Mga Pagsasalin
°dagitab - elektrisidad/electricity
°alpombra - karpet/carpet
°ponograpo - phonograph
°pantalon na sutla - silk pant
~♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎~
❣︎ URSULA/1870 ❣︎
Narito na kami sa silid-aklatan kung saan ako nag-aaral. Nakakainggit ang mga binibining aking kasing gulang, sapagkat nakakapag-aral sila sa totoong eskwelahan. Samantalang ako, parang isang bilanggo sa loob ng isang kahon.
Sana pumayag na si Ama na isama ako ni Kuya Herman.
Ano kaya ang mga tanawing makikita sa lungsod nina Ate Sonya? Doon kasi nagpatayo ng bahay si Kuya Herman. Sa tingin ko, sinadya niya iyon upang mapalayo kay Ama.
Ano kaya ang pakiramdam na may makakasalamuha akong ibang tao?
Narito kami ni Kuya Ingko sa puwesto kung saan ako nagsasanay ng sayaw. May hugis bilog na alpombra ang nakalatag. Sa kanang bahagi ay naroon ang iba-ibang instrumento.
Napansin ko na walang may nakahawak sa ukelele. Laging si Kuya Ibyo ang tumutugtog niyon o hindi kaya bandurya, sa tuwing magsasanay ako ng sayaw, ngunit hindi siya nakapwesto sa harap ng ukelele. Bukod kay Kuya Ibyo, marunong din sina Kuya Tasyo at Kuya Ingko sa pagtugtog ng bandurya at mandolin.
Nakaupo na si Ama sa lagi niyang pwesto. Ngunit, kakaiba ang araw na ito, sapagkat nariyan lahat ang mga kuya. Parang iba itong aking nararamdaman. Mas lalong nadagdagan ang bigat sa aking dibdib na halos hindi na ako makahinga nang maayos.
Upang maibsan ang kabang nadarama, aking tinanong si Kuya Ingko na nakatingin lamang sa harapan, kay Ama. Marahil, naghihintay sa hudyat nito kung dapat na ba naming simulan.
"Kuya, sino ang tutugtog?" mahina kong tanong na nakatingin din sa harapan.
"May dinala si Kuya Herman, binili niya raw noong nagbakasyon sila sa Mandina," tugon ni Kuya Ingko na mabilisan akong nilingon saka binalik ang tingin kay Ama.
"Ah, ano iyong nabili niya, Kuya?" pagtatanong ko ulit na ngayon ay nakatingin na sa kaniya dahil sa kuryosidad.
"Ponograpo," maiksi niyang sagot sa akin.
"Ano iyon, Kuya?" Mas lalo akong naging kuryuso dahil sa pangalan na kaniyang binanggit na bago sa aking pandinig.
"Isa iyong instrumento na ginagamitan ng dagitab. Kusa itong tutugtog, lalagyan lamang ito ng plaka at tutunog na ang musika," paliwanag niya sa akin.
Namangha ako sa narinig. Kulang na lang lumaki ang aking mga mata. Ngunit pinigilan ko iyon dahil nariyan si Ama. Kung kami lamang ng aking mga kapatid, kanina pa ako nagtatatalon.
Tumuwid ako ng upo at saka tumikhim.
Pero parang hindi ko mapigilan ang umuusbong na saya sa aking puso, kaya kumawala sa aking bibig ang isang impit na hagikhik.
Nagtatakang tumingin sa akin si Kuya Ingko. Pinaningkitan niya ako ng mga mata.
"Umayos ka, Uring. Baka ikaw ay kagagalitan na naman ni Ama," pangangaral niya sa akin na nginitian ko lamang.
Alam ko naman na imposible iyong marinig ni Ama, sapagkat napakalaki ng silid na ito.
Tila hindi yata ako nilulubayan ng kuryosidad sa kadahilanang kinausap ko ulit siya.
"Buti na lang pala nagpalagay si Ama ng elektrisidad," sabi ko sa kaniya, na hindi pa rin nawawala ang mga ngiti sa aking labi.
Lumapit sa amin si Kuya Tasyo at may pagtatakang sinipat ako.
"Mukhang masaya si Uring," panunukso niyang sambit na nakatingin kay Kuya Ingko.
Tuluyan na akong nilingon ni Kuya Ingko.
"Huwag masyadong maging masaya sa mga mababaw na dahilan, Uring. Pasakit ang dulot niyan sa huli," seryoso na pangaral sa akin ni Kuya Ingko.
"Tama si Ingko, Uring. Nauna kami sa duyan, kaya maniwala ka sa amin," dugtong naman ni Kuya Tasyo.
"Kalabisan naman iyang inyong mga iwinika," sagot ko sa kanilang dalawa.
Nahinto kami sa pag-uusap nang pumasok si Kuya Herman, may dala-dalang kahon na may katamtamang laki.
Iyon na marahil ang ponograpo!
Para akong isang batang binigyan ng bagong laruan. Marahil kumikislap na ang aking mga mata.
Nawala ang ngiti sa aking mga labi nang umalingawngaw ang tinig ni Ama.
"Simulan niyo na!"
Dali-dali akong pumwesto sa pinakagitna ng alpombra, ganoon din ang ginawa ni Kuya Ingko.
Nilagay ko ang aking mga kamay at mga paa sa tamang ayos. Nakahanda na rin si Kuya Ingko.
Nawala ako sa konsentrasyon nang magsimulang sumaliw ang pamilyar na musika sa buong silid, ganoon ang musikang tinutugtog ni Kuya Ibyo. Dahil sa aking pagkamangha, naapakan ko ang kanang paa ni Kuya Ingko.
"Ursula, isa!" sigaw ni Ama na nangibabaw sa buong silid.
Mas lalo pa iyong nakadagdag sa aking pagkataranta, dahil doon ay naapakan ko ang aking saya at muntik nang matumba. Mabuti na lang kaagad akong nahawakan ni Kuya Ingko.
Ngunit hindi iyon nakatakas sa paningin ni Ama.
"Ursula, dalawa!"
Nais ko nang umiyak. Dalawang mali ay katumbas ng dalawang hampas ng latigo sa talampakan.
Napahigpit ang pagkakahawak ni Kuya Ingko sa aking kamay, kaya mas lalong gusto kong mapahikbi.
Sisimulan ko na sanang igalaw ang aking mga paa ngunit natigil ang saliw ng musika.
Napalunok ako nang wala sa oras, dahil alam ko na ang susunod na sasabihin ni Ama. Ramdam ko ang pamamawis ng aking mga kamay kaya mahina ko iyong ikinalas sa pagkakahawak ni Kuya Ingko.
Nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya, ganoon din kay Kuya Tasyo na nasa gilid lamang. Nakatingin na rin ang mga kuya sa akin.
At ang inaasahang parusa ay umalingawngaw sa buong silid.
"Ursula, sa hardin!"
Tulad din ng aking inaasahan, aalma si Kuya Herman.
"Ngunit, Ama—"
"Limang hampas, Ursula!" sigaw muli ni Ama na nagbigay ng takot sa akin, at umalma rin ang ibang mga kuya, dahil tulad ko, marahil hindi rin nila inaasahan iyon.
"Ama—" sabay-sabay nilang sabi, ngunit naputol iyon sa sumunod na binanggit ni Ama.
"Ursula, pito!"
Tila binuhusan ako ng malamig na tubig. Naikuyom ko ang aking mga kamao sa labis na pagkabigla sa mga nangyayari. Hindi ko nga nakayanan ang limang hampas, pito pa kaya?
"Isa na itong kalabisan, Ama!" protesta ni Kuya Herman at hinarap si Ama.
Mas lalo akong nagimbal sa sumunod na iwinika ni Ama bago niya nilisan ang silid-aklatan, mahina at maiksi lamang iyon ngunit sapat na upang lukuban ako ng walang kapantay na takot.
"Sampu."
Nanlambot ang aking mga tuhod at kamuntikan nang matumba, kung hindi lamang ako kaagad na nasambot ni Kuya Ingko.
Isang nag-aalalang tingin ang iginawad ni Kuya Herman sa akin.
Biglang pumasok si Ina at kaagad akong tinungo. Napaatras ako nang akma niya akong yayakapin. Nagulat sila at nagtatakang tumingin sa akin.
Ngumiti ako sa kanila at hinarap si Ina, "Kaya ko po ito, Ina."
Nilisan ko ang silid at kaagad na tinahak ang pasilyo patungo sa hardin. Doon kami laging pinaparusahan ni Ama. Ngunit, sa aming lahat, sa akin lamang siya lubos na mahigpit. Ang mga kuya, nakapag-aral sa totoong eskwelahan. Nagagawa nila ang mga naisin nila. Nakakapamasyal sila sa labas ng hacienda. Nakakausap ang ibang kabataang kasinggulang nila. Nabibili ang mga maibigan nila. Samantalang ako, walang karapatang tumanggi sa lahat ng utos ni Ama. Kung anong gusto niya para sa akin, iyon ang masusunod. Hindi yata niya ako anak sa paraan ng pagtrato niya sa akin. Ngunit, sa aming magkakapatid, ako ang kahawig ni Ama at dapat hindi siya maging malupit sa akin.
Pinipigilan ko ang maluha, baka madagdagan na naman ang hampas na ibibigay sa akin.
Natigil ako saglit sa paglalakad. Napapikit ako at huminga ng malalim. Kinakalma ang sarili.
"Sampu."
Bigla akong napasandig sa dingding. Nararamdaman ko na ang panunubig ng aking mga mata. Tumingala ako upang mapigilan iyon. Naiisip ko pa lamang ang sampung hampas sa aking talampakan, pakiwari ko ay mawawalan ako ng ulirat.
Kaya mo ito, Ursula!
Masyado ka kasing naging
pabaya sa iyong pagkamanghang
naramdaman, kaya at narito ka,
hinahanda ang sarili para
sa mga hampas.
Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin kung bakit ganoon kahigpit si Ama.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Napadaan ako sa aming terasa. Mula rito ay tanaw ang buong lupain ng aming hacienda. Sa kanlurang bahagi ay tanaw mo ang aming asukarera. Sa silangang bahagi naman ay mga puno ng mangga, niyog, lanzones, langka at durian ang makikita. Sa hilagang bahagi naman, naroon ang kuwadra. Nagsasanay rin akong mangabayo ngunit, kapag wala si Ama. Ang isang binibini raw ay hindi nararapat sa mga ganoong gawain. Tinanaw ko ang nasa bahaging likod ng aming kuwadra, kahit malayo ay kita ko pa rin ang ganda ng tanawin doon. Ni minsan man lamang ay hindi ako nakapunta roon, dahil mahigpit na bilin ni Ama na hindi ako maaaring pumaroon.
Napabuntonghininga ako. Pang ilang beses ko na bang nagawa iyon? Sa aking palagay, nababawasan ang bigat ng aking nararamdaman sa tuwing ginagawa ko iyon.
Ang dami pa lang pagkakataon ang ipinagkait sa akin ni Ama. Minsan naiisip ko, bakit pa ako hinayaang mabuhay sa mundong ibabaw kung ganito rin lang naman ang aking kahihinatnan?
Wala akong nagawa kung hindi ang magpatuloy sa paghakbang at tahakin ang daang patungong hardin.
Palakas nang palakas ang tambol ng aking puso na halos pakiramdam ko ay lalabas ito sa aking dibdib.
Paliko na ako sa hardin at kita ko na kung anong hawak ni Ama.
Muli, pinakawalan ko ang isang malalim na paghinga, tinanggal ang aking saplot sa paa at kaagad na lumapit sa kinaroroonan ni Ama.
Nasa kabilang bahagi naman ng hardin si Kuya Enyong na nakataas ang pantalon na sutla at nakaluhod sa sakong may asin. Nag-aalalang tingin ang itinapon niya sa akin.
Nakalatag na rin ang basahan na pinagtagpi-tagpi at handa nang sumalo sa dugong manggagaling sa aking talampakan.
Lumuhod ako at bahagyang itinaas ang aking saya, sapat lamang upang makita ang aking talampakan.
Hindi ko pa lubos na naiaangat ang aking saya ay dumapo na ang isang hampas sa aking kanang talampakan.
Napapikit ako at nakagat ang sariling labi sa sakit na dumadaloy galing sa aking talampakan.
Nasundan pa iyon ng isa na naging dahilan para mapasalampak ang aking mga kamay sa basahang aking pinatungan.
Kumikirot na ito at nararamdaman ko na ang hapdi. Nagsimula na ring mamawis ang aking noo. Ang isa ay nasundan pa ng isa at isa pa.
Tumuwid ako sa pagkakaluhod at kinagat ang gilid ng aking hintuturo upang mapigilan ko ang mapasigaw. Nararamdaman ko na ang pamamanhid ng aking talampakan. Akala ko ang kanan lamang ang makakatanggap, ngunit hindi rin pinalagpas ni Ama ang kaliwa kong talampakan at marahas itong hinampas.
Kasabay niyon ang pagdating ng mga kuya. Napaiwas ng tingin si Kuya Herman at Kuya Ingko.
Lilingunin ko sana ang aking talampakan, ngunit dumapong muli ang isa pang hampas.
Tuluyan na akong napasigaw na agaran ko namang itinikom ang aking bibig nang dumapo ang ika-anim na hampas. Unti-unti kong nararamdaman ang mainit na likido na dumadaloy sa aking talampakan.
Nararamdaman ko na ang panginginig ng aking mga binti. Muling napasalampak ang aking mga kamay sa basahan nang dumapo ang ika-pitong hampas.
Tuluyan nang nakatakas ang isang butil ng luha at malayang dumaloy sa aking pisngi. Nakagat ko ang aking dila nang dumapong muli ang latigo ni Ama sa aking talampakan. At magkasunod na dalawang hampas ang tuluyang nagpatumba sa akin.
Hindi ko na napigilan ang pag-agos ng aking mga luha. Tahimik akong tumangis habang sapo ng aking mga kamay ang aking binti. Natatakot akong hawakan ang aking talampakan. Hinagod ko ang aking mga binti ng dahan-dahan.
Umalis si Ama nang walang pasabi.
Kaya nilapitan ako ng mga kuya at akmang tutulungan sa pagtayo, ngunit natigil sila sa aking mga sinambit.
"Huwag muna ninyo akong lapitan."
Nakita ko sa hindi kalayuan si Ina na umiiyak.
Lumabas sa aking bibig ang mga katanungang matagal nang kinimkim ng aking kalooban.
"Bakit ganoon si Ama? Ako ba ay kaniyang anak?"
"Huwag mong sabihin iyan, Uring," saad ni Kuya Ingko na halos hindi makatingin sa akin.
Gumilid ako sa pagkakahiga at tinalikuran sila. Hindi ko pinansin ang mga sinabi ni Kuya Ingko at nagpatuloy sa pagsiwalat sa aking mga pagdadalamhati.
"Bakit hindi ninyo ako kayang ipagtanggol kay Ama?"
Walang sagot ni isa galing sa kanila. Lumipas ang ilang minuto, ngunit wala talagang may sumagot.
"Maaari na kayong umalis," pagtataboy ko sa kanila.
Umupo ako galing sa pagkakahiga nang hindi ko namalayan na umalis sila.
"Sabi ng iwan ninyo ako!" Kasabay ng aking pagsigaw ang pag-agos muli ng aking mga luha.
Wala akong ibang nararamdaman ngayon kung hindu poot at labis na kalungkutan. Mas masakit pala kapag puso ang nasaktan.
Isa-isa silang nagsialisan na nakayuko at bagsak ang mga balikat.
Nakatulala lamang ako sa kawalan. Umiiyak ng walang humpay. Ilang oras din akong narito lang, nakatunghay sa kawalan.
Tapos na rin si Kuya Enyong sa parusang ipinataw ni Ama sa kaniya.
Gaya ng ibang mga kuya, tinaboy ko rin siya nang akma niya akong lalapitan.
Hindi ko rin pinansin si Saning noong dinalhan niya ako ng pananghalian.
Inaagaw na ng dilim ang liwanag sa kalangitan. Malamig na simoy ng hangin ang pumalit sa panghapong hangin. Ang hardin ay nasa timog na bahagi ng hacienda dahilan upang matanaw ko mula rito ang hilagang bahagi na hindi ko pa napupuntahan.
Ginalaw-galaw ko ang aking mga binti at nang hindi pa makontento ay hinawakan ko ang aking talampakan. Naramdaman ko ang pagkirot nito at ang hapdi.
Napaangat ang aking tingin sa kalangitan habang nakakuyom ang aking mga palad. Naninindig ang aking mga balahibo sa sakit na nadarama. Sumagana na naman ang aking mga luha.
Nang imulat ko ang aking mga mata at ibaba ito sa aking talampakan, nahagip ng aking paningin ang isang sinag ng ilaw. Ipinikit kong muli ang aking mga mata.
Guni-guni mo lamang iyon Ursula!
Dahan-dahan kong minulat muli ang aking mga mata.
Diyos na mahabagin!
Naroon pa rin ang liwanag!
Natutop ng aking mga kamay ang sariling bibig nang bigla iyong gumalaw at unti-unting tinatahak ang daanan patungo sa hilagang bahagi ng hacienda.
Sa labis na pagkagulat at paglukob ng takot sa aking dibdib, marahas akong napatayo at nakalimutang may sugat pala ang aking mga talampakan. Kaya bumagsak akong muli sa damuhan dahil sa biglaang pagkirot niyon. Naramdaman ko ang unti-unting pagdaloy ng mainit na likido roon.
Nakagat ko ang aking ibabang labi sa sobrang hapdi na nararamdaman sa aking talampakan. Marahas kong pinakawalan ang isang malalim na hininga.
Pinagmasdan kong muli ang kinaroroonan nang liwanag. Naroon pa rin ito. Gumalaw itong muli.
Ano itong aking nararamdaman?
Para bang gusto niyong ipabatid sa akin na sundan ko ang liwanag.
Tatayo sana akong muli nang marinig ko ang tinig ni Kuya Herman at binalingan siya ng tingin.
"Pumasok ka na, Uring. Baka ikaw ay maabutan ni Ama."
Muli kong tiningnan ang liwanag, ngunit wala na iyon.
Imposible!
Sigurado akong hindi iyon guni-guni!
Wala akong nagawa kung hindi ang magpatangay sa pag-alalay sa akin ni Kuya Herman na tumayo.