Nagdadalawang isip si Aymee na pindutin ang doorbell sa labas ng gate ng bahay nina Jomar. Ilang minuto na rin siyang nakatayo sa labas niyon, at mula roon ay dinig na niya ang ingay na nanggagaling mula sa karaoke. May mga nagkakantahan sa loob. Humigpit ang hawak niya sa laylayan ng sweater niyang suot.
Umuwi na lang kaya ako? Hindi rin naman niya alam ang gagawin sa birthday party na iyon. Sigurado kasing maa-out of place lamang siya doon. Hindi bale ba kung kasama niya sina Anjie at Allie, o kahit isa man lamang sa dalawa. Ang dalawa lamang naman kasi ang pinakaka-vibes niya sa kanilang klase.
Napatingin siya sa bahay ng Tiya Baby niya sa kabilang side ng kalsada. Kapag umuwi naman siya agad doon, paniguradong magtatanong ang tiya niya kung bakit umuwi kaagad siya at hindi muna nag-enjoy. Nang magpaalam siya kanina na pupunta kina Jomar upang maki-birthday ay tuwang-tuwa ito. Paano'y hindi naman siya paalis ng bahay, kaya ito din ang kauna-unahang pagkakataon na nagpaalam siya rito na makiki-birthday magmula nang tumira siya sa Pritil.
Bahala na nga. Sasabihin niya na lang sa Tiya Baby niya na patapos na pala ang party nang makarating siya. Tatawid na sana siya pabalik sa kanila nang kusang lumiko ang mga paa niya. Naglakad siya palayo. Malamig na ang hangin na pang gabi kaya naman inilagay niya sa bulsa ng sweater niyang suot ang mga kamay.
Never pa siyang nakapag-night walk, kaya naman ginamit na lamang niya ang pagkakataon iyon upang gawin iyon. "Makapunta na nga lang sa 7/11," pagkausap niya sa sarili. Malapit na siya sa pagliko sa may kanto. "Ah, alam ko na? Night Market---"
Impit siyang napatili nang bumunggo ang ulo niya sa matigas na bagay. Napaupo siya sa semento. Hindi niya alam na may paparating din pala sa paglikong iyon, kaya naman nagkabungguan sila.
"Are you okay?" Agad siyang nag-angat ng tingin, at agad ding napatayo nang makitang si Brayden iyon. Pinagpagan niya ang sarili. "Where are you going this dark?" Kunot-noong tanong nito at isinukbit ang dalang bag sa balikat nito. "Bakit naglalakad ka mag-isa sa gabi. Do you know how dangerous that is?"
Wala siyang masabi rito. Ramdam niya ang pananakit ng pang upo niya dahil sa pagbagsak sa semento kanina. "Ah, pupunta kasi ako sa night market," wala sa sariling sagot niya.
"Night market?"
Doon niya napagtanto na sinabi pala niya rito kung saan siya pupunta. "Sige, una na ko." Alanganin niyang sabi at nilagpasan ito. Ngunit nahuli nito ang kaniyang kamay.
"I am coming with you," agad na desisyon nito.
Natigilan siya sa sinabi nito at sinubukang bawiin ang kaniyang kamay ngunit mas humigpit lamang ang hawak nito. "Anong 'I am coming with you, I am coming with you' ang sinasabi mo riyan?" Wala na siyang nagawa nang hatakin siya nito. "Hoy, ano ba! Bitawan mo nga ako."
Hindi nito binibitawan ang kamay niya, at dahil malalaki ang hakbang nito sinusubukan din niyang bilisan ang kaniyang mga hakbang upang makasabay dito.
Hindi niya mapigilan ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi nang makita na niya ang ilaw ng night market. Marami-rami pa rin ang mga taong namimili ng mga damit at kumakain sa mga food stalls.
"Brayden! Hayun na o!" Nakihalubilo siya sa mga taong tumitingin-tingin ng damit at sapatos. Hindi naman siya mahilig sa mga ganoong bagay ngunit natutuwa siya sa iba't ibang disenyo at kulay ng mga iyon. Marami silang nadaanan na stall ng mga iba't ibang klase ng bilihin. Nag-window shopping sila. Paminsan-minsan ay hinahawakan niya ang mga damit para maramdaman ang lambot ng tela ng mga iyon.
"You look so excited," narinig niyang komento ni Brayden habang naglalakad sila.
"Syempre. First time kong mag-night market e. Wala naman kasing ganito sa Barrio Barrameda," sagot niya nang hindi tumitingin dito. Patingin-tingin pa rin siya sa paligid.
"Barrio Barrameda?" Curious na tanong ni Brayden.
"Ah, barrio 'yon, sa probinsya namin," sagot niya.
"So you lived at that barrio before? I thought you were born here in Manila."
Umiling-iling siya. "Akala mo lang 'yon. Marami namamatay sa maling akala oy," biro pa niya.
"Ibig sabihin nandoon ngayon ang pamilya mo?"
"Tingnan mo iyon o." Inilihis niya ang kanilang usapan at itinuro ang stall na puro kwintas, purselas at palamuti sa katawan na antigo na ang disenyo. Napakagaganda ng mga iyon sa kaniyang paningin. "Wow..." anas niya.
Alam niyang napansin ng binata ang pag-iwas niyang iyon sa usapan tungkol sa kaniyang pamilya, ngunit nagpatay-malisya na lamang siya.
"Ang gaganda, hindi ba?" Tanong sa kaniya ng matandang babaeng nagbabantay roon. Nakamahabang bulaklaking bestida ito na pinatungan ng jacket. Maraming mahahaba at antigong kwintas na nakasabit sa leeg nito, at marami ring singsing sa kamay.
Nakangiti siyang tumango-tango rito. "Opo."
"Ikaw ang kauna-unahang nagbigay ng atensiyon sa mga paninda ko. At siguradong ikaw na rin ang huli." Saglit na nawala ang ngiti niya dahil sa sinabing iyon ng matandang babae.
"Naku, huwag naman po kayong magsalita ng ganiyan. Panigurado may mga parokyano pa riyan na makakapansin sa ganda ng mga paninda ninyo." Bumaling siya kay Brayden. "Hindi ba, Brayden? Maganda." Itinago niya ang gulat nang makitang titig na titig sa kaniya ang binata.
"Maganda." Hindi nito inaalis ang tingin sa kaniyang mga mata, kaya naman siya ang unang nagbawi ng tingin. Pakiramdam niya, may ibang pakahulugan ang sinabi nito. Heto na naman siya, nagbibigay na naman ng malisya sa isang salita lamang.
Tumigil ka nga riyan. At ano naman ang magiging ibang kahulugan ng sinabi nito? Para siyang isang baliw na kaaway ang sarili niyang isip. Isa pa, may nobya na ang taong ito. Agad na pumasok sa kaniyang alaala ang binata at ang kasama nitong babae sa mall kaninang umaga. Itinatak niya sa isip ang pangyayaring iyon, at pinaliwala ang sarili na ang pagiging magkasama nilang dalawa ng binata ngayon ay nagkataon lamang. Isang insidente, at walang malisya.
"Pili ka," sabi niya. Nagtaka ang binata sa sinabi niya.
"Me? Why?"
"Basta pumili ka na lang."
"Uh, okay." Gumala ang mga mata ng binata sa mga paninda ng matandang babae. "Here." Isang resin keychain na may pinatuyong maliit na maliit na sunflower sa loob ang pinili nito. Kinuha niya ang keychain na iyon at lumapit sa binata. "What are you doing?" Narinig pa niyang tanong nito. Siya mismo ang nagkabit ng keychain na iyon sa zipper ng dala nitong bag.
"Para sa iyo iyan." Saglit na natigilan ang binata sa sinabi niya.
"Huh?" Kita niya kung paano napamaang si Brayden.
Bumaling na siya sa matandang babae. "Nanang, magkano ho ang---"
"Pumili ka rin." Doon siya napatingin sa binata. Kumunot ang noo niya nang makitang namumula ang mukha nito. "Pumili ka rin ng gusto mo."
"Hindi, okay lang---" tatanggi sana siya ngunit pinutol ng binata ang mga sasabihin pa sana niya.
Nag-iwas ito ng tingin sa kaniya. Doon niya napansin na maging ang tenga nito ay namumula rin. Siguro ay nilalamig na ito dahil sa simoy ng hangin na pang gabi. "---Mas makakatulong kay nanang kung dalawa tayong bibili."
May punto ang sinabi nito. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi ang pumili na lamang din mula sa mga nakalatag na paninda. "Ah, ito na lang." Isang bracelet na may maliit na disenyo na sunflower din ang napili niya. Kinuha iyon ng binata at ito mismo ang nagsuot niyon sa kaniyang kamay. May tila kung anong humaplos sa puso niya dahil doon.
Insidente. Insidente. Ang lahat nang ito ay nagkataon lamang. Iyon ang tinatatak niya sa isip niya, nagbabaka sakaling mapigilan ang mabilis na kabog sa loob ng kaniyang dibdib.
Binaling na lamang niya ang tingin sa matandang babae. Nang sabihin nito kung magkano ang presyo ng kanilang nabili ay agad nila iyong binayaran at umalis na.
"The presence of my guardian angel is undoubtedly strong today. Binantayan niya ko mula sa pagsusungit mo." Hindi napigilang komento ng binata habang kumakain ng kwek-kwek. Kasalukuyan na silang naglalakad pauwi. Pagkaalis nila sa tindahan ng mga pulseras kanina ay may nadaanan silang isang stall na nagbebenta ng iba't ibang klase ng mga streetfood. Kaya naman naisipan nilang umorder at kainin iyon habang naglalakad pauwi.
"I'm just trying to be nice," sagot niya. Nakita niya kung paano gumuhit ang ngiti sa labi ni Brayden nang marinig ang sinabi niya. Ibinalik lamang niya rito ang sinabi nito sa kaniya.
"Thank you for trying it at me. Though it was not really nice to steal somebody else's line." Nagkibit-balikat lamang siya sa sinabi nito habang may ngiti rin sa kaniyang labi.
Hindi na siya sumagot pa sa isinagot na iyon sa kaniya ng binata. Ngunit habang nakatingin siya dito ngayon, isang ideya ang pumasok sa kaniyang isip:
Maybe... Maybe they could be friends.
Wala namang masama kung magiging magkaibigan sila, hindi ba...?
***
Natigilan sila pareho ni Brayden nang makita si Jomar na nakaupo sa tapat ng gate at tila may hinihintay. Agad naman itong tumayo nang makita siya, ngunit nawala ang ngiti sa labi nang makitang si Brayden, na sarili nitong pinsan, ang nasa tabi niya.
Nagtitigan ang dalawa. Pakiramdam niya ay naipit siya sa gitna ng isang tahimik na giyera. Their looks at each other are fiercing. At para kay Aymee, ang tahimik na giyera ay mas nakakatakot pa sa giyerang ginamitan ng armas. Nagpapalit-palit ang tingin niya sa dalawa dahil pakiramdam niya, may namumuong tensiyon sa paligid. Kung bakit namumuo ang tensiyon na iyon? Hindi niya alam. Isa pa, parang kakakita lamang niya sa dalawa na masayang nagkukuwentuhan, ngayon ay parang matalik na magkaaway ang turing ng mga ito sa isa't isa.
Ano ba ang nangyari sa pagitan ng dalawang ito? Bakit punung-puno ng tensyon ang paligid? Natatakot na siya sa tensyon na iyon.
"Pwede bang iwan mo muna kami?" Walang kangiti-ngiting sabi ni Jomar sa sarili nitong pinsan. Ngayon lamang niya nakita ang ganoong ekspresyon nito.
Hindi naman sumagot si Brayden sa sinabi nito. Matagal nagpalitan ng mga seryosong tingin ang magpinsan bago bumaling sa kaniya si Brayden. "Aymee, good night. See you again next time." Tango lamang ang isinagot niya kay Brayden. Tuluyan na itong pumasok sa gate at isinara iyon. Naiwan na silang dalawa ni Jomar sa labas.
Binalot sila ng katahimikan, at si Jomar ang unang bumali niyon. "Hindi ka nakapunta. I've been waiting for you," mahinang sabi nito habang ang mga mata ay nakatutok sa kalsada.
Nakaramdam siya nang mumunting guilt dahil sa sinabi nito. "Ah kasi..." napakamot siya sa kaniyang batok. "Kasi na-realized ko kanina na maa-out of place lang ako e, kaya nahiya na akong pumunta," pagsasabi niya ng totoo rito. Wala naman kasi siyang ibang madadahilan kay Jomar.
"Of course. Naisip ko nga rin iyan kanina habang hinihintay ka. I am really sorry. Dapat pala nauna ko na kayong imbitahan; ikaw at ang dalawa mo pang mga kaibigan." Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman sa sinabi nito. Sa totoo lang ay hindi naman ito obligadong gawin iyon.
"No, okay lang iyon, ano ka ba. Huwag kang humingi ng tawad. Wala ka naman ginagawang masama e. Hindi ka naman obligadong gawin iyon. At saka dapat ako ang humihingi ng sorry dahil nagsabi ako na pupunta ako pero inunahan ako ng kaba. Sorry." Muli silang binalot ng katahimikan, ngunit sa pagkakataong ito, siya na ang unang nagsalita. "Uh, Jomar. Mauuna na ako ha? Anong oras na rin kasi. Happy birthday uli. At sana sa susunod ay makasama na ako. Pasensya ka na uli ha."
Tatalikuran na sana siya nito upang tumawid, ngunit pinigilan nito ang kaniyang siko. Nang humarap siya rito, sa kaniya na nakatingin ang binata. May kakaibang kislap sa mga mata nito; isang kislap na hindi niya malaman kung ano ang kahulugan. "Jomar...?"
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito bago pakawalan din ang kaniyang siko, bagkus, ang magkabila niyang balikat ang mahigpit na hinawakan. Ngunit hindi naman siya nasasaktan sa hawak nito. "Aymee, I like you." Punung-puno ng kaseryosohan ang ekspresyon nito. Determinado ito habang titig na titig sa kaniyang mga mata.
Apat na salita lamang iyon, ngunit pakiramdam niya, saglit na tumigil ang pag-inog ng kaniyang mundo.