FIVE

2100 Words
"Ano? Saan mo naiwan?" Kunot-noong tanong ni Anjie bago kumagat sa burger na kinakain. Kasalukuyan silang kumakain sa isang burger house malapit lamang din sa kanilang unibersidad. Naging suki na sila ng burger house na iyon dahil sa pagkahilig ni Anjie sa ganoong pagkain. Nakaiinggit nga ito, dahil kahit anong pagkain nito ay talagang hindi ito nananaba. "Hindi ko alam, magtatanong pa ako sa mga driver sa sakayan ng tricycle mamaya bago ako umuwi." Sagot naman niya rito habang ngumunguya rin. Mabuti na lamang at pinautang siya ng mga ito kaya naman may kinakain siya ngayon. Si Anjie ang nagpautang sa kaniya ng pambili ng pagkain, samantala si Allie naman ang nagpautang sa kaniya ng pamasahe niya mamaya pag-uwi. "Gusto mo tulungan ka namin maghanap? Wala naman ako gagawin pag-uwi e." Tanong sa kaniya ni Allie bago sumimsim diet coke nito. Bumaling ito kay Anjie. "Ikaw, jie? May gagawin ka? Tulungan natin si Aymee." "Game ako. Wala naman ako gagawin e," sagot ni Anjie. "Naku, huwag na. Mababait naman yung mga manong sa sakayan, tsaka kilala na nila ko sa halos araw-araw ko ba naman na pagsakay doon. Sigurado akong kung sinuman ang nakakuha niyon, itatago nila iyon at ibabalik sa akin kapag nakita nila ang mga I.D. ko sa loob niyon." Sabay na tumango-tango na lamang ang dalawa sa paliwanag niya. "Siya nga pala ano na ang balita sa inyo ni Brayden?" Muntik na siyang mabilaukan sa tanong na iyon ni Allie. Nahampas niya ang ang sariling dibdib dahil sa biglaang pag-ubo. Agad niyang kinuha ang bote ng tubig at uminom doon. "Hays!" Reklamo niya. "Allie, alam mo ikaw talaga ang papatay sakin. Hindi na ako magtataka kung makulong ka isang araw dahil sa pang me-murder sa'kin." "Bakit? Nagtatanong lang naman ako ah Syempre palagi mo na naman siyang makikita." "E ano naman kung palagi silang magkita?" Tinapik-tapik ni Anjie ang kaniyang likod na para bang kinakampihan siya. "Syempre matatag na itong si Aymee. Ikaw lang naman ang marupok sa atin e. Tsaka, kailangan ba pag nagkita magpapansinan agad? Hindi ba pwedeng mag-iwasan?" "Ewan ko sa iyo, sa akin na naman nabaling ang usapan." Umikot ang mga mata ni Allie. "So ano na nga, Aymee?" Parang imbestigador na tanong nito. Angat pa ang isang kilay at halos iduldol na ang pisngi sa pisngi niya. Gamit ang kaniyang hintuturo ay inilayo niya ang pisngi nito sa kaniya. "Ano namang balita ang masasabi ko e wala naman akong dapat ibalita." Pagkasabing-pagkasabi niya niyon ay biglang pumasok sa isip niya ang nakita niya sa eskinita kagabi, at ang nangyari sa jeep kaninang umaga. Iyon ba ang dapat niyang ibalita sa mga imbestigador niyang kaibigan? Kaya lang, hindi ka naman sigurado kung si Brayden nga iyong nasa eskinita 'di ba? Ang dilim-dilim doon. Sinubukan pang ipagtanggol ng utak niya si Brayden. E iyong nangyari kanina? Napabuntong-hininga na lamang siya. Wala namang dahilan para ilihim niya iyon sa mga kaibigan. Hindi naman siya affected doon. Hindi nga ba? "Nagkasabay kami sa jeep kanina. Si Jomar at siya, nakasabay ko pareho. Parehas kasi kami ng daan. Ipinagbayad niya ko ng pamasahe. Babayaran ko sa susunod." Ipinagpatuloy na niya ang pagkain. Unti-unti siyang napatingin kay Allie nang mapansin na nanahimik ito. Nakatingin din pala ito sa kaniya na para bang hinihintay pa ang mga susunod niyang sasabihin. "O? Bakit ganiyan ka makatingin?" Kunot-noong tanong niya. "Ano? Iyon lang? Wala na bang iba? Wala nang ibang nangyari?" Kitang-kita ang pagkadismaya sa mukha nito. "Wala. Ano pa bang dapat mangyari? Sinabi ko naman kasi sa iyo na wala nga akong maibabalita." "Allie, tigilan mo na nga itong si Aymee at kumain ka na lang nang kumain." Pinagalitan ni Anjie ang pinsan kahit hindi nila masyado naintindihan ang sinasabi nito dahil may laman pa ang bibig nito habang nagsasalita. "Oo na, oo na." Napunta na sa thesis nila ang kanilang usapan at sa paparating nilang exams. Ngunit lumilipad ang isip niya. Patango-tango siya sa mga sinasabi ng mga kaibigan upang magmukha siyang nakikinig. Ang totoong nasa isip niya ay ang paghawak ni Brayden sa bewang niya kanina sa jeep. *** "Manong, para po!" Hinatak ni Aymee ang tali sa may bubong. Agad namang tumigil ang jeep sa tapat ng sakayan ng tricycle. Madilim na ang langit, at nang tingnan niya ang oras sa wristwatch niya, alas dyis na ng gabi ang isinasaad niyon. Tuwing lunes kasi ay alas nuwebe ng gabi ang tapos ng kahuli-hulihan niyang subject. Iba-iba ang oras ng kaniya uwi araw-araw. Iba-iba rin kasi ang dami ng subject load niya araw-araw. Hinanap niya sa mga nakapilang tricycle ang sinakyan nila kanina. At nang makita niya iyon sa dulo ng pila, agad niya niyong tinakbo. Naabutan niya ang tricycle driver na nakaupo sa loob niyon at nagdudutdot sa cellphone nito. "Kuya," pagtawag niya sa atensiyon nito. "Bakit? O? Aymee. Ikaw pala yan." "Kuya, kasi nawawala ho iyong wallet ko mula pa kaninang umaga. E baka ho naiwan ko dito sa tricycle. Magtatanong lang po sana ako kung may nakita kayong---" "---Pink na wallet? Yong may keychain na sunflower?" "Opo, opo! Iyon nga Sa akin ho ang wallet na iyon." Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. Sabi na nga ba niya, dito lang niya naiwan iyon. "Ay, kinuha na sa akin iyon kanina noong lalaking kasama mo. Iyong kaklase mo? Kaklase mo ba iyon?" Kinuha ni Jomar? "Dumaan kasi siya dito kanina. Kaya ipinaabot ko na." Ahh, kaya pala. "Talaga po? Opo kaklase ko po iyon. Kukunin ko na lang po sa kaniya. Salamat po." Paalam niya. "Sige, mag-ingat ka pag-uwi." "Opo, salamat po!" Tinalikuran na niya ito at nagsimulang maglakad pauwi. Pinag-iisipan niya kung dadaan ba siya sa bahay nina Aling Marina para kunin kay Jomar ang wallet niya, o bukas na lamang niya iyon itatanong kapag nagkita sila sa klase? Natatakot siya sa posibilidad na makita si Brayden sakaling magpunta siya sa bahay nina Aling Marina. Hay, bahala na nga. Nilakihan niya ang kaniyang mga hakbang nang madaanan niya ang madilim na parte ng kanto. Malapit iyon sa eskinita kung saan niya nakita si Brayden. "Do you usually go home alone?" "Ay usually!" Napatalon siya sa gulat nang marinig ang boses na iyon, at mula sa kung saan ay sumulpot si Brayden. Suot pa rin nito ang suot nito kaninang umaga at may bitbit na isang bag. Nagsalubong ang kilay niya at nahawakan ang tapat ng puso niya na napakalakas ng kabog. "Ano ka ba! Hobby mo na ba ang tumambay sa eskinitang iyan?! Mamamatay ako sa iyo ah!" Mataas ang boses na reklamo niya. Nawala ang lahat ng kaniyang poise sa ilang araw din niyang pag-iwas sa binata. Natapik-tapik niya ang tapat ng kaniyang dibdib, sinusubukang pakalmahin ang sarili. Imbes na matakot ay natawa ito sa sinabi niya. Natigilan siya. Dahil sa liwanag na nanggagaling sa dumaang sasakyan ay nakita niya ang pagtawa nito. He is laughing. Ilang taon na rin ang nakalipas noong huli niya itong makita at marinig na tumawa. Kahit madilim na ang paligid ay maliwanag ang ngiti ng binata. His smile is bright. Ngayon lamang niya naalala na isa iyon sa mga bagay na nagustuhan niya rito noon. "Oh, I am sorry. I couldn't help it." Unti-unti itong tumigil sa pagtawa nang makitang wala siyang kibo at mataman lamang na nakatingin dito. Pinunasan pa nito ang mga mata na may kaunting luha ng kasiyahan. "Akala ko ay nagbago na ang ugali mo mula noong huli tayong nagkita. I guess some things never change. Magugulatin ka pa rin at malakas pa rin ang boses mo." Nakita niyang may kinuha ito sa bag na dala. Kahit maiksing sandali lamang iyon, nakita niya kung ano ang laman ng bag na iyon. Isa iyong kamera. Tama, mahilig nga din pala ito sa pagkuha ng larawan noon. I guess some things really don't change. "Here." Iniabot nito sa kaniya ang wallet niya. Kung ganoon ito pala ang nakakuha niyon. Akala niya ay si Jomar. "Ingatan mo na sa susunod," mahinang sabi nito. "Thank you." Kinuha niya iyon at tinalikuran na ito, ngunit agad nitong kinuha ang kamay niya. "You still like sunflowers, don't you?" Anito at napatingin sa keychain niya. Mainit ang palad ng binata. At hindi niya nagugustuhan init na iyon. Ano naman kung gusto pa rin niya ang bulaklak na iyon? Hindi na dapat iyon tinatanong ng binata. Wala na dapat itong pakialam sa mga bagay na gusto niya o hindi. Bakit ba ang hilig nitong magtanong ng mga bagay na makakagulo sa isip at puso niya? Bakit ba ang hilig nitong magtanong ng hindi dapat? At bakit ba niya hinahayaang pumasok sa kaniyang pagkatao ang mga sinasabi at ginagawa nito? Hinahayaan niyang ma-bother siya doon. Binawi niya ang kamay niya. Binuksan niya ang wallet at kumuha ng pera doon. Pagkatapos ay kinuha niya ang kamay ng lalaking kaharap. "Ito ang bayad ko sa pamasahe kanina. Salamat sa pagbibigay mo ng wallet ko." Nabura ang lahat ng ngiti sa labi nito at nagsalubong ang mga kilay. Puno ng pagtataka ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. "You don't need to pay it." Salubong ang kilay na sabi nito. Matapang niya itong hinarap. "Salamat na lang pero ayokong magkaroon ng utang na loob sa iyo." "Bakit ka ba galit na galit sa akin, Aymee?" Tanong nito. Gusto niyang matawa dahil doon. At talagang tinanong pa nito kung bakit siya galit. Kumuyom ang kaniyang kamao, naalala ang nangyari sa lumang lighthouse, at ang nangyari pa kinabukasan niyon. Kung umakto ito, para bang walang nangyaring hindi maganda sa pagitan nilang dalawa apat na taon na ang nakararaan. "I'm just trying to be nice." "THEN DON'T TRY IT AT ME." Malamig niyang sabi. Please, stop trying to be nice at me. I don't need it. Pinilit pa rin niyang maging mahinahon. Pinakawalan niya ang mahihigpit niyang kamao. "Try it on other people. Not on me. I don't have time for your niceness." Malalim siyang napabuntong-hininga bago tuluyan itong tinalikuran at walang lingon-likod na naglakad palayo rito. Naiinis siya. Inis na inis siya. Ilang araw pa lang ang nakalilipas magmula nang bumalik ang lalaking ito ngunit ilang beses na buntong-hininga na ang napakawalan niya. Iilang araw pa lang ang nakalipas ngunit binibigyan na siya nito ng hindi niya mawaring atensiyon. At ang mas ikinaiinis pa niya ngayon ay ang guilt na nararamdaman dahil sa sinabi niya rito ito. Naiinis siya. Hindi niya gusto ang atensyon na ibinibigay nito. Naiinis siya. Hindi niya gusto ang pagtawa nito. Naiinis siya. Hindi niya alam kung bakit umiiyak siya ngayon habang naglalakad. Sarado na ang tindahan ng kaniyang Tiya Baby makarating siya sa tapat niyon. Bago pumasok sa gate ay pinunasan muna niya ang kaniyang luha at inayos ang kaniyang sarili. Hindi niya gustong makita siya ng kaniyang tiyahan na umiiyak. Paniguradong mag-aalala ito at magtatanong, dahil bibihira lamang siyang umiyak sa harapan nito. Sa katanuyan ay hindi pa nga siya nito nakikitang umiyak. At kapag nangyari nga iyon, kapag tinanong nito kung bakit siya umiiyak, hindi naman niya pwedeng isagot na ang lalaki na nakatira sa katapat lamang nilang bahay ang dahilan. Isa pa, paniguradong sasabihin iyon ng kaniyang tiyahin sa kaniyang mga magulang. Hindi niya pwedeng bigyan ng alalahanin ang kaniyang mga magulang. Masyado nang mahirap ang buhay sa Barrio Barrameda para dumagdag pa siya. She put on a happy face. Sinigurado niyang may ngiti ang kaniyang labi. "Tiya! Nandito na ho ako." Naabutan niya ang tiyahin na nanonood mag-isa ng telebisyon habang nagkakape. "O, mabuti naman at nakauwi ka na. Ni-lock mo ba ang gate?" "Opo, Tiya." "Sige kumain ka na ng hapunan. Pinagtira ka namin ng ulam." Inginuso ng kaniyang tiya ang direksyon ng kusina. "Opo, magpapalit lang ho ako ng damit." Tumango-tango lamang ang kaniyang tiyahin bago ibinalik ang mga mata sa telebisyon at sumimsim ng kape. Mabilis naman siyang umakyat sa kuwarto, ipinatong ang bag niya sa ibabaw ng study table, saka hinubad ang kaniyang sapatos. Napatingin siya sa drawer sa tabi lamang ng kaniyang kama, partikular na sa pinakailalim niyon. Lumapit siya doon at binuksan ang pinakailalim na lagayan. Tinitigan niya ang isang bouquet ng ginantsilyong sunflower ang naroon. Hinawakan niya ang maliit na papel na nakalagay sa tangkay niyon at binasa sa kaniyang isip ang nakasulat doon. You are a ray of sunshine. -Brayden Binitawan na niya iyon at isinara ang drawer. Sana katulad ng drawer na iyon, madali lamang niyang maisasara ang mga alaala niya kay Brayden. Ngunit siguro nga ay talagang natural na iyon sa isang tao; ang maitatak sa mga utak nila ang hindi magandang alaala, at maalala iyon sa isang partikular na pagkakataon. At sa kaniya, ngayon ang pagkakataong iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD