Third Person’s POV
Pagbalik ni Uno sa kan’yang bahay ay masaya itong isinirado ang pintuan ngunit agad na napawi ang ngiti sa kan’yang mga labi ng madatnan n’ya ang kan’yang lolo at lola na nakaupo sa salas ng kan’yang bahay at mukhang hinihintay siya. Nakita n’ya pang binigyan sila ng tsaa ng kan’yang kasama sa bahay na si Anggusta.
Ang kan’yang lolo ang unang nakapansin sa kan’yang pagdating ngunit nanatili lamang itong nakatingin sa kan’ya. Ang kan’yang lola ang siyang napatayo talaga at agad na pinukulan ng masasamang tingin si Uno.
“Umupo ka na rito sa harapan namin ng lolo mo, Zacarias,” maawtoridad agad na utos ng kan’yang lola na agad naman n’yang sinunod. Nagkasenyasan pa sila ni Anggusta bago tuluyang makaupo si Uno sa harapan ng pinakamataas na mga bampira ng unibersidad. Ang kasalukuyang hari at reyna ng Unibersidad ng Maynila.
“Magandang gabi po, lolo at lola,” bati naman sa kanila ni Uno kaya napa-upo naman ang kan’yang lola at mabilis na sinipsip ang tsaang inihanda sa kanila ni Anggusta.
“Anong nabalitaan kong kasintahan mo na ang bagong saltang mortal na iyon? Gaano ‘yon katotoo, apo?” panimula agad ng kan’yang lola.
“Tama naman po ang nakarating na balita sa inyo, lola. Totoo po na kasintahan ko na po ang bagong saltang mortal na inyong tinutukoy. Ngunit siya ay may magandang ngalan, siya po si Ina, lola,” walang katakot-takot na sagot ni Uno.
Pinagmasdan muna siya ng kan’yang lola bago muling sumisipsip ng tsaa. “Hijo, sabi ko naman sa ‘yo mas mabuting umuwi ka na lamang sa palasyo, mas mabuting nakatira tayo sa iisang bubong nang sa ganoon ay mas mabibigyan ka naming pansin ng iyong Lolo Enrico. Ikaw ang batang itinakda ng propesiya kaya kailangan mong maging karapat-dapat,” anito.
Bumuntong hininga si Uno at dumekuwatro. “Lola, hindi ba at nasabi ko na rin po sa inyo na hindi ko iiwanan ang bahay na ito? Maayos naman po akong mag-isa kaya huwag na po kayong masyadong mag-alala pa sa kin. Samakatuwid alam ko pong abala kayo ni Lolo Enrico sa mga bagay-bagay kaya huwag n’yo na pong pagkaaksayahan ng oras ang aking buhay, Lola Clarita,” pormal naman na tugon ni Uno.
“Zacarias, hindi pwedeng hindi kami mangialam lalo’t nakikita namin na wala sa ayos ang mga desisyon na iyong ginagawa,” iritadong banggit ni Donya Clarita.
“Lola, bakit ba masyado n’yong binibigyan nang pansin ang buhay ko ngayon? Hindi na lang kayo maging tulad ng dati na sinusuportahan lahat ng gusto ko. Ito ang gusto ko at wala ng iba. Tuldok.”
“Noon ‘yon, Zacarias. Noon. Noon na wala ka pang ganitong ginagawa, padalos-dalos ka. Paanong ang isang katulad mo na may mataas na antas, may dugong bughaw, ang itinakda at ang susunod na magiging hari ng unibersidad na ito ay papatol at makikipag-ibigan sa isang mortal? Mortal siya, Zacarias! Baka nakakalimutan mo na dahil sa mga mortal muntikan ka nang mamatay! Nawalan kami ng anak at nawalan ka ng mga magulang dahil sa mga mortal! Ngayon! Sabihin mo sa kin, paano mo naatim na magmahal ng isang mortal!” nagsisimula nang umapoy ang galit ni Donya Clarita.
“Mahal, kumalma ka muna. Hayaan natin pakinggan ang sasabihin ni Zacarias. Alam kong may malalim siyang dahilan kung bakit n’ya nagawa ang bagay na ito,” kalmadong saad ni Don Enrico.
Ngumiti si Uno sa kan’ya. “Salamat, lolo. Subukan n’yo po munang kilalanin si Ina dahil sigurado akong magugustuhan n’yo rin siya tulad ng pagkagusto ko sa kan’ya. Iba siya sa mga mortal na mga masasama, lola, isa siyang maganda at mabuting mortal. Lola, alam mo bang siya at ang batang babae na nakasulatan ko noon na siyang tumulong sa kin upang muling bumalik sa dati kong kilos ay iisa? Lola, siya ang umayos sa aking buhay. Kahit kinuha ng mga mortal ang aking mga magulang sa kin labas na si Ina roon. Hindi naman po parte ang kan’yang pamilya ng gobyerno ng Filipinas,” mahabang pagpapaliwanag ni Uno.
“Mortal pa rin siya, apo,” kalmado na ang boses ni Donya Clarita ngunit halata mo pa rin sa kan’ya ang hindi pagsang-ayon sa nais ng kan’yang apo.
“Lola, ibahin mo siya sa ibang mga mortal. Lola, magtiwala ka sa kin. Magugustuhan mo ang babaeng aking iniibig,” determinadong saad ni Uno habang papalit-palit ang tingin sa kan’yang lolo at lola.
“Mukhang buo na ang iyong desisyon patungkol sa dalagang ito, hijo,” seryosong singgit ng kan’yang lolo.
“Lolo, nararapat lamang sa kan’ya ang ganitong determinasyon. Hindi siya basta-bastang babae, nag-iisa lamang siya,” tugon naman ni Uno.
“Kung ganoon ay nais ko siyang makilala. Mas mabuti pa ay dalhin mo siya sa palasyo bukas ng gabi. Doon na kayo maghapunan sa tin bukas,” patapos na saad ng kan’yang lolo.
“Sumasang-ayon ako sa iyong tinuran, lolo. Mas mabuti pa ngang ‘yan na lamang ang ating gawin bukas. Nais ko rin po talagang makilala n’yo na siya ng personal upang mas magkaintindihan kayo at mas mapapatunayan ko ang aking mga sinasabi sa inyo patungkol sa kanya,” tugon naman ni Uno.
“Mabuti kong malinaw na ang lahat, halikana, Clarita. May kailangan pa kaming tapusin, apo, mauuna na kami sa ‘yo. Matulog ka na at magpahinga,” utos ng kan’yang lolo bago ito tumayo at naglakad na palabas. Sa kanila pala ang nakaparadang magarang kalesa sa labas ng bahay ni Uno.
Tumayo na rin ang kan’yang lola ngunit tumigil pa ito ng magkapantay na sila ng kan’yang apo. “Zacarias, alam mo ang laban na mangyayari hindi ba? Tandaan mo ang mga plano natin. Hindi maaring mauwi sa wala ang pagkamatay ng iyong mga magulang, itatak mo ‘yan sa iyong isipan. Hindi na dapat tayo muling matalo pa at hindi ako papayag na ‘yang pag-ibig mo sa isang mortal na ‘di hamak na may mababang antas ang sisira n’ong lahat. Itinaya na natin lahat ng meron tayo sa parating na labanan kaya huwag mo naman sana kaming biguin ng iyong Lolo Enrico. Apo, mahal na mahal kita alam mo iyon. Susuportahan kita sa lahat ng mga bagay basta alam kong gusto mo at makakatulong sa ‘yo ngunit hindi ako papayag na bumagsak ka ng dahil lang sa Ina na ‘yan. Napakaraming mga bampira na may mga matataas na antas at malalakas na kapangyarihan ang naghahabol sa ‘yo kayo huwag mong aksiyahin ang iyong sarili sa isang mahinang tulad n’ya. Magiging pabigat lang ang tulad n’ya sa katulad mo,” wika ng ni Donya Clarita ngunit hindi natinag si Uno.
“Katulad nino, lola? Katulad ni Hiyas Escudero na halos maghubad na sa harapan ko para lang pakasalan ko siya? Lola, aanhin ko naman ang babaeng may mataas ngang antas ang pamilya at may malakas na kapangyarihan kung ang ugali naman n’ya ay hindi kaaya-aya. Kaya ko mag-isa, lola, hindi ko kailangan ng tulong ng sino man upang magtagumpay. Mas lalong magpapabigat sa kin ang mga katulad ni Hiyas, kaya hinihingi ko po sana ang inyong pag-intidi at suporta sa min ni Ina.”
Napabuntong hininga si Donya Clarita. Napapikit ito bago yakapin ang kan’yang pinakamamahal na apo. “Kung ‘yon ang iyong paniniwala.”
Iyon ang huling sinabi ni Donya Clarita bago ito tuluyang lumabas ng bahay ni Uno at sumampa sa dala nilang kalesa. Sumunod si Uno hanggang sa pintuan at kumaway ito pabalik sa kan’yang lola.
Agad na nagbago ang ekspresiyon sa mukha ni Uno nang naglakad ito papasok muli ng sa loob ng kanilang bahay.
“Panginoong Uno, mukhang hindi gusto ng iyong lolo at lola si Binibining Ina para sa ‘yo,” nag-aalalang saad ni Anggusta ng napaupo na lamang sa malambot na upuan sa salas si Uno.
“Mawalang galang na po ngunit mas mainam pa ay ihanda n’yo na lamang si Binibining Ina para bukas. Ako na ang bahalang maghanap ng magandang saya na nababagay sa kan’ya. Dadalhin ko na lamang po iyon sa pagbabalik ko bukas dito,” ani ni Anggusta.
“Salamat.”
Pilipina’s POV
Pagkalabas na pagkalabas ko sa silid aklatan ay agad akong hinila ni Uno papunta sa kan’yang bahay. Kanina pa ako papalit-palit ng saya dahil hindi n’ya raw gusto ang ganoong kulay.
Aburido na ako ng muli akong lumabas ng banyo suot ng panibagong saya. Ito na ang huling saya na nakahanda sa kan’yang higaan kaya naman sana ay ito na rin ang susuotin ko sa kung saan man kami pupumunta na dalawa.
Nakaayos na rin kasi siya at halata mong magara ang pupuntahan namin.
“Matagal pa ba?” pagtatawag na n’ya sa kin.
Tsk! Bakit naman parang nagmamadali siya?! “Kalmahan mo nga bagang mo, Uno,” sagot ko naman. Hindi naman na siya sumagot pa kaya mas minabuti ko na ngang bilisan na ang pagkilos. Mabilis akong naglakad at sa pagbukas ko ng pinto ay agad na napangiti si Uno. Seryoso itong nakatingin sa kin habang ang mga kamay ay nasa kan’ya ng mga bulsa. Tumayo siya at agad na kinuha ang aking kamay upang ipilupot sa kan’yang balikat.
“Sabi ko na nga ba at mas bagay ‘yan sa ‘yo. Halikana, pupunta tayo sa palasyo, nais kang makilala ng lolo at lola ko.”