Sa buong biyahe ay tahimik lang ako. Maya't maya ang sulyap ko kay Craig mula sa driver's seat. Kapag akmang titingin naman siya sa akin ay agad akong mag-iiwas at magpapanggap na abala sa pagtingin sa bintana.
Narinig ko siyang tumawa nang mahina. "May dumi ba ako sa mukha, Miss?" bigla ay tanong niya.
"P-po?"
"Kanina mo pa kasi ako sinisilip. I was wondering kung may dumi ako sa mukha," pag-usisa ni Craig.
Napakagat-labi ako at lihim na pinagalitan ang sarili. 'Silip pa more, Leen! Magkakuliti ka niyan?'
"Ahh... eh... Nagtataka lang po kasi ako. Hindi mo naman po ako kilala, e. Bakit n'yo po ako tinulungan?"
"Well, isipin mo na lang na magkakilala tayo para hindi ka nao-awkward," ganting sabi naman niya, sabay ngiti sa gawi ko.
"H-ha?" Pakiramdam ko ay may laman ang mga sinasabi niya. Paano kung kilala pala niya ako? Masyado bang halata?
Napasulyap ako sa may side mirror ng sasakyan at sinipat ang sarili. Intact pa naman ang makapal at hindi pantay kong kilay. Okay naman ang pagkakalagay ko sa ilong ko. Hindi naman ako mukhang si Leen. Imposible na makilala niya ako sa disguise na 'to. Lihim akong napabuntong-hininga.
"By the way, hindi ko nakuha ang pangalan mo..." pag-iiba niya ng usapan.
"L-Lena po. Lena Palermo," nahihiyang pakilala ko sa kanya.
"Bago ka lang ba sa Victoria Heights?"
"Alam n'yo po ang lugar na 'yun, Sir?"
"Yes. I live there," sagot naman niya. "So, saan ka nga banda?"
"Sa may Everest St. po, Sir Craig. Doon po sa bahay sa dulo. Alam n'yo po ba 'yun?"
"Ahh, so you're going to Earl's house? Kaano-ano mo siya?"
"Kilala n'yo po si Sir Rav— ang ibig kong sabihin— si Sir Earl po?"
"Yes. He's a friend. And tamang tama dahil magkapit-bahay lang kami. So, ikaw? Kaano-ano mo si Earl?"
"Ahh, katulong po ako ni Sir Earl, Sir Craig," pag-amin ko naman habang kiming nakangiti sa kanya.
"So, he finally gave in to his mom's request, huh?"
"Po?"
"Nothing. Hindi lang ako sanay na may ibang tao na pumupunta sa bahay ni Earl. Maybe because he has been living in that house alone for quite a while. Wala pa akong narinig na may dinala siyang ibang tao d'yan. So, I guess pumasa ka rin sa kanya." Napatawa siya pagkatapos.
Bakit parang may laman ang sinasabi niya? Hindi kaya pareho lang sila ng kwento ni Manong taxi driver kanina? Iyong tungkol sa hindi pagha-hire ng katulong ni Rave?
"S-siguro nga po. Pumasa ako kasi hitsura ko pa lang, Sir, panatag siya dahil pangit ako. Sino ba namang pangit ang mangangarap kay Sir Earl, 'di ba?" Napatawa na rin ako.
"You're funny!" komento niya. Lumalakas na ang pagtawa niya habang tumatagal. Mukhang enjoy na enjoy niya ang kakwelahan ko tungkol sa pangit kong hitsura. "But, I don't think you're ugly..."
Bahagya akong natigilan at napalingon kay Craig. Nakita ko ang magandang ngiti niya na kanina pa nakabalandra sa mukha niya at panaka-nakang sumusulyap sa akin at sa daan.
Bigla akong tumawa nang malakas at hinampas pa sa braso si Craig. "Mapagbiro po pala kayo, Sir, ano? Sige, Sir. Ipagpalagay na lang natin na naniniwala ako sa sinasabi mo. Salamat. At least hindi ka judgmental!"
Marami pa kaming pinag-usapan habang nasa biyahe. Hindi ko namalayan na nasa loob na pala kami ng Victoria Heights. Ilang sandali pa ay liliko na ang sasakyan patungo sa Everest St.
Huminto ang sasakyan ni Craig sa harap ng bahay ni Rave. Umibis kaming pareho at nagtulungan na ilabas ang lahat ng mga pinamili ko. Kahit na ilang beses kong pinilit na ako ang magbubuhat ng mga karton ay hindi niya ako pinayagan.
Mga plastic bags lang ang nadala ko. Inilagay naman ni Craig ang mga karton sa may harap ng pinto. Nang matapos ay nagpasalamat na ako sa kanya.
"Salamat sa tulong mo, Sir Craig, ha? Mabuti na lang at magkapit-bahay pala tayo!" natutuwang sambit ko sa kanya.
"Wala iyon. If you need anything, you can knock on my door. Madalas kasi talagang wala si Earl dito sa bahay. Literal na nakatira na 'yun sa opisina niya. Kaya, katok ka lang sa kabila, okay?" paanyaya naman niya.
"Naku, Sir! Nakakahiya naman po. Kakakilala n'yo lang sa akin, e!"
"It's okay. Kapag pinagkatiwalaan ka ni Earl, ibig sabihin ay mapagkakatiwalaan din kita. 'Yan ang sekreto ko. Close kami ng Sir mo, okay?" bulong pa niya sa akin.
Lihim akong natawa sa kanyang tinuran.
"Okay, I'll go home na, Lena. You take care of here, okay?"
"Opo. Maraming salamat po!" Kumaway ako kay Craig habang siya ay bumalik na sa kanyang sasakyan. Tiningnan ko na lang siya habang inilalabas niya ang sasakyan mula sa garahe ng bahay ni Rave. Nang mawala na siya sa paningin ko ay ni-lock ko ang gate.
Marahas akong napabuntong-hininga. "Paano na 'to ngayon? Kapit-bahay pa ni Rave si Craig? Mukhang imposible na maibalandra ko rito ang mukha ko kung ako lang ang mag-isa. Mahirap na!" himutok ko pa.
Nagsimula na akong ayusin ang mga pinamili ko. Inayos ko ang mga pagkain na de-lata at in-arrange sa mga cabinets sa kusina. Ang mga karne naman at ibang gulay ay sa loob ng ref ko nilagay. Hinugasan ko ang mga ito isa-isa at saka isinilid sa lalagyan ng mga ito.
Pagsapit naman ng tanghalian ay nagluto ako ng pinakbet na may halong kaunting karne ng baboy at bagoong. Dinamihan ko na ang pagluto para mamaya ay matikman din ni Rave.
Hindi naman pihikan si Rave sa pagkain. Ayon pa kay Manang Maribel ay kumakain naman ng gulay ang lalaki.
Habang naggagayat ng mga lulutuin ay hindi mawala-wala sa isipan ko ang sinabi sa ni Craig.
Matagal nang mag-isang nakatira si Rave sa bahay na ito. Since six years ago kaya?
Naging curious ako sa naging buhay ni Rave matapos akong magpakalayo-layo. Sa unang pagkakataon ay naging curious ako.
Dati kasi ay isinumpa ko pa sa harap ng puntod ni nanay na hinding hindi ko na aalamin pa ang mga nangyari sa kanya matapos kong lisanin ang Victoria City. Pero ngayong narito na ako, hindi ko maiwasang mapatanong sa sarili ko.
Bakit kaya siya mag-isa? Hindi ba natuloy ang binabalak niya noon? Paano pala ang taong iyon na tinutukoy niya noon?
Pagkatapos kong magluto ay kumain ako nang kaunti. Naglinis at naghugas ako ng mga hugasin. Sa sobrang linis ng buong bahay ay ako na lang ang nalilito kung ano pang kulang sa paligid. Nakapagpalit na rin ako ng kurtina at throwpillows. Maaliwalas nang tingnan ang paligid. Ang gray na mga kurtina at mga cover ay pinalitan ko ng kulay gold at white.
Napangiti ako nang matapos ako sa paga-arrange.
"Hayan! Pang-mukhang tao na talaga ang bahay ni Rave!" bulalas ko habang nakapalakpak.
Pagsapit naman ng hapon ay nanood na lang ako ng TV. Gaya ng sinabi ni Rave ay maaari naman akong manood sa TV. Nakakabagod din ang lumibot sa maliit na bahay na ito. Hindi rin ako mahilig magkalikot sa cellphone ko. Tinawagan ko lang ng mahigit isang oras si Yen-yen at buong atensyon na ang binigay ko sa panonood.
Maya-maya ay may bumusina na mula sa labas.
"Ay tipaklong!" Napatalon ako sa gulat. Paglasilip ko sa bintana ay nakita ko ang kotse ni Rave.
Umuwi siya? Ang bilis naman. Ang alam ko ay mamayang gabi pa siya uuwi.
Lumabas ako at pinagbuksan ng gate ang aking amo. Ipinarada muna niya ang kanyang sasakyan saka pinatay ang makina. Pagkalabas ng sasakyan ay iniabot sa akin ang susi. Ni hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin. Mukhang nakasimangot pa nga. Anong problema ng talipandas na 'to?
"Linisin mo ang sasakyan..." malamig niyang utos saka dire-diretsong pumasok sa loob.
Pinagalaw ko naman ang nguso ko at mapang-asar na ginaya ang mga salita niya nang palihim. Sabay irap sa hangin.
Ang yabang-yabang! Uuwi na nga lang at magsusungit pa! Mabuti na lang talaga at sa ugali ko nagmana ang Yen-yen ko!
Sinunod ko na lang ang pinag-uutos ni Rave. Una kong nilinis ang loob ng kotse. Ginamit ko ang portable vacuum niya at nilinis ang ilalim at mga upuan sa loob. Pagkatapos ay sa labas naman ang nilinisan ko. Gumamit ako ng hose. Pinaliguan ko ang sasakyan niya at sinigurong malinis ito na tila isang bagong sasakyan.
Kalahating oras din ang itinagal ko saka ako nagpasya na pumasok ng bahay.
Napapahid ako ng butil ng pawis na namuo sa aking sintido. Akma akong lalampas sa salas nang bigla akong mapatigil sa tinig na narinig ko.
"Maupo ka nga rito. We need to talk," madilim na utos ni Rave. Nakaupo na pala siya sa one-seater na sofa at nakahalukipkip.
Napalingon ako sa kanya at inosenteng pinangunutan siya ng noo. "Bakit po, Sir?"
"Sit." Tinuro niya ang katapat na sofa. Wala akong nagawa kundi ang tumalima sa kanyang utos.
"Bakit po, Sir? May problema po ba?"
"'Di ba nag-iwan ako sa'yo ng cellphone?"
"Opo."
"Then, why didn't you call me?"
"H-ha?"
"Bakit kailangang ibang tao pa ang abalahin mo sa pagbitbit ng mga groceries?" pagalit na tanong niya.
"S-Sir? Paano n'yo po—"
"From now on, you will not talk to strangers," deklara niya. "Especially that f*****g Denovan!" angil niya na ikinagulat ko.