Pagdating sa Maria's Shelter kung saan naroroon ang ina ni Christina ay wala ng hinintay pang oras ang dalaga. Kaagad niyang tinungo ang silid kung saan kabilang ang ina at iniwan na lamang ang kanyang ninang Annie sa front desk para i-record ang pagdalaw nila . Nag-ra-round ang naka-duty na doctor ng mga oras na iyon. Naabutan ni Christina na kasalukuyang tsine-check up ang mga pasyente habang ang ilan ay sumasailalim sa therapy, kabilang na doon si Lorna.
Nangilid ang luha niya nang makita ang pagbabago sa kalagayan ng ina. Habang inaalalayan ito ng therapist na maigalaw nang paunti-unti ang braso na dati ay hirap nitong igalaw ay nakalarawan ang tuwa sa mukha ni Lorna. Panaka-naka itong tinatapunan ng tingin ng doctor doon na ngumingiti sa tuwing makikita ang positive response sa therapy na iyon.
Kung dati rati ay maputla ang kanyang ina at halos bakas ang buto nito dahil na rin sa kakulangan ng nutrisyon, ngayon kagaya niya ay nagkalaman na ang ina. Malaki-laki man kinakailangang halaga upang magtuloy-tuloy ang therapy at rehabilation nito ay ayos lamang sa kanya lalo na at nakikita niyang masaya ang ina.
Hinintay muna ni Christina na matapos ang therapy session ng ina bago siya magpasyang magpakita at lumapit dito. Ilang sandali pa siyang tinitigan ni Lorna na para bang kinikilala pa siya.
"Christina!"
Medyo nabubulol man ay nagawang sambitin ni Lorna ng maayos ang pangalan ni Christina. Mahigpit siyang yumakap sa ina na tila ba wala ng bukas para sa kanila. Miss na miss niya ang ina, at kahit na malayo siya dito ay hindi naman niya magawang magsisi sa desisyon niya na magtrabaho. Naaalagaan at naipapagamot na niya nang maayos ang ina at sapat na iyon sa kanya.
"Na-miss kita nay."
Sa pagitan nang pagtangis ay ani Christina. Sinuklay ng mga daliri ni Lorna ang buhok niya na para siyang bata na inaalo. Nang kumalas siya sa mga bisig nito ay tigmak din ng luha ang ina subalit naroroon ang ngiti.
Walang pinalampas na sandali si Christina. Masaya niyang ikinuwento ang mga karanasan niya sa Palawan. Ang magagandang tanawin doon, ang masasarap na pagkain at higit sa lahat ang amo niya. Mag-hapon siyang nanatili sa tabi ni Lorna kasama nila aling Concha at ng ninang niya.
Matapos ang visiting hours ay umuwi si Christina sa Jaro, sa tahanan ng kapatid ni aling Concha na si Sol kasama pa rin ang ninang Annie niya. Bago mamahinga ay pinadalhan muna ng dalaga ng message si Gibson upang ipabatid dito na maayos ang kalagayan niya at ligtas siyang nakarating sa Ilo-ilo. Hindi na niya nahintay ang reply nito dahil iginupo na siya ng labis na pagod at kawalan ng tulog. Nang gabing iyon ay payapa at kuntentong nakatulog si Christina.
Kinaumagahan ay nagpaalam na si Annie na babalik na sa trabaho nito at nangakong babalik na lamang sa susunod na araw. Muli namang bumalik si Christina sa Maria's Shelter ng araw na iyon kasama si aling Concha.
"Ang sabi mo kamo'y sa Manila naman kayo ng amo mo ganoon ba?"
Kaipala'y tanong ni aling Concha kay Christina. Nasa garden sila habang nakaupo sa nakalatag na banig sa Bermuda grass.
"Opo. Babalik na kase si Gi- sir Gibson sa Manila. Inalok naman niya ako kung gusto ko pang ipagpatuloy ang trabaho sa kanya."
Napa-tikhim ng lalamunan si Christina.
"Tama nga naman. Bumubuti na ang lagay ni Lorna malaking tulong ang naging trabaho mo para sa pagpa-pagamot ng nanay mo. Wala rin namang mang-yayari kung mananatili ka dito sa Ilo-ilo."
Pagsang-ayon ni aling Concha na hindi napansin ang pagkailang ni Christina.
Nabaling ang atensyon ng lahat mula sa matiwasay na pamamahinga ng magkaroon ng kumosyon sa bungad ng shelter. Nagkatinginan pa muna silang tatlo pero sabay-sabay din silang pinanlakihan ng mata nang maulinagan nila ang boses mula sa labas. Naramdaman ni Christina ang mabilis na pagkapit ng kanyang ina sa kanyang kamay dala ng pangamba.
"Christina! Alam ko na nariyan kayo ni Lorna sa loob !"
"Hindi ba't boses iyon ni Delio?"
Nahihintakutang tanong ni aling Concha. Napalunok naman si Christina, inaalihan na rin siya ng nerbyos. Paano nalaman ng kanyang tatay-tatayan na naroroon sila?
"Titingnan ko lang po."
Paalam niya pero mabilis siyang pinigilan ni aling Concha. Sunud-sunod naman ang iling ni Lorna sa sinabing iyon ng anak.
"Huwag na hija. Pare-pareho nating alam kung bakit nariyan ang tatay Delio mo. Hindi naman iyan makakapasok dito ng ganoon kadali."
Nag-aalala man ay sinunod ng dalaga na huwag ng magpakita pa kay Delio at gaya ng sinabi ni aling Concha ay hindi naman ito nakapasok. Ilang minuto rin ang itinagal ng pang-gugulo ni Delio mula sa labas ng shelter bago ito napaalis ng mga patrol nang mai-report. Ngayon na alam na ni Delio ang kinaroroonan nila ay nangangamba siyang makagawa ito ng paraan upang maibalik sila sa impyernong lugar nito.
Nang sumunod na araw ay hindi nagbalik si Annie gaya ng ipinangako nito. Nakararamdam na ng pagkabalisa si Christina pero iniisip niyang baka okupado lang ito ng trabaho. Batid ni aling Concha ang pag-aalala ni Christina kung kaya nagprisinta na muna itong uuwi upang masiguro na rin na maayos ang kalagayan ni Annie.
"Christina.."
Mula sa pag-aayos ng kumot ng kanyang ina ay napalingon si Christina sa doctor na siyang nangangalaga sa mga pasyente doon. Kasunod nito ang therapist at ang isa pang nurse.
"Maaari kang manatili na muna dito.."
Maang na napatingin dito ang dalaga. Sa pagkakaalam niya ay bawal iyon.
"Iyong lalake na nanggulo dito kahapon, kung hindi ako nagkakamali ay iyon ang ama-amahan mo?"
Tanong nito na tinanguan niya bilang sagot dito.
"Thought so..anyway, you can stay here for the mean time since umuwi na ang mga kasama mo. Don't worry about the rules, I can make an exemption for you."
Nakangiti pa nitong dagdag.
"And please..huwag ka munang aalis lalo na at hindi natin alam kung safe ka sa labas."
Speechless, hindi nagawang magsalita ni Christina hanggang sa makaalis na ang doctor at mga kasama nito. Maging ang mga kasama nila sa silid ay maang na nakamasid sa kanilang mag-ina.
Nagising si Christina sa tunog ng kanyang cellphone, at kahit nag-a-agaw pa ang diwa at antok niya ay sinagot niya iyon kaagad sa pag-aakalang si Gibson ang caller. Subalit oras na marinig niya ang boses sa kabilang linya ay tuluyang nawala ang kanyang antok.
"Christina, mabuti naman at sinagot mo kaagad."
Umahon ang kaba sa kanyang dibdib. Sa boses pa lamang na iyon ay natitiyak niyang nagtitimpi iyon ng galit,at marahil kung nasa harapan siya nito ay nakatikim na naman siya ng isa o dalawang sampal o kung hindi naman kaya ay sapak kagaya ng nakagawian nito sa kanilang mag-ina.
Si Delio ang huling tao na sasagi sa isip niya sa mga oras na iyon at ito rin ang kahuli-hulihang nilalang na nanaisin niyang makita kahit sa kanyang huling hininga.
"Ops, ops Christina. Huwag na huwag mong maisipan na patayin ang tawag ko gayun din ang cellphone mo, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa ninang Annie mo. Ayaw mo namang mangyari iyon hindi ba?"
Nanghilakbot ang dalaga sa narinig. Hindi niya magawang igalaw ang kamay. Naninikip ang dibdib niya sa sobrang kaba. Hindi malayong gawin ni Delio ang banta nito sa kanya. Kung nagagawa nitong saktan siya at ang kanyang ina, pihadong hindi ito magdadalawang isip na saktan ang ninang Annie niya.
"Anong kailangan mo Delio?"
Nagngingitngit ang kaloobang tanong niya.
"Aba, mukhang hindi maganda ang natutunan mo sa kung saang lupalop ka man nakarating ..pero hindi bale , hindi naman iyon malaking usapin sa akin. Makinig kang mabuti Christina. Bukas na bukas din ay umuwi ka dito, kapag hindi ka dumating ay hindi ko maipapangakong humihinga pa ang ninang mo. Naintindihan mo? "
Bakas ang tuwa sa boses na iyon ni Delio. Matagal din ang ipinaghintay niya para malaman kung nasaan ang anak-anakan. Ilang lingo din siyang nagtyaga na bumuntot-buntot kay Concha at Annie. Kaya hindi niya hahayaang makatakas muli si Christina sa pagkakataong iyon.