bc

Belinda's Lover [Tagalog]

book_age0+
32.4K
FOLLOW
186.3K
READ
love-triangle
possessive
opposites attract
playboy
goodgirl
powerful
drama
sweet
bxg
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Belinda is torn between her long-time boyfriend and her younger brother's bestfriend, Kobe. It was not actually a problem until Kobe kissed her.

chap-preview
Free preview
I.
CHAPTER ONE “ON THE WAY ka na? Ang aga mo naman!” gulat na sabi ni Ryon sa kabilang linya. “Alam ko pero wala naman akong balak madaliin ka. Kailangan ko lang talaga ng sabihin na nating lugar na mapagtataguan.” Pumasok na si Kobe sa kotse at inihagis ang kanyang sports bag sa backseat. May practice sila nang araw na iyon. Sa susunod na linggo kasi ay opening na ng bagong season ng PBA at maglalaro sila ni Ryon sa iisang team bilang rookies. Sa developmental league na niya nakilala at naging kaibigan si Ryon kahit pareho naman sila nitong naglalaro sa national basketball tournaments. Kobe played in the NCAA while he played in the UAAP. Magka-team sila nito sa developmental league at naging instant tandem pa sa court. He was the first over-all pick during the rookie draft. Si Ryon naman ang second. Maswerte lang sila at isang team ang natapat na mapuntahan nilang dalawa kaya magkakampi pa rin sila nito. Sa loob lang ng mga panahong iyon ay naging mabuti silang magkaibigan. He was looking forward to meet Ryon’s family and vice versa. “Kobe, babae lang `yan,” tatawa-tawang sabi naman ng magaling niyang kaibigan. “Ryon, hindi kung sinong babae lang si Ara. Kababata ko siya at ayaw ko siyang paasahin. Para ko na siyang kapatid. Kaya hindi ko alam kung paano kikilos nang normal matapos niyang magtapat sa`kin.” “Ang kaso, hindi naman gano’n ang tingin niya sa`yo. Alam mo, ipakilala mo na lang sa `kin `yang kababata mo para sa `kin na lang mabaling ang atensiyon niya.” Si Ara nga ang balak niyang pagtaguan nang umagang iyon kaya naman sinadya niyang umalis nang maaga kahit pa nga ba alas otso pa naman ang team practice nila. Pupunta kasi ito ngayon sa bahay nila para sabayan silang mag-breakfast. “Grabe, Agoncillo, ang humble mo talaga.” Ini-start na niya ang makina ng kanyang sasakyan. Hindi naman malayo ang tinitirhang subdivision ng kaibigan niya. Iyon pa lang ang unang pagkakataon na mapupuntahan niya ang bahay nito pero hindi naman iyon mahirap hanapin dahil binigyan na siya ng instruction ni Ryon. Madalas kasi ay sa labas sila nito magkita kaya hindi pa sila nakakapunta sa bahay ng isa’t isa. Tumawa nang nakakaloko si Ryon. Sira-ulo talaga ito. “Mabait naman ako, a? Gwapo pa. Kapag nagkita ako n’on, magdadalawang-isip `yon sa feelings niya para sa`yo. Sige na, Pare. Ang tagal ko nang walang dini-date, e.” “Kung bored ka, `wag mong idamay ang mga matitinong tao. Isabit kita sa ring, e. Sige na, magkita na lang tayo.” “Okay. Para namang may choice pa `ko. Gigisingin ko na ang Ate ko para may magluto ng breakfast natin.” “Tamad ka talaga.” WALA pang dalawampung minuto ay nakarating na siya sa bahay nina Ryon. Ang kaibigan niya ang sumalubong sa kanya at humahangos pa ito. “Bilis, Pare, pasok,” sabi nito at nauna pa sa kanyang pumasok ng bahay. “Bakit ka natataranta?” “Nagluluto ako, e.” “Ha?” natawang aniya. “Akala ko ba Ate mo ang paglulutuin mo?” “Pa’no ko siya paglulutuin e tingnan mo nga `yan,” aburido nitong sagot at itinuro ang isang babaeng natutulog sa sofa. “Ni hindi ko nga siya magising. Knock out sa gig nila kagabi.” “Siya `yong tinutukoy mong Ate Billie mo?” nakakunot ang noong kumpirma naman niya. Ang kwento kasi sa kanya ni Ryon ay vocalist ng isang sikat na banda ang kapatid nito. Hindi naman siya pamilyar doon dahil hindi naman siya mahilig sa mga banda kundi sa mga kanta lang. “Siya nga, wala nang iba,” sagot ni Ryon na dere-deretsong pumasok sa tingin niya ay kusina. Pinagmasdan ito ni Kobe. Nakatalikod sa kanya ang babae kaya hindi rin niya makita ang mukha nito. “Diyan na siya nakatulog? Bakit hindi mo man lang siya nilipat sa kwarto niya?” “Ni hindi ko nga alam kung ano’ng oras na `yan nakauwi, e. Nagulat na lang ako kanina pagbaba ko na nandiyan na siya. `Oy, pare, upo ka lang diyan, ha?” “Sige, salamat.” Naupo siya sa single na sofa habang hindi pa rin maalis-alis ang tingin sa kapatid ni Ryon. “May gusto ka bang kainin? Marami rito sa ref, kumuha ka na lang dito.” “Hindi pa naman ako gutom. Salamat na lang. Gusto mo ba ng tulong?” “Marunong kang magluto?” “Hindi pero pwede kitang i-cheer habang hindi ka magkandaugaga riyan.” “Gago ka, Tupaz.” Natawa na lang siya rito. “Ang ingay...” paungol na sabi ng babaeng ngayon ay gising na yata. Lagot, sabi naman ni Kobe sa sarili. Tatalilis na ba siya? Mahirap pa namang makabangga ang mga bagong gising. Bumangon ang babae at napaatras naman si Kobe sa kinauupuan niya. Daig pa niya ang naka-face-to-face si Sadako. Ang mahaba at magulong buhok nito ay nakatakip sa mukha nito. “Ryon, `asan kang gunggong ka?” Marahas na hinawi ng babae ang buhok nito kaya naman malinaw na niyang nakita ang mukha nito. Ang mga mata nito ay bahagyang naniningkit pa. Nang makita siya nito ay napakurap-kurap pa ito. “Ate, `wag mong takutin ang kaibigan ko. Mabuting tao `yan. Malikot lang matulog,” si Ryon na nakalabas na pala ng kusina. “Kaibigan?” takang ulit naman ng Ate Billie ni Ryon at pinakatitigan si Kobe. “I’m Kobe.” Nakangiting iniabot ni Kobe ang kamay rito. “Hi, Billie.” “Kobe?” tinanggap ni Billie ang kamay niya habang nakakunot ang noo. “Kobe. Ah! Ikaw `yong poging endorser ng broadband. Mas gwapo ka pala sa personal, `no?” “Lasing ka ba, Ate? Endorser din naman ako ng broadband na `yon, a? Bakit hindi mo naman ako sinabihang pogi?” angal ni Ryon. “Nakakahiya naman kasi sa mga nabuhat mo nang bangko.” Natawa naman si Kobe sa asaran ng magkapatid. “Grabe ka talaga. Bumangon ka na nga riyan. Nakakahiya sa bisita natin, o. Tulo-laway ka pa namang matulog.” “Tapusin mo na nga `yang ginagawa mo riyan.” Binalingan nito si Kobe. “Dito na `ko nakatulog sa sobrang antok kagabi. Mukha pa `kong sinanibang aswang sa itsura ko. Sorry.” Obviously, she was still in her jeans. “You look beautiful, don’t worry,” nakangiting sansala naman ni Kobe. “Bolero ka. In-orient ka ba ni Ryon bago pumunta rito?” “Hindi, a. Nagsasabi lang ng totoo.” Ngumiti pa si Billie nang tumayo ito at tuloy-tuloy na umakyat sa hagdan. Nasundan naman ito ng tingin ni Kobe. Hindi pinong kumilos ang babae, hindi katulad ng mga babaeng madalas niyang nakakasalamuha. Pero maganda talaga ito, walang duda iyon. “ALAM mo, Pare, na-realize ko, hindi ka rin naman pala puro yabang lang, `no?” “Nakakasama ka na nga ng loob, e. Ngayon mo lang napatunayan na may katotohanan naman ang mga pinagsasasabi ko.” “Ang ibig kong sabihin, napapakinabangan ka rin pala hindi lang sa loob ng court. Ituloy mo lang `yan. Kailangan mong alagaan ang ate mo. `Di ba nasa Canada ang mga magulang niyo? Ang isa’t isa na lang ang meron kayo ngayon.” Padaskol na inilagay ni Rayon ang mga kubyertos sa pinggan niya. “So gusto mong magpaalila ako sa kapatid ko, gano’n? Siya kaya ang babae rito.” Natawa naman si Kobe. “I think your sister’s cool.” “Tingin mo?” Kinuha ni Kobe ang juice niya at ininom iyon. Wala pang babaeng nakakuha ng interes niya maliban sa kapatid ni Ryon. “Oo naman. Ilang taon na ba siya?” “Twenty-six. `Di ba sabi ko sa`yo tatlong taon lang ang tanda niya sa `kin?” “Nakalimutan ko `yon, sorry. Nabanggit mo na rin ba dati kung may boyfriend na siya?” “Ah, e...” Nagkamot ng kilay si Ryon. “Hindi ko alam. Ang sigurado ko lang, it’s complicated sila lagi n’on. Ilang beses ko na nga siyang pinayuhan na makipaghiwalay na lang do’n. Teka, `asan na ba `yon?” Sumilip ito sa labas ng kusina. “Ate, matagal pa ba `yan?” “Ito na nga, `di ba?” tugon naman ni Billie na pumasok na rin ng kusina. Nakasuot na ito ng printed na T-shirt at jersey shorts. Ang buhok nitong basa ay hindi pa nasusuklay. “Ate, may pirma ni Tony Parker `yan, pinambabahay mo lang?” reklamo ni Ryon nang makita ang suot nitong shorts. “O, e, bakit? Pangalawang beses ko na rin namang naisuot `to, a?” “Dalawang beses na? Alam mo bang balak ko pang ipa-frame `yan?” hindi makapaniwalag react ni pa ni Ryon. “Ang OA mo,” pakli naman ni Billie at naupo na sa tabi ni Kobe. Nanuot sa sistema ni Kobe ang mabangong amoy ng shampoo na ginamit nito. “Wala ka na rin namang magagawa kasi naisuot ko na. Alangan namang hubarin ko pa. Maawa ka naman sa `kin. Kayang-kaya mo namang makabili ng ganitong shorts kahit ilan pa ang gusto mo. Professional basketball player ka na, e di malaki na ang kikitain mo.” “Hindi naman `yon sa shorts lang. Pirma ni Tony Parker ang pinag-uusapan natin dito, Ate.” Natawa naman si Kobe sa reaksiyon ni Ryon. Kulang na lang kasi ay maglupasay ito sa sahig. “Pare, ang OA mo na.” Natigilan naman ito. “Ano?” “Ang OA mo,” ulit naman niya. “Kumain ka na. Hindi mo ikakayaman ang pag-e-emote.” “Tama ang kaibigan mo. Kumain ka na. Kailangan mo ng maraming energy dahil tiyak na puspusan ang practice niyo mamaya. Ha, Ryon? In fairness, mukhang masarap `tong niluto mo, ha. Keep it up. Mukhang pwede ka na ngang mag-asawa pero `wag na muna, ha? Malaki pa ang pakinabang ko sa`yo, e.” Binalingan ni Billie si Kobe. “Kumain ka ring mabuti. Champion ang sinangag ni Ryon.” “Nagulat nga rin ako na kaya naman pala niyang magluto.” “`Wag mo lang masyadong ipagkakalat at baka lalong dumami ang chicks na humahabol sa kanya. Ayoko pa naman ng may karibal sa kapatid ko.” “Ate, hindi mo na kailangang bolahin pa `ko,” pakli naman ni Ryon dito. Napabungisngis naman si Billie. “Anong oras naman kaya kayo matatapos sa practice niyo?” “Depende kung kailan masa-satisfy si coach sa performance namin,” sagot ni Kobe. “Galingan niyo, ha? Nag-promise kasi ako kay Ryon na manonood ako sa opening ceremony. Hindi kasi ako nakapanood ng Rookie Draft dahil may commitment ako no’n.” “Mas mahalaga naman kasi ang banda mo kaysa sa `kin. Ano pang bago ro’n?” sabat naman ni Ryon. “`Wag ka nang magdrama. Kumain ka na lang diyan.” “NASA’N ka ba ngayon at ayaw mong sumama sa `min? Billie, naman. Don’t tell me na dinidibdib mo `yang LQ niyo ni Aiden?” “Tinie, hindi ako katulad niyo na hindi nauubusan ng energy. Hatinggabi na `ko nakauwi at sa totoo lang, inaantok pa rin ako kahit buong araw na `kong natulog. Nandito lang ako sa bahay. Actually, lumabas ako para mag-grocery. Gusto ko namang ipagluto ng dinner ang kapatid ko mamaya dahil tiyak na mawawalan na siya ng oras kapag nagsimula na ang game nila. Gusto ko naman na ako naman ang umasikaso sa kanya, `no,” mahabang paliwanag ni Billie sa cellphone habang may tulak-tulak na cart. “At tungkol naman kay Aiden, bahala na siya sa buhay niya.” Kausap niya ang kaibigan at girlfriend ng bassist ng banda nila na si Tinie at niyayaya siya nito na magpunta sa clubhouse ng tita nito. Galing sila sa isang rock festival kagabi at isa sila sa mga special performer. Si Tinie rin ang manager ng banda nila. Mga kaklase niya ang mga kabanda noong college. Matapos nilang manalo sa isang battle of the bands apat na taon na ang nakararaan ay doon na nagsimula ang magandang break nila sa music industry. “I don’t think papayag si Aiden na maghiwalay kayo.” “As if naman siya lang ang may final say sa relasyon namin. Ayoko na, Tinie, napapagod na `ko. Hindi ako nagsisisi na tinanggihan ko ang proposal niya.” “Hindi mo na ba siya mahal?” “Mahal ko siya.” Kinuha niya ang isang malaking pack ng isang chocolate powder drink. “I just don’t think sapat pa ang pagmamahal na `yon para ipaglaban. Hindi na kasi ako sigurado kung may patutunguhan pa ba `tong relasyon namin.” “Pero nag-propose na nga siya sa`yo, `di ba? Hindi ba patunay `yon na gusto na niyang mapunta sa next level ang relasyon ninyo?” “Sa tingin mo ba talaga, Tinie, gusto niya `kong pakasalan dahil lang sa mahal niya talaga ako?” Nagbuntong-hininga si Billie. “Pakiramdam ko kasi napi-pressure lang siya sa pamilya niya, e. Tanggap ko naman na ayaw sa `kin ng mama niya dahil sa trabahong meron ako pero ayoko naman na ako ang maging rason para tuluyan silang magkasira.” “Three years na kayo ni Aiden. Billie, magtapat ka nga sa `kin. Nababawasan na ba ang pagmamahal mo sa kanya?” Hindi agad nakatugon si Billie dahil napatitig pa muna siya sa picture ni Kobe na nasa packaging ng powder drink. He really is cute. Pero napakalakas pala ng dating nito sa personal. “`Oy, Billie,” untag naman ni Tinie. “Ewan. Mamaya na nga lang tayo mag-usap. Kailangan ko pang siguraduhin na kompleto ang mga bibilhin ko. Mag-enjoy na lang kayo kung saan man `yang trip ninyo.” Ibinaba na niya ang kanyang cellphone at inilagay iyon sa bulsa ng hoody jacket niya.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

His Obsession (Tagalog)

read
89.6K
bc

My Stranger Husband

read
7.3M
bc

Surrender (Boy Next Door 2)

read
4.0M
bc

Their Desire (Super SPG)

read
966.8K
bc

Flame Of Lust (R-18) (Erotic Island Series #2)

read
445.2K
bc

Dangerously Mine (Tagalog/Filipino)

read
1.1M
bc

Stained (Boy Next Door 3)

read
4.9M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook