Chapter 1 - Forgotten Memories

1385 Words
NAGISING ako sa kakaibang amoy sa paligid. Pilit kong ibinukas ang aking mga mata. Kumurap-kurap pa ako para siguruhing malinaw ang aking paningin at hindi ako nagkakamali ng lugar na inaakala. Tama. Nasa ospital nga ako base sa nakikita ko sa paligid. Bukod sa puting kisame ay napansin ko rin na puti ang dingding. Nang mapatingin ako sa aking sarili ay napansin ko ang kaliwang kamay ko na may nakatusok na suwero. Nang tangkain kong iangat ang kabilang kamay ko ay bigla akong napatigil. Hindi ko ito maigalaw. Muntik na akong mapasigaw nang mapansin kong may nakahawak sa aking kamay. Hindi ko makilala kung sino siya dahil hindi ko makita ang mukha niya. Nakayupyop siya sa aking tabi habang nakahawak ang kaliwang kamay niya sa palapulsuan ko. Sino siya? Bakit ako nandito sa ospital? Kilala ko ba siya? Pilit kong kinalkal sa aking isip kung anong nangyari bago ako napunta dito sa ospital. Pero wala akong maalala. Basta ang alam ko lang ay papunta ako sa trabaho. Oops! Teka lang! Bakit siya pala ang nagbabantay sa akin? Nasaan si Lola Alona? Hindi ba dapat ay siya ang nagbabantay sa akin? Pero bakit ibang tao ang nandito? Maingat kong hinila ang aking kamay na hawak ng taong iyon. Ngunit nang bahagyang gumalaw ako ay biglang gumalaw din ang ulo niya. Namilog ang mga mata ko nang bigla siyang tumingin sa akin. “Jenezel! You’re awake! Thank you, Lord!” Nanlalaki ang mga matang tumayo siya at bigla na lang niya akong hinalikan sa aking noo. Akmang yayakapin pa niya ako ngunit mabilis kong itinulak ang dibdib niya gamit ang kanang kamay ko. Hindi ko naman siya kilala. Bakit niya ako yayakapin? Ninakawan na nga niya ako ng halik, eh. Kumunot ang noo niya saka siya napailing. “I’m sorry. I’m really sorry. Alam kong kasalanan ko ang lahat. Sana mapatawad mo ako.” Kinuha niya ang kamay kong pumipigil sa kanya. Dinala niya ito sa kanyang bibig saka masuyong hinalikan. Nagulat ako sa ginawa niya kaya agad kong hinila ang aking kamay. “Sandali lang. Tatawagin ko ang doktor,” wika niya bago siya tumalikod at nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Ilang beses akong nagbuga ng hangin. Sino ba ang lalaking iyon? Kilala niya ako pero hindi ko siya kilala. Bakit siya nagso-sorry sa akin? Anong kasalanan niya sa akin? Bakit siya kailangang humingi ng tawad? Ipinikit ko ang aking mga mata. Pilit kong inaalala ang lahat. Pero kahit anong gawin ko, hindi ko talaga ang maalala ang lalaking iyon. Hindi ang tipo niya ang madaling kalimutan. Napakaguwapo niya. Kung hindi lang siguro sa makapal at mahaba niyang buhok pati na ang balbas niya ay malamang mas magandang lalaki pa siya kaysa sa nakita ko. Mabango rin siya dahil naamoy ko ang pabango niya kaninang hinalikan niya ako sa aking noo. Bakit ginawa iyon ng lalaki sa akin? May relasyon ba kami? Imposible naman yata. Sa guwapo niyang iyon, papatol lang sa isang tulad ko na pangkaraniwan lang ang itsura? Napailing na lang ako. May mali talaga sa nangyayari sa akin. Nasaan na ba kasi ang lola ko? Hindi ba niya alam na nandito ako ngayon sa ospital? Bakit hinayaan ng lola ko na ibang tao ang nagbantay sa akin? Nami-miss ko na si Lola Alona. Siya na lang ang pamilya na mayroon ako dahil matagal nang namatay ang mga magulang ko. Ayon sa kuwento ni lola, namatay sa panganganak sa akin ang aking nanay. Ang tatay ko naman ay nakursunadahan ng mga lasing nang minsang ginabi ng uwi mula sa pinapasukan niyang pabrika. Dead on the spot ang tatay ko sa dami ng saksak na tinamo ng katawan niya. Dalawang taon lang ako noon kaya wala pa akong muwang nang tuluyan akong maulila. Mabuti na lang at may lola ako na kumupkop at nag-aruga sa akin. Natigil ang aking pagmumuni-muni nang biglang bumukas ang pintuan at pumasok ang isang babaeng doktor kasunod ang nurse saka ang lalaking nagisnan ko kanina. Maingat na tinanggal ng nurse ang nasal cannula na nakakabit sa akin. Pagkatapos ay kinuhanan niya ako ng vital signs samantalang ang doktor ay may mga tinanong sa akin. Lahat ng tanong niya ay nasagot ko maliban sa mga tanong na may kinalaman sa lalaking kanina pa nakatayo sa tabi niya at tahimik na nakikinig lang sa usapan namin. Nginitian lang ako ng doktor pagkatapos ng pag-uusap namin saka niya hinarap ang lalaking iyon. Malapit lang sila sa higaan ko kaya naririnig ko ang usapan nila. “Ano po ang nangyari sa asawa ko, dok?” tanong ng lalaki. “Mr. Alvarez, hindi ko pa matukoy ang eksaktong sakit niya o nangyari sa kanya. Pero ipapa-MRI natin ang iyong asawa. Inirerekomenda ko rin na mag-administer ng EEG at blood test para ma-check natin kung saan nanggagaling ang problema kung bakit hindi siya makaalala ng ibang impormasyon. Mula sa resulta ng mga test ay malalaman ko kung ano ang nararapat na gawin natin para gumaling siya,” wika ng doktor. “Sige, dok. Gawin po ninyo ang nararapat para makaalala siya.” “I will do that, Mr. Alvarez.” Pagkatapos ng pag-uusap ng dalawa ay lumabas na ang doktor. Lumapit naman ang lalaki sa akin at umupo sa tabi ng higaan ko. “Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman ngayong nalaman ko na hindi mo ako maalala. Nalulungkot ako dahil hindi mo maalala na asawa mo ako. Pero aaminin ko na may parte ng isip ko ang natutuwa dahil mo ako kilala. Ibig sabihin ay hindi mo rin maalala kung ano ang nangyari sa atin dati. Kaya lang nagi-guilty ako dahil sa nangyari sa iyo ngayon. Kung hindi ko sana ginawa ang mga iyon sa iyo, sana ay maayos ka pa rin ngayon. Pinagsisihan ko ang lahat ng iyon. Pangako magbabago na ako at hindi ko na uulit iyong mga ginawa ko dati. Kapag nakalabas ka na dito sa ospital, magsisimula tayong muli,” malungkot niyang sabi. Ginagap ng lalaki ang palad ko ngunit agad ko itong inilayo sa kanya. “Sorry, mister. Pero hindi kita kilala,” kunot noong sabi ko. Napangiti siya nang mapait. “Magpapakilala ulit ako sa iyo. Ako si Patrick James Alvarez, twenty-five years old at CEO ng Oriental Island Resorts. Ako ang asawa mo. Ikinasal tayo isa't kalahating taon na ang lumipas.” Inabot niya ang kanyang kamay sa akin. Ngunit kahit hindi ko siya pinansin ay pilit pa rin niyang kinuha ang aking kamay. Hindi ko maipaliwanag pero parang may mumunting kuryente ang dumaloy nang magdikit ang aming mga kamay. Sinubukan kong hilain ang aking kamay ngunit ayaw niyang pakawalan. “Hindi kita pakakawalan ngayon o kahit sa mga susunod na araw. Hindi mo man maalala ang mga nangyari sa atin pero sinasabi ko sa iyo na pinagsisihan ko na ang lahat nang ginawa ko sa iyo. Alam mo bang iyong anim na buwan kang walang malay, pakiramdam ko ay mamamatay na rin ako. Hindi lang ako kinakain ng konsensiya. Naisip ko rin na napakawalang-kuwenta kong tao dahil sinaktan kita. Bigyan mo lang ako ng isang pagkakataon, itatama ko ang lahat ng aking pagkakamali,” wika niya saka masuyong hinagkan ang likod ng aking palad. Puwersahan ko nang hinila ang aking kamay. Nakaramdam ako ng takot at pangamba sa sinasabi niya. Hindi ko na rin kayang pakibagayan ang emosyong lumukob sa akin. Nagsalubong ang kilay ko habang tinitigan ko siya. “Sorry rin. Pero hindi talaga kita kilala. Hindi ko maalalang nag-asawa na ako. Nasaan ba kasi ang lola ko?” Nagpakawala siya nang malalim na buntunghininga saka malungkot na tumingin sa akin. “Ayoko sanang sabihin ito. Pero kailangan mong malaman ang totoo. Namatay ang lola mo noong nakaraang buwan habang wala kang malay dito sa ospital. Pero huwag kang mag-alala kasi naipalibing ko naman siya nang maayos. Kapag nakalabas ka dito sa ospital ay dadalawin natin ang puntod niya.” Hindi ako nakaimik sa sinabi niya. Ngunit sunod-sunod ang pagpatak ng aking luha. Bakit gano’n? Nawala si lola nang hindi man lang kami nagkausap. Hindi man lang siya nakapagpaalam sa akin. Paano na ako ngayon? Anong gagawin ko ngayong mag-isa na lang ako? Paano ako maniniwala sa sinasabi ng lalaking kaharap ko ngayon? Mapagkakatiwalaan ko ba siya? O baka niloloko lang niya ako? Natatakot ako sa kanya lalo na sa mga pinagsasabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD