Matapos ang pag-uusap nila ni Enzo sa library, agad na siyang nagpaalam na magpapahinga na muna. Pakiramdam kasi niya biglang bumigat ang pakiramdam niya. Hindi niya inaasahan na kailangan pa niyang sumama kay Enzo sa San Ignacio, lalo na ang paglipat niya ng eskwelahan.
Alam niyang sa gagawing pagpapakasal kay Enzo ay maraming magbabago sa buhay niya. Iyon nga lang, sadyang hindi niya inaasahan na kailangan niyang iwan pansamantala ang bayan ng San Miguel. Ganoon pa man, wala siyang karapatang tumanggi kay Enzo. She needs him now. Kailangan niyang tanggapin na kung wala si Enzo ay baka nasa kalsada na siya ngayon.
Umupo siya sa malaking kama, itinaas ang mga tuhod at niyakap ang mga iyon. Iba-iba ang nararamdaman niyang emosyon. Nalulungkot siya, natatakot sa bagong buhay na kakaharapin. Pero may kaunting parte din sa kanya ang nae-excite na makasama si Enzo, bagay na hindi niya maipaliwanag.
Kanina sa loob ng library habang nag-uusap sila ng binata, hindi niya maiwasang pagmasdan ang gwapong mukha nito. Pati pananalita nito, ang boses nito, ang galaw ng matipunong katawan nito. Lahat pasimple niyang pinagmamasdan. Kaya naman, wala rin siyang naisagot nang maayos, dahil distracted siya sa kagwapuhan ni Enzo.
Habang namamahinga, may kumatok sa pintuan. Mabilis siyang bumangon at umayos ng upo.
"Bakit?" Tanong niya sa taong nasa labas ng pintuan.
"Bella, halika na at maghapunan na kayo ni Sir Enzo," si Manang Lucing na sumungaw sa pintuan. Bahagya pa siyang na-disappoint. Nag-expect kasi siyang si Enzo ang kumakatok.
"Sige po, Manang. Magbibihis lang po ako," sagot niya at tumayo na mula sa kama.
"Ah. Bella," tawag nito sa kanya nang makapasok ito sa loob ng kwarto.
Napahinto siya at sinulyapan si Manang Lucing. Bata pa siya kasambahay na nila si Manang Lucing. Kaya naman hindi na iba sa kanya ito. Para na niya itong pamilya. Lalo na nang mawala ang Mommy niya.
Namatay ang Mommy Theresita niya noong tatlong taong gulang pa lamang siya. Cancer ang naging sakit ng ina, kaya maaga itong nawala sa kanila. Pitong taon naman siya nang muling makapag-asawa ang Daddy niya. Iyon nga ang Tita Imelda niya na naging mabuting madrasta sa kanya.
"Nasabi sa akin ni Enzo ang mga plano ninyo," simula nito. "Magpapakasal daw kayo?"
Tumango siya rito. Ngumiti naman ito at humakbang palapit sa kanya. "Tama ang naging desisyon mo, hija, na pumayag kang pakasalan si Sir Enzo. Mabuting bata si Sir Enzo. Panay ang kwento ng Mama niya sa akin noon kung gaano kabuting bata iyan," litanya nito.
Ngumiti lang siya rito.
"Sa gagawin ninyong pagpapakasal ni Sir Enzo, alam kong magiging masaya ang mga magulang ninyo. Natupad ang hiling nila na sana kayo nga ni Sir Enzo ang magkatuluyan," patuloy nito.
Kumunot ang noo niya. "Ano po ang ibig ninyong sabihin?"
"Madalas kasi marinig ko ang Tita Imelda mo at ang Daddy mo na nag-uusap tungkol sa inyo ni Sir Enzo. Pinag-uusapan nila ang future ninyong dalawa. Nais ng mga magulang ninyo na maging kayo ni Sir Enzo. Naniniwala ang Daddy mo na aalagaan ka ni Sir Enzo. At ganoon rin ang Mama ni Sir Enzo, na aalagaan mo ang anak niya. Sadyang busy lang marahil si Sir Enzo noon kaya sa tuwing pinapapunta siya ng Mama niya rito ay hindi nakakapunta," mahabang litanya nito.
Alanganing ngiti lang ang nasagot niya rito.
"Sabi pa nga nila noon sa akin, pagka-graduate mo raw ay pormal na ipapakilala sa iyo si Sir Enzo para ligawan ka," dagdag pa nito na may ngiti sa mga labi na tila kinikilig.
Ngiti lang ang naging tugon niya sa mga kwento ni Manang Lucing sa kanya.
"Sige po, Manang Lucing. Magbibihis lang po ako at bababa na po ako," sabi niya rito. Para maputol na ang pagkukwento nito. Naiilang kasi siyang pag-usapan ang ganoong bagay rito.
Habang namimili ng ipapalit na damit, naisip niyang kaya marahil ginawa ng Daddy niya ang kasulatan na iyon ay para matuloy ang kagustuhan ng mag-asawa na sila ni Enzo ang magkatuluyan. Alam ng Daddy niya na hindi tatanggi si Enzo rito.
Kung ganoon, plano na talaga ng mga magulang nila na gumawa ng paraan para sa kanila ni Enzo. At kung sakali ba na hindi nawala ang mga magulang, susunod kaya si Enzo sa gusto ng Mama nito? Maybe no.
Puting crop top at short na maikli ang napili niyang isuot. Ganoon naman lagi ang suot niya tuwing nasa bahay, kumportable kasi siya.
Pababa siya ng hagdan nang makita si Enzo na nasa sala. Nakaupo ito at tinitignan ang mga larawang nasa photo album. Sadya siyang lumikha ng ingay sa pagbaba ng hagdan para malipat sa kanya ang atensyon ni Enzo.
Hindi naman siya nabigo nang mapalingon ang binata sa kanya. Unang tumama ang mga mata nito sa binti niya. Maiksi lang kasi ang suot niyang short, kaya litaw na litaw ang mahahaba at mapuputi niyang mga hita. Nag-iba pa ang pakiramdam niya sa uri ng tingin sa kanya ni Enzo. Naramdaman din ang bahagyang panginginig ng mga binti.
Nagpatuloy ang pagtingin sa kanya ni Enzo, mula sa binti niya pataas sa short niya, sa pusod niya na bahagyang nakalitaw. Nagpatuloy pa hanggang sa dibdib niya na alam niyang hindi kalakihan, tama lang para sa petite niyang pangangatawan. Napalunok siya nang mapansin na nagtagal ang mga mata nito sa dibdib niya.
Umakyat pa sa mga labi niya ang mga mata nito, sa mukha niya, at nagtama ang kanilang mga mata. Saktong nakababa na siya sa hagdan. Hindi naman niya maintindihan kung para saan ang pagsuri nito sa kanya. Alam niyang siya man ay sinusuri niya ang binata, pero patago naman at iniiwasang maging obvious.
Napansin ang pagtaas ng dibdib nito, at binalik ang atensyon sa photo album na hawak nito. Isinara nito ang album at ibinalik sa ilalim ng mesa. Saka muling binalik sa kanya ang tingin nito.
"Ka... Kaka... in na daw," kabado niyang sabi.
"Yeah," sagot nito at tumayo na mula sa kinauupuan.
Sabay na silang lumakad nito patungo sa komedor kung saan nakahain ang hapunan para sa kanila. Nakangiti naman silang sinalubong ni Manang Lucing na ganadong-ganado sa pag-aasikaso sa kanila.
Marami ring naihanda si Manang Lucing para sa kanilang dalawa ni Enzo. May chopsuey na paborito niya. Mayroon ding sinigang na baboy at piniritong manok.
"Sumabay na po kayo, Manang Lucing," anyaya ni Enzo kay Manang. Medyo nagulat pa siya. Hindi inaasahan ang pag-anyaya ng binata sa kasambahay nila para sumabay sa pagkain.
"Huwag na po, Sir. Maya-maya na po ako. Kakakain ko lang din po kasi," nahihiya pang sagot ni Manang Lucing kay Enzo.
"Ang dami po kasi ng nailuto ninyo, baka hindi namin kayang ubusin ito ni Bella," sabi pa ni Enzo.
"Naku, Sir. Nakikita ninyo lang manipis ang balat niyang si Bella, pero malakas ho kumain iyan," nakangiting tugon ni Manang Lucing.
"Manang," pasimpleng saway niya.
Agad namang ngumiti si Manang Lucing at mabilis nang nagpaalam muna sa kanila para raw makakain sila nang maayos.
Tahimik naman sila ni Enzo habang kumakain. Medyo maingat din siya at maliit lang ang subo. Nako-conscious kasi siya, baka sabihin ng binata na malakas siyang kumain. Pansin naman niya kay Enzo na magana itong kumakain. Mukhang nagustuhan nito ang luto ni Manang Lucing, lalo na ang sinigang na baboy.
Patapos na silang kumain nang muling bumalik si Manang Lucing sa komedor.
"Ang sarap po pala ng luto ninyo," puri pa ni Enzo kay Manang Lucing na abot-tenga ang ngiti, at agad na nagpasalamat kay Enzo.
"Eh, Sir, si Bella din po masarap magluto iyan. Namana niya ang galing ng Mommy niya sa pagluluto," pagbibida ni Manang Lucing sa kanya na kinagulat pa niya. Nasamid pa siya habang umiinom. Umubo-ubo tuloy siya.
"Ayos ka lang, Bella?" Si Manang.
"O... Opo..."
"Thank you po, Manang Lucing, sa napakasarap na dinner. Nabusog po ako," pasasalamat ni Enzo kay Manang Lucing. "And na-feel ko na nasa bahay talaga ako. Medyo sawa na rin siguro ang tiyan ko sa mga pagkain sa hotel," dagdag pa nito.
"Hayaan ninyo ho, Sir. Sa tuwing andito kayo, ipaghahanda ko kayo lagi," pagmamalaking sagot ni Manang Lucing. "Isa pa, Sir, pag mag-asawa na kayo ni Bella, may magluluto na para sa inyo," dagdag pa ni Manang Lucing.
Napasulyap sa kanya si Enzo. "Matitikman ko din kung masarap nga ang luto ni Bella," tugon ni Enzo na sa kanya nakatingin.
Nanlaki pa ang mga mata niya. Ewan niya pero iba ang pagkakaintindi niya sa sinabi nito. Luto nga ba niya ang nais nitong matikman o siya? Iba kasi ang uri ng tingin nito sa kanya. At may kakaiba siyang nararamdaman na hindi niya maipaliwanag, dahil ngayon pa lang niya naramdaman ang ganito sa buong buhay niya.
"Gusto mo ng kape?" Tanong niya kay Enzo nang magtungo sila sa sala ng bahay.
"Huwag na. Uuwi na rin naman ako,"
"Uuwi?" Gulat pang tanong niya.
"Sa VincElla Hotel pa rin naman ako magi-stay hangga't hindi pa tayo kasal, Bella," sagot nito habang malalim na nakatingin sa mga mata niya.
Kumakabog ang dibdib niya. May tila paru-paro sa tiyan niya.
"Ah... I see," tanging sagot niya.
"Anyway, susunduin kita bukas dito, for our wedding."
Tumango naman siya. Humakbang ito palapit sa kinatatayuan niya. Napatingala pa siya at lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib.
"Bella," sambit nito sa pangalan niya. May kakaiba sa tinig nito. Nananatili silang nakamata sa isa't isa. Tila nag-uusap ang kanilang mga mata. Isang hakbang na lang ang layo nila sa isa't isa.
Ngayon lang siya naging ganito kalapit kay Enzo. Naamoy pa niya ang mamahaling pabango nito. Napansin ang unti-unti nitong pagyuko. Nais man umiwas, hindi naman niya magalaw ang kanyang mga paa para umatras. Nasasamyo na niya ang mainit na paghinga nitong dumadampi sa mukha niya.
Hahalikan ba siya ni Enzo? Pero bakit?
"Ipagtitimpla ko ba kayo ng—" Tinig ni Manang Lucing ang gumising sa kung anong ilusyon ang sumakop sa kanya at kay Enzo.
Mabilis niyang naitulak palayo ang binata. Tila pa siya nakuryente nang dumampi ang mga kamay sa dibdib ng binata.
"Maya-maya na lang," nahihiyang sabi pa ni Manang Lucing. Marahil nakita sila nito sa balak nilang gawin.
Humugot siya ng malalim na paghinga at umatras mula kay Enzo. Ganoon rin si Enzo na napahugot ng malalim na paghinga, napahawak pa sa gilid ng mga labi nito habang nakasunod ng tingin kay Manang Lucing. Nasa gwapong mukha nito ang pagkadismaya. Dahil ba hindi natuloy ang balak nitong halikan siya?
"Mauna na 'ko," paalam nito.
"Sige."
"See you tomorrow morning."
Tango lang ang sinagot niya. Hindi magawang tignan ang binata sa mga mata.
"Goodnight, Bella,"
"Goodnight, Enzo."
Inihatid niya si Enzo sa labas ng bahay. Sinundan pa niya ng tingin ang papalabas na sports car nito sa bakuran nila. Napakibit-balikat siya. Nanghihinayang kasi siya sa naudlot na halik sa kanya ni Enzo.
"Sayang, first kiss ko na sana," bulong niya.
Narinig ang pagtunog ng cellphone mula sa bulsa. Agad niyang kinuha iyon. Si Lyca ang tumatawag. Panigurado magtatanong ang kaibigan tungkol kay Enzo.
"Lyca,"
"Bella, tara, gimik tayo,"
"Ah?"
"Nagyaya sina Patty sa VincElla Bar,"
"Ngayon?"
"Oo,"
"Sige, sunduin mo 'ko,"
"Sure."