‘Family is the support you will never have to pay for because come rain, or shine, they will be there to cheer you on with every of your life goals.’
-Scarlett’s POV-
“Manang!” masayang bati ko sa kanya.
Kaagad naman akong tumakbo papalapit sa kanya para mayakap siya. Kahit na isang araw lang siyang nawala ay sobrang na-miss ko siya. Sa Monday pa kasi makakauwi si Aika dahil siya muna ang nagbabantay sa mama niya.
Mas matanda sa akin si Aika ng tatlong taon pero sabi niya ay ‘wag ko na siyang i-ate dahil halos magkasing-edad lang naman daw kasi kami. Twenty na kasi siya ngayong taon habang mage-eighteen pa lang ako.
“Kumusta ka? Pinahirapan ka na naman ba ng mga pinsan mo?” tanong niya sabay yakap pabalik.
“Ayos lang naman manang, na-miss ko lang po talaga kayo. Saka hindi naman nila ako pinahirapan,” nakangiting sagot ko.
Kapag sinabi ko pa kasi na marami akong ginawa ay pagsasabihan niya si Auntie Amanda. Kahit na amo niya si auntie ay hindi siya natatakot na pagsabihan ito. Isa pa, hindi rin siya magawang tanggalin ni auntie dahil matagal nang kasambahay si manang ng pamilya nina tito.
“Tara na nga sa loob at maaraw na rito.”
Sabay kaming pumasok sa loob matapos maisara ang gate. Mabuti na lang din at maaga akong nagising kaya ako ang nakapag-bukas ng gate. Tanghali na rin kasi nagigising sina auntie lalo na kapag weekends.
At kapag ganitong wala na akong masyadong gagawin ay tumutulong ako kina Manang sa paglilinis. Natapos ko na rin naman na kagabi lahat ng gagawin ko kaya naman may libreng oras ako. kapag wala namang ginagawa ay nasa kwarto lang ako at nagbabasa.
Pampalipas ko ng oras ang pagbabasa o kaya ang panonood ng palabas. Hindi rin naman kasi ako mahilig lumabas o gumala kaya ‘yon lang ang libangan ko kapag walang ginagawa.
“May binili nga pala akong bagong libro para sa’yo,” kaagad naman akong napatingin sa paper bag na inabot ni Manang Lourdes.
“Nag-abala ka pa manang, hindi mo naman na ako kailangan bilhan nito pero maraming salamat po!” masayang wika ko at tinaggap ang mga libro.
Simula pagkabata ko madalas akong bilhan ng laruan at libro ni manang kaya naman parang ina na rin ang turing ko sa kanya. Malalaki na rin kasi ang mga anak niya at may sarili nang pamilya. Sa katunayan ay pwede naman na siyang huminto sa pagta-trabaho pero ayaw niya.
Abala sa pag-aayos nang mga gamit si manang kaya naman tinignan ko muna ang mga libro na ibinigay niya. Bukod kasi sa mga pocket books ay may mga historic books din siyang binigay. Plano ko na rin sanang bumili sa pag-uwi ko pagkaggaling sa school.
Halos patapos ko na rin kasing basahin ang mga libro ko kaya naman baka sa susunod na araw ay wala na akong basahin. Minsan naman kapag wala pa akong pambili ng libro ay nanghihiram ako sa library ng school. Kilala na rin naman na kasi ako ng librarian kaya pinapayagan niya ako na iuwi ang mga libro.
Matapos matignan ang mga libro ay kaagad koi tong itinabi sa kwarto, magagalit kasi si auntie kapag nakita niya ang mga ‘yon. Akala niya kasi kapag nagbabasa ako ay wala na akong balak kumilos kaya naman dati ay itinapon niya ang mga libro ko.
Mabuti na lang at sinabihan siya ni manang kaya naman hinayaan na niya ako pero sa loob ng kwarto ako nagbabasa para na rin hindi ako makita ni auntie. Masyado lang talaga mainit ang dugo niya sa akin pero mabait naman siya.
Paglabas ko ay naabutan ko na si manang na naghahanda ng mga sangkap para sa ulam na lulutuin niya. Kaagad akong lumapit at pinanood siyang magluto. Sa tuwing magluluto kasi siya ay madalas akong manood sa kanya.
Gusto ko kasing matutong magluto. Masarap din kasi magluto si manang kaya naman halos lahat ng putahe niya ay paborito ko. Minsan pa nga ay napaparami ng kain si auntie pero kapag tinatanong siya ni manang kung masarap ba lagi niyang sinasabi na sakto lang kahit halata naman na nagustuhan niya.
“Anak,” kaagad akong napatingin kay manang ng tawagin niya ako. Kung hindi kasi Scarlett ay anak ang tawag niya sa akin. “Gusto mo ba matutong magluto?”
Napangiti naman ako sa tanong niya. Ilang beses ko na rin kasi sinabi na gusto kong matuto pero sabi niya ay masyado pa akong bata. Kaya naman labis ang saya ko ngayon dahil siya na mismo ang nagtanong.
“Opo!” mabilis na sagot ko. “Tuturuan mo na ba ako, manang?”
“Oo. Halika rito at suotin mo itong apron,” mabilis akong lumapit sa kanya at nagsuot ng apron.
Nakalatag na ang lahat ng sangkap na gagamitin namin at pinapakuluan na rin ang baboy na gagamitin. Base sa mga sangkap at sahog ay mukhang sinigang na baboy ang lulutuin namin.
“Alam mo ba kung anong lulutuin natin?” tanong niya nang mapansin na sinusuri ko ang mga sangkap. Tumango naman ako bilang sagot. “Kung gano’n ay hiwain mo na ‘tong mga gulay. Mag-ingat ka at matalim ang kutsilyo.”
Maingat kong hinawa ang mga gulay. Hindi pa ako nakakagamit ng kutsilyo kaya naman mabagal ang paghiwa na ginagawa ko. Nakita ko kasi na minsan nang nahiwa si Aika at malalim ang sugat niya at ayokong mangyari ‘yon.
Dahan-dahan kong hinihiwa ang mga sangkap habang naghahanda naman sa pagsaing si manang. Naturo na niya kung paano hiwa ang gagawin sa mga gulay kaya naman tuloy-tuloy din ako sa paggawa. Pero nang sibuyas na ang hihiwain ko ay para akong naiiyak.
Sinubukan kong kusutin ang mata ko pero lalo lang akong naluha. Hindi ko alam kung bakit ako naluluha, naghihiwa lang naman ako.
“Bakit umiiyak ka na r’yan?” natatawang tanong ni manang nang mapansin ang pagpunas ko ng luha.
“Kasi naman ‘tong sibuyas manang, nakakaiyak,” sagot ko sa kanya at natawa na rin. Kapag sila manang naman ang naghihiwa hindi naman sila naluluha. Mukhang may favoritism ang gulay na ‘to.