Chapter 5 - Hatred

1214 Words
“ANONG gusto mong kainin?” tanong ni PJ nang makaupo na kami sa loob ng isang kainan. Isa lamang ito sa mga magkakatabing turo-turo kung saan karaniwang nag-stop over ang mga bus at iba pang sasakyan na bumibiyahe papuntang Norte. Nagtataka akong dito pinili ni PJ na huminto gayong puwede naman kaming mag-stop over sa bayan mismo ng lugar na ito. Kilala ko kasi siya na may pagkamaselan pagdating sa gamit at pagkain. Kaya nakapagtatakang pinili niya ang ganitong lugar para dito kumain. Alam ko naman na sanay siya sa mga mamahaling restaurant. May mga kaibigan at business partner kasi siya na nagmamay-ari ng mga sikat na restaurant kung saan siya madalas kumain at paminsan-minsan ay isinasama rin niya ako. Ano kaya ang drama ng lalaking ito? Gutom na gutom na ba siya at pinili na niyang dito kumain? Malayo pa ba kami sa mismong bayan ng luagar na ito? “Hey! Sweetheart, kinakausap kita. Bakit kung saan-saan ka nakatingin? Ayaw mo ba sa lugar na ito?” Tumaas ang kilay ko nang lingunin si PJ. “Ha? Wala naman akong sinasabing gano’n, ah. Baka ikaw ang may problema. Sigurado ka ba na gusto mong kumain dito?” paniniguro kong tanong. “Oo naman. Kaya nga dito ako huminto. Wala namang problema sa akin kung saan tayo kakain. Ang importante sa akin, mapawi ang gutom natin. Ano mag-o-order na ba ako?” muli niyang tanong saka sumulyap sa may bandang harapan kung saan naroon ang mga nakahilerang kaserola at kaldero. “Sige. Gusto ko ng halo-halo.” Agad na tumayo si PJ nang masabi ko iyon. “Dito ka lang muna at sasabihin ko iyon sa tindera,” ani PJ bago niya ako tinalikuran. Napapailing na lang ako habang sinusundan siya ng tingin. Mukha talaga siyang naliligaw sa lugar na ito. Mabuti na lang at simpleng gray poloshirt at denim pants lang ang suot niya. Pero pansinin pa rin siya ng mga tao lalo na ng mga kababaihan. Bukod kasi sa matangkad siya, ang guwapo rin niya at maputi pa. Idagdag pa na halata ang ganda ng pangangatawan niya dahil bumabakat sa dibdib at balikat niya ang suot niyang pantaas. Siya iyong tipong makalaglag salawal at makatulo-laway kapag nakita mo. Napansin ko nga kanina habang naglalakad kami na halos hubaran na siya ng tingin ng mga kababaihang nadaanan namin. Kaninang tumayo rin siya at nagtungo sa may puwesto ng tindera, nakita ko ang grupo ng mga kabataang babae na titig na titig sa kanya at kinikilig. Nang mapasulyap ako sa kinaroroonan niya, hindi ko mapigilang mainis. Halos gitgitin na siya ng katabi niyang dalawang babae. Pero balewala lang iyon sa kanya. Hindi niya sila pinapansin. Nakatuon ang tingin niya sa mga kaserola sa harapan niya at sa tinderang nakatayo roon. Hindi ko nakikita ang mukha ng tindera sa puwesto ko. Pero baka pati ito pinagnanasaan din ang asawa ko. Ayoko mang aminin pero nakakaramdam ako ng inis sa mga babaeng nagkandarapa kay PJ lalo na noong panahong hindi pa ako naaksidente. Parang gusto kong ipagdamot ang asawa ko sa ibang tao. Gusto ko sa akin lang siya kahit pa sinasaktan niya ako. Ayoko siyang ipamigay dahil asawa ko naman siya. Pero noong magising ako sa ospital, alam kong nagbago na ang pagtingin ko sa kanya. Bigla na lang lumamig ang pakikitungo ko sa kanya dahil muntik na niya akong mapatay. Kaya nakapagtatakang nakakaramdam pa rin ako ng selos sa mga babaeng nagkakagusto sa kanya. Dapat sana hindi ko na maramdaman iyon dahil sa tindi ng galit ko sa mga ginawa niya sa akin. Oo nga’t asawa ko siya pero wala siyang karapatang saktan ako kahit pa sabihing napilitan lang siya na pakasalan ako. Wala naman akong kasalanan doon dahil ang mommy naman niya ang pumilit sa akin. Nagkataon lang kasi na mahal ko siya mula pa noong naging school mate kami sa Saint Andrew Academy. First year ako noon at third year naman siya. Isang taon ko siyang pinagnasaan. Guwapo na kasi siya noon pa kahit medyo payat pa ang pangangatawan. Kahit nag-transfer na siya sa ibang school nang sumunod na taon, hindi pa rin siya nawala sa isip at puso ko. Kaya tuwang-tuwa ako nang malaman kong anak pala siya ng suki ko sa bakeshop na si Mrs. Alvarez. Naging malapit ako sa mama niya to the point na sinabihan niya akong makipag-blind date sa anak niya. Kaya noong magkita kami, nagising iyong pagmamahal ko sa kanya. Nalaglag na naman sa lupa ang puso ko. Kung guwapo na siya noon, mas magandang lalaki na naman siya nang muli kaming magkita. Ang dating patpating binatilyo ay namumutok na sa masel. Lumapad na ang balikat at dibdib niya na para bang kaysarap makulong sa bisig niya. Pero kung gaano ako kasaya na makita siya, kabaligtaran naman ang reaksyon ng mukha niya nang makita ako. Lantaran niyang sinabi sa akin na hindi niya ako type. Ayaw na rin niyang magkita kaming muli. Napilitan lang siyang makipagkita sa akin dahil sa mama niya. Pero ako namang si gaga kahit nasaktan sa sinabi niya, hindi nagbago ang pag-ibig ko sa kanya. Kaya nga noong sabihin ng mama niya na gusto niya akong maging manugang, kulang na lang himatayin ako sa tuwa. Hindi nga nagtagal ikinasal kami. Pero sa harap pa lang ng magkakasal, singlamig na ng yelo ang pakikitungo niya sa akin. Lalong nadagdagan ang galit at inis niya sa akin nang magsama na kami sa iisang bubong. Sa liit kong babae, wala akong panama sa bigat ng kamay niya. Hindi lang sampal ang inabot ko sa kanya, may kasama pang hampas, sipa, at sakal. Kung murahin din niya ako para lang akong pinulot sa tabi-tabi. Pero ang pinakamasakit sa lahat, itinuring niya akong pokpok at parausan lang ng init sa katawan niya. Walang umagang hindi ako nagising na nanakit ang buong katawan ko. Daig ko pa ang pinagsamantalahan ng maraming lalaki. Hindi ko nga alam kung paano ko siya natiis na pakisamahan sa loob ng isang taon. Ang laki kong tanga at siraulo. Kaya ngayong namulat na ako at nauntog sa aking kabaliwan, ayoko nang bumalik pa sa dati. Hindi na ako papayag na masaktan pang muli. Gaganti na ako. “Sweetheart, may problema ba?” Nag-angat ako ng tingin mula sa aking pagkakayuko. Napansin ko ang nag-aalalang mukha ni PJ. Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayang nakabalik na pala siya sa mesa namin. Ngayon ay nakatitig na siya sa akin at kunot na kunot ang kanyang noo. “May sinasabi ka ba?” nagtatakang tanong ko. Hindi ko yata narinig ang sinabi niya kanina. “Tinatanong kita kung anong problema mo. Nakakuyom kasi ang mga kamay mo na para bang may kaaway ka. Galit ka ba?” usisa ni PJ. Awtomatikong napatingin ako sa mga kamay kong nakapatong sa mesa. Nakakuyom nga ang mga palad ko nang hindi ko namamalayan. Kinuha ni PJ ang isang kamay ko at pilit niyang ibinubukas ito. Agad niyang isinunod ang isa pang kamay ko nang bumuka na ito. Bigla ang pagragasa nang nakakikiliting kuryente na dumaloy sa buong katawan ko. Hindi ko na dapat maramdaman ito. Dapat wala na akong pakiramdam sa kanya. Sinaktan niya ako kaya dapat lang na maglaho na ang lahat ng pagtatangi ko sa kanya. Pero bakit iba ang nangyayari sa akin ngayon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD