TWO

2101 Words
"Ano ba iyon? Bakit ang ingay?" Nasapo ni Aymee ang sumasakit na ulo. Ang pinagsamang ingay na nanggagaling sa labas at ang pagtama ng sikat ng araw sa kaniyang mukha ang nagpagising sa kaniya. Kinse minutos na lamang ay mag-aalas-dose na ng tanghali ayon sa oras na isinasaad ng orasan sa pader. Mabuti na lamang at araw ng Sabado ngayon kaya wala silang problema kahit mahuli sa paggising dahil walang klase. Madaling araw na kasi sila natapos ng mga kaibigan—na ngayon ay parehas niyang katabi sa kama—sa pagrerebisa ng kanilang thesis. Naalimpungatan din ang dalawa nang dahil sa ingay. Pare-parehong halos sarado pa ang kanilang mga mata at ang mga buhok ay animo’y kinahig ng manok. “Bakit ang ingay sa labas?” Humihikab na tanong ni Anjie na halatang inaantok pa. Nakasarado pa ang isa nitong mata; na tulad niya ay nasilaw rin sa liwanag ng araw mula sa maliit na siwang ng bintana. “Hay, ano ba naman 'yan. Gusto ko pang matulog.” Katulad naman niya ay malalim ang mga mata ni Allie at halatang kulang sa tulog. Yakap nito ang isa sa mga unan niya at may simangot sa labi. Marahas niyang binuksan ang bintana na nasa tabi lamang ng kaniyang kama, at nakabusangot na sinilip ang pinanggagalingan ng ingay. Ginaya naman siya ng mga kaibigan at sumilip din sa bintana. Dahil nasa ikalawang palapag ang kuwarto niya ay kitang-kita nilang tatlo ang mga tao sa ibaba. May komosyon sa labas. Partikular sa tapat ng bahay ni Aling Marina. Maraming kababaihan doon pati na rin mga binabae na mukhang nakikiusyoso sa kung ano. Kumunot ang noo niya. Pamilyar na pamilyar sa kaniya ang eksenang ito. Alam niyang nakita na niya iyon dati; way back years ago. Déjà vu? At sa hindi niya malamang kadahilanan ay napadako ang kaniyang mga mata sa teresa ng bahay ni Aling Marina. Katapat na katapat lamang iyon ng bintana ng kaniyang kwarto. And to her horror, a familiar man is standing on the terrace. Way too familiar… Napaawang ang labi niya at maging ito ay saglit na natigilan sa pagtu-toothbrush nang magtama ang kanilang mga mata. Nakita niya kung paano ito bahagyang ngumisi at itinuro ang sarili nitong buhok. “s**t!” Mabilis siyang yumuko at inayos buhok na tila pugad ng ibon. Hindi naman siya palamura, ngunit ngayon ay sunod-sunod na iyong lumalabas sa bibig niya. Ngayon alam na niya kung ano ang dahilan ng komosyon sa labas. More like, sino. Nakita niya kung paano nagkatinginan ang dalawa niyang kaibigan at kumunot ang noo dahil sa ginawa niya. “Tang*na naman e.” Nagmamadali siyang bumaba ng kama at tumakbo palabas ng kuwarto. “Bakit bumalik pa rito ang mamaw na iyan!” Malakas na sigaw niya bago padabog na isinara ang pintuan ng banyo. Kaya pala pamilyar sa kaniya ang komosyon sa labas. Bumalik na pala si Brayden sa Pritil. *** Hindi malaman ni Aymee kung gaano katagal na niyang tinititigan ang tanghalian na inihain ng kaniyang tiyahin. Nakabalik na pala ang Brayden Jackson na iyon sa Pritil. Napaismid siya. Ito siguro ang nagmamaneho ng sasakyang bumusina ng malakas kagabi. Alam kasi ng binatang iyon noon na magugulatin siya, at paniguradong sinadya nito ang pagbusina ng malakas. Sinaksak niya ng tinidor ang kaniyang kanin, dahilan upang matigilan sa pagsubo ng pagkain at magkatinginan ang dalawang kaibigan na kaharap niya sa mesa. Hindi… hindi, pag-angal ng kaniyang isip. Hindi naman ganoon ang dating Brayden. Mabilis niyang tinusok ang ulam niyang hotdog at galit iyong nginuya. Paanong hindi? Baka nakakalimutan mo na ang ginawa sa iyo ng mokong na iyon dati? Siyempre, ang sariling isip pa rin niya ang kaniyang kaaway. Unang taon pa lamang niya sa Senior high school nang una ring madestino si Brayden Jackson sa kanilang lugar. At dahil bilang lamang sa daliri niya ang mga binatilyong may hitsura sa Pritil ay agad itong nakilala sa buong lugar. Hindi maikakaila ang pagkakaroon ng dugong dayuhan. Ika nga, ito ang naging ‘crush ng bayan’. Sa kanila, “crush ng Pritil.” Wala yatang dalagita at binabaehan sa Pritil ang hindi ito nakikilala. Laman ito palagi ng mga usap-usapan noon, lalo na ng mga kaedaran niya. At maging siya ay hindi maikakaila na madalas din itong maging bukambibig kina Allie at Anjie. Alam na alam ng kaniyang mga kaibigan ang lihim niyang pagkagusto sa binata. Paano ba namang hindi magiging ‘crush ng Pritil’ ang pamangkin na iyon ni Aling Marina? Bukod sa guwapo na ay mabait pa. Walang tao yata ang hindi mahuhumaling sa pagkamagalang nito at pagiging gentleman, pati na rin sa mas maliwanag pa sa araw nitong ngiti. Ayon nga kay Allie, isa raw itong anghel na nagkatawang-tao. At ang pagiging angel na nagkatawang tao nito ang dahilan kung bakit laging maingay sa may tapat ng gate ng bahay nila Aling Marina. Halos araw-araw ay may nagpupunta roon upang magpapansin sa binata. Madalas ding may mag-iwan ng mga regalo rito katulad ng mga sulat ng pag-ibig, at tsokolate. Ngunit ang kaibahan niya sa mga ito ay ni minsan, hindi siya nagpapansin sa binata. Hindi rin siya nagbigay dito ng sulat o kung ano pa mang regalo miski isang beses. Nakunteto na lamang siya sa palihim na pagsulyap dito, at sa mga pasimpleng pagsilay. At kapag may pagkakataon na nagtatama ang kanilang mga mata, siya ang unang nagbabawi ng tingin. Isang taon ang tanda sa kanila ni Brayden. Nasa unang taon siya sa Senior high at nasa ikalawa naman ito, sa iisang paaralan. Dahil nga parehas sila ng paaralang pinapasukan ay madalas silang nagkakasabay sa paglabas mula sa kaniya-kaniyang gate. Hanggang sa sakayan ng tricycle ay kasunuran niya ito sa pila. Lagi nitong kasabay si Jomar pagpasok na kaparehas niyang nasa unang taon, ngunit nasa kabilang section. Ngunit kung gaano kabilis dumating sa Pritil si Brayden ay ganoon rin ito kabilis umalis. Bigla na lamang nawala ang binata. Bigla na lamang itong umalis matapos ang ginawa nito sa kaniya… “Hays!” Muli niyang pinagsasaksak ang kanin at iniisip na sana ay katawan na lamang iyon ni Brayden. “Huy, Aymee!” Ang malakas na pagtawag na iyon ni Anjie ang nagpabalik sa kaniya sa realidad. Agad siyang napatingin dito. “Pwede bang tigilan mo na iyang pag-murder mo sa pagkain mo, ha? Kinakabahan ako sa iyo e.” Doon lamang niya napansin na ubos na pala pareho ang pagkain ng dalawa sa mga plato nito. “Tapos na kayo kumain?” tanong niya. “Oo. Kanina pa. Habang panay ang pagsaksak mo riyan sa kanin mo, kami naman ay panay ang pagsubo.” Napaigik siya nang pitikin ni Anjie ang kaniyang noo. Napa-aray siya at marahang hinimas ang nasaktang noo. “Hayaan mo na nga siya, ‘insan.” Si Allie iyon. Ang isang siko nito ay nakapatong sa mesa at nakapalumbaba sa kaniya. “Alam mo naman kung bakit nagkakaganiyan iyan. Paano ay bumalik na ang first love at first heartbreak niya.” “Hoy, Aymee. Mag-aapat na taon na ang nakalipas,” dinuro siya ni Anjie ng tinidor. “Huwag mong sabihing affected ka pa rin sa mokong na iyon?” Tumingin ito sa pinsan. “E Allie, mas marupok pa pala ang isang ‘to sa iyo.” Sunud-sunod na tango naman ang isinagot ni Allie sa pinsan habang nakasimangot sa kaniya. “Tigilan na nga ninyo ako.” Mabilis niyang tinapos ang pagkain. Nang tuluyan siyang matapos ay pinagpatong-patong niya ang mga nagamit nilang mga plato at kubyertos saka dinala ang mga iyon sa lababo. Sinimulan niyang hugasan ang mga iyon. Hindi niya namalayan na sinundan pala siya ng mga kaibigan. “Baka lang nakalilimutan mo, Aymee. Baka lamang naman.” Of course, it is Anjie who is still nagging her. “Kung ano ang kawalanghiyaang ginawa sa iyo ni Brayden.” Mahigpit niyang nahawakan ang plato at salubong ang mga kilay na tiningnan ang kaibigan. “Ako pa ba ang makakalimot?” “Ipinapaalala ko lang sa iyo. Dahil ayokong iiyak ka na naman dahil sa lalaking iyon. Hay, naku nanggagalaiti lang ako.” Ipinagpatuloy na niya ang ginagawa. Alam naman niya kung bakit nagkakaganito ang kaibigan. Ang dalawa lamang kasi ang pinagsabihan niya ng tunay na nangyari. Kaya naman kahit si Allie, na dating anghel ang tingin kay Brayden, ay galit na rin sa binata ngayon. “Alam ko naman na hindi tayo magkalebel ng pagiging rupokita, bessy e. Kaya alam kong hindi ka na uli padadala sa lalaking iyon.” Tinapik-tapik pa ni Allie ang kaniyang balikat bago siya tuluyang iniwan ng dalawa sa kusina. Tahimik na lamang niyang ipinagdasal na sana nga ay tama ang mga sinabi ni Allie. “TIYA, ihahatid ko lang po sina Allie at Anjie sa may sakayan.” Paalam niya sa tiyahin na kasalukuyang nagbabantay ng tindahan. Dahil Sabado naman at walang pasok sa eskwela ang mga bata ay ang Tiya Baby na niya ang nagbantay ng tindahan buong maghapon. “Tiya Baby, uuwi na po kami!” Paalam din ni Anjie. Dumungaw naman ang kaniyang tiyahan sa may tindahan. “Sige, mag-ingat kayo ha? Diretso uwi na at baka abutin pa kayo ng dilim sa daan.” Hapon na kasi sila natapos, siniguradong maayos na maayos na ang kanilang thesis bago iyon ipasa sa Lunes. Para kung sakaling may ipapabago man muli sa kanila ay kaunti na lamang. Masyado rin kasing matalas ang mga mata ng kanilang propesor. At ngayon ay nagsisimula na ngang dumilim. Niyaya pa nga ng tiyahin niya ang dalawa na sa kanila na rin kumain ng hapunan bago umuwi ngunit magalang na tinanggihan na iyon ng dalawa niyang kaibigan. “Opo, tiya. Salamat po!” “Sige, walang anuman! Sa uulitin.” Nakangiting kumaway sa dalawa ang Tiya Baby niya. “Madali na kayo, mahirap na makasakay kapag nagdilim na.” Madali naman silang nakarating sa sakayan ng tricycle dahil ilang kanto lamang iyon mula sa bahay ng tiyahin niya. “Kita-kits na lang sa Monday ah. Ingat kayo.” “Mag-message ka lang anytime sakaling may pwede pa tayong idagdag sa project. Ako na ang bahala.” Si Anjie iyon. “Sige, sige.” “Bye, Aymee!” Magiliw namang paalam sa kaniya ni Allie. “Bye, Allie! Bye, Anjie!” Kumaway pa ang dalawa sa kaniya habang nakasakay sa papalayo nang tricycle. Tinanaw niya ang mga ito. Nang tuluyan nang mawala ang tricycle sa paningin niya ay saka siya nagsimulang maglakad pabalik sa tindahan. Sinisipa niya ang mga nadadaanang maliliit na bato. Natigilan siya sa paglalakad sa hindi niya malaman na kadahilanan. Mula sa kinatatayuan niya ay kita niya ang lumang lighthouse ng Pritil na nasa tuktok ng burol. Napaismid siya at nagpatuloy na sa paglalakad. Noong bagong salta pa lamang siya sa Pritil ay doon siya madalas tumambay kahit pa maingay ang usap-usapan na may multo raw doon, o kung ano pa mang nilalang. At mas pabor nga iyon sa kaniya; una ay hindi siya naniniwala sa multo, ikalawa ay sa pagtambay-tambay niya sa kinatatakutang lighthouse na iyon ay isang nilalang lamang ang nagbigay sa kaniya ng takot magpahanggang sa ngayon. At ang ‘nilalang’ na iyon ay natiyempuhan pa niya ngayong papalabas ng gate ng bahay ng tiyahin nitong si Aling Marina. Shit! Napamura siya sa kaniyang isip at agad na lumihis ng daan. Napatungo siya, ayaw makita ang mukha ng binata, at mas ayaw niyang makita nito ang mukha niya. Nagsisisi siya, sana ay kanina pa siya tumawid. Tumingin siya sa kaliwa at kanan, saka tumawid sa kalsada. Ngunit laking gulat niya nang mapansing nasa gilid na pala niya ang iniiwasang binata. Tumawid din pala ito. Napahawak siya nang mahigpit sa laylayan nang suot na t-shirt at mas binilisan pa ang paglakad. Bumilis ang pintig ng kaniyang pulso. Kaya nga lamang ay tila gusto talaga siyang bwisitin ng binata, binilisan din nito ang paglakad. At nasa gitna na sila ng kalsada nang impit siyang mapatili dahil sa paghatak ni Brayden sa kaniyang braso. Kasunod niyon ay ang mabilis na pagharurot ng isang motor. “Masasagasaan ka.” Narinig niyang sabi nito sa baritonong tinig. Agad niyang piniksi ang braso upang mabitawan nito. “Salamat,” aniya nang hindi tumitingin dito. Tinakbo niya ang gate at mabilis na pumasok doon. She clutched her chest. Mabilis ang pintig ng kaniyang puso. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kabadong-kabado siya gayung wala naman siyang ginawang masama. Mas lalong wala siyang dapat ikahiya sa binata. Dapat nga ay ito pa ang mahiya sa kaniya. Nahatak niya ang sariling buhok habang nakasandal sa nakasaradong gate. Mababaliw talaga siya sa pagbabalik ng lalaking iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD