Chapter 8

1840 Words
JAYDEE Naglalagay ako ng mga tirang pastries and cakes sa disposable food containers para ibigay sa aking apat na staff. Routine ko na ito kapag may mga natitira. Ang iba naman ay inuuwi ko at syempre hindi ko pwedeng kalimutan si Lucas dahil tiyak na magtatampo iyon kapag wala ako binigay. Mabuti na nga lang at hindi nasisira ang figure ni Lucas dahil puro matatamis ang ipinapakain ko sa kaniya. Sadyang masipag lang talaga sa gym si Lucas. Kaya hindi na ako magtataka kung maraming babae ang nagkakandarapa mapansin lang nito. Gwapo na, maganda pa ang katawan bagay na iniingatan rin ng kaibigan ko. Pagkatapos ko lagyan isa isa ang mga lalagyan ay binigay ko na ang mga ito sa mga staff ko. "Masisira na talaga ang figure ko nito, Ma'am Jaydee. Two months pa lang ako rito pero pakiramdam ko ay nagkakaroon na ako ng mga baby fats," reklamo ni Felly pero kinuha naman ang inabot kong kraft paper bag na may lamang pastries and slice cakes. "Ang arte mo bruha ka. Kapag wala ka naman dala dahil minsan nauubusan tayo naghahanap ka pa rin. Nakakaloka ka, sabunutan kita riyan makita mo," pumipilantik ang daliri na sabi ni Josa. Nagtawanan kami sa sinabing iyon ni Josa. "Ikaw naman, hindi na mabiro," namumungay ang mata na sabi ni Felly at bahagyang hinimas pa sa braso si Josa sabay kagat sa labi na animo'y inaakit nito ang huli. "Yuck! Hindi tayo talo, gaga ka!" kinikilabutan na sambit ni Josa at niyakap ang sarili. Pinagpapagpag pa nito ang katawan na animo'y nandidiri. Napapailing na lang ako sa kalokohan ng mga ito. Umalis na ang tatlo at naiwan si Luisee na nagpupunas pa ng mesa. "Lui, ako na d'yan. Umuwi ka na at may pasok ka pa bukas," baling ko kay Luisee na abala sa pagpupunas ng mesa. Inabot ko rito ang kraft paper bag at kinuha ang basahan na hawak niya para hindi na siya makatanggi. Alanganin pa nito kunin ang hawak ko. "Sige po ate, salamat po," nahihiyang sambit nito saka kinuha ang bag na nakapatong sa mesa. Palabas na ito ng may maalala akong sabihin. "Lui, kapag may apat na mga guwapong lalaki na nangulit sa'yo, sabihin mo sa akin kaagad," nakangiting sabi ko rito. Nagsalubong ang kilay nito at nagtatanong ang tinging ipinukol nito sa akin. Marahil ay nagtataka ito kung bakit ko iyon sinabi. Ngunit ng tila nakuha na nito ang sinabi ko at kung sino ang apat na tinutukoy ko ay sumilay ang malawak na ngiti sa labi nito. Itinaas nito ang kamay at pinakita sa akin ang makinis nitong braso. Tinapik-tapik pa niya iyon. "Kayang-kaya ko sila ate," puno ng tapang na sagot nito. Natawa na lang ako habang sinusundan siya ng tingin palabas ng pinto. Nakalabas na si Luisee pero nakatingin pa rin ako sa glass door. Mabait na bata si Luisee. Parang nakikita ko ang sarili ko sa kan'ya ng gano'ng edad ako. Hindi pa nag-o-open ang shop ay nag-apply na siya. Tatlo lang talaga ang kailangan ko pero dahil nakita ko kung gaano siya kadesperada na magtrabaho kahit nag-aaral pa lamang siya ay tinanggap ko siya. Hindi naman ako nagsisi dahil masipag siyang bata. "Bakla, mauna na ako, ha. Naghihintay jowa ko sa bahay," paalam ni Josa sa akin. Palabas na ito ng shop ng mag-ring ang cellphone ko. Lumingon naman si Josa sa akin. "Hello?" "I'm on my way." Napangiti ako ng marinig ko ang boses ng kaibigan ko. "Who's with you?" tanong nito. "Si Josa, pero paalis na siya." "Can I talk to him for a while?" Bagamat nagtataka ay binigay ko kay Josa ang phone. Nagtatanong naman ang tinging pinukol niya sa akin ngunit kibit-balikat lamang ang naging tugon ko. "Yes, Papa Lucas. What can I do to my handsome future husband?" maarteng tanong nito ngunit sa akin siya nakatingin ng sinabi niya ang future husband. Inikutan ko lamang ito ng mata. Base sa pagtango nito ay may sinasabi si Lucas sa kabilang linya. Awtomatikong tumaas ang isang kilay ko ng malawak ang pagkakangiti na sumilay sa labi nito. Halata kasing kinikilig ang bakla. "Alright, kung hindi ka lang talaga guwapo, hindi kita pagbibigyan." Binigay na nito sa akin ang phone pagkatapos nila mag-usap ni Lucas. Muli ko naman tinapunan ito ng nagtatanong na tingin nang printe itong naupo sa bakanteng upuan. "Akala ko ba uuwi ka na?" "Dahil wala pa si Papa Lucas ay samahan daw muna kita," sagot nito na hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi. "I see," tanging nasambit ko. Hindi talaga ako hahayaan ni Lucas maiwan mag-isa rito sa shop. Nang mga nakaraan kasi ay hindi pa umaalis ang mga kasama ko sa shop ay narito na siya. Ngayon lang siya nahuli ng punta. Baka marami siyang trabaho sa opisina at hindi niya basta maiwanan. Isa sa kinabibiliban ko kay Lucas, bagamat hindi ito nagseseryoso sa mga babae, responsable at seryoso naman ito pagdating sa iniwang kumpanya ni Tito Luther. Kinuha ko ang aking laptop at naupo sa tapat ni Josa. I check my email. Baka may mga order kasi ako ng weekends. Hindi na ako tumatanggap ng weekdays dahil sa mga estudyante pa lang ay pagod na ako. Nakahinga ako ng maluwag dahil wala pa naman akong nakikitang email ng customer. "Alam mo minsan, nagtataka ako sa inyong dalawa ni puppy. Wala man lang talagang mutual understanding ang nagaganap sa inyong dalawa?" Umikot ang mata ko sa tanong nito. Sinimulan na naman nito buksan ang tungkol sa pagkakaibigan naming dalawa ni Lucas. "I told you, Lucas and I are just friends," sagot ko na hindi ito sinusulyapan. Busy kasi ako sa harap ng laptop ko. "Tsk, mga tao ba kayo?" umiling-iling na tanong nito. "Pero kung maka-asta si Papa Lucas, daig pa ang boyfriend mo. Samantalang si boyfriend eh, hindi ko maramdaman na nariyan sa tabi mo. Mas importante pa ang negosyo kaysa sa jowa," bakas sa boses ang inis na sabi nito. I heaved out a deep sigh. Totoo naman iyon, mas mahalaga pa kay Albert ang negosyo kaysa ang pagtuunan ako ng pansin na girlfriend niya. Tinanggap ko na lang din na hindi talaga ako ang priority niya. Inisip ko na lang na ginagawa niya iyon para hindi siya mapuna ng ama niya. May gap kasi sa pagitan ni Albert at ng ama niya. Hindi ko na lamang pinansin ang mga sinabi ni Josa. Alam ko naman na malaki ang pagkadisgusto nito kay Albert simula pa lamang ng una niya itong nakita. Hanggang sa narinig ko na may pumaradang sasakyan sa labas ng shop. Sabay naman kami napalingon ni Josa sa labas. It was Lucas car. "O, nandyan na si best boyfriend," pilyo ang ngiti sa labi na sabi ni Josa. "Josa, baka marinig ka ni Lucas," saway ko at pinanlakihan ito ng mata ngunit inirapan lang ako nito. "Good evening, sorry medyo natagalan. May dinaanan lang ako," paliwanag agad ni Lucas pagpasok sa shop. May inabot ito kay Josa na box. Base sa box ay alam ko na pagkain ang laman niyon. "Thank you, Papa Lucas," malawak ang ngiti na sabi nito saka nagpaalam na sa aming dalawa. "Ano naman 'yon?" tukoy ko sa binigay nito kay Josa. "Suhol dahil sinamahan ka niya," kakamot-kamot sa ulo na sabi nito saka alanganing ngumiti sa akin. "Hmp, kailangan mo pa ba talagang gawin 'yon?" tanong ko saka muling tinuon ang atensyon sa laptop. "What are you doing?" tanong nito Pumuwesto ito sa likuran ko saka bahagyang yumukod para silipin ang ginagawa ko. Sa ginawa niya ay awtomatiko akong napapikit. Nanuot kasi sa ilong ko ang mabango niyang amoy bagay na naging paborito ko nang amuyin kapag nasa malapit siya. Kahit maghapon ito sa trabaho ay mabango pa rin siya. "Dee," mahina nitong tawag dahilan para magmulat ako ng mata. Awtomatiko naman akong lumingon sa kan'ya. Nanlaki ang mata ko ng muntikan ng maglapat ang labi naming dalawa dahil gahibla na lang pala ang layo ng pisngi nito sa akin. Nakaharap pa ito sa akin kaya kung hindi siguro ako nakaiwas agad ay tatama ang labi ko sa labi niya. "Ano ba, Lucas? Lumayo-layo ka nga sa 'kin," sita ko rito. "Mabaho ba ako?" tanong nito saka umupo sa harap ko. Inamoy pa nito ang sarili. Inirapan ko lang ito at muling binalik ang atensyon sa harap ng laptop. "Kumusta ang trabaho mo?" bagkus ay tanong ko. "Always fine. Wala naman bago sa trabaho ko. Always commanding my staff kung ano ang gagawin at sandamakmak na papeles na kailangan pirmahan at mga meeting na walang katapusan," reklamo nito at tamad na sinandal ang likod sa sandalan ng upuan. Natawa ako sa mga reklamo nito. Wala naman siyang magagawa dahil siya ang CEO at presidente ng kumpanya niya. Kahit magreklamo siya ng ilang beses ay gagawin pa rin niya ang trabaho niya dahil sa kan'ya nakasalalay ang kinabukasan ng kumpanya at ng mga empleyado niya. "How 'bout you, sweet cake?" malambing na balik tanong nito sa akin. Ganito kami parati kapag nagkikita, ang itanong kung kumusta ang araw namin pareho kahit alam naman namin kung ano ang mga ginagawa namin sa maghapon. Kinasanayan na namin ang ganitong routine. "As usaul, ang magsaway ng mga estudyanteng maiingay dahil hindi lang sila ang customer sa loob ng shop. Ang mag-served ng mga orders na walang katapusan," reklamo ko rin rito. Ito naman ang natawa sa reklamo ko. "Kaya mo pa ba mag-bake? Uuwi na tayo kung hindi mo na kaya para makapag-pahinga ka na rin." Natigilan ako sa pagtipa sa keyboard saka awtomatiko siyang sinulyapan. Alanganin akong ngumiti dahil bagamat bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa akin ay mababakas pa rin ang tila lungkot sa mga mata niya. Siguro ay dahil nakalimutan ko na naman ang dapat na celebration naming dalawa ngayon. "Sorry. Matanda na yata ako dahil nakakalimot na ako," sabi ko at sinara na ang laptop. Dinig ko ang pagpapakawala nito ng mabigat na buntong-hininga. "I am busy too, Dee, pero never ko nakalimutan ang espesyal na araw nating dalawa," tila nagtatampo na sabi nito. "Sorry na nga po eh. Isa pa, sabihin na nating nakalimutan ko, pero isa lang ang hindi ko makakalimutan…" malawak ang ngiti sa labi na sabi ko saka tumayo at lumapit rito. "What is it?" matamlay na tanong nito. Hinawakan ko ito sa braso at pinatayo. Sa tangkad nito ay kailangan ko tumingkayad para sapuhin ang magkabilang pisngi nito at pisilin. Nagusot naman ang mukha nito sa ginawa. "Na may bestfriend akong guwapo na katulad mo." Pagkatapos ko iyon sabihin ay niyakap ko ito. Naramdaman ko ang pagtugon nito sa yakap ko dahilan para mas lalong sumilay ang malawak na ngiti sa labi ko. "Iyan ang gusto ko sa'yo eh, kahit alam ko na guwapo ako ay binobola mo pa rin ako," pagmamayabang na naman nito. "Umiral na naman ang kayabangan mo," natatawang turan ko dahilan para tawanan ako nito. Lalo pa humigpit ang yakap niya sa akin. Pagod man kami maghapon, yakap lang nito ang nagpapawala ng pagod ko at alam kong gano'n din siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD