Chapter 2 - I Will Make Him Pay

1103 Words
“KAIN ka na,” wika ni PJ pagkatapos niyang balatan ang mansanas at hatiin ito sa dalawa. Napailing ako. Naalala ko na ang lahat. Dalawang araw mula nang magising ako sa mahabang pagkakatulog ay bumalik ang alaala ko. Ngunit inilihim ko kay PJ at sa doktor ang bagay na iyon. Ayokong malaman nila na nakakaalala na ako. Natatakot ako sa maaaring gawin ng asawa ko kung sakaling malaman niya ang totoo. Hindi pa ako sigurado kung nagsasabi siya ng totoo na nagbago na nga siya. Paano kung niloloko lang pala niya ako? Paano kung sinasabi lang niya iyon para makuha uli ang tiwala ko? Ayoko nang maulit ang nakaraan. Kailangan ko siyang matakasan. Pero paano ako makakatakas dito sa ospital? May suwero pa rin sa kamay ko. Isa pa’y araw-araw niya akong binabantayan na para bang napakaimportante kong tao, na mas mahalaga pa ako kaysa sa trabaho niya. “Bakit ayaw mo? Nahugasan ko na iyan. Gusto mo bang hiwain ko pa ng malilit?” untag ni PJ. Muli akong umiling. “Hindi naman ako nagugutom. Matutulog na lang muna ako.” Napansin kong naging malamlam ang mukha ni PJ. Ngunit hindi ako nagsalita. Tumagilid ako ng higa at itinuon ang tingin sa labas ng bintana. Nakatali ang kurtina kaya kitang-kita ko ang tanawin sa labas. Hindi ko alam kung anong palapag ang kinaroroonan ng private suite kung saan ako ngayon nag-stay. Pero nakikita ko sa labas ang mga nagtataasang building. “I’m sorry kung nakakainip dito sa ospital. Pero huwag kang mag-alala, nangako naman ang doktor mo na pauuwiin ka na niya bukas kapag normal ang resulta ng laboratory test mo. Siguradong matutuwa si Yaya Rona kapag nakabalik ka na sa bahay.” May kung anong kumurot sa puso ko sa sinabi niya. Mabait sa akin si Yaya Rona, ang matandang yaya ni PJ na nag-alaga sa kanya mula pa noong baby siya. Maayos din ang pakikitungo sa akin ng matapat niyang driver na si Manong Arthur. Pati ang dalawang maid sa bahay niya ay maganda rin ang pakikisama sa akin. Kahit nga ang sarili niyang magulang ay wala akong maipintas. Siya lang naman ang walang modo at balasubas. Malupit siya at nananakit. Bukod pa sa hindi niya ako pinapalabas ng bahay, pinagtatrabaho din niya ako sa mga gawaing bahay. Naaawa ang mga kasama namin sa bahay kaya tinutulungan nila ako. Pero sila naman ang pinapagalitan ni PJ. Noong una ay hindi ko alam kung paano nakakarating sa kanya ang mga ginagawa ng mga kasambahay na pagtulong sa akin. Iyon pala’y may CCTV sa halos lahat ng sulok sa loob at labas ng bahay niya. Nawala sa isip ko ang bagay na iyon noong tinakasan ko siya, kaya madali niya kaming natunton ni Manong Arthur. Hindi na ako magtataka kung pati iyong sinakyan kong kotse noon ay may inilagay siyang tracking device. Ang tanga ko lang dahil hindi ko naisip na sirain iyong mga CCTV camera bago ako tumakas para wala sanang ebidensiya sa pag-alis ko noon. Pero nangyari na ang lahat. Ang kailangan ko ngayong isipin ay kung paano ko siya matatakasan nang tuluyan. Kung wala lang sana ang suwerong nakakabit sa kamay ko at kung may maisusuot sana akong ibang damit maliban dito sa hospital gown, madali ko lang sana siyang takasan. “Ayaw mo ba talaga ng mansanas? Gusto mo ba ng orange? Ipagbabalat kita.” Napailing na lang ako. Makulit talaga siya. “Hindi nga ako nagugutomm,” sagot ko nang hindi siya nililingon. “Baka gusto mo ng grapes. Huhugasan ko muna.” Agad ko siyang nilingon. “Huwag na sabi. Makulit ka.” Malungkot siyang bumalik sa pagkakaupo saka tumingin sa akin. “Hindi ka pa rin talaga naniniwala sa akin, ano? Mahirap ba akong pagkatiwalaan? It's okay. Pipilitin ko na lang na intindihin ka. Siguro deserve ko rin ito. Kinakarama ako sa mga kasalanang pinaggagawa ko sa iyo noon.” Umiwas ako ng tingin. Ayokong makipagtitigan sa kanya nang matagal. Baka mabasa niya sa mata ko na nagkukunwari lang ako. Natatakot ako sa maaari niyang gawin kapag nalaman niya ang totoo. “WALA ka bang driver na puwedeng sumundo sa akin? Baka kailangan ka na sa opisina mo. Ipasundo mo na lang ako sa driver mo,” sabi ko kay PJ nang palabas na kami sa ospital. “Bakit ko pa tatawagin si Manong Arthur? Mas gusto kong ako ang maghatid sa iyo pauwi ng bahay,” sagot niya habang itinutulak niya ang wheelchair na kinauupuan ko. “Paano naman ang trabaho mo? Ilang araw ka nang nagbabantay dito sa ospital.” Kunwari ay nag-aalala ako. Ayoko kasing makahalata siya. “Okay lang iyon. Hindi naman malulugi ang Oriental Resorts kung hindi ako papasok. Saka kahit naman wala ako sa opisina ay nagtatrabaho pa rin ako. Para saan pa at nagkaroon ako ng laptop at cellphone kung hindi ko gagamitin ang mga iyon? Ipinapadala sa akin ng sekretarya ko ang mga trabahong dapat kong gawin. Kung kailangan niya ng pirma ko ay pumupunta naman ako sa opisina. Iyong mga trabahong hindi ko magawa ay mga manager at department head na ang gumagawa. Mas mahalaga ka naman kaysa sa trabaho ko.” Kung hindi ko siguro kilala si PJ ay baka maniwala ako sa pambobola niya. Pero kilalang-kilala ko na siya sa loob ng isang taong pagsasama namin. Wala siyang gagawin na maganda para sa akin. Kinamumuhian niya ako dahil lang sa pinilit siya ng mama niyang pakasalan ako. Bukod doon ay naikuwento noon sa akin ni Yaya Rona na matagal na siyang may galit sa kanyang ina at sa lola niya. Pareho kasing nahumaling sa ibang lalaki ang lola at mama niya habang kasal sila sa kani-kanilang asawa. May suspetsa pa nga si Yaya Rona na baka si PJ ay anak ng mama niya sa ibang lalaki. Sinabi iyon sa akin ni Yaya Rona para lang i-justify iyong pananakit sa akin ni PJ. Kumbaga, ibinunton sa akin ni PJ ang lahat ng galit niya sa mama at lola niya. Pero dapat bang ako masaktan sa kasalanan ng ibang tao? Wala naman akong ginawang masama sa kanya, ah. Nagkataon lang na mahal na mahal ko siya kaya ako nagpakasal sa kanya. Hindi pera ang dahilan kung bakit ako pumayag sa kagustuhan ng mama niya na magpakasal kami. Kahit siya ay pulubi, mamahalin ko pa rin siya. Ganoon ko siya kamahal noon kaya madali akong napapayag ng mama niya sa gusto nitong mangyari. Pero sinayang lang niya ang pagmamahal kong iyon. Ngayon ay hindi na ako papayag na aapihin lang niya. Kung hindi ko man siya matakasan, gagawa ako ng paraan upang makaganti sa pang-aapi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD