FOUR

2000 Words
"Hay! Ano ba yan! Bakit ba kasi kailangan ko pang makita ang bagay na iyon!" Napabalikwas ng bangon si Aymee. Kahit pa siya pabiling-biling sa higaan at hindi makatulog. Pumapasok sa isip niya ang pikit-matang pakikipaghalikan ni Brayden sa isang babae aa may kanto kanina. Nagsisisi siyang nakita pa niya iyon. Pakiramdam niya, nadumihan ang kaniyang mata. Bakit? E hinalikan ka rin naman ng taong iyon dati ah? Tanong ng kaniyang isip. "Ibang bagay iyon! Isa pa, ilang taon na iyon, 'no! Hindi na counted." Para siyang baliw na kausap ang sarili. Inis na inis siya. Kailangan na niyang makatulog dahil maaga pa ang klase niya bukas. Bahagya siyang nagulat dahil sa sunud-sunod na pagkatok ng kung sino sa kaniyang pinto. "Bukas iyan!" Malakas niyang sabi. Bumukas naman iyon, at sumilip mula roon ang Tiya Baby niya. "Aymee? May kausap ka ba? Madaling-araw na ah?" Awkward siyang napangiti dahil sa sinabi nito. Agad siyang nakaramdam ng hiya. Kung gayon ay abot pala sa labas ang kaniyang ingay. "Pasensya na po, Tiya. Tumawag kasi si Allie, may mahalagang itinanong tungkol sa thesis namin." Pagsisinungaling niya. Kung sakaling gising pa ang kaibigan niya ngayon, malamang ay nabulunan na ito. "Ah ganon ba, e sige na. Matulog ka na. Alas dose 'y media na o, hindi ba't maaga pa ang pasok mo bukas?" "Opo, Tiya." "O sya, good night na." Paalam nito. "Good night din po, Tiya Baby." Isinara naman na ng tiyahin niya ang pintuan matapos magpaalam. Pinatay pa nga nito ang switch ng kaniyang ilaw, at kumalat ang dilim sa buong kuwarto. Alam rin kasi ng tiyahin niya na hindi siya sanay natutulog nang bukas ang ilaw. Muli siyang bumalik sa pagpapahiga at ipinikit ang mga mata. Sinubukan niyang tanggalin ang lahat ng laman ng kaniyang isip, at hinayaang tangayin siya ng antok. MAAGA NAGISING si Aymee kinabukasan. Hindi niya alam kung counted ba iyon bilang 'nagising' gayong hindi naman talaga siya nakatulog nang maayos. Mababaw lamang ang naging tulog niya at nagigising siya kahit sa maliliit lamang na ingay. Katatapos lamang niyang magkape. Ngunit kahit isang malaking mug na ng kape ang kaniyang ininom ay wala iyong talab. Inaantok pa rin siya. Naligo siya at nagsuot na ng uniporme na kahapon pag-uwi pa niya plinantsa. "Ang laki ng eyebags ko." Wala sa sariling komento niya habang nakatitig sa kaniyang repleksyon sa salamin. Tinapos na niya ang pagsusuklay ng may kahabaan na niyang buhok, sinuot ang kaniyang eyeglasses, at isinukbit na ang kaniyang bag. Sinigurado niyang wala siyang naiwan bago lumabas ng kuwarto. "Tiya Baby, aalis na po ako!" Paalam niya habang nagsusuot ng sapatos. "Bakit hindi ka muna kumain ng umagahan, 'nak?" Hinabol pa siya ng kaniyang tiyahin palabas. Nakasuot ito ng apron at may dalang sandok. "Nagkape na po ako, Tiya. Sa eskwelahan na lang po ako kakain, parang ambigat ng tiyan ko ngayong araw e." "O siya, sige. Mag-ingat ka pagpasok." "Opo, Tiya!" Tuluyan na siyang lumabas mula sa gate. Bahagya siyang natigilan nang bumukas din ang gate sa katapat nilang bahay at lumabas naman mula doon si Jomar. Magalang siya nitong tinanguan, at magalang na lamang din niya itong tinanguan pabalik. Kasunod niyon ay ang paglabas din ng Brayden mula gate. Nakasimpleng denim na pants lamang ito, puting sapatos, at gray na t-shirt, pero napakalakas na ng karisma nito. Minsan talaga, hindi na niya alam kung may favoritism ba si Lord at nang magpaulan ito ng karisma ay ibinagsak lamang iyon sa mga partikular na tao. Agad siyang napasimangot. Ngunit pilit niyang itinago ang pagsama ng timpla ng kaniyang mukha. Napaismid siya. Panira na nga ng tulog niya kagabi ang lalaki ito, at ngayong umaga ay ito na naman ang nakita niya. Humigpit ang hawak niya sa kaniyang bag. Binilisan na lamang niya ang lakad dahil ayaw niyang makasabay ang mga ito sa pagsakay sa tricycle. Malamang sa malamang ay makakasabay niya ang dalawang ito dahil kaklase niya sa mga subject niya ngayong araw si Jomar. Kahit may sasakyan naman sina Jomar, nagko-commute pa rin ito dahil madalas gamitin ng ama nito ang sasakyan para sa trabaho. Kaya naman sa tuwing papasok ay madalas niya itong nakakasabay sa sakayan, minsan pa nga ay pati sa jeep. Si Brayden, hindi niya alam kung saan pupunta ang mokong, at pakialam ba niya kung saan. Basta kapag magkasabay ang dalawa, paniguradong malapit lamang din sa eskwelahan nila ang pupuntahan nito. Isa pa, Wow, ang observant ha? Kutya sa kaniya ng sarili niyang isip. Mas lalo tuloy siyang napasimangot. Pati sarili niyang isip, sinusubukan na ring sirain ang kaniyang araw. Tinampal-tampal niya ang magkabilang pisngi. Hindi maaaring panget magsimula ang kaniyang araw. Malapit na naman ang hell week at kailangan niyang mag-review mamaya sa library upang hindi mabokya. Isa pa, may mga kailangan pa rin silang asikasuhin sa thesis nila. Kapag ngayon pa lang ay nasira na ang mood niya, paniguradong wala siyang matatapos ni isa sa mga iyon. Huminga siya nga malalim. Aymee, fighting! "Well that's a deep one." Halos mapatalon siya nang maramdaman ang mainit na paghinga malapit sa kaniyang leeg. Nanayo ang kaniyang mga balahibo. Agad siyang napalayo kay Brayden at nasapo ang sarili niyang leeg. Nakasunod na pala ito sa kaniya nang hindi niya namamalayan. "Oh, I didn't mean to startle you." Kumunot ang kaniyang noo, nagsalubong ang mga kilay. Seriously, ano ba ang problema ng lalaking ito? Kagabi ay nakikipaghalikan ito sa kung sinong babae sa kanto, ngayon naman kita ang sinseridad sa mga mata nito. Naiinis siya sa inaakto nito. Nagugulo na naman ang tahimik na niyang buhay. Titig na titig sa mga mata niya ang binata, at siya ang unang nagbaba ng tingin. Hindi niya kayang salubungin ang titig nito. Pilit niyang binura ang ekspresyon sa kaniyang mukha. "Wala iyon," mahina niyang sabi bago ibinaba ang kaniyang kamay. Pinilit niya ang sarili na maipakita rito na hindi siya apektado. "Your uniform looks good on you." Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay ibinalik nitp ang tingin sa kaniyang mga mata. That's... a compliment, isn't it? O siya lamang ang nagpapaniwala sa sarili na compliment nga iyon? Gusto niyang sapukin ang ulo upang agad na matauhan. Hindi dapat niya binibigyan ng malisya at ibang kahulugan ang bawat salitang sasabihin nito. Kasunod naman nito si Jomar na humahangos. "Bakit ba ang bibilis ninyong maglakad?" Hinihingal nitong sabi. Wala nang salitang namutawi sa kaniyang bibig. Kahit nang makatabi niya si Brayden sa tricycle, nanatiling tikom ang kaniyang labi. Wala naman siyang dapat sabihin, ayaw niyang kausap ito, at higit sa lahat, wala naman siyang dahilan upang makipag-usap dito. Ngunit kahit sa labas ng tricycle siya nakatingin ay hindi pa rin niya mapigilan ang paggana ng kaniyang tenga. Naririnig niya ang usapan ng dalawa. Nasa pinakaloob kasi siya ng tricycle. Sa unahan niya ay isang matandang babae, nasa tabi niya si Brayden, at nasa unahan naman ni Brayden si Jomar. "So how's the new job, 'insan? Ayos ba?" Tanong rito ni Jomar. "Yeah, it's really nice. My colleagues are nice, and the wage is pretty good too." Dahil sa sagot na iyon ng binata, na-curious tuloy siya kung ano ang trabaho nito. Tss. Bawal ma-curious. Curiosity kills. Hanggang sa makasakay ng jeep ay kasabay niya ang mga ito. Patingin-tingin siya sa orasan sa kaniyang pulso. Sa paghihintay ng jeep lamang sila natagalan. Ibinaling niya ang tingin sa labas. Masarap talaga sa mukha ang hanging pang umaga. She could feel the morning breeze on her face. Doon na lamang niya itinuon ang atensyon niya. Paano ay katabi na naman niya si Brayden. Saglit na tumigil ang jeep na kanilang sinasakyan. May mga sumakay na pasahero doon. Napuno ng pasahero ang jeep, karamihan ay mga papasok din sa eskwelahan at sa trabaho. Marami na rin ang nakasabit doon. Napausod siya nang kaunti kay Brayden dahil sa pag-upo ng isa pang lalaki sa kabila naman niyang side. Natigilan siya nang maamoy ang amoy ng alak dito. Mukha itong lasing na para bang inumaga sa isang bar. Ngumisi ang lalaki nang makitang nakatingin siya rito, kaya naman kaagad niyang iniwas ang kaniyang tingin. Bumilis ang t***k ng puso niya nang maramdaman ang pagkiskis nito ng balikat sa kaniyang balikat. Humigpit ang yakap niya sa kaniyang bag. Napaigtad siya nang may maramdamang braso sa kaniyang bewang. Unti-unti siyang napatingin doon sa kamay na nakahawak sa bewang niya at bahagyang umawang ang labi nang makitang kay Brayden iyon. Inusod siya nito hanggang sa magkadikit na ang mga balikat nilang dalawa. Nagkaroon na ng espasyo sa pagitan niya at ng lasing na lalaki. Somehow, that felt safe. Nang mapatingin siya kay Brayden ay nakikipagkuwentuhan pa rin ito kay Jomar. Patay-malisya ito at akala mo ay wala ang kamay nito sa kaniyang bewang. Dahil natatakpan ng bag niya ang kamay nito, hindi iyon pansin ng ibang pasahero. Binuksan niya ang kaniyang bag upang kumuha ng pamasahe sa kaniyang wallet. Ngunit agad na kumunot ang kaniyang noo nang hindi iyon makita sa loob ng kaniyang bag. Kinapa niya ang kasulok-sulukan ng kaniyang bag ngunit hindi talaga niya mahanap ang wallet niya. Mukhang naiwan niya iyon sa tricycle. Tiningnan niya ang oras sa orasan sa kaniyang pulso. Kapag bumaba siya ngayon upang balikan iyon, paniguradong hindi na siya makakapasok sa unang subject. Kapag hindi naman niya iyon binalikan, baka hindi na niya iyon makuha. Nandoon pa naman ang allowance niya para sa isang buong linggo. "Uh, manong---" "Manong, bayad ho. Tatlo po iyan, dyan lang ho sa may 7/11 galing sa sakayan." Inabot ni Brayden ang bayad para sa kanilang tatlo. Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Binigyan siya nito ng isang ekspresyon na para bang nagtatanong ng What? "Kapag bumaba ka, siguradong male-late ka." Bulong nito sa kaniya. Malamang ay napansin ng binata ang paghahanap niya sa kaniyang wallet at ang paulit-ulit niyang pagsulyap sa relo sa kaniyang pulso. Wala na siyang nagawa dahil sa sinabi nito dahil tama naman iyon. Pag bumaba siya, hindi niya maaabutan ang una nilang subject, gayong major subject pa naman iyon. Magtatanong-tanong na lamang siya sa mga driver sa sakayan kung may nakakita ng wallet niya pag-uwi niya mamaya. Nang makababa sila sa 7/11 sa tabi lamang ng kaniyang unibersidad ay nagpaalam si Jomar na papasok ito saglit doon upang bumili ng umagahan. Doon niya naalala na maging siyang ay hindi pa rin pala nag-uumagahan. Ang malas. Ngayon pa nawala ang kaniyang wallet kung kelang nagkape lamang siya bago umalis ng bahay. Sana pala, noong pinilit siya ng Tiya Baby niya na kumain ng umagahan ay kumain na lamang siya. Hindi naman kasi niya alam na ganito ang mangyayari. Hindi maganda ang pagsisimula ng kaniyang araw. Sila lamang dalawa ni Brayden ang naiwan sa labas ng 7/11. Sa katunayan ay hindi nga niya alam kung bakit nakatayo pa siya sa labas niyon at nakikihintay rin kay Jomar. Tatalikuran na sana niya ito at mauuna nang pumasok dahil hindi na niya matiis ang awkward na katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Ngunit hinablot nito ang kaniyang kamay at naglagay ng dalawang kulay ubeng papel doon. Kumunot ang kaniyang noo habang nakatingin sa pera sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay napatingin siya sa binata. "Ano 'to?" Takang tanong niya. "Baon mo. You left your wallet somewhere, right? Anong ipanggagastos mo mamaya kung wala kang pera?" Umangat ang isa niyang kilay, kinuha ang isa nitong kamay at ibinalik doon ang pera. Iba ang dating sa kaniya ng basta-basta nitong pag-o-offer sa kaniya ng perang iyon. Isa pa, napakalaki niyon. Hindi niya iyon kailangan. Mas mabuti pang kay Allie o Anjie siya mangutang kaysa sa taong ito. Hindi niya gustong magkaroon ng utang na loob kay Brayden. "Hindi ko kailangan niyan. Makakagawa ako ng paraan." Agad niyang binitawan ang kamay nito nang maibalik ang pera doon. "Salamat sa pagbabayad mo ng pamasahe kanina. Babayaran kita sa susunod." Walang ngiti niyang sabi. "Aymee, wait---" Pipigilan pa sana siya nito ngunit hindi na siya nagpapigil. Tinalikuran na niya ito at malalaki ang hakbang na tinungo ang gate ng unibersidad. Iniwan niya itong mag-isa sa labas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD