang namayapa, ako ay nasa labing isang taong gulang pa lamang.
Nag-aaral ako sa isa sa mga magagandang paaralan sa loob ng Intramuros at sa awa naman ng puong maykapal ay nairaraos naman namin ni inay ang aking pag-aaral. Namamasukan ang akin inay bilang tagapagluto sa Hacienda ng mga Montemayor habang ako naman ay namamasukan din bilang tagahugas ng mga kubiyertos sa kainan nila Aleng Mersedes.
Masaya kaming nagkuwe-kuwentuhan ng inay pauwi bitbit ang aming biniling ihaw-ihaw sa eskinita nang madatnan namin si Tiya Esmel na pabalik-balik nang lakad sa tapat ng aming bahay.
“Salamat sa Panginoon! Nariyan na pala kayong dalawa! Oh, siya! Bilisan ninyo at may pag-uusapan tayo sa loob,” pagmamadali nitong saad.
Wala ako sa wisyong binuksan ang aming trangkahan. Hindi pa nga nakakapasok si inay ay agad itong sinunggaban ni Tiya Esmel na siyang nakakatandang kapatid ni Ama at dire-diretsong umupo.
“Anong atin, Esmel?” panimula ng aking inay.
“Pilar, anong naririnig ko sa ating mga kapitbahay na may utang pala kayo kay Ginang Enrile?!” Inilapag ko muna ang aming biniling ulam atsaka umupo sa tabi ni inay.
“Iyon ba, Esmel? May pawang katotohanan naman ang iyong narinig. Kinailangan kasi namin ng pangmatrikula ni Ina kung kaya’t ako ay napilitang mangutang,” mahabang paliwanag ni Inay Pilar, iyon ay totoo naman habang kasi na ako ay tumatagal sa paaralan ay mas lalo ring dumarami ang aming bayarin.
“Diyos ko! Diyos ko bakit mo sila pinabayaan? Pilar! Hindi ba at sinabi ko na sa’yong ipatigil mo na ‘yang si Ina sa pag-aaral kung hindi niyo naman kayang bayaran?! Ang hirap kasi sa inyo mas’yado kayong mataas kung mangarap!” Madahas nitong binuksan ang kanyang pulang abaniko atsaka nagtaray.
“Esmel, mawalang galang na ngunit mahalaga na makapagtapos ng pag-aaral si Ina. Hanggang kaya ko ay sisikapin kong maitaguyod ang kanyang pangmatrikula,” mahinahong sambit ng aking Inay.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos simula noong yumao ang aking ama lagi na lamang nangingialam itong si Tiya Esmel sa aming mag-ina. Imbes na kami ay tulungan mas hinihila pa kami pababa, palibhasa ayaw niyang maunahan namin, gusto nilang sila lagi ang pinupuri.
“Pilar, ang akin lang naman ay maari mo namang pagtrabahuhin na lamang si Ina, hindi pa kayo panay utang sa ibang tao. Nakakahiya! Ano na lamang ang iisipin nila sa ating pamilya?!”
Nakakahiya?
Ang sabihin mo kamo, Tiya, gusto mo lang na ako ay tumigil sa pag-aaral para hindi mapahiya ang anak mong bagsak ang mga marka.
“Esmel, kaya ko naman atsaka gan’yan talaga ang buhay, wari kami ngayon ay nasa baba ngunit may awa naman ang Panginoon bukas o ‘di kaya sa mga susunod na mga araw kami rin ay makakaahon.” Tinitignan ko na ng madiin si Tiya habang hawak-hawak ang balikat ni Inay.
Ano ba ang pakialam niya kung kami ay nangungutang hindi naman kami nanghihingi sa kan’ya ng pambayad?! Ito lamang ba ay upang may masabi siya laban sa min? May maisasaw-saw lamang sa buhay naming mag-ina?
“Mawalang galang na Pilar at Ina ngunit hindi naman katalinuhan ‘yang anak mo para pagkagastusan at ipahiya ang pamilya. Hindi naman porket gusto niya ay pagbibigyan mo na, Pilar. Ang masyadong pag-aambisyon ay nakakasama, mabuti sana kung kayo lamang ang napeperwisyo ngunit pati na rin kami.”
Tatayo na sana ako upang sumagot nang hilahin ako ng inay pabalik, tinapik nito ang aking kamay bago ngumiti kay tiya.
“Esmel, saan mo naman nakuha ang iyong impormasyon? Iyan ay hindi totoo, sa katunayan ay kasama si Ina sa mga paparangalan ngayong taon. Hindi ba iyon nasabi sa’yo ni Esmeralda? Hindi ba kayo magkasama sa iisang silid-aralan, anak?” pag-uumpisa ni Inay.
Pagkakataon ko na ito upang sumagot.
“Hindi, inay. Si Esmeralda kasi ay may bagsak na marka kung kaya ay napagdesisyunan ng aming maestro na patigilin muna ito sa pag-aaral. Nais ni maestro na siya muna ay mag-aral mag-isa upang mas matuto bago ito bumalik muli sa eskuwela,” napabusangot si tiya ng mukha, akala niya siguro hindi kami marunong lumaban.
“Ah, basta! Minumungkahi kong ayusin ninyo ang inyong buhay! Dahil sa oras na mabalitaan kong nagbibigay kayo ng kahihiyan sa ating pamilya ay hindi na ako magdadalawang isip na pumunta sa eskuwelahan at imungkahi sa maestro na ipatigil din si Ina sa pag-aaral!” Namumula si Tiya Esmel na tumayo atsaka padabog na naglakad palabas.
“Ingat ka, Esmel!” pahabol pa ni inay bago nito isinara ang aming pinto.
Inakay ako ni inay patungo sa hapagkainan atsaka nito hinain ang kanin at ang binili naming ihaw-ihaw.
“Kain na, anak! Huwag mo na lamang pansinin ang mga taong walang ibang hinangad kung hindi ang kalaglagan ng kan’yang kapuwa.” Mahina kaming napatawa ng aking Inay Pilar.
Hindi naman sa pagmamalaki o kung ano pa ngunit masaya ako kahit kami ay naghihirap ng aking inay, kahit kasi kailan hindi niya ako pinabayaan, walang oras o ‘di kaya pagkakataon na hindi niya sinusubukang ibigay ang mga bagay na gustong-gusto ko. Alam kong hindi madali ang makapag-aral lalo na sa panahong ito na kapag mahirap ka ay wala ka ring karapatang gustuhin ang lahat ng iyong nais. Ngunit pangarap ko ang makapagtapos nais kung sa huli ay ako’y maging maestra rin, ituturo ko sa mga batang mayayaman na walang masama kung galing kang hirap, ang masama lamang ay mang-alipusta ng iba.