Pagsasalin
bulak/cotton
❣︎ URSULA/1870 ❣︎
Narito na ako sa aking silid at kasalukuyang ginagamot ni Ina ang sugat sa aking talampakan. Nakatingin lamang ako sa kawalan habang pinipigilan ang mapasigaw, dahil sa hapdi nang bawat dampi ng bulak at herbal galing sa mga halamang gamot na gawa ni Ina. Hawak ni Ate Sonya ang plangganito na may mainit na tubig. Si Saning naman ay pinupunasan ang aking likod, mga braso ay binti.
Gustuhin mang pumasok ng aking mga kapatid ay hindi maaari, dahil nakadamit panloob lamang ako.
"Ate Sonya," bigla kong sambit.
Natigil si Ina at Saning sa ginagawa, samantalang nagtatakang tingin naman ang ipinukol ni Ate Sonya sa akin. Ilang minuto pa saka nakapagsalita si Ate Sonya.
"Ano iyon, Uring?"
Pinakawalan ko muna ang isang malalim na hininga bago nagsalitang muli.
"Nanggaling ka rin sa kilala at marangyang angkan, ngunit hindi naman ganito kahigpit at lupit ang iyong ama."
Naghari ang katahimikan.
Nagsimula na namang lumandas sa aking pisngi ang mga luhang akala ko ay naubos na. Kasabay niyon ang paninikip ng aking dibdib at ang pagyugyog ng aking mga balikat.
Hinawakan ni Ate Sonya ang aking mga kamay, "Labis lamang ang pagmamahal ni Ama sa iyo kaya nais niya lamang na ikaw ay matuto---"
"May pagmamahal ba ang nananakit, na halos hindi na ako makalakad?" putol ko sa sinasabi ni Ate Sonya.
Bigla akong niyakap ni Ina, "Lagi mong pakakatandaan ang aking laging sinasabi sa iyo, Ursula. Ang pagmamahal ay may kalakip na sakit at paghihirap."
Kumalas ako sa pagkakayakap ni Ina sa akin.
"Pagmamahal pa rin ba ang matatawag na nandito lamang ako sa bahay nag-aaral? Na lahat ng aking maibigang bilhin ay hindi maaari? Na pinagbabawal akong makipag-usap sa kahit na sino? Hindi iyon pagmamahal, Ina. Pagmamaltrato ang tawag doon," mahaba kong litanya.
"Malalaman mo rin ang mga dahilan, Ursula," sabi pa ni Ina.
Nagtataka akong napatingin kay Ina, gayon din si Ate Sonya. Samantala, tahimik lamang si Saning na nasa aking likod.
"Kung anuman ang dahilang iyon, Ina, hindi pa rin iyon sapat upang tratuhin ako ni Ama nang ganito," pagmamatigas kong turan.
"Huwag kang mag-alala, Uring, kukumbinsihin pa rin ni Herman si Ama na ikaw ay ipasama sa amin," mungkahi ni Ate Sonya.
"Hindi na ako aasa," saad ko na nakatingin pa rin sa kawalan, "Nais ko na pong magpahinga."
Walang nagawa si Ina at Ate Sonya kung hindi ang lisanin ang aking silid. Nanatili pa si Saning, dahil sinusuklay niya pa ang aking maalon na hangang baywang na buhok.
"Anong magiging kinabukasan ko, Saning?" wala sa sariling tanong ko sa kaniya.
Malayo sa aking tanong ang kaniyang isinagot, "Pagkatapos ninyong dumalo sa misa bukas, narinig kong may dadaluhang piging sina Senyor at Senyora. Pagkakataon mo nang masilayan ang magandang tanawin sa hilagang bahagi ng inyong hacienda."
Binaling ko ang aking tingin sa kaniya, "Nakapasyal ka na ba roon, Saning?"
"Lagi akong pumupunta roon sa tuwing gusto kong mapag-isa," nakangiti niyang sagot sa akin, "Nakakagaan sa pakiramdam ang tanawin doon, Senyorita."
"Totoo ba?" kuryoso kong tanong.
Ngumiti siya sa akin at sumagot, "Oo, Senyorita! May maliit na ilog doon at sobrang linaw niyon!"
"Kung ganoon, bakit ipinagbabawal ni Ama na ako ay pumaroon?" nagtataka kong tanong.
"Dahil kagubatan na ang dulo ng ilog. Maraming ligaw na hayop doon," sagot niya sa akin, "Marahil, ayaw niya lamang na ikaw ay mapahamak."
Kaagad na napataas ang aking kaliwang kilay sa naging sagot niya.
"Ako ba ay iyong pinapatawa, Saning?" tanong ko ulit sa kaniya at pinaningkitan ng mga mata, "Mas mapapahamak pa siguro ako sa mga ginagawa ni Ama."
Tiningnan ko ang aking mga paa na nakapatong na sa unan. Paano ako makakapaglakad ng maayos nito bukas?
"Marahil, hindi ka na pasasabayin ni Senyor bukas sa misa," sabi niya na nakatingin na rin sa aking mga paa.
Malayo sa sinabi niya ang aking itinanong muli, "Masaya ba ang wala ng mga magulang, Saning?"
Lumaking mag-isa si Saning. Limang taon nang mamasukan siya bilang katulong sa amin. Si Manang Ikang ang nagsabing siya na lamang ang aking maging personal na tagapagsilbi. Noong mga panahong iyon, nagsimula nang maging malupit si Ama sa akin. Siya ang karamay ko sa lahat ng mga pinagdadaanan ko. Lalo na nang nakaraang taon, noong lumisan si Kuya Herman dito sa amin. Nakakausap ko naman ang ibang mga kuya, pero ang daming tagubilin ang ibinibigay ni Ama sa kanila, kung kaya at hindi na nila ako masyadong nakakausap. Si Ina naman ay masyado ring abala, dahil siya ang namamahala sa aming pamilihan. Kaya ang tanging aking sandigan ay si Saning lamang.
"Naiinggit din ako sa mga dalagang may kumpletong pamilya," nakayuko niyang sabi at mararamdaman mo ang lungkot sa kaniyang tinig.
"Masama na ba ako, Saning? Kung minsan nahiling ko, na sana wala akong ama?"
Kaagad na umangat ang tingin niya sa akin.
"Huwag mong sasabihin iyan, Senyorita," bulalas niya, "Mapalad ka pa rin, dahil may nanay ka at mga kapatid, isa pa, sabi ng iyong Ina, may dahilan si Senyor."
"May dahilan man o wala, hindi iyon maalis ang katotohanang nasaktan niya ako at malupit siyang ama," matigas kong sabi, "Anong oras tayo tutungo roon, Saning?
"Pagkatapos ng agahan," nakangiti niyang sabi.
Ang bilis talagang magbago ng kaniyang damdamin. Kanina lamang ay malungkot ang ekspresyon ng kaniyang mukha, ngayon natutuwa na siya. Kung sana, katulad ko siya.
Bago pa siya makapagpaalam na lalabas na, siya ay aking tinanong.
"Paano ba ang maging tulad mo, Saning?"
Nilingon niya ako ng may pagtataka.
"Anong ibig ninyong sabihin, Senyorita?"
"Paano ba ang maging masaya sa kabila ng kalungkutang nadarama?"
Ginawaran niya ako nang seryosong tingin saka sumagot.
"Isipin mo lang, na ang lahat ng iyong paghihirap ay may katumbas na isang maligayang bukas." Ngumiti siya saka tinungo ang pinto.
Kung minsan, puro kalokohan lang ang alam ni Saning. Ngunit kapag siya naman ay seryoso, masyadong makabuluhan ang kaniyang mga binabanggit. Hindi ko rin mawari kung alam ko na ba talaga ang lahat tungkol sa kaniya. Masyado siyang mahiwaga para sa akin, ngunit magaan ang aking loob sa kaniya. Minsan, bigla na lamang siyang nawawala at susulpot naman nang pabigla-bigla.
"Isa pa, nararamdaman ko na ang masayang bukas na naghihintay sa iyo," dugtong niya pa saka nilisan ang aking silid.
Mapakla akong napangiti.
Kailan ko pa mararanasan ang isang masayang bukas?
~♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡°♡︎°♡︎~
Naalimpungatan ako sa halik sa aking noo. Mukha ni Kuya Ingko na nakangiti ang aking namulatan. Minsan, isa sa mga kuya ang gumigising sa akin. Kaya, hindi na ako magtataka kung bakit narito siya. Ngunit, parang may kung ano akong naramdaman na hindi ko mapangalanan.
May kakaiba sa kaniyang mga ngiti.
"Kamusta ang mga sugat mo, Uring?" tanong niya at nagtungo sa durungawan upang buksan iyon.
Umupo ako galing sa pagkakahiga at ginalaw-galaw ang aking mga paa bago siya sagutin, "Hindi na gaanong mahapdi, Kuya."
"Hindi ka na ginising kanina nang mag-agahan," saad niya habang nakatingin sa labas ng durungawan, "Humayo na sila patungong simbahan."
Mula sa aking mga paa, binaling ko ang aking mga mata sa kaniya. Sumasabay sa indayog ng hangin ang kaniyang buhok na may kahabaan. Nilingon niya ako at ginawaran ako ng matamis na ngiti.
"Hindi kami sumama, nasa kusina si Kuya Herman, pinaghahanda ka ng agahan," sabi niya at saka binalik ang tingin sa labas.
Anong mayroon sa kaniya?
Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa kaniya. Kahapon, si Saning. Ngayon, siya naman.
Isang katok sa pinto ng aking silid ang pumutol sa malalim kong pag-iisip.
"Senyorita?"
Si Saning!
Bakit bigla akong nilukuban ng kaba? Hindi naman ako natatakot. Ibang klaseng kaba na ngayon ko lang naramdaman.
Si Kuya Ingko na ang sumagot nang hindi ako nagsalita.
"Pasok," may kalakasan niyang saad at tinapunan ako ng nagtatakang tingin.
Iniwas ko ang aking tingin sa takot na baka mahalata niya ang biglaan kong pagiging balisa.
Bumukas ang pinto at niluwa niyon si Saning na nakangiti. Dumako ang kaniyang mga mata sa aking kapatid. Nang ibaling ko ang tingin sa aking kapatid, nakatingin din siya kay Saning. Parang nag-uusap sila na gamit lamang ang mga mata.
Anong mayroon sa kanilang dalawa?
Maganda naman si Saning at wala akong problema kung nag-iibigan sila. Pero ang problema, si Ama.
Ilang segundo pa ang lumipas, hindi na ako nakatiis, "Mayroon ba akong dapat na malaman?"
Kapwa sila umiwas ng tingin at sabay na sumagot ng magkasalungat.
"A-ah, wa-wala!" sagot ni Kuya Ingko.
"O-oo!" bulalas naman ni Saning.
Nakita kong napabalik ang tingin ni Kuya Ingko kay Saning na nakakunot ang noo at nanlalaking mga mata.
Tiningnan ko naman nang makahulugan si Saning.
"Oo! Ang ibig kong sabihin, kailangan mong malaman na naghihintay si Senyorito Herman at tutulungan na kita sa pag-aayos!" mahabang paliwanag ni Saning.
Nang tingnan ko si Kuya Ingko ay nanlambot na ang reaksyon nito. Narinig ko pa ang mahina niyang pagtikhim.
Lumapit naman sa akin si Saning at inalalayan akong makapanaog sa aking kama, "Sige na po Senyorito, maliligo na at mag-aayos si Senyorita Ursula."
Walang sabi-sabi ay kaagad na nilisan ni Kuya Ingko ang aking silid.
Pinaningkitan ko ng mga mata si Saning, "Ano iyong kailangan kong malaman?"
"Hay naku, Senyorita! Huwag ng umusisa at kanina pa naghihintay sa hapag ang inyong panganay na kapatid," sagot niya at kaagad na sinarado ang pinto ng makapasok na ako sa aking paliguan.
Parang may mali talaga.
~♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎°♡︎~
"Magandang araw, Uring," bati sa akin ni Kuya Herman nang marating ko ang hapag-kainan.
Hindi alintana ang mga sugat sa talampakan, kaagad ko siyang tinungo at niyakap nang mahigpit.
"Patawarin mo ako, Kuya. Itinaboy ko kayo kahapon," sabi ko sa kaniya at ibinaon pa lalo ang aking mukha sa kaniyang dibdib.
"Naku! Wala iyon, Uring!" sagot ni Kuya Herman at hinagod niya nang marahan ang aking likod.
"Nakakainggit naman," sabi ni Kuya Ingko at agad na nakisalo sa aming yakapan.
"Naku! Kung hindi lang malaki ang aking tiyan," nakabusangot na turan ni Ate Sonya.
"Mga batang ito, oo! Lalamigin na ang mga pagkain."
Kaagad kaming napalingon kay Manang Ikang.
"Hay pambihira! May humalili pala kay Ama?" panunukso ni Kuya Herman na tinawanan lamang naming lahat.
Ang saya kapag ganito, kapag wala si Ama. Masaya kaming kumain.
"Mamamasyal ka raw mamaya sa hacienda kasama si Saning, Uring?" biglang tanong ni Kuya Ingko nang nasa sala na kami.
Nag-uusap sila ni Saning? Ano ba talaga ang mayroon sa kanilang dalawa?
Nararamdaman ko na naman ang kabang kanina pa nananahan sa aking dibdib.
"Hayaan mo na siya, Ingko," singit ni Kuya Herman at bumaling sa akin, "Magsaya ka lamang, Uring. Mamayang gabi pa ang uwi nila Ama at pinapangako ko sa iyo, na kahit ano man ang mangyari, isasama kita sa aming pag-alis."
Lumawak ang ngiti sa aking mga labi.
"Ako, Kuya?" Maaari bang ako ay sumama? " parang bata na sabi ni Kuya Ingko.
"Hindi ka pa ba nahahanapan ni Ama ng mapapangasawa?" panunukso na naman ni Kuya Herman.
"Baka nakakalimutan mong si Tasyo ang sumunod sa iyo?" nanunuyang sagot ni Kuya Ingko.
"Sino ba kasi ang nagpalaganap ng pamahiin na iyan?" natatawang wika ni Kuya Herman.
Ayon din kay Ina, mga nakakatandang kapatid muna ang siyang dapat na unang ikasal. Si Kuya Tasyo ang sumunod kay Kuya Herman, kaya siya ang susunod na nararapat na ikasal.
Pero sa tingin ko, malabong ikasal ng maaga iyon. Mahihirapan iyon na pumili sa mga dalagang inaalayan niya ng pag-ibig kuno.
"Oh siya Uring, humayo ka na at nang sa gayon, mahaba ang iyong oras sa pamamasyal," sabi ni Kuya Herman, "Papanhik na muna kami."
"Dahan-dahan lamang sa paglalakad, Ursula," bilin naman ni Ate Sonya.
Nang makaalis na sila Kuya Herman at Ate Sonya sa aking harapan ay kaagad kong nilibot ang aking paningin, ngunit hindi ko mahagilap si Saning.
Naramdaman ko ang paghawak ni Kuya Ingko sa aking braso at inalalayan akong lumabas.
"Kuya, nasaan si Saning?" tanong ko sa kaniya at kaagad na nilingon siya nang hindi ko marinig ang kaniyang sagot.
Tumambol na naman ang aking dibdib dahil sa kaba nang masilayan ko ang mukha ni Kuya Ingko. Kung kanina ay ang lawak ng kaniyang ngiti, ngayon naman ay halos hindi na maipinta ang kaniyang mukha.
Seryoso siyang tumingin sa akin. Sari-saring emosyon ang nasasalamin ko sa kaniyang singkit na mga mata. Dumagdag pa ang malayang hangin na sinasayaw ang kaniyang may kahabaan na buhok, mas lalong bumibilis ang t***k ng aking puso.
"Ursula, mahal na mahal ka namin," mahina niyang sambit, ngunit para akong binuhusan ng malamig na tubig.
"Ano ba ang nangyayari, Kuya?" Napalunok-laway ako, dahil pakiwari ko ay may nakabara sa aking lalamunan.
Ngumiti siya ng pilit sa akin at saka ako ay kaniyang niyakap.
"Wala naman. Mag-iingat ka, Uring."
Kasabay nang pagkalas niya ng pagkakayakap sa akin ay ang pagdating ni Saning.
Nariyan na naman ang mga makahulugang tingin nila sa isa at isa.
Ilang segundo pa ang lumipas, pumasok na sa loob ng bahay si Kuya Ingko at akay-akay na ako ni Saning patungo sa hilagang bahagi ng aming hacienda.
Dahan-dahan ang aming mga ginagawang paghakbang. Tumingala ako upang sipatin ang araw at alamin kung anong oras na.
Alas diyes impunto.
Ang haba pala nang naging usapan namin kanina sa hapag.
Pinagmasdan ko si Saning. Seryoso siyang nakatingin sa unahan habang hawak niya ang aking kanang braso.
Nadaanan namin ang likod ng kwadra. Walang katao-tao.
Nakakapagtaka.
"Nasaan ang mga trabahador, Saning?" tanong ko kay Saning.
"Hindi ko alam," mabilisan niyang sagot.
Kunot-noo akong napatingin sa kaniya. Kakaiba ang kinikilos niya. Kahit si Kuya Ingko.
Ilang minutong paglalakad pa, narating na namin ang ilog. Totoo nga! Ang ganda ng tanawin dito.
Lumawak ang aking ngiti at halos gusto ko nang magtampisaw sa ilog. Sobrang linaw niyon!
"Senyorita, naiihi ako," sabi ni Saning, "Doon lang ako sa kweba."
Dali-dali siyang tumungo roon.
Hahawakan ko na sana ang tubig sa ilog nang makita kong lumiwanag ang kwebang pinasukan ni Saning!
Natutop ko ang sariling bibig at nanlaki ang aking mga mata. Tatakbo na sana ako pabalik sa aming bahay nang marinig ko ang sigaw ni Saning.
"Ursula!"
Hindi na magkamayaw ang aking puso sa bilis ng pagtibok nito.
"Tulong, Senyorita!"
Mas lalo akong nataranta sa muling pagsigaw ni Saning.
Kuyom ang mga palad, lakas-loob kong pinasok ang nagliliwanag na kweba.