Chapter 4

1911 Words
‘A season of loneliness and isolation is when the caterpillar gets its wings. Remember that next time you feel alone.’ – Mandy Hale -Scarlett’s POV- Matapos kumain at maglinis ng mga pinagkainan ay dumiretso na ako sa kwarto ko para tapusin ‘yong mga kailangan ko ring tapusin. Natulungan ko naman na maghugas at maglinis sa kusina si Manang. Tutulong nga rin sana ako sa paglilinis sa sala pero pilit na niya akong pinapabalik dito sa kwarto dahil kaya naman na niya raw ‘yon. Hindi naman gano’n karami ang kalat pero gusto ko pa rin tumulong. At dahil mas makulit si Manang kaysa sa akin ay siya ang nanalo kaya naman ito ako at tinatapos na ang mga personal na gawain ko. Malapit-lapit na rin kasi ang finals namin kaya naman mas kailangan kong mag-aral kaagad habang mas maaga pa. Hindi ko rin naman kasi mapagsasabay na mag-review ilang araw bago mag-finals dahil may trabaho pa ako. Pero ilang araw na puyatan lang naman na ‘to ulit, matapos lang ang exam week ay magkakaroon na ulit ako ng oras na magpahinga. Makapagsimula na nga lang mag-review habang wala pa akong masyadong ginagawa. Mabuti na lang din pala natapos ko na ‘yong ibang activity ko kanina habang walang klase, kaya naman hindi nasayang ‘yong dalawaang oras ko, at least may natapos ako. Habang nagre-review ay nagawi ang tingin ko sa kalendaryo na nasa harapan ko. Malapit na pala, hindi ko man lang napansin. Nawala rin sa isip ko na malapit na pala ang birthday ko. Kung normal na kaarawan lang ‘yon ay hindi naman ako malulungkot ng ganito, pero nakakapanghinayang lang hindi ko mace-celebrate ang debut ko. Panigurado namang hindi maghahanda si auntie. Ayos lang naman sa akin dahil sila ang nagpapakain sa akin, isa pa ay gumagastos din siya para sa dalawa niyang anak. Siguro ay kakain na lang ako sa fast-food ng araw na ‘yon pagkatapos ng trabaho ko. Wala naman akong kaibigan na maiimbita sa birthday ko, at mas lalong wala rin naman akong kaibigan. Masaya na rin naman ako na makakakain ako sa fast-food. Bihira lang naman kasi ako kumain sa mga gano’n kapag may espesyal na okasyon lang at kung may pera. Buti na lang at may scholarship din ako kaya naman hindi na masyadong problema ‘yong baon ko at pambili ng mga gamit sa school. Kaya lang naman ako nagta-trabaho rin ay para makapag-ipon ako. Kung sakali man na kailanganin ko ng pera ay mayroon akong madudukot. Bigla naman akong nakaramdam ng kirot sa puso ko. Base sa pagkakaalam ko ay wala naman akong sakit sa puso. Sabi rin ni Manang ay wala namang hereditary disease ang pamilya namin. Kung gano’n ay ibang kirot ‘tong nararamdaman ko. Sa tuwing nalalapit ang birthday ko ay nakakaramdam ako ng ganitong sakit sa puso kaya naman nasanay na rin ako. Hindi naman siya sakit na mapapahiyaw ka, pero sakit na para bang may nawawalang parte sa buhay mo. Bata pa lamang ako ay sila auntie na ang kasama ko kaya naman hindi ko maiwasan na mangulila sa pamilya ko kapag nalalapit na ang kaarawan ko. Gusto ko ring maranasan ‘yong lalabas kasama ang pamilya. ‘Yong pupunta sila sa school kapag Family Day. Pero hanggang sa pagi-imagine na lang ako dahil imposible na ‘yong mangyari dahil wala na akong pamilya. Wala rin akong maalala tungkol sa kanila. Maski ang mukha ng mama at papa ko ay hindi ko maalala. Naalala ko pa no’ng nanghingi ako ng larawan kay auntie ay wala na raw siyang larawan nila mama. Lahat din kasi ng gamit namin ay nasunog no’ng araw na ‘yon walang naisalba na mga gamit. Tanging ako lamang. “Hay, ano ka ba Scarlett, tama na nga ang pagd-drama, kailangan mo pang mag-review dahil malapit na ang exam mo, kaya umayos ka!” sermon ko sa sarili ko. Minsan ay natatawa na lang talaga ako sa sarili ko. Hindi na ako magtataka kung mapagkakamalan ako na baliw ng mga tao. Wala naman akong ibang makakausap at mapagsasabihan ng mga problema ko kaya naman nasanay na akong kausapin ang sarili ko. Mabuti na lang din at mukhang hindi naman nawi-weirduhan sa akin ang mga kaklase ko. ‘Yon nga lang ay minsan iwas sila sa akin dahil para raw akong pipe, hindi nagsasalita, unless kausapin mo. Ano-ano na naman ‘tong naiisip ko. Minsan pati ako ay nawi-weirduhan na rin sa sarili ko. Magfo-focus na nga lang ako sa pagre-review. ----- “Magandang umaga po, Auntie,” pagbati ko kay auntie ng maabutan ko siya sa sala na nanonood. Tumingin lang siya sa akin at hindi na nagsalita kaya naman hindi ko na siya inabala pa at nagpatuloy na lang sa pagpunta sa kusina. May pasok ako ngayong araw pero mamaya pa naman ‘yon, maaga lang talaga akong nagising para makatulong sa paglilinis dito sa bahay. Nakagawian ko na rin naman na tumulong kay Manang. Kapag kasi nand’yan si auntie ay hinahayaan niya akong tumulong pero ‘yong magagaan na gawain lang pero kapag kaming dalawa lang ay lagi niya akong pinapaalis para magpahinga. Kaya naman kapag day-off ko sa trabaho at wala akong pasok sa eskwelahan ay tumutulong talaga ako sa kanya. May edad na rin naman na kasi si Manang kaya naman gustong-gusto kong tumulong sa kanya. Minsan ay nagk-kwentuhan din kami kaya naman hindi niya napapansin na ako na tumatapos ng mga gawain niya, ayos lang naman sa akin. “Scarlett, maghanda ka na lang muna ng almusal, maya-maya ay gigising na ‘yong dalawa, bilisan mo!” sigaw ni auntie mula sa sala. “Opo, auntie,” sagot ko sa kanya at dali-daling dumiretso sa kusina upang magluto. Madalas akong turuan magluto ni manang kaya naman may alam na akong iilan na mga putahe, ‘yon nga lang ay sa almusal lang ako pinaghahanda ni auntie dahil hindi pa naman ako gano’n kagaling magluto. Lalo na at pihikan sa ulam si auntie at Amber. Habang naghahanda ay hindi ko maiwasan na mapangiti nang maalala ko na ngayong araw na pala ang balik ni Aika. Hindi ko alam kung anong lagay ng magulang niya dahil hindi naman kami nakakapag-usap, siguro ay itatanong ko na lang pagbalik niya. Naga-alala pa naman ako dahil may edad na rin ang mama ni Aika. At dahil may makakausap na ulit ako rito sa bahay ay masaya akong naghanda ng almusal. Malapit lang din naman sa edad ko si Aika kaya naman halos nagkakasundo kami sa maraming bagay. Madalas din siyang mag-kwento sa akin tungkol sa mga kinaiinisan niyang kapitbahay. Natatawa na lang tuloy ako minsan dahil nagchi-chismisan kami kapag wala sina auntie. At dahil hindi naman mahilig kumain ng marami sina auntie kapag umaga ay mabilis din akong natapos sa paghahanda. Nag-prito lang ako ng bacon, itlog, at hotdog at nagluto ng sinangag. Mahilig nga rin palang mag-kape si auntie at juice naman kay Amber kaya naman naghanda lang din muna ako bago magtimpla. Sakto naman at tapos ko nang ihanda ang mga pagkain ay siya namang pagdating nila auntie at Amber sa hapag. Napansin ko na wala pa si Aaron, mukhang napuyat na naman ‘yon kakalaro ng online games. Nang makaupo sila at nagsimulang magsandok ay saka ko inihanda ang inumin nila. Gusto kasi ni auntie na umuusok pa ang kape habang ibinigay sa kanya habang puno naman ng yelo ang kay Amber, kay Aaron ay minsan tubig lang ang iniinom niya kaya naman hindi na ako nahihirapan maghanda ng sa kanya. “Tulog pa rin ba ‘yong kapatid mo?” rinig kong tanong ni auntie kay Amber. “I don’t know,” maikling sagot ni Amber habang patuloy lang sa pagkain. Malapit lang din naman kasi ang hapag-kainan sa kusina kaya naman naririnig ko ang boses nila. Ilang minuto lang din ang lumipas ay bumaba na rin si Aaron, nakaligo na ito at handa na ring pumasok dahil dala na niya ang kanyang gamit. Mukhang naghanda pa ito kaya natagalan sa pagbaba. “Maaga ang pasok mo ngayon?” pambungad na tanong ni auntie ng makita ang papalapit na anak na lalaki. “Yeah,” simpleng sagot nito at nagsimula na ring kumain. Mabuti na lang at naihanda ko na rin ang lahat ng kailangan nila kaya naman patuloy lang sila sa pagkain. Kailangan ko na rin palang maghanda papasok dahil anong oras na. Siguro ay hihintayin ko na lang muna na matapos silang kumain bago ako bumalik sa kwarto. At ilang minuto nga lang din ang lumipas ay natapos na sila kaya naman mabilis kong nilinisan ang mga pinagkainan at saka ako dumiretso sa kwarto. Masaya na ako na wala akong sermon na natanggap ngayong araw kaya naman ang gaan ng pakiramdam ko habang naghahanda papasok. ----- “Aika! Mabuti naman at nakabalik ka na, na-miss kita!” masayang wika ko sa kanya ng maabutan ko siya pag-uwi. Mabuti na lang at hindi pa nakakauwi si auntie galing sa lakad niya kaya naman nakakasigaw pa ako. “Scarlett! Na-miss din kita, kumusta ka naman? Hindi ka ba nila pinahirapan ng bongga?” wika nito at saka ako niyakap. Natawa naman ako sa paraan ng pananalita niya. Kahit na sanay na ako sa ganyang pagsasalita niya ay minsan ay natatawa pa rin ako. “Ano ka ba, hindi naman gano’n si auntie. At saka nandito naman si Manang, tinutulungan niya rin naman ako,” paliwanag ko sa kanya. “Mabuti naman, magpalit ka na muna at ipaghahanda kita ng meryenda. Bilisan mo habang wala pa ‘yong may sungay mong pinsan,” natatawang wika niya rin. Ang tinutukoy niya kasing may sungay kong pinsan ay si Amber. Ewan ko ba at simula no’ng mamasukan siya rito ay mainit na ang dugo niya kay Amber. Hindi ko siya masisisi dahil masungit naman talaga ito, idagdag mo pa ba nagma-maldita minsan. “Si Auntie?” tanong ko sa kanya. Baka kasi mamaya ay maabutan kami na nagk-kwentuhan at mapagalitan pa siya. “Mamaya pa raw gabi uuwi, kaya sige na at magbihis ka na para makakain ka,” hindi na ako sumagot pa at dali-daling dumiretso sa kwarto ko para magpalit ng damit. Mamaya na lang ako mags-shower at baka bigla pang dumating si auntie. Mas mabuti na makakain muna ako dahil mapupuyat ako mamaya dahil marami akong tatapusin na activity. Idagdag pa na kailangan ko ulit mag-review. Matapos magbihis ay dumiretso na ako sa kusina at naabutan ko ang meryenda na inihahanda niya. Bigla naman tuloy akong natakam. Hindi kasi ako nakakain ng tanghalian ng dahil marami akong tinapos na sulatin at nawala na rin sa isip ko. “Saan galing ‘tong cake?” nagtatakang tanong ko ng makaupo. Base sa pagkakatanda ko kasi ay walang cake sa ref. “Binili ko ‘yan, pasalubong sa inyo ni Manang. Nakakain na kami kanina bago siya umalis papuntang palengke, baka maya-maya nandito na rin ‘yon,” sagot niya habang naghahanda ng juice. “Salamat Aika, ang tagal ko na ring hindi nakatikim ng cake,” masayang wika ko. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at mabilis na tinikman ang cake.  At masarap! Matamis. “Mabuti na lang at nagustuhan mo, sige na, kumain ka nang kumain habang wala pa sila,” nakangiting sagot niya kaya naman pinagpatuloy ko ang pagkain habang ninanamnam ‘tong cake. Hindi ko alam kung kailan ulit ako makakatikim nito kaya naman susulitin ko na ang araw na ‘to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD