“NASAAN na tayo?” usisa ko kay PJ nang mapansin kong nakalagpas na kami sa ma-traffic na kalsada.
“Nasa NLEX na tayo. Mula rito humigit-kumulang na limang oras pa ang biyahe natin bago tayo makarating sa Burgos,” sagot niya nang hindi tumitingin sa akin.
Kinakabahan na naman ako dahil sa sagot niya. Mahabang oras pa pala kaming bibiyahe. Marami siyang puwedeng gawin habang nasa daan kami. Sa luwang ng kalsadang tinatahak namin ngayon, puwede siyang huminto anumang oras at gawin ang nais niya nang walang pag-aalinlangan dahil bihira din ang mga sasakyang dumadaan. Walang makakapansin sa amin at malabong makahingi ako ng tulong kung sakali man.
Hindi na ako mapakali sa kinauupuan ko. Panay ang lingon ko sa labas. Naiihi na tuloy ako nang wala sa oras. Mapapahamak na naman yata ako sa mga kamay ng lalaking ito.
“May problema ba, sweetheart? Kanina ka pa hindi mapakali sa upuan mo,” puna ni PJ.
Napapitlag tuloy ako. Kaya naman kinakabahang nilingon ko siya.
“Puwede bang mag-CR? Naiihi kasi ako,” wala sa sariling nasabi ko. Tatakasan ko na lang yata siya para makawala na ako sa kanya. Mas mabuti na yata iyon kaysa sa hintayin ko pang may gagawin siyang masama laban sa akin. Mahaba pa ang limang oras na biyahe at marami pa siyang pagkakataon na gawan ako ng masama kung gugustuhin lang niya.
Napakamot ng ulo si PJ bago niya ako nilingon. “Sweetheart, hindi tayo puwedeng huminto sa gitna ng kalsada dahil nasa expressway tayo.”
Napasimangot ako. Hindi ko pala siya basta-basta matatatakasan.
“Sorry, sweetheart. Ihing-ihi ka na ba talaga?” muli niyang tanong.
Napilitan akong tumango kahit na hindi iyon totoo.
Napa-buntunghininga siya bago niya itinabi ang sasakyan sa gilid ng daan. Pagkatapos binuksan niya ang pinto sa driver’s seat saka siya lumabas.
“Saan ka pupunta?” nag-aalalang tanong ko.
“May kukunin lang ako sa likod,” sagot naman niya bago isinara ang pinto.
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi kaya kukuha siya ng ipupokpok niya sa akin o kaya taling pangbigti? Biglang lumakas ang pintig ng puso ko. Halos marinig ko na ang pagtibok nito. Ipinagpag ko rin ang dalawa kong kamay dahil nagsisimula na silang manigas. Kailangan kong makaalis dito. Akmang bubuksan ko ang pinto sa aking tabi nang marinig ko ang pagbukas ng pinto sa kabila.
“Saan ka pupunta, sweetheart?”
Napangiwi ako saka maingat na nilingon si PJ.
“Ah, lalabas sana ako,” mahinahong sagot ko.
“Gusto mong umihi sa labas? Huwag na. Dito na lang.” May inabot siyang plastic na mukhang ginagamit yata ng mga lalaki sa pag-ihi.
“Puwede ba akong gumamit niyan?” nagtatakang tanong ko.
“Oo naman. Itapat mo lang ito sa gitna ng hita mo para mai-shoot,” tugon niya saka siya pumasok sa loob at bumalik sa kanyang upuan.
Tatanggi sana ako pero nag-aalala akong baka makahalata siya na pinagdududahan ko ang mga kilos niya. Kaya naman kinuha ko ang portable urine bottle mula sa kanya.
“Doon ka na lang muna sa backseat,” utos niya sa akin.
Bigla akong nabuhayan ng pag-asa. Isinukbit ko ang aking shoulder bag saka muling napahawak sa door handle.
“Saan ka naman pupunta?” usisa ni PJ habang nakatingin sa akin.
“Lalabas ako kasi sabi mo doon ako sa backseat,” paliwanag ko.
“Hindi mo na kailangang lumabas. Dito ka na lang dumaan.” Itinuro niya ang espasyo sa pagitan ng upuan namin. “Kasya ka naman dito.”
Ako naman ang napakamot ng ulo. Akala ko pa naman matatakasan ko na siya. Nakasimangot na ibinaba ko ang suot kong shoulder bag bago ko sinunod ang sinabi niya.
Naramdaman ko ang pag-alalay ng mga kamay niya nang tawirin ko ang pagitan ng aming upuan. Pinili kong pumuwesto sa mismong likuran niya para hindi niya ako masilip. Sayang nga at wala akong naitagong tali. Pagkakataon ko na sanang sakalin siya sa pamamagitan ng tali. Napailing na lang ako sa naisip kong masamang balak laban sa kanya.
Hindi naman sana ako magkakaganito kung hindi rin dahil sa kagagawan niya. Ang sama niya kasi sa akin. Kaya tuloy hindi ko rin maiwasang pagtangkaan rin siya nang masama.
Pagkatapos kong umihi ay tinakpan ko ang bote at iniwan sa baba ng upuan. Akala ko ay hindi ako makakaihi pero nagpapasalamat akong may lumabas din pala sa akin. Nag-aalala kasi ako baka i-check niya iyong bote. Iisipin niyang nagsisinungaling lang ako kapag wala itong laman.
Nang makabalik ako sa aking upuan, agad akong nagpahid ng alcohol sa kamay ko.
“Are you okay, now?”
Tinanguan ko na lang si PJ.
Nang magpatuloy kami sa biyahe nakatutok na lang ang mga mata ko sa kalsada.
“Matulog ka muna dahil mahaba pa ang biyahe natin,” suhestiyon ni PJ.
“Hindi naman ako inaantok,” sagot ko nang lumingon sa kanya.
Nagkibit-balikat lang siya.
Ngunit ilang minuto pa ang lumipas, nagsisimula nang bumigat ang mga mata ko. Pero pinilit kong idilat pa rin ang aking mga mata. Hindi ako puwedeng matulog dahil baka kung ano ang mangyari sa akin. Baka magising na lang akong nakatali na tulad ng mga napapanood ko sa TV.
Nagiging paranoid na yata ako. Kung ano-ano na lang ang pumapasok sa utak ko. Hindi kaya mabaliw naman ako sa kaiisip nang masama? Huwag naman sana dahil lalong magkakaroon ng pagkakataon ang asawa ko na patayin ako. Mas madali niya akong mai-dispatsa kung may sa baliw na ako.
“Mas mapapagod ang mga mata mo kung nakatutok ka lang ng tingin sa kalsada. Mabuti pang itulog mo na lang iyan. Gigisingin na lang kita kapag malapit na tayo,” muling payo ni PJ nang pilit kong ibinubuka ang aking mga mata habang nakatitig sa daan.
Umiling lang ako saka inayos ang aking pag-upo. Pero mukhang hindi umaayon ang pagkakataon dahil ilang beses kong naramdaman na parang pipikit na talaga ang mga mata ko. O baka nga napapikit na ako nang hindi ko namamalayan.
“Hey! Okay lang naman kung matulog ka. Sanay naman akong mag-drive na tulog ang mga kasama ko,” wika ni PJ.
Napasimangot ako. Kinusot ko pa ang aking mga mata. Pero sadya yatang makapangyarihan ang mga salita ni PJ dahil lalong bumigat ang aking mga mata. Hindi ko na namalayan na kusa na akong pumipikit.
Naalimpungatan na lang ako nang maramdaman ko ang marahang pagyugog sa akin. Pagbukas ko ng aking mata, nabungaran ko si PJ na nakatunghay sa akin. Nakayuko siya sa tabi ng nakabukas na pinto. Ang lapad ng ngiti niya habang nakatitig sa akin.
Napilitan pa akong iatras ang mukha ko dahil ang lapit ng mukha niya sa akin. Kaunti na lang at magdidikit na ang mga mukha namin.
“Good morning,” masiglang sabi niya saka ako hinalikan sa aking noo.
Sa bilis ng kilos niya ay hindi ko na nagawang umiwas pa. Naramdaman ko na lang ang mainit niyang labi na ilang segundo ring dumikit sa aking noo.
Kung hindi ko lang siguro siya kilala, iisipin kong napakalambing niya. Pero alam ko kung ano ang totoong pagkatao niya. Kaya nasisiguro kong nagpapanggap lang siya.
“Umaga na ba?” hindi makapaniwalang tanong ko. Matagal ba akong nakatulog at hindi ko na namalayan ang oras?
Napangisi si PJ. “Alas-kuwatro pa lang ng hapon. Pero kailangan ko munang huminto dahil nagugutom na ako. Hindi ka ba gutom?” usisa niya habang kinakalas niya ang seatbelt na suot ko.
Hindi ko magawang sumagot. Naparalisa yata ang utak ko at katawan. Hindi ako makilos dahil sa sobrang lapit niya. Naaamoy ko na ang pamilyar niyang pabango. Maya’t maya ay dumidikit ang mga daliri niya sa balat ko at tumatama sa baba ng dibdib ko na nagdudulot ng mumunting kuryente sa katawan ko.
Alam kong hindi niya iyon sinsadya pero napapangiwi pa rin ako. Nang matanggal niya ang seatbelt ay inalalayan niya akong makababa ng sasakyan. Hindi naman niya ginagawa sa akin ito noon. Kapag magkasama kami sa biyahe, hinahayaan lang niya akong bumabang mag-isa at nauuna na siyang umalis. Kaya nakapagtataka talagang nagiging gentleman siya sa akin ngayon.
Naasiwa rin ako sa kamay niyang nakahawak sa akin kaya hinila ko ang aking kamay. Pero hindi ko inaasahan ang sumunod niyang ginawa. Bigla niyang inilagay ang kanyang kamay sa aking baywang saka hinapit niya ako palapit sa kanya.
Bakit gano’n? Kung kailan ayoko na siyang makasama saka pa siya nagpapakita ng mga ganitong gesture. Sayang lang dahil ayoko nang bumalik pa sa dati. Ayoko nang mapalapit sa kanya. Ayoko nang mahalin pa siya. Nakamamatay ang umibig sa lalaking alam mong hindi ka mahal at sasaktan ka lang.