❣︎ URSULA/1870 ❣︎
Ang simoy ng sariwang hangin at maaliwalas na kalangitan ang sumalubong sa akin nang buksan ko ang aking durungawan na gawa sa yantok.
Mga yabag ng mga kabayong hila-hila ang kani-kanilang kalesa at huni ng mga ibon sa himpapawid ang siyang bumusog sa aking pandinig.
Kay gandang araw para sa isang ordinaryong babaeng katulad ko. Ngunit, dahil hindi ordinaryo ang aking buhay, hindi ito magandang araw para sa akin.
Napabuntonghininga ako sa kawalan.
Buti pa ang mga ibon, malaya.
Kailan ko kaya mararanasan ang buhay na walang ibang iniisip kung hindi kasiyahan ko lamang? Kailan ko matitikman ang buhay na malayang nakakapamasyal sa bayan? Kailan ko malalasap ang buhay na walang sinusunod kung hindi ang sarili kong kagustuhan lamang?
Kailan?
Muli, ako ay napabuntonghininga.
Lumapit ako sa aking tokador at malayang napagmasdan ang aking kabuuan sa salamin. Kahit sa pananamit, wala akong kawala. Nararapat daw na presintable akong pagmasdan.
Maganda naman ang aking kasuotan na tanging mukha at braso lamang ang makikita, bestida na pinatungan ng saya. Ang kaibahan nga lang, kung hindi kulay abo, kulay puti naman.
Naiinggit ako sa ibang kadalagahan dito sa aming baryo. Iba't ibang kulay ang kanilang mga saya. May kulay rosas, berde, dilaw, at ang aking paboritong kulay, ang asul.
Kahit kailan, hindi pa ako nakapagdesisyon para sa aking sarili. Kahit sa kaunting bagay man lang, gaya na lang ng mga gusto kong kulay, mga gusto kong gawin at kahit sa kung sino lamang ang dapat kong kausapin.
Sobrang higpit ni Ama. Ang sabi ni Ina, para din daw iyon sa aking sariling kapakanan, lalo na at nag-iisa akong babae sa aming magkakapatid.
Noong una'y nakakaya ko pang ngitian ang lahat ng mga sinasabi ni Ama. Akala ko kasi noon, mahigpit lamang siya sa kadahilanang wala pa ako sa wastong gulang at gusto niya lamang turuan ako ng mga bagay-bagay nang sa gayon, kapag nasa wastong gulang na ako, alam ko na ang nararapat na gawin. Ngunit humantong na ako sa gulang na dalawampu, mas lalo pa siyang naging mahigpit.
"Senyorita?"
Isang katok ang pumukaw sa aking diwa.
"Pasok," tugon ko rito.
Agad namang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Saning, ang aking personal na tagapagsilbi.
"Magandang umaga, Senyorita," bati niya sa akin at yumuko.
Kalaunan, mahina kaming sabay na napahagikhik.
"Ang dami mong alam na kalokohan, Saning, " nakangiti kong sambit sa kaniya.
Ganyan daw ang tamang pagbati sa kahit na sino, ayon kay Ama.
"Kumusta ang iyong tulog, Senyorita?" tanong niya sa akin at inayos ang pagkakapusod ng aking buhok. Bawal ang nakalugay, ayon ulit kay Ama.
"Maayos naman, Saning," agad kong sagot sa kaniya.
"Oh? Bakit biglang naglaho ang iyong ngiti, Senyorita?" agap niyang tanong nang mapansing biglang tumamlay ang aking tinig.
"Ilang latigo na naman kaya ang matatanggap ko ngayon?" matamlay kong tanong.
Nakita ko ang pagbabago sa kaniyang reaksyon mula sa repleksyon niya sa salamin.
"Hay naku! Wala kang natanggap, isang linggo na. Kaya huwag mong iisipin na makakatanggap ka ngayon, upang maperpekto mo ang cariñosa," pang-aalo sa akin ni Saning.
Araw ng Sabado, kaya iba't ibang klase ng pilipinong sayaw ang aking aaralin ngayon.
Lunes , mga tamang pagbaybay ng salita sa wikang Filipino, pagbabasa, pagsusulat, at panitikan.
Martes, pagbuburda at pagpipinta.
Miyerkules, Siyensya at Kasaysayan.
Huwebes, pag-aaral ng Matematika at Ekonomiya.
Biyernes, mga tamang pag-uugali, pananalita, gawaing bahay at pakikihalubilo.
Linggo, araw ng pagsimba at pahinga. Kung minsan, dumadalo kami sa mga pagdiriwang.
May sarili akong guro sa bawat aralin at laging nakasubaybay si Ama. Isang pagkakamili ay katumbas ng isang hampas ng latigo sa talampakan.
Limang oras ang aking inilalagi sa bawat aralin. Pagsapit ng hapon, malaya akong nakakapamasyal sa hacienda namin. Hindi ko pa nararanasan ang makapamasyal sa bayan. Limang taon na rin, na ganito ang takbo ng aking buhay.
Isang katok muli sa aking pinto ang gumambala sa amin.
"Senyorita Ursula, handa na po ang agahan."
Bumuntonghininga muna ako bago sumagot.
"Nariyan na."
Makakaharap ko na naman si Ama sa hapag-kainan.
~ ♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎~
Binabagtas namin ni Saning ang pasilyo patungo sa hapag-kainan nang tanungin ko siya.
"Sino sa mga kuya ang makakapares ko ngayon, Saning?"
Salitan ang aking mga kapatid tuwing Sabado, bilang kapareha ko sa pagsasanay ng mga Pilipinong sayaw.
"Hindi ko po alam, Senyorita," sagot niya sa akin habang diretso ang tingin sa aming nilalakaran.
Kuhang-kuha niya na ang tamang paglalakad.
Ayon sa aking guro sa tamang pag-uugali, pananalita, gawaing bahay at pakikihalubilo, kahit na ikaw ay may kausap sa paglalakad, kailangang diretso lamang ang iyong tingin, na sinang-ayunan naman ni Ama.
"Senyorita, tumingin ka sa iyong dinaraanan at baka ika'y mahuli ng iyong ama, " saway niya sa akin.
"Opo, guro."
Mahina kaming tumawa.
Malayo pa lamang ay amoy ko na ang paborito kong almusal, sinangag at pritong itlog, sigurado akong may tuyo rin. Nakaramdam tuloy ako ng pagkagutom.
Ngunit, nang tuluyan na akong makapasok sa silid kung saan naroon ang hapag kainan, parang bigla akong nabusog!
Gusto kong tumalon dahil sa sobrang kagalakan, ngunit pinigilan ko ang aking sarili, baka umaga pa lang makatikim na ako ng latigo ni Ama.
"Magandang umaga Ama, magandang umaga Ina, magandang umaga aking mga kapatid," binati ko sila sabay yumuko ng bahagya habang magkadaop ang aking mga palad na nakadikit sa harapan ng aking tiyan.
"Magandang araw sa nag-iisang binibini ng aming pamilya," sagot ni Kuya Herman, ang panganay sa aming magkakapatid.
Gusto ko siyang takbuhin at yakapin, dahil sobra akong nangungulila sa kaniya, ngunit mga mata ni Ama ang nagpipigil sa akin na gawin iyon.
Mamaya na nga lang.
Si Kuya Herman ang laging nagtatanggol sa akin sa tuwing pinapagalitan ako ni Ama. Siya lamang ang may lakas ng loob na harapin ang galit ni Ama, dahil na rin siguro siya ang panganay sa amin. Mahal ako ng aking mga kapatid, nararamdaman ko iyon. Ngunit, si Kuya Herman lamang talaga ang matapang sa aming lahat. Hindi na ako magtataka kung bakit abogasya ang napili niyang karera.
Noong nakaraang taon lamang ay ikinasal siya sa anak ng gobernador sa karatig na lungsod. Kaya lubha akong nalungkot, dahil magbubukod na sila ng kaniyang asawa.
Buwan-buwan siyang nagpapadala ng liham sa amin. Noong una'y may nakalaang sulat para sa akin, ngunit hindi iyon ibinigay ni Ama. Kaya sa mga sumunod na mga buwan, isang sulat para sa buong pamilya na lang ang nakarating sa amin.
Ngayon pa lamang siya nakadalaw rito.
"Magandang araw, Binibining Ursula."
Napalingon ako sa babaeng sumulpot sa likuran ni Kuya Herman. Nalipat ang aking mga mata sa tiyan niyang bilugan.
Nagdadalang tao si Ate Sonya!
"Magandang araw rin po sa iyo, Ate Sonya," ganting bati ko at yumuko ng bahagya.
Akma siyang lalapit sa akin, ngunit palihim ko siyang pinandilatan ng mga mata at naintindihan niya naman iyon kaagad.
Ngunit sadyang pilyo ang aking kapatid. Nilapitan niya ako at niyakap.
"Kamusta ang aming bunsong kapatid?" Mahihimigan mo sa kaniyang tinig ang pang-uuyam.
"Handa na ang agahan."
Umalingawngaw ang boses ni Ama sa buong silid kahit na mahina lamang iyon. Talagang taglay ni Ama ang maawtoridad na tinig.
Bahagya kong tinulak si Kuya Herman at ngumiti ng pilit.
"Tayo na sa hapag, Kuya," sabi ko at tinalikuran na siya, gayong gustong-gusto ko pang ilunod ang aking sarili sa kaniyang mga yakap.
Inalalayan ko si Ate Sonya. Hindi ko na rin napansin si Saning.
Nasa kusina na marahil.
"Hanggang ngayon ba naman, Ama? Ngayon lamang tayo nagkita-kitang muli," seryosong turan ni Kuya kay Ama.
Nararamdaman ko ang tensyon na nabubuo sa pagitan nilang dalawa.
Nang makaupo na ako sa aking pwesto, sa tabi ni Ina na nasa kanang bahagi ni Ama, ipinikit ko ang aking mga mata at sinimulan ko ang panalangin sa pagkain upang mawala ang tensyon.
"Mahal naming Poong Maykapal, kami ay nagpapasalamat sa isa na namang umagang ipinagkaloob Ninyo sa amin. Maraming salamat din Po, sa kumpletong pamilya. Ipinagpapasalamat din Po namin ang mga biyayang nakahain sa aming hapag. Nawa'y magpatuloy ang kasaganahan sa aming pamilya. Ang lahat na ito ay aming ipinapanalangin sa Panginoon naming Diyos, na May Lalang sa lahat, amen. "
"Amen," sabay-sabay nilang tugon.
Nang idilat ko ang aking mga mata, mukha ni Kuya Tasyo ang aking nasilayan, pigil niya ang mga labi na halatang natutuwa sa pagdating ng aming panganay na kapatid.
Napakapilyo talaga kahit kailan!
Sa aming magkakapatid, si Kuya Tasyo ang pinakapilyo. Sa kaniya yata natuto si Saning ng mga kalokohan. Siya ang sumunod kay Kuya Herman. Siya ang katuwang ni Ama sa pamamalakad sa buong hacienda.
Gumawi ang tingin ko sa tabi ni Kuya Tasyo, kay Kuya Enyong, pangatlo sa aming magkakapatid at ang pinakatahimik. Mas pipiliin niya pang magmukmok sa kaniyang silid kaysa samahan si Kuya Tasyo sa hacienda, na walang ibang ginawa kung hindi ang mamigay ng mga mabubulaklak na salita sa mga kadalagahang nagtatrabaho sa amin.
Sa tabi niya naman ay si Kuya Siyo, na sa libro lamang umiikot ang kaniyang buhay, siya ang ika-apat.
Sa aking tabi, sa kaliwang bahagi, ay si Kuya Ingko. Siya ang masasabi kong sumunod sa talino ni Kuya Herman. Ngunit, Siyensya at Agham ang kaniyang kinahihiligan.
At ang katabi niya naman ay ang aking sinundan, si Kuya Ibyo, ang talentado sa aming lahat. Boses niya ay sinlamig ng hangin tuwing pasko, mga kamay niya ay bihasa sa kahit anong instrumento at masasabi kong siya ang habulin ng kababaihan kaysa kay Kuya Tasyo.
"Pumarito ka lamang ba upang sabihin iyan sa akin?"
Akala ko mawawala na ang tensyon, ngunit nagkamali ako dahil mapapansin sa boses ni Ama, ang tonong lagi niyang ginagamit sa tuwing kinakakagalitan niya ako.
Noong una pa lamang talaga ay hindi na magkasundo si Ama at si Kuya Herman. Dahil mas pinili ni Kuya Herman ang pagiging abogado kaysa sa pamahalaan ang buong hacienda. Siya kasi ang panganay kaya inaasahan talaga ni Ama na siya ang mamamahala rito. Ngunit gaya ng sinabi ko, si Kuya Herman lamang ang may lakas ng loob sa aming magkakapatid. Kaya niyang sumalungat sa lahat ng naisin ni Ama.
"Nangulila ako sa aking nag-iisang babaeng kapatid, anong masama roon, Ama?" ganting tanong ni Kuya Herman kay Ama.
Nakita ko ang paghawak ni Ate Sonya sa kamay ni Kuya Herman na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.
Ang kaninang nagpipigil ng ngiting si Kuya Tasyo, ngayon ay seryoso na at napako amg tingin sa pinggang nasa kaniyang harapan.
"Kumain na tayo - - - -"
Naputol ang sanang sasabihin ni Ina, nang marahas na tumayo si Ama.
"Iyon lang ba talaga ang iyong sadya, Hermando?" may kalakasang tanong ni Ama.
Walang naglakas loob na makisalo sa tensyon na nagaganap sa pagitan ni Ama at Kuya Herman.
"Naparito rin ako, dahil gusto kong kunin si Uring at manatili ng ilang taon sa amin, Ama. Panahon na para siya ay makapag-aral ng wikang Ingles, sayang ang kaniyang talino," mahinahong sagot ni Kuya Herman.
Ngunit, ang puso ko ay hindi na maawat sa sobrang lakas ng pagtambol nito. Kaagad akong napatingin kay Kuya Herman na nanatiling nakatingin kay Ama.
Napansin kong nakatingin sa akin si Kuya Ingko at si Kuya Ibyo. Nakikita ko ang kasiyahan sa mga mata nila ngunit mas nangibabaw ang pag-aalala.
Nagulat ako sa biglaang paghawak ni Ina sa aking kanang kamay at marahan itong pinisil. Hindi ko kayang lingunin si Ina, dahil ayaw kong magawi ang aking mga mata sa kinaroroonan ni Ama.
Makakalaya na ba ako sa kahigpitan ni Ama?
Lihim akong nagbubunyi dahil sa wakas, matatamasa ko na ang buhay na malayo kay Ama at---
"Sa tingin mo ba ay papayag ako!"
Naputol ang pagdiriwang ng aking isipan sa malakidlat na sigaw ni Ama.
"Pero Ama, lahat kami nakapag-aral ng wikang Ingles sa pribadong paaralan sa bayan, kaya hindi ko maunawaan kung bakit hanggang ngayon, tila isang bilanggo ang aming bunsong kapatid."
Narinig ko ang mahinang pagsinghap ni Ina. Dahil ang pinakatahimik sa aming magkakapatid ay nagawang sagutin si Ama.
"Ikang!"
Nanlaki ang aking mga mata sa biglaang pagtawag ni Ama sa aming punong-tagapagsilbi.
Nakita ko naman na nagkukumahog sa paglapit si Ikang.
"Po, Senyor?"
"Ihanda ang sako at asin!" sigaw ni Ama na nakatingin na kay Kuya Enyong.
Humigpit ang aking hawak sa kamay ni Ina na kanina niya pa pala hawak-hawak.
"Dalawang oras, Simeon!" isang malutong na sigaw ulit ang pinakawalan ni Ama.
Napapikit ako sa narinig.
Dalawang oras! Luluhod sa sakong may asin ng dalawang oras! Kalahating oras nga ay hindi ko kaya, ano na lang iyong dalawang oras!
Pagdilat ko, naglalakad na si Kuya Enyong patungo sa likod ng kusina. Tiningnan niya ako saglit at saka ngumiti ng tipid.
"Masaya ka na, Hermando!" bulyaw ni Ama kay Kuya Herman.
Nakatingin lamang ako sa aking harapan, naroon ang aking paboritong sinangag at pritong itlog. May kape rin sa aking tasa, marahil malamig na iyon.
Humakbang si Ama papalabas ng hapag-kainan.
"Juancho at Ursula, oras na!"
Tiningnan ko ang katabi kong si Kuya Ingko, siya pala ang makakapareha ko ngayon sa pag-eensayo ng sayaw.
Tiningnan ko ulit ang mga pagkaing nasa aking harapan. Mukhang hindi na naman magagalaw ang mga pagkaing nakahanda. Ganito lagi ang nangyayari sa tuwing nagpapang-abot si Ama at Kuya Herman. Mauudlot na naman ang aming agahan. Ngayon na lamang ulit kami naging kumpleto sa hapag, ngunit hindi pa maganda ang mga naganap.
Akala ko magiging masaya ang araw na ito, dahil binisita kami ni Kuya Herman. Pakiwari ko, ako ang dahilan. Parang pinipiga ang aking puso sa labis na kalungkutang nararamdaman.
Isa kami sa pinakatanyag na pamilya sa lalawigang aming kinabibilangan. Marangya ang aming pamumuhay. Nakakatanggap kami ng mga papuri sa ibang tao. Ngunit, hindi lang nila alam. Nasa kabila ng mga natatamasa naming biyaya, isa kaming pamilya na masasabi kong, walang kagalakan. Oo, mahal namin ang isa't isa, nararamdaman ko iyon. Masaya naman kami, kung kami lang. Ngunit, kapag si Ama na ang pag-uusapan, wala akong ibang masabi kung hindi, sana, naging mahirap na lamang kami.
Nakikita ko ang mga dalagang trabahador namin. Masaya silang nakikipag-usap sa kanilang ama. Kahit mahirap lamang sila, nakikita ko naman kung gaano sila kasaya, kasama ang kanilang ama.
Isa-isang nagsitayuan ang aking mga kapatid. Nilapitan nila ako at hinagkan sa aking pisngi.