PROLOGUE

1000 Words
Kumunot ang noo ni Aymee nang tumunog ang kaniyang cellphone at makitang hindi niya kilalang numero ang nakarehistro sa maliit na screen na iyon. Kasalukuyan siyang nasa kusina at nagbabalot ng lumpiang shanghai na kakainin nila ngayong kaarawan ni Timmy, ang anim na taong gulang niyang pinsan. At sino naman kaya ito? It was very unusual for her to receive any call like this. Bilang lamang naman kasi ang nakakaalam ng bagong numero niya. Paano’y wala pang dalawang linggo ang nakalilipas nang manakaw ang kaniyang cellphone. Mabuti na lamang at de-keypad lamang iyon. Dahil bukod sa hindi niya kailangan ng napakagarang cellphone, wala din naman siyang budget doon dahil sa mga bayarin sa eskwelahan. Hmp! Napaismid niya nang pumasok na naman sa kaniyang isip ang hindi kaaya-ayang alaalang iyon kung saan hinablot ng mga kawatan ang cellphone niya sa may kanto. De-keypad na nga lamang ay nananakaw pa. Paano pa kaya kung magandang cellphone iyon? E 'di mas lalo siguro siyang naaasar ngayon. Nakakainis. Wala na talagang sinasanto ang mga kawatan ngayon! Reklamo ng kaniyang isip. Kahit estudyante ay hindi na pinapalagpas. “Hello? Sino ito?” Tanong niya matapos sagutin ang tawag. Inipit niya ang cellphone sa pagitan ng kaniyang tenga at balikat at akmang magpapatuloy sa ginagawa. Kumunot ang noo niya nang isang minuto na ang lumilipas ay wala pa ring sumasagot sa kabilang linya. Saglit niyang nilayo ang cellphone sa kaniyang tenga, tinitigan ang screen niyon, at makalipas ang ilang segundo ay muling ibinalik iyon sa kaniyang tenga. “Hello?” Muli niyang tanong, nauubusan na ng pasensiya. "Hello? Sino ba ito?" May narinig siyang tila mahihinang bulong sa background ng tawag, ngunit masyado iyong mahina kaya naman hindi rin niya masyadong naintindihan. Hindi lamang iyon basta bulong, hindi niya alam kung guni-guni lamang niya iyon pero parang may narinig siyang tumawa sa kabilang linya. Lintik, na-prank call pa yata siya kung kailan namang ang dami-dami niyang ginagawa. Wala siyang panahon para sa mga ganitong bagay, lalo pa ngayon na marami siyang niluluto dahil sa kaarawan ni Timmy. “Hoy!" Inis niyang sigaw. Sa mga ganitong klase ng tao talaga siya nanggagalaiti. Iyong mga tao na walang magawa sa buhay kaya nakukuhang mang-trip ng iba. Hay, at siya pa talaga ang napagtripan ngayon. Malas. "Kayo ha, puwede ba? Kung puwede lang, ano? Kung sino man kayo, parang awa na ninyo, iba na lamang ang pagtripan ninyo!” Mataas ang kaniyang boses at salubong na ang kilay. Paano ay wala siyang oras para sa mga ganoong klaseng biro. Marami pa siyang nakatenggang gawain sa loob at labas ng bahay. Busy na nga siya, kinakain pa ng mga prankster ang oras niya. Sa kamalas-malasan naman talaga o. Naku, napakarami na talagang tao sa mundo ngayon ang mga walang magawa sa buhay nila, nandadamay pa ng iba. “Huwag na kayong tatawag! Kundi, ipapalaman ko kayo sa lumpia—” “Aymee, si Brayden ito.” Agad siyang natigilan nang marinig ang baritonong boses na iyon. Brayden? As in Brayden Jackson? Iyong Brayden na sikat na sikat sa buong Pritil at nakatira lamang sa tapat ng bahay ng kaniyang Tiya Baby? Nang ma-realize niya kung sino ang kausap ay agad niyang nabitawan ang lumpia wrapper. Tama, ngayon niya napagtanto na boses nga iyon ni Brayden, walang halong biro. “Brayden?" Hindi niya makapaniwalang pagtawag sa pangalan nito. "Yeah." Parang gusto niyang bumagsak mula sa kinauupuan dahil sa kahihiyan. Nahihiya siya sa mga pinagsasabi niya kanina. Ito naman kasi e! Pwede naman sumagot kaagad sa unang hello niya, nagpa-suspense pa! Hayun. Rumatsada tuloy ang bibig niya. Buti na lamang at naprenohan kaagad niya iyon noong sumagot na ito. Ano ba naman iyan, minsan na nga lang niya makausap ang lalaking gusto, sa ganitong paraan pa. "Teka, bakit ka tumawag? At paano mo nakuha ang numero ko?” Natutop niya ang bibig. Hayan na naman ang bunganga niya. Parang galit kasi ang tono ng kaniyang salita. Animo’y isang dalagang tinawagan ng kaniyang ex-boyfriend at ayaw nang makipag-usap. “Ah, sorry, hindi ako galit. Ganoon lang talaga ako magsalita,” hinging-paumanhin niya. Hay naku. Hindi na talaga nakakatuwa ang bibig niya! Ayaw makisama. Lihim tuloy niya iyong sinampal-sampal. Sana naman, hindi rinig sa kabilang linya ang tunog ng sampal. Tumawa lamang si Brayden mula sa kabilang linya. “I know, I know,” he said in his distinct American accent. Hindi niya alam ang dapat sabihin doon, kaya naman isang awkward na tawa na lamang din ang naisagot niya. “Uh, may ginagawa ka ba? Are you busy?" kapagkuwan ay tanong nito. "Can…" he paused for a second as if he's thinking of his next words. "...can we meet later?” Meet later? Nabingi ba siya? Meet later ba talaga ang sinabi nito? Hindi. Sigurado siyang malinaw ang pagkakadinig niya. Tinanong talaga siya ni Brayden kung pwede silang magkita mamaya. Para bang saglit na sumikdo ang puso niya dahil sa realisasyong iyon. Gusto talagang makipagkita sa kaniya ni Brayden. Saglit niyang natitigan ang mga shanghai na kailangan pang balutin bago sumagot. “Wala naman. Uh...” she paused for a moment. “Saan ba tayo magkikita?” Sana naman ay doon lamang sa malapit. Bukod sa wala siyang oras bumiyahe, takot pa rin talaga siyang magpunta sa kung saan-saan lalo na sa nangyaring nakawan. "Saka anong oras na rin?" “Sa may lumang lighthouse sana, mamayang alas-kuwatro. Is that okay with you?” “Uhm, okay lang naman,” aniya sa mahinang boses. Alam naman niya kung saan ang lumang lighthouse na tinutukoy nito. At isang sakay lamang iyon ng tricycle mula sa bahay nila. Sa katunayan, kayang-kaya niya rin iyong lakarin. “Good, I’ll see you later then,” muli itong natigila. “Good bye, Aymee," kapagkuwan ay sabi nito. Nang matapos ang tawag ay napatitig siya sa kawalan. Mabilis na mabilis ang t***k ng kaniyang puso. Bakit hindi? Tinawagan lamang naman siya ni Brayden, hindi lamang iyon, niyaya pang makipagkita! Si Brayden… ang binatang matagal na niyang palihim na sinisinta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD