IKA-DALAWAMPU’T LIMANG KABANATA

4714 Words
Isiang’s POV               NAWALAN na ako ng ganang pang ipagpatuloy ang panonood kay Binibining Ina at sa Uno na ‘yan. Kung hindi lang talaga namin kailangan ‘yang Uno na ‘yan para magtagumpay at marinig naman ang aming mga hinain ay hindi ko gugustuhin na maging magkabiyak sila ni Binibining Ina. Kahit kasi sa maikling panahon ay napalit din naman ang loob ko sa binibini, hindi naman kasi siya ‘yong tipong pakialamera mas nanaiisin n’yang hintayin na ako mismo ang magkuwento ng patungkol sa buhay ko. ‘Yon ang gusto ko, hindi nangingialam.             Bagot akong naglalakad ngayon pauwi ng aming komunidad. Masaya na sana ang aking araw ngunit nasira pa dahil sa nakita ko pa ang isa sa mga bampira na kinamumuhian ko sa matagal na panahon. Bakit ba kailangan sa lahat ng maari kong makatinginan ay siya pa, ang dami namang iba pero nagkatagpo pa talaga ang aming mga paningin.             Napabuntong hininga ako ng malakas lalo na n’ong tuluyan na akong nakapasok sa loob ng kawayan na bakod. Bukas pa ang mga ilaw ng halos lahat ng mga kabahayan namin dito kaya kahit basang-basa na ako ay malakas pa rin akong sumigaw.            “MAY PAGPUPULONG!” hiyaw ko bago tuluyang pumasok sa aming bahay para magbihis. Nadatnan ko si ama at inay na muli na namang nagdidildil ng asin upang kami ay may makain na magkakapatid.            Sa lahat ng kamalasan sa buhay sinalo na yata naming lahat. Wala na lang talagang araw na hindi kami nagdidildil ng asin. Buti na lang talaga kahapon at masarap ang mga hinain nilang pagkain sa pagdiriwang kaya nilubos-lubos na namin ang pagkain doon. Nakapagpuslit pa nga ako kaya hanggang kaninang tanghalian ay ulam pa rin naman ang manok na inihaw.            “Anong meron, anak?” malambing na saad ni ama nang makalabas na ako galing sa aking kuwarto at nakapagbihis na.            “Dumating na ang araw na pinakahihintay natin, ama,” ani ko naman dito. Hindi naman nagtagal ay nagsidatingan na ang aming mga kasama. Kanya-kanya na silang humanap ng puwesto upang maka-upo, isinantabi ko na lamang ang aking pagkainis ng makita ko ang pangkat nila Sanura dahil ang gabing ito ay dapat naming ipagdiwang.            “Mga kasama. Galing ako sa labas at may maganda akong ibabalita sa inyong lahat. Sa wakas ay dumating na ang araw nang paghuhukom, dumating na ang araw na hinihintay at pinagdadasal nating lahat matagal na. Makakaahon na tayo sa hirap na kinasasadlakan natin ngayon,” maligaya kong anang.            “Anong ibig mong sabihin, Isiang? Bakit hindi mo na lamang kami diretsuhin,” tugon naman ni Tatang Badyo.            “Tatang Badyo, alam n’yo po ba na hanggang ngayon ay nagkakagulo sa labas?”            “Nagkakagulo? Bakit anong meron? Kailangan na ba nating maghanda?” kinakabahan na ani ni Tatang Badyo na isa sa pinakamatanda sa aming pangkat.            “Wala pong kaguluhan, tatang. Sa halip ay may kasiyahan na kahit po ang pangkat natin ay dapat na ipagdiwang.” Tumahimik ang mga kasamahan namin kung kaya’t tinignan ko ang buong paligid.            “Inalok na ng Panginoong Uno ng mga bampira si Binibining Ina na maging kabiyak n’ya at sumagot ng oo si Binibining Ina. Magkasintahan na sila ngayon kaya malinaw na ang patutunguhan ng lahat. Mas malapit na tayo sa hulihan.” Napangiti ako ng halos iisa lamang ang mga naging reaksiyon naming lahat, masaya, kagalakan.            Kahit ako naman kanina ay sasabog na sa matinding kaligayahan. Kinabahan pa ako n’ong una dahil akala ko hindi papayag ang Binibining Ina sa gusto ng Uno na ‘yan. Akala ko talaga masisira na ang nag-iisang naming pag-asa na mabangon sa sitwasiyon namin ngayon, buti na lang talaga at umayon naman ang lahat sa gusto naming mangyari, ‘yon nga lang nandiyan pa rin ang mga pangkat nila Sanura. Mga panira!            “Ang ibig sabihin ba nito ay malaki ang pagkakataon nating mapakinggan kung mas lalo pa nating kukumbinsihin si Binibining Ina?” tanong ng isa.            “Isiang! Malaking isda pala talaga ang babaeng iyong dinala rito n’ong isang araw,” aniya naman ng isa.            Ngumiti ako at tumango sa kanilang lahat. “Tama kayo ng narinig at tama rin na isipin ninyong maari na nating makamtan ang matagal na nating gusto. Malaking isda talaga si Binibining Ina dahil sa nakikita ko lubos siyang iniibig ng Uno na ‘yon. Si Uno ang susunod na mamumuno sa unibersidad na ito at siya ring itinakda sa propesiya nila kaya kung didikit at paiintindihin pa natin kay Binibining Ina ang ating sitwasyon ay malamang sa malamang magagawa nating makaalis sa impeyernong lugar na ito. ‘Yon nga lang may mga sagabal pa rin,” ani ko naman. Napailing ako dahil hindi ko pa rin lubos na maisip na kung saan na kami mas lalong lumalapit sa gusto naming mangyari mas lalo namang nangingialam at nakikisabit sa min ang pangkat nila Sanura. Kahit kailan talaga sila ang malaking tinik sa aming mga buhay.            “May problema na naman ba?”            “Sa kamalasan ay meron. Si Binibining Ina ay nasa ilalim ng pangangalaga ng pangkat nila Sanura dahil sa utos ni Uno. Sa pagkakaalam ko sila ang nagdala rito kay Binibining Ina kaya alam kong may mga sinabi na rin sila kay Binibining Ina patungkol sa atin. Malamang sa malamang ay sinisiraan na tayo ng mga ‘yon,” sagot ko naman. Palibhasa mga masasama kaya gagawin ang lahat maikubli lamang nila ang kanilang mga baho.            “Pangkaraniwan lang naman pala ang problema na meron ka, Isiang, eh ‘di kailangan natin silang alisin sa larawan. Isiang, ang mga bampirang katulad nila ay madali lamang sirain. Masyado silang malinis, ang sarap dungisan kahit kunti,” nakangising suhestiyon ng isa sa aming pangkat.            “Naisip ko na ‘yan at may alam na akong mainam na plano. May natuklasan na naman akong malaking pagkakataon para magamit natin laban sa kanila. Sisiguraduhin kong tuluyan silang lalayo kay Binibining Ina kapag nagtagumpay ako.”            “Anong plinaplano mo, Isiang?”            “Malalaman n’yo rin iyon,” tugon ko naman.            “Maari na kayong magpahinga. Malakas ang ulan sa labas kaya mag-abang na lamang kayo dahil baka muli tayong pasukin ng baha,” paalala ko naman.            Tumalikod na ako sa kanila upang pumasok sa aking kuwarto. Nadaanan ko ang malaking salamin kaya napabalik ako roon at tinignan ang sarili kong repleksiyon. Napayukom ako ng dalawa kong mga kamay.            “Darating din ang panahon na hindi mo na kailangan pang magtiis at mabuhay ng kulang sa lahat. Darating din ang panahon na ikaw naman ang nasa taas. Kunting tiis na lamang, Isiang. Kunting tiis na lamang, kailangan mong magtagumpay hindi lamang para sa iyong pamilya ngunit pati na rin sa ibang nakaasa sa ‘yo.”            Kunti na lang talaga at maabot ko na ang bagay na nais kong makamtan.            Ang kalayaan. Virginia's POV              Mag-isa akong nagligpit ng mga kubyertos na ginamit ko kanina sa pagkain. Hindi pa kasi nakakauwi si Binining Ina matapos n'yang sumama kay Panginoong Uno kanina. Malamang ay baka hindi na iyon umuwi dito ngayong pang sila na. Naku! Ayaw ko na lamang mag-isip ng maari nilang gawing dalawa. Pero wala namang makakaalam kung isipin ko na maaring gumagawa na sila ng supling sa mga oras na ito.            Naku! Mahal naming mga Bathala! Sana naman ay biyayaan mo silang dalawa ng malusog na mga anak. Ako ay nasasabik na alagaan ang kanilang magiging mga supling!             Abala akong humahagikhik habang naghuhugas ng aking pinagkainan ng biglang lumitaw sa aming silid pahingahan sina Sanura, Minerva, Karmila at Natalia.             "Tamang-tama wala pa pala si Binibining Ina rito," bungad agad na saad ni Sanura bago n'ya hinatak ang upuan at prenting na-upo.             "Bakit? May kailangan ka ba sa kan'ya?" tanong ko naman atsaka mabilis naitinabi ang mga nahugasan ko. Mabilis kong pinunasan ang basa kong kamay bago ko tinahak ang aking higaan at tumabi kay Minerva na nakasalampak na roon.            "Wala naman. Akala ko kasi ay nandirito na siya dahil kanina pa naman silang nakaalis ni Panginoong Uno," tugon naman n'ya sa kin.            Tumingin ako sa kan'ya at alam kong may malalim na mga kaisipan ang tumatakbo sa isipan n'ya ngayon. Kasama ko na si Sanura mula pagkabata kaya alam na alam ko na kung kailan siya nangangamba, naiiyak, nagagalit o hindi kaya ay may nais na sabihin at ngayon alam kung may nais siyang sabihin sa aming lahat na nandirito ngayon. "May nais ka bang sabihin sa min, Sanura? May dapat ba kaming malaman?" tinanong ko na.             Napalunok naman siya agad bago kami hinarap na lahat. "Masaya ako na unti-unti ng umaayos at naayon sa ating plano ang mga nangyayari ngayon ngunit kanina habang abala ang ibang nagagalak dahil sa magandang balita dahil sa naganap na pag-iisa nina Binibing Ina at Panginoong Uno ay may isa akong mortal na nakatinginan. Mukhang hindi n'ya nagustuhan ang ang pagtitinginan na iyon. Mabilis itong umalis sa lugar na napawi na ang galak na bumalantay sa kan'yang mukha bago pa kami nagkatinginan," mahaba n'yang pagsasalaysay.            "Mukhang hindi naman na namin kailangan pangalan kung sino 'yan. Kilalang-kilala na namin, siya lang naman ang tanging mortal na halos sunugin na tayo sa mga tingin n'ya pa lamang. Hindi talaga makuha-kuha kung bakit galit na galit 'yang babae na 'yan sa tin. Sa totoo nga ay sila pa nga itong nagkasala sa tin, hindi ko naman sinasabi na si Isiang ito pero parang ganoon na nga sinabi ko na nga rin na si Isiang 'yan," tahasang sagot ni Minerva. Lahat naman sa min ay siya lang talaga itong hindi nauubusan ng enerhiya para sumabat nang sumabat. Sa araw-araw na ginawa ng Bathala wala na nga yata siyang ginawa kundi ang isiwalat nang isiwalat ang mga bagay-bagay na sana muna ay pinanatiling lihim. Wala talagang sekretong hindi nabubunyag kapag si Minerva ang nakaalam.            "Ang tabil talaga ng bibig mo, Minerva! Hindi na nga binanggit ang pangalan pero ikaw talagang malakas mo pang binanggit! Naku!" bulalas naman ni Natalia na siyang sinang-ayunan namin ni Karmila.            "Ano naman ngayon kung binanggit ko? Hindi ako natatakot sa kan'ya! At mas lalong totoo naman ang mga pinagsasabi ko kaya bakit ako matatakot sa kan'ya? Malas n'ya lang kapag ako ang nakatagpo sa kan'ya dahil sisiguraduhin kong uubusin ko ang buhok n'ya sa ulo!" malakas na loob na ani ni Minerva. Lagi talagang naghahanap ng away ang isang ito. Kaya minsan ay nasasangkot na lamang kami sa basagan ng ulo dahil sa kagagawan n'ya.             "Tumigil na nga kayo sa kakabangayan, hindi 'yan ang dapat nating unahin ngayon dahil mas may mahalaga pa tayong mga bagay na dapat paglaanan ng atensiyon," sita ni Sanura kaya natahimik na nga kami. Malaman ay alam na namin na kailangan na naming magseryoso kung ayaw naming kami pa mismo ang mag-away-away dito ngayon. Si Sanura ang pinakamatanda sa aming lahat kaya siya rin ang tumatayong ama at inay sa min simula ng kami ay nasa bahay ampunan pa lamang.             "Maaring may mga sinabi silang kuwento o opinyon kay Binibining Ina n'ong ito ay pumunta sa kanila. Sigurado akong nagpaawa na naman ang mga iyon kaya kailangan nating mas makuha ang kalooban ni Binibining Ina. Hindi na n'ya kailangan pang malaman ang tunay na nangyari ang importante ngayon ay magtiwala siya sa ating lima higit sa kanino man."             "Sanura, sigurado naman akong hindi siya papabayaan ni Panginoong Uno kung sakali," sagot naman ni Karmila.            "Karmila, alam ko iyon ngunit kailangan din nating may gawin. Hindi natin dapat hayaan na mas maunahan pa nila tayo. Alam mo naman ang takbo ng utak ng mga 'yan. Laging madumi kaya asahan n'yo na darating at darating ang panahon na babalikan tayo ng mga 'yan. Babaliktarin tayo ng mga 'yan lalo't malinaw na sa atin na plano nilang gamitin si Binibining Ina upang maisakatuparan ang mga masasama nilang hangarin.”             "Sa katunayan ay tinanong na ako kanina ni Binibining Ina tungkol sa kung ano raw ba talaga ang nangyari sa pagitan natin. Hindi ko maiwasan na hindi sumama ang loob ngunit alam kung nais lamang malaman ni Binibining Ina ang totoong nangyari," pag-aamin ko na.            "Iyan pa pala hindi mo iyan ikukuwento sa kin. Anong sinagot ko sa kan'ya kanina?" tanong ni Sanura sa kin.            "Hindi ako nagbitaw na kahit na ano ang sinabi ko lamang ay ang dapat n'yang malaman. Sinabi kong malinis ang ating mga puso at wala tayong ginawa sa kanila, ginawa lang naman natin kung ano ang nararapat sa mga katulad nilang taksil," sagot ko naman.            "Mabuti kung ganoon. Tinanong din naman ni Binibining Ina si Panginoong Uno n'ong sinabayan siya nitong maglakad papasok ng silid aklatan," dugtong naman ni Sanura. Mula noon ay sinusubaybayan naman talaga n'ya si Panginoong Uno.             "Anong tinanong? Tungkol saan? Sa komunidad nila Isiang?" usisa ko naman.            Tumango ito bilang sagot. "Ngunit hindi naman n'ya pinursigi si Panginoong Uno n'ong sinagot n'ya itong kilala bilang mga aktibista ang pangkat na iyon," dugtong n'ya. Nakahinga naman ako ng maluwag.             "Anong susunod nating gagawin?" tanong ni Karmila na siyangang napatahimik sa aming lahat.    Pilipina's POV              Nakasandal ako ngayon sa unan na sinandal ko rin sa ulunan ng kama ni Uno habang hawak-hawak ang binabasa kong aklat. Hindi naman ako makagalaw ng maayos dahil nakatulog na siya habang nakayakap sa kin.             Kanina pa nga dapat ako babalik sa silid pahingahan namin ni Virginia pagkatapos naming kumain ng hapunan na dalawa kaso namilit pa itong si Uno sa kin na dito muna raw ako. Eh, sa napansin kong ang dami pala n'yang magagandang koleksiyon ng aklat dito kaya kumuha ako ng isa bago pumuwesto sa gilid na parte ng higaan n'ya, tumabi naman ito agad sa kin at nahiga. Hindi ko naman namalayan na sa pagbabasa ko pala ay nakatulog na siya sa tabi ko, napansin ko na lang na mahimbing na ang tulog n'ya ng yumakap na siya sa kin.             Pinagmasdan ko ang mahahaba n'yang pilik mata at maingat na hinahawak-hawakan ang tungki ng matangos n'yang ilong. Paminsan-minsan na gumagalaw siya kaya agad kong binabawi ang aking kamay.             "Hmmm," bulong nito at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kin.             "Mukhang maganda ang panaginip mo, ah? Nakangiti ka na, eh," bulong ko naman. Ibanaba ko na ang hawak-hawak kong aklat at nakontento na lamang na panuorin si Uno habang mahimbing na natutulog.             Lihim akong napangiti at napahawak sa dulo ng aking buhok ng muling sumagi sa kin ang mga pangyayari kanina sa ilalim ng ulan. Hindi ako makapaniwalang tatanungin na ako ni Uno ng ganoon. Mas hindi ko inaasahan ang ginawa n'ya, ganito pala ang pakiramdam ng mga babae sa tuwing hinihingi ng isang lalaki ang kanilang matamis na oo. Pakiramdam ko tuloy ngayon ay lumulutang ako sa napakalambot na ulap sa kalangitan.             "Ang lalim naman yata ng inisip mo?"            "Ay malalim! Ano ba naman 'yan, Uno! Lagi mo na lang akong ginugulat!" reklamo ko sa kan'ya na sinundan ko pa ng pagpalo sa kan'yang balikat. Lagi n'ya na lang akong ginugulat sa pabigla-bigla n'yang pagsasalita.             Tumatawa itong bumangon at sumandal din sa ulunan ng kan'yang kama ngunit bago n'ya iyon ginawa ay humalik muna siya sa aking noo. "Pasensya ka na, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Plano ko lamang kanina ay hihiga ako upang maka-idlip," anang n'ya.            Umiling naman ako. "Ayos lang naman 'yon, sa katunayan nga ay hindi ko rin namalayan na nakatulog ka na pala dahil abala rin ako sa aking pagbasa," tugon ko naman.            Tinititigan n'ya lang ako bago siya umayos ng sandal. "Naiinip ka na ba?" sunod n'yang tanong.            "Hindi naman masyado," sagot ko naman. Paano ako maiinip, eh, mukha mo palang sapat na sapat nang pagmasdan sa buong magdamag. Napahagikhik ako sa sarili kong iniisip kaya napakunot noo naman siya sa kin.             "Ano?" agad kong tanong.             "Hindi ba at dapat na ako ang magtanong n'yan sa 'yo? Ano ang naisip mo ngayon at bakit ka tumatawa ng mag-isa?" tanong naman n'ya.             "Wala naman. May naisip lang akong isang magandang imahe kaya ako ay napatawa," sagot ko naman. Nagkibit balikat siya sa kin at mabilis na kinuha ang isang regalo na pinuluputan pa ng magarang papel.            "Baka naman ibang lalaki na 'yan. Kanina lang ganap na naging tayo tapos may ibang lalaki ka nang inisip," saad n'yang may kalungkutan pa sa kan'yang tono.             "Anong pinagsasabi mo d'yan? Napakamalisyoso naman ng iyong isipan, Uno!" anggil ko naman sa kan'ya. Napailing siya at inilapit na nga sa aking harapan ang regalong kinuha n'ya kanina.            "Para talaga sa 'yo 'yan. Napansin ko kasing mahilig ka magbasa kaya ikaw agad ang unang pumasok sa isipan ko n'ong nakita ko ito sa isang pamilihan n'ong kami ay lumuwas pa-Intramuros," pagkukuwento nito.            "Talaga? Lumuwas pala kayo ng Intramuros? Kailan? Nagawi ba kayo sa bahay namin? Kamusta ang Inay Pilar ko?" sunod-sunod kong tanong.            "N'ong nakaraang araw. Nagawi naman at nakita kong maayos naman ang kalagayan ng iyong inay. Huwag ka nang mag-alala pa dahil hindi ko naman siya pababayaan at hahayaang mapahamak pa," paninigurado naman nito sa kin.            "Hindi ko alam kung anong sinabi mo sa king Inay Pilar pero sana hindi siya nag-iisip ngayon ng kung ano-ano at mag-aalala sa kalagayan ko," sagot ko naman sa isang mababang tono.            "Alam mo, aking binibini, hindi mo na kailangan pang mangamba dahil ako mismo ang magbibigay sa 'yo ng kasiguraduhan na maayos kong napaliwanag sa iyong inay kung nasaan ang kan'yang unica hija at kung bakit ka nandirito. Kaya kung maari lamang ay huwag ka nang mangamba pa kung ano man ang iyong nais na malaman patungkol sa iyong inay ay lumapit ka lamang sa kin ako mismo ang sasagot sa 'yo. Kung nais mo siyang sulatan ay maari naman, ipadala mo lang sa kin at sigurado kong makakarating 'yan sa kan'ya kapag nakalabas ako ng unibersidad," malumay ngunit may halong pag-aalala na ani ni Uno. Matingkad naman akong napangiti dahil ngayon ay mas panatag na ang aking kalooban.             "Sigurado ka ba? Pwede kong gawin iyon?" masaya ko naman na bulalas.             "Oo naman, bakit hindi?"            "Naku! Maraming salamat talaga, Uno!" sabay yakap ko sa kan'ya. Noong una ay hindi n'ya pa iyon ibinalik sa kin agad ngunit noong naglaon ay yinakap n'ya rin ako ng mahigpit.            Bibitiw na sana ako ng mas lalo n'ya lang hinigpitan ang pagkakayakap sa kin. "Teka lang muna, payakap pa," mahina n'yang saad kaya hindi ko na lamang itinuloy ang aking planong paglayo sa kan'ya. Nanatili kaming magkayakap sa susunod pang mga ilang minuto kaya sinamantala ko na iyon.            "Uno, pagkatapos ba nito ay maari na akong bumalik sa aking silid pahingahan? Medyo nakakaramdam na rin kasi ng pagod ang aking katawan. Nakakaantok pala talaga pagkatapos na maligo ka sa bumuhos na ulan," tanong ko naman.             "Walang problema, magpahinga ka na rin. Ihahatid na kita," tugon naman n'ya bago muling inayos pa ang akong buhok at inipit ang iilang mga hibla sa aking tenga.             "Salamat ngunit kailangan mo pa ba akong ihatid? Maari namang ipahatid mo na lamang ako o 'di kaya ay umuwi na lamang akong mag-isa. Mukhang inaantok at pagod ka na rin naman," saad ko naman.             Pero hindi na n'ya pinansin ang aking tinuran at agad na tumayo tapos ay nagpalit muli ng damit. Napatakip na lamang ako ng aking mga mata ng mapansin kong naghubad talaga siya sa king harapan. Buti na lang talaga at nakatalikod siya sa kin at ang malapad n'ya lang na likod ang aking nakita.             Umiwas ako ng tingin na halatang nangangamatis na ang aking pisngi. "Uno! Kailangan mo ba talagang magbihis sa aking harapan? Napakalapit lang naman ng iyong palikuran!" reklamo ko na lamang.             "Tumayo ka na d'yan at ihahatid na kita. Bakit kailangan mo pang umuwi nang mag-isa o ipahatid pa kita sa iba kung maari namang ako mismo ang gumawa?" tanong n'ya. Hindi na ako nakipagsagutan pa. Sinunod ko na lamang ang kan'yang sinabi, tumayo nga ako at agad na sumunod sa kan'yang likod para magsimula ng makaalis sa kan'yang bahay at makabalik na sa aking silid pahingahan.            Palabas na sana kami kasi sinalubong pa kami ng isa sa kasama n'ya sa bahay. Lumapit ito at agad na kinuha ang kamay ko na hinawakan ni Uno kanina lang. "Kayo po ba si Binibining Ina? Naku! Nagagalak po akong makilala kayo! Lagi po kayong nakukuwento ng alaga ko na ito!" masayang-masaya n'yang ani.            "Ganoon po? Ano naman po ang pinagsasabi n'ya tungkol sa kin?" anang ko naman habang nakatingin kay Uno. Nagkibit balikat lang siya sa kin at ngumiti na animo'y wala siyang ginawang masama.            "Naku, binibini! Marami po siyang sinabi pero tamang-tama nga talaga n'ong sinabi nitong alaga ko na maganda kayo! Mabuti na lang at naabutan ko kayo rito! Sa wakas ay nakadaupang palad ko kayo!" muli n'yang sambit. Talagang tinitignan n'ya ang mukha ko.             "Siya na ang kasama ko rito mula n'ong bata pa ako. Buhay pa ang aking mga magulang ay nandito na siya sa min," singgit naman ni Uno.            Kinuha ko ang kamay ng babae. Tinapik-tapik ko iyon ng mahina atsaka ko siya nginitian ng ubod ng tamis. "Maraming salamat po dahil hindi n'yo pinabayaang mag-isa si Uno! Maraming salamat po sa pag-aalaga sa kan'ya!" masaya kung sambit. Mas lalong kuminang ang mga mata ng babae at pinatong n'ya rin ang isa n'ya pang libreng kamay sa aking palad.            "Wala po iyon. Minahal ko na rin po ang alaga ko na ito na para ko na ring sariling anak. Hindi n'yo po naitatanong ay naging mabait sa akin at sa aking pamilya ang kan'yang mga magulang. Kung hindi po dahil sa kanila malamang ay hindi ko na mabibigyan ng magandang buhay ang aking mga anak. Tinatanaw ko po iyon na malaking utang na loob sa kanila kaya n'ong nabalitaan ko ang nangyari sa kanilang pamilya ay ako pa mismo ang lumapit para ipresinta ang aking pangalan. Pagsisilbihan ko si Panginoong Uno hanggang sa huli ko pong hininga," anang ng babae ay hinahaplos na rin ang balikat ni Uno.            "Nagagalak po akong marinig 'yan! Ngunit ipagpaumahin n'yo po kung hindi na ako makakatagal pa makipagtalastasan pa sa inyo ng mas matagal dahil kailangan ko na pong bumalik sa aking silid pahingahan," pagpapaalam ko.             "Bakit ka pa uuwi, binibini?" tanong nito sabay tingin kay Uno na at pinahiwatig ang hindi n'ya pagsang-ayon sa pag-uwi ko pa.            "Ang dami namang libre na kuwarto rito, binibini! Hindi mo na kailangan lang umuwi at magpahinga na lamang. Ang laki naman ng kuwarto ng alaga ko na ito kahit nga doon ka na lamang ay ayos na ayos na!" muli na naman n'yang saad. Napa-ismid na lamang ako sa narinig ko.            "Naku po! Sigurado po kasing hinihintay na ako ng kasama ko sa aking silid pahingahan at isa pa po ay nakakahiya naman na dito pa ako mamalagi!" nahihiya ko namang tugon.            "Bakit ka naman mahihiya? Isa pa ay magkasintahan na tayo kaya wala namang masama roon," singgit naman ng isa. Lalo tuloy na nanlaki ang mga mata ng babae.            "Kasintahan mo na siya?! Kailan pa? Ikaw ha! Hindi ka nagkukuwento sa kin, akala ko ba n'ong isang araw nililigawan mo pa lamang ang binibini?" anas nito na may dala pang panunukso.             "Kanina lamang n'ya ako sinagot kaya hindi ko pa sa iyo nasasabi," depensa naman agad ni Uno sa kan'yang sarili.             "Eh, 'di mas lalo palang dapat lang na huwag ka ng umuwi, binibini!"            Hindi ko alam kung ano bang naisip ng babaeng kaharap namin ngayon pero bakit parang kung makaasta siya ay kasal na kami ng alaga n'ya? Magkasintahan pa lamang kami at hindi naman ibig sabihin n'on ay maari na naming gawin ang mga bagay na dapat ang mag-asawa lang ang dapat na gumawa.             "Ewan ko nga ba rito, akala mo naman kung anong gagawin ko sa kan'ya. Takot ko lang," gatong naman ng isa. Itong si Uno kung minsan talaga ay may pagkapilyo rin! Akala n'ya ba ay nakakatulong ang mga sinasabi n'ya ngayon? Mas lalo pa nga n'yang pinapalala ang sitwasiyon namin.            Dinadaan ko na lamang sa tawa ang aming pag-uusap. "Kahit na po! Hindi pa rin po kasi kaaya-aya kapag titignan na nandito ako kahit hindi pa naman kami kasal 'di ba, Uno? Halika ihatid mo na ako," aniya ko naman na may diin pa sa huli kong mga kataga.             Magsasalita pa sana silang dalawa ng pag-angal ng mabilis ko nang hinatak si Uno papalabas ng kan'yang bahay.             "Hanggang sa muli po! Paalam!" pahabol ko na lamang. Tumakbo ako hanggang sa makalabas kaming dalawa, binitawan ko lamang siya ng kami na lang dalawa.            "Gusto mo bang maging batang inay at ama tayo? Anong pinagsasabi mo? Naku! Hindi kita sinagot para sa ganoon!" kunwaring galit kong saad.            Napatawa naman siya at agad akong yinakap. "Ikaw naman, hindi ka mabiro. Syempre hindi ko naman 'yon gagawin hanggat hindi mo gusto. Mahal kita higit pa sa bagay na iyon."             Iyon na ang huli n'yang mga kataga bago kami naglaho na dalawa at lumitaw sa mismong harapanan ng aming silid pahingahan.            “Nga pala, ano nga ang pangalan n’ong kasama mo sa bahay?” tanong ko. Nakalimutan ko kasi ang kan’yang ngalan n’ong na banggit ito ni Uno n’ong nakaraang mga araw at hindi ko rin naman natanong kaya ngayon na lang.            “Siya si Anggusta, matagal na sa ming nagsisilbi ‘yan. Lagi na siyang pinapatawag noon ng aking mga magulang upang tulungan kami sa aming mga kinakailangan,” sagot naman nito.            “Anggusta pa lang ang kan’yang ngalan. Sige papasok na ako upang makapagpahinga. Ikaw bumalik ka na rin sa iyong bahay upang makapagpahinga ka na rin,” aniya ko naman. Papasok na sana ng pigilan n’ya ako sa pamamagitan ng paghawak sa king kamay.            “Matulog ka ng mahimbing, aking binibini,” malambing saad nito. Ngumiti na lamang ako sa kan’ya at hindi na sumagot.            “Teka! Wala ka bang naalala? Wala ka bang nakakalimutan?” pigil na naman n’ya sa kin kaya nangunot na ang aking mga kilay.            “Ha? Wala naman, bakit? Ano ba? May naalala ka ba?” muli kong tanong.            Kinamot n’ya ang kan’yang batok atsaka nanliliit ang mga matang tumingin sa kin. “Halik. ‘Yo-yong halik ko,” nahihiya n’yang saad.            Nanlilisik ang mga mata kong tinignan siyang muli direkta sa kan’yang mga mata. “Uno, hindi ka pa ba nagsasawa? Kulang pa ba ‘yong kanina?” tanong ko sa kan’ya.            “Sabi ko nga ‘di ba? Hindi na, uuwi na ako para makapagpahinga na,” pangongnsensiya n’ya. Hahakbang na sana siya palayo n’ong ako naman ang humawak sa kamay n’ya sabay hila ko. Dapat sa pisngi ko lang siya hahalikan pero mas mautak siya sa kin at mas mabilis kaya saktong naglapat ang aming mga labi.            “Abusado ka talaga!” reklamo ko kaagad at agad na pinalo ang kan’yang dibdib.            “Pfft! Hindi ko kasalanan kong mabilis ako,” bawi naman n’ya.            “Sige na! Umuwi ka nga! Ang dami-dami mo pang hinihingi!” asik ko na naman sa kan’ya. Hindi pa nagpaawat dahil muli na naman n’ya akong hinila para yakapin.            “Mahal kita,” punong-puno ng sinsiridad n’yang ani kaya yumakap na ako sa kan’ya pabalik.            “Ganoon din naman ako,” sagot ko sa kan’ya.            Bago pa kami maabutan ng kinabukasan sa kakalambing namin sa isa’t isa ako na mismo ang bumitaw sa yakap at mabilis na akong pumasok sa aming silid pahingahan ng nakangiti.            Pagpasok ko ay may ilaw pa rin ngunit napansin kong si Virginia ay nakatulog na sa mesang kinakainan naming dalawa. Naka-upo lamang siya roon habang natutulog kaya agad ko siyang nilapitan. Mukhang napaghintay ko siya ng matagal.            “Virginia? Gising,” mahina kong paggising sa kan’ya. Mabilis naman n’ong maalimpungatan siya at agad na ngumiti sa kin.            “Binibini! Kanina pa po ba kayo? Pasensiya na po. Hindi ko na po namalayan na nakatulog na po pala ako rito,” aniya. Umiling agad ako sa kan’ya.            “Bakit ka humihingi ng pasensiya? Wala kang kasalanan, mas mabuti pa ay lumipat ka na roon sa mismo mong higaan at matulog na nang mas maayos,” utos ko naman.            Mabilis naman n’yang sinunod ang aking utos kaya ganoon din ang ginawa ko. Nakapagpalit na rin naman ako ng mas preskong saya kanina sa bahay ni Uno kaya hindi ko na kailangang magpalit pa. Hindi ko naman nais na magtambak ang labahan namin, nahihiya ako dahil hindi naman ako ang naglalaba. Kunting konsiderasiyon na lamang sa magpapagod para labhan ang aming mga damit.                  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD