ONE

2101 Words
“Ate Aymee! Pautang daw po ng isang Tang orange, isang yelo tsaka dalawang biskwit si Nanay! Mamaya daw po ang bayad pag-uwi ni Tatay!” Napatigil si Aymee sa mga isinusulat nang marinig ang pamilyar na boses ni Ron-ron. Napatingin siya sa orasan na nakasabit sa pader ng tindahan. Alas-tres ng hapon ang isinasaad niyon. Tamang-tama sa pagdating ng pitong-taong gulang na bata. Kada sumasapit kasi ang alas-tres ay ito talaga ang customer niya. At palagi ring iyon ang linya ng bata: isang powdered juice, yelo at dalawang biskwit. Dati-rati ay ang nanay nitong si Ate Siony ang gumagawa niyon. Mabait si Aling Siony. Kaibigan ito ng Tiya Baby niya at isa ito sa mga una rin niyang naging kaibigan noong bagong salta pa lamang siya sa Pritil. Ngunit dahil kapapanganak lamang ng babae sa pangalawa nitong anak ay si Ron-ron na ang palaging nagpupunta sa kanilang tindahan tuwing hapon. Agad siyang tumayo upang kunin ang paborito nitong biskwit ngunit ubos na pala iyon. Dumungaw siya upang sabihin iyon. Mas mataas kasi ang istante ng kanilang mga cupped noodles kaysa kay Ron-ron. Hindi na tuloy niya makita ang bata mula sa loob ng tindahan. “Ron-ron, wala na kaming Hansel. Rebisco na lang ha?” tanong niya. “Sige po, Ate Ay," siyang sagot naman nito na may kasama pang pagtango-tango. "Bukas kaya meron na?" ang biskwit ang tinutukoy nito. "Meron na iyan," nakangiti niyang sabi. "Alam mo namang malakas ka sa akin e. Hayaan mo, iyon ang una kong ilalagay sa listahan ko ng grocery para hindi ko makalimutan." "Sabi mo 'yan, Ate Aymee ha?" "Oo naman. Aba'y kailan ba ako nagsinungaling sa iyo?" Humagikhik lamang ang batang lalaki dahil sa sinabi niyang iyon. Inilagay niya sa maliit na plastic bag ang inuutang nito, kahit hindi naman kalayuan ang bahay nito sa tindahang iyon na pag-aari ng Tiya Baby niya. Palagi kasing naibabagsak ng bata ang yelo sa maduming kalsada. Ayos lamang sana kahit mahulog iyon, pwede naman iyong hugasan. Ngunit hindi sa katulad ng kalsadang mayroon ang barangay nila. Maiitim ang putik doon dahil sa pagpapabalik-balik ng mga tricycle na naghahatid ng mga lamang-dagat, mga kolong-kolong na puno ng mga gulay, at mga mamimili na nakabota. Iyon ang likod ng Masigasig Public Market. Pritil kung tawagin ang lugar nilang iyon dahil malapit sa malaking lawa kung saan dinadayo rin ng ilang mga mag-aama o magkakaibigan na nag-aaral mamingwit ng isda. At dahil nga katabi ng lawa at likuran ng palengke ay laging basa at nagpuputik ang maliit na kalsada. “Ito na o, Ron-ron. Ikamusta mo ako sa mama mo, ha?” Dumungaw siya at inabot rito ang plastic na naglalaman ng inutang nito. “Sabihin mo sa kaniya na dadalaw ako sa inyo bukas para makita ang bagong baby ninyo.” “Opo, Ate Aymee. Sasabihin ko kay Nanay. Salamat po!” Kumaway pa siya dito bago muling bumalik sa isinusulat. Mga notes iyon para sa mga kailangang baguhin sa kanilang thesis. Ilang buwan na lamang ay magtatapos na siya sa kursong Business Administration. Magbubunga na ang ilang taong pamamalagi niya sa Maynila at ilang taon ding pagkawalay sa kaniyang pamilyang nasa probinsiya. Kaunting tiis na lamang at aakyat na siya sa entablado upang kunin ang kaniyang diplomang kay tagal-tagal din niyang pinagpaguran. Hindi maikakaila ang kahirapan ng buhay sa kanilang maliit na baryo. Dahil malayo iyon sa kabayanan, madalas isang beses sa isang buwan lamang sila kung pumunta sa kabayanan upang mag-grocery. At ang kadalasan na nilang kinakain ay ang mga pananim nilang gulay sa maliit nilang lupain. Kaya naman noong minsang bumisita sa Barrio Barrameda ang Tiya Baby niya at sinabing nangangailan ito ng magbabantay sa bagong tayo nitong tindahan ay walang pag-aalinlangan siyang nagprisinta. Kaga-graduate lamang niya sa Junior High school noong mga panahong iyon, at ang magiging kapalit ng pagbabantay niya ay ang pagpapaaral sa kaniya ng kaniyang tiyahin. Wala kasing ibang makuhang katuwang na magbabantay roon ang tiya niya. Sa ibang lugar kasi nagta-trabaho ang asawa nito, ang kaniyang Tiyo Erick, bilang field worker sa isang maliit na kumpaniya kaya minsan sa isang buwan lamang ito kung umuwi, samantala ang dalawa naman nitong anak na sina Timmy at Lovely ay parehas nasa elementarya pa lamang. Hindi rin naman tumutol ang kaniyang mga magulang. Sa katunayan ay ang mga ito pa nga ang nag-udyok sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang mga pangarap sa Maynila. Giit ng mga ito ay magiging malaking tulong kung sa lungsod niya maipagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral. At ngayon nga ay malapit na siyang magtapos makalipas ang ilang taon. Kilalang karpintero sa kanilang baryo ang kaniyang Tatay Rodel. Samantala ang kaniyang Nanay Rosa naman ay may maliit na karinderya malapit sa sakayan ng habal-habal. Average lamang ang estado ng kanilang pamilya, at natutustusan naman ng maliit na kita ng kaniyang mga magulang ang mga gastusin sa bahay noon, pati na rin ang pag-aaral nila ng dalawa pa niyang kapatid: ang kaniyang Ate Madel, na mas matanda sa kaniya ng dalawang taon, at si Arnel, na mas bata naman sa kaniya ng apat na taon. Iyon nga lamang ay maagang namulat sa kapusukan ang kaniyang nakatatandang kapatid na nagresulta sa pagbubuntis nito sa murang edad. Kasabay ng pag-graduate niya noon sa Junior High school ay ang pagpasok sana nito sa kolehiyo, na hindi na natuloy dahil sa pagkakabuntis nito at pagtakbo ng nobyo nito mula sa responsibilidad. Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang marinig ang sunud-sunod na pagkatok ng kung sino sa estante ng mga noodles. Sa pag-aakalang parokyano iyon agad siyang napatayo, at ang bumungad sa kaniya ay ang nakangiting mukha nina Anjie at Allie, ang dalawa niyang matalik na kaibigan na kaklase rin niya at kagrupo sa thesis. “Pabili po! Nagtitinda po ba kayo rito ng isang jowa?” Panloloko ng mga ito sa kaniya. "Pabili mo, mga lima." “Uy, pasok kayo!” Umikot siya sa may gate at pinagbuksan ang mga ito. “Filipino time talaga kayong dalawa. Alas-dos ang usapan natin, alas-tres 'y media na kayo nagpunta.” Isinara na niya ang gate matapos makapasok ng mga ito. Napag-usapan kasi nila kahapon na mag-o-overnight ang dalawa upang matapo na ang research requirements nila. Nalalapit na kasi ang pasahan niyon at marami pa silang babaguhin. “E ito kasing si Allie, ang tagal maligo. Tapos hindi pa pala nakakapag-ayos ng dadalhing pamalit na damit. Paano’y buong gabi na namang nagpuyat kaka-chat kay Mark," reklamo ni Anjie sa pinsan na may kasama pang pagpalatak. “Huwag mo na ngang kontrahin ang love life ko.” Nakita niyang sinimangutan ni Allie si Anjie. “Kaya hindi matuloy-tuloy kasi lagi mong binabalis.” “Anong love life-love life ang sinasabi mo riyan? E halata namang inuuto ka lang ng gunggong na iyon para gawin ang mga essay analysis niya.” Muling ratsada ni Anjie. Kung minsan talaga ay walang preno ang bibig nito. Sumimangot naman si Allie. “O tingnan mo Aymee itong kaibigan mo, binalis na naman ang buhay pag-ibig ko. Itinatakwil na kita bilang kaibigan ko.” “Aba at ako pa ang itatakwil mo gayong napakabuti ko sa iyo. Tingnan mo nga at binabalaan pa kita sa napipintong paggamit sa iyo ng lalaking iyon.” “Bitter ka lang kasi.” Inikot ni Allie ang mga mata nito. Napailing na lamang si Aymee, iba talaga maglambingan ang mga kaibigan niya. Sobrang malapit kasi ng mga ito sa isa’t isa. Parehas itong matapang, palibhasa ay magpinsan. Halos parehas din ito ng tono ng pananalita at ng mga patutsada. Nasanay na lamang siya sa dalawa. Dahil kahit ganoon ang paraan ng pagsasalita ng mga ito sa isa’t isa, sa tinagal-tagal na magkakasama silang tatlo, hindi pa nag-away nang malala ang mga ito. Palaging hanggang tampuhan lamang. At siya rin palagi ang nag-uudyok na magbati ito. “Ms. Allyza Jane Hidalgo at Ms. Angeline Hidalgo?” Nakangiti niyang tawag sa mga ito. “Pwede bang tigilan na nga ninyo ang pagbabangayan ninyong iyan?” Saway niya sa mga ito. “Bantayan ninyo saglit iyang tindahan, maghahanda lang ako ng meryenda natin. Ano bang gusto ninyo? Juice? O kape?” “Kape sa akin,” si Anjie iyon. “Para gising na gising tayo habang gumagawa ng thesis.” “Kape rin sa akin, Aymee,” sabi naman ni Allie habang inilalabas mula sa dalang bag ang laptop at notes nito. “Yung matapang, yung kaya akong ipaglaban— Aray ko!” Natawa na lamang siya nang makitang kinurot ni Anjie ang pisngi ng pinsan. “Sige, hintayin ninyo. Pagtitimpla ko kayo. Ang tindahan ha, bantayan ninyo saglit at baka may bumili.” “Puwede bang magnakaw ng pancit canton?” Natatawang biro ni Anjie. “Sige, pwede naman. Ikaw bahala. Basta huwag kang aatungal sa akin kapag napalo ka ni Tiya Baby ng tsinelas. Lagot ka, pabalik na pa naman iyon,” umalis kasi ang kaniyang tiya upang sundin ang mga anak nito sa elementaryang pinapasukan. “Ay huwag na pala, takot ako kay Tiya Baby e," agad na sabi ng kaniyang kaibigan. Madali niyang pinuntahan ang kusina. Naghanda ng tatlong mug at ipinagtimpla ang sarili at ang mga kaibigan ng kape. Nitong mga nakaraang araw, iyon palagi ang takbuhan nilang magkakaibigan habang tinatapos ang mga requirements nila. Gumawa din siya ng sandwich at nang matapos ay inilagay niya iyong lahat sa isang tray. Nang bumalik siya sa may tindahan, nagsisimula nang trabahuhin ng dalawa ang kanilang thesis. Si Anjie ay tutok sa pagha-highlight ng mga notes nito, habang si Allie naman ay nagtitipa sa laptop nito. Iyon ang gusto niya sa mga kaibigan, maaasahan niya ang mga ito. “O, meryenda muna kayo,” pagyaya niya. Tahimik namang kinuha ng dalawa ang inihanda niya. Naging abala na sila pagkatapos niyon. Nagtatanungan kapag nagkakalituhan, at panay ang pagha-highlight sa mga importanteng parte ng libro na maaaring idagdag sa kanilang thesis. Paminsan-minsan ay tumatayo rin siya upang pagbilhan ang mga parokyano. Bandang alas-kuwatro ‘y media naman nang umuwi ang Tiya Baby niya kasama na ang mga anak nito na sina Timmy, ang ngayon ay sampung taong gulang na at nasa ikalimang baitang na sa elementarya, at si Lovely, ang limang taong gulang naman na anak na babae ng kaniyang tiya, at nasa kinder pa lamang. Pareho ng pinapasukang pampublikong paaralan ang dalawa, at kapag napapaaga siya ng uwi galing eskwela ay siya ang sumusundo sa mga ito. Ngayon ay alas-dyis na ng gabi ang isinasaad ng relo sa kaniyang kaliwang pulsuhan at kasalukuyan na niyang isinasarado ang kanilang tindahan. Dati ay 24 hours bukas ang tindahan na iyon, kaya nga lamang ay masyado siyang abala nitong mga nakaraang araw, at hindi naman sanay ang Tiya Baby niya sa puyatan. Kaya naman nagkasundo sila na agahan na ang oras ng kanilang pagsasara. Buong lakas niyang hinatak pababa ang roll-up steel door ng tindahan pagkatapos ay yumukod upang ikandado ang ilalim niyon. Nasa ganoong posisyon siya nang may pumaradang sasakyan sa harap ng bahay ni Aling Marina. Iyon ang malaking bahay na katapat lamang ng kanilang tindahan na nasa kabila ng kalsada. Ang pamilya ni Aling Marina ang itinuturing na pinakamayamang pamilya sa Pritil. Kita naman iyon sa tatlong palapag nitong bahay, at bukod pa doon, halos lahat ng kamag-anak nito ay nasa ibang bansa na. Nagkibit-balikat na lamang siya at itinuloy na ang pagkakandado sa tindahan. “Ay palaka!” Halos mapatalon siya sa gulat nang malakas na bumusina ang sasakyan. Napasalampak siya ng upo sa sementadong gutter at napahawak sa tapat ng kaniyang puso na ngayon ay mabilis na ang pintig. Hay naku! Ano ba naman iyan! Reklamo ng kaniyang isip. Mula pa noong bata pa siya ay magugulatin na talaga siya. Kaya naman palagi rin siyang natitipuhang gulatin at takutin nina Anjie at Allie kapag nakakakuha ang mga ito ng pagkakataon. Napatingin uli tuloy siya sa nag-ingay na sasakyan. Sana ay makita ng kung sinumang nasa loob niyon ang busangot ng kaniyang mukha at ang masama niyang tingin. Nakita niyang lumabas mula sa sasakyan si Jomar, ang nag-iisang anak na lalaki ni Aling Marina; na kaedaran lamang niya at kaparehas din ng paaralan at kurso. Sa katunayan ay naging kaklase na niya ito sa isa nilang naging asignatura noon. Hanggang ngayon naman, may mga klase pa rin sila na parehas ng schedule kaya madalas rin pagkikita nila sa unibersidad. Pinagbuksan nito ng gate ang sasakyan, at nang makapasok iyon ay agad ding isinara ng lalaki ang gate. Nagkatinginan pa nga silang dalawa ni Jomar, ngunit siya ang unang nagbawi ng tingin. Napabuntong-hininga na lamang siya. Pinagpagan ang sarili at pagkatapos ay nakasimangot na pumasok na muli sa bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD