"Stay here..."
Tumango na lang ako kay Rave nang makarating kami sa V Hotel. Sa lobby area ako naghintay sa kanya. Hindi ko na tinanong kung ano ang sadya niya rito, ngunit nang sagutin niya ang tawag sa kanyang cellphone ay bigla akong naestatwa sa aking kinatatayuan.
"Ally..." tawag niya sa pangalan ng kanyang katawag mula sa kabilang linya.
May kung anong kirot akong naramdaman sa aking dibdib pagkarinig ng pangalang iyon.
So, tama nga ako. Siya pa rin pala.
Napaipon ako ng hangin sa baga at lumingon sa ibang direksyon.
"Ano bang nangyayari sa'yo, Leen? Matagal nang tapos ang namamagitan sa inyo ni Rave. Bakit ka nagkakaganito?" bulong ko sa aking sarili.
Umalis si Rave sa aking harapan. Ni hindi man lang lumingon sa akin para magpaalam.
Mapait akong napangiti at pinunasan ang luha ko.
Anim na taon na ang nakalilipas ngunit ganito pa rin pala kasakit ang lahat. Ang dahilan kung bakit ako biglang lumisan sa Victoria City ay sa katotohanang ito. Hindi ako ang mahal ni Rave.
Hindi ako ang babae na gusto niyang makasama habangbuhay. Hindi ako ang babae na mahal niya.
"Lena?" Maya-maya ay may tumawag sa akin.
Kunot-noong napalingon ako. "Craig?" Napatayo ako at sinalubong siya. Mukhang kapapasok lang niya ng hotel.
"It's been a while. What are you doing here? Bakit mag-isa ka lang dito?" tanong niya ngunit hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi. Ang sigla ng mukha niya na tila isang bata na nakakita ng matalik na kaibigan sa daan. Bigla namang naningkit ang mga mata niya pagkakuwan. "Wait, did you cry?"
"H-ha?" Akmang pupunasan ko ang mukha ko nang magulat ako sa kamay ni Craig na naunang pinunasan ang luha ko. Napatingin ako sa kanya na abala sa pagpunas.
"Pinagalitan ka ba ng amo mo? Saan nga pala si Earl?"
"Ahh, a-ando'n po si Sir Earl sa itaas," sagot ko naman at napatungo.
"At iniwan ka niya rito?" Napapalatak siya at umiling. "Kumain ka na ba?"
"Ahh, opo, Sir."
"'Wag mo na ako tawaging Sir. Craig na lang. Tutal at hindi mo naman ako amo. Magkaibigan na tayo, okay?"
"O-okay po, S— Craig po pala..."
Napapiksi ako nang maramdamang nakahawak si Craig sa kamay ko. Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. "Let's go. Kakain tayo."
"P-po? Pero, Sir, busog pa po ako."
"E 'di samahan mo na lang ako. I'm famished! Mukhang magtatagal naman ang amo mo, e. Okay lang ba?" tanong niya habang nakangiti nang pagkatamis-tamis. Kung hindi lang ako naka-disguise ngayon bilang si Lena ay aakalain kong nagpapa-cute ang lalaking ito sa akin.
Napahinto ako saglit habang nagpalipat-lipat ng tingin sa lugar kung saan huling dumaan si Rave at pabalik sa gawi ni Craig. Saka ako napatango sa kaharap ko. "S-sige po."
"Good. Let's go..." Hinila na ako ni Craig. Hindi niya binibitiwan ang kamay ko.
Hindi man ako nakasuot ng pangkatulong pero sa paraan ng pagtitig ng mga tao sa gawi ko ay hindi ko maiwasang manliit.
Halos matahin ako ng mga tao sa V Hotel. Mga nang-aakusang mga mata ang nakapaligid sa akin. Hindi man sila magsalita ay halata sa mga mukha nila ang pangungutya.
"C-Craig..."
"Yup?"
"'Y-yung kamay ko. Maraming nakatingin."
"Hayaan mo sila. 'Wag mo silang pansinin. Just focus on me," aniya sabay kindat sa aking gawi.
Napasinghap ako nang mahina at umiwas ng tingin. Masyado talagang playboy ang isang 'to.
Sa wakas ay nakarating kami sa isang cafe sa ground floor pa rin ng V Hotel. Nag-order si Craig ng kape at ng sliced baguette para sa aming dalawa.
"Mabubusog ka na ba sa tinapay, Craig? 'Di ba sabi mo nagugutom ka na?" bigla ay tanong ko sa kanya.
"Ahh... Nag-order lang talaga ako para makasama kita. Isang buwan din kitang hindi nakita. Sa bahay naman ay hindi kita maabutan na nasa labas kaya hindi kita nakikita. Ang saya lang kasi of all places, dito kita natagpuan," sagot naman niya.
"Bakit mo naman ako gustong makita?"
"Bakit? Masama ba?"
"Ahh... Ang ibig kong sabihin ay... Kasi, 'di ba? Akala ko kasi makakalimutan mo na ako. Hindi naman kasi ako kaala-alala, 'di ba? Kaya nagtataka lang ako."
Napatawa naman siya dahil doon. "Ang humble, ha? Actually, may ibibigay kasi ako sa'yo. Kaso lagi naman akong busy at hindi naman tayo magpang-abot sa Victoria Heights kaya hindi ko na naibigay. Heto oh..." May inilapag si Craig sa mesa na ikinalaki ng mga mata ko.
Ang maliit na pitaka ko!
Isang buwan ko nang hinahanap ito. Inakala ko pa na naiwan ko iyon sa Casa de Fortaleza. Kinabahan pa naman ako at baka may nakapulot niyon. Narito pa naman ang picture ko at ni Yen-yen na magkasama. At ngayon, sa lahat ng makakapulot ay si Craig pa.
Napalunok ako at napaangat ng tingin. "P-paano mo—"
"At first, akala ko ay namamalik-mata lang ako. Ilang araw rin akong binagabag niyan. At ngayon na nakita kita ulit, it just proves that my hunch was right all along..."
Napakurap ako. Oh, my gosh. Buko na ako! Anong gagawin ko? Kailangan kong gumawa ng paraan. Hindi ito pwede!
"I just don't get it why you have to disguise. Pero knowing the history between you and him..." Mapakla siyang napangiti. "Anyway, did you come back to Victoria to spy on him?"
"H-hindi ko alam ang sinasabi mo, Craig..." Napaiwas ako ng tingin. Mabilis ko na lang itinago ang pitaka sa bulsa ko at umiwas ng tingin. Gusto ko pa ring i-deny ang lahat.
"Come on, Lily. Unang kita ko pa lang sa'yo sa mall, I already know it was you..."
Napatingin ako sa kanya nang may gulat sa mukha. Ibig sabihin ay alam na niya ang lahat simula't sapul? Pero bakit nagpanggap siya na hindi niya ako kilala?
Bigla akong nanginig sa takot at kaba. Paano na? Exposed na ang disguise ko. Nang dahil lang sa isang simpleng pagkakamali ay mauuwi sa wala ang lahat ng pagod at hirap ko.
"Why? Do you still love him?" tanong ulit niya.
Doon ay mas dinaga ang dibdib ko sa kaba. Naumid ang dila ko. Hindi ko alam ang sasabihin sa kanya. Bigla na lang nag-unahan ang luha ko sa pagbagsak.
Mahal ko pa rin ba siya? Siya pa rin ba ang lalaking nasa puso ko?
"Answer me, Lily..." Lily ang tawag sa akin ni Craig. Iyon na ang naging endearment niya sa akin mula pa noon. Kahit hindi ko siya naging nobyo ay ganoon ang tawag niya sa akin bilang kanyang kaibigan.
"Nandito ako para magtrabaho, Craig. Iyon lang talaga," sa wakas ay sagot ko sa kanya.
"Then, of all people, bakit siya? Bakit siya pa rin, Lily?"
"Sa tingin mo ba ginusto ko 'to?" Napatawa ako nang pagak habang pinipilit na hindi magtuloy-tuloy ang luha ko. "Hindi ko ginustong bumalik dito. Kahit kailan hindi ko ginustong bumalik sa impyernong lugar na ito, Craig. Pero kailangan ko ito para sa taong mahal ko. Dahil ako na lang ang inaasahan niya.
"Huwag kang mag-alala. Pagkatapos kong malikom ang sapat na pera na kailangan ko, agad akong aalis. I will leave Victoria immediately. J-just let me stay..." mahabang paliwanag ko sa kanya.
"Pero bakit sa kanya pa? Lily, sinaktan ka niya!"
"Hindi nawawala sa alaala ko ang lahat ng naranasan ko sa lugar na 'to, Craig. Nandito pa rin ang galit sa puso ko. Pero wala akong magagawa. Desperado na ako. Ayokong mawala ang taong mahal ko..."
"Just leave that house, for Pete's sake! You can work in my house instead. I will protect you, Lily. Katulad ng dati..."
Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na tinulungan ako ni Craig. Ang araw na nilisan ko ang Victoria City. Dahil sa kanya ay malaya akong nakalabas nang buhay. At simula noon ay tinalikuran ko na ang buhay na mayroon ako sa siyudad na ito.
"I'm sorry, Craig. Hindi ko ito ginagawa dahil siya pa rin ang mahal ko. Ginagawa ko ito dahil ito na lang ang option na mayro'n ako sa ngayon. Please, just let me finish what I need to do." Mabilis akong tumayo at napayuko sa kanya. Akma na akong aalis nang bigla niya akong hinigit sa palapulsuhan.
"Lily..." Nagmamakaawa ang mukha niyang nakatunghay sa akin.
"C-Craig..."
"Get your f*****g hands off her, Denovan!" Niyanig ng boses na iyon ang buong cafe.
Pareho kaming napalingon ni Craig sa pinanggalingan niyon.
Nanlaki ang mga mata ko.
Papalapit na ang galit na galit na si Rave papunta sa aming direksyon na animo'y papatay ng tao sa paraan ng kanyang pagtitig.
"R-Rave..."