Chapter 5: The Demon's Return

2152 Words
PILIT kong sinasabi sa sarili ko na hindi totoo ang lalake sa aking panaginip, pero bakit gano’n? Nagpapakita siya ng mga senyales na totoo siya, at ilang beses ko na siyang napapanaginipan. Tuwing sumusulpot siya sa mga panaginip ko, umaakto siya na para bang kilala niya ako. Isa pa, iba na rin ang pakiramdam ko sa kanya dahil ang pamilyar niya sa ‘kin, e. Hindi ko maintindihan kung bakit. Traffic ngayon, kaya medyo ginabi ako ng uwi. Si Mama lang naman ang naghihintay sa ‘kin sa bahay, kaya hindi naman ako malalagot. Habang naglalakad ako pauwi mula sa school, bigla akong nakarinig ng sigawan sa loob ng aming bahay. Nagkakamali ako; patay ako nito. Nalaglag ang aking panga nang makita ko ang isang pamilyar na pares ng itim na sapatos sa pintuan namin. Dama ko ang pagkabog ng puso ko. Ginawa ko ang lahat upang hindi makalikha ng ingay. Dahan-dahan lang akong sumilip sa loob. Hindi muna ‘ko pumasok; baka kung ano pa ang mangyari sa ‘kin. Nakauwi na ang demonyo. “Saan ka na naman nanggaling, ha? Nando’n ka na naman sa kabit mo, ano? Imbes mapakain mo kami ng anak mo, mas napupunta iyong pera mo sa kabit mo. Puro ka na lang inom t‘saka kabit. Sawang-sawa na ako sa ugali mo, Ernesto! Wala ka nang ginawang tama sa pamamahay n—Ernesto, anong ginagawa mo?” Dama mo sa tono ni Mama ang pagkasiphayo. Nagsimulang umikot-ikot si Papa na tila bang may hinahanap. Nakita ko kung paano iginala ni Papa ang kanyang tingin sa bahay na mas lalong nagpalala sa kaba ko. Alam ko ‘yong tingin na ‘yan. . . . Hinahanap niya ako upang labasan ng sama ng loob. “Nasaan na si Franzine?” Mahina, ngunit gigil ang boses ni Papa. Binalewala niya lang ang mga sinasabi ni Mama. “Ikaw ang pinaguusapan natin, Ernesto! ‘Wag mo na idamay ang anak natin—” “Anak? Wala akong anak na palamunin dito sa pamamahay ko. Gabi na, a? Nasaan na ba ‘yong walang kuwentang anak mong ‘yan?!” Nakarinig ako ng pagbasag ng gamit sa loob ng bahay na ikinagitla ko. Ito na naman ang demonyo, nagbabasag na naman ng gamit. Ramdam ko ang paninikip ng aking dibdib dahil muli akong sinabihan ng palamunin t‘saka walang kuwenta. Kaunti na lang, at maniniwala na akong gano’n talaga ako, pero ayos lang. . . . Sanay na ako. “Franzine!” galit na sigaw ni Papa. Nanginig ang mga tuhod ko. Panay lunok ako ng laway saka naglakas-loob na pumasok sa loob ng bahay upang harapin siya. “T-traffic po ‘yong daan pauwi. Pasensya na po, Papa.” Nakayuko kong paumanhin kay Papa. Marahas akong kuwinelyuhan ni Papa. Nalalanghap ko ang nakahihilong amoy ng sigarilyo’t alak sa kanyang puting polo. Nakasusuka! Napapikit na lang ako nang mariin saka huminga nang malalim para pakalmahin ang aking sarili. Sanay na ako. “Ernesto!” pagpigil ni Mama kay Papa. Napakuyom na lang ako ng kamao dahil sa inis. Sana may lakas-loob akong lumaban, pero hindi ko iyon magawa kasi isa akong mahinang nilalang. Hinding-hindi ko kayang labanan ang kaisa-isahan kong tatay. Kahit na demonyo ito, mahal ko pa rin ang aking ama. “Huwag kang magsisinungaling sa ‘kin, Franzine,” pagbabanta ni Papa. Ang mapupungay niyang mga mata ang nagsilbing pruweba na siya’y nanggagalaiti na. “Natututo ka na ng kalandian, ‘no?!” Mas lalong hinigpitan ni Papa ang pagkuwelyo niya. Nanginig ang mga labi ko dahil baka saktan niya ako muli. Natatakot ako. Mabuti na lang na ako lang ang sinasaktan niya, at hindi si Mama. Matitiis ko pa ‘yong p*******t ni Papa sa ‘kin, pero kapag ginawa niya iyon kay Mama, iyon ang oras para rumebelde na ako. Ang galing! Ni nga kaibigan ay wala ako, kalandian pa kaya? Huwag mo na akong hanapan ng butas, ‘Pa. Problema mo iyan, huwag mo na ilabas sa akin. “H-hindi po,” boses tupa kong tugon. Marahas niya akong binitiwan, kaya agad akong natumba sa sahig. Namutla ako nang makita ko kung paano niya hugutin ang kanyang sinturon mula sa kanyang pantalon. Gusto kong magmakaawa, pero hindi ko magawa. Namumuo na naman ang luha sa aking mga mata. Gusto kong tanungin ang papa ko kung nakararamdam pa ba siya ng awa sa ‘kin? Hindi ba siya nakokonsensiya kapag sinasaktan niya ako? Panginoon, patawarin niyo ang tatay ko. “Dapat pina-abort mo na lang ‘yong hayop na ‘yan, e. Magmula no’ng dumating ‘yan sa mundong ‘to, nagkandaletse-letse na ang buhay ko! Magsama kayo ng nanay mo. Dapat namatay ka na lang!” Tila bang isang latigo ang kanyang sinturon saka hinampas niya ito sa hita ko. Isang impit na daing ang nakawala sa aking bibig sa hapdi. Kinagat ko ang ibabang labi ko. Ang sakit! Ako ba . . . ako ba ang may kasalanan? Pinigilan ko ang sarili ko na magluha dahil baka mas lalong kumulo ang dugo ni Papa, at ayaw kong mangyari ‘yon. Binaling ko ang tingin ko kay Mama. Ramdam kong naaawa na siya sa ‘kin kahit wala siyang binabanggit. ‘Ma, tulungan mo ako. Akmang hahampasin ako muli ni Papa, kaso biglang tumunog ang kanyang cellphone mula sa kusina. Agad nawala ang pagkunot ng kanyang noo. Siguro kabit niya na naman ang tumatawag, kaya biglang naglaho ‘yong galit niya. Dumiretso siya sa kusina upang sagutin ang tawag, at iniwanan kami ni Mama. “Phew!” Nakahinga ako nang maluwag nang umalis si Papa. Pinanuod ko si Mama na mukhang anumang oras ay iiyak na, ngunit mas pinili niyang magpakatatag. Ginawa niya ang lahat upang gawing tuwid ang kanyang itsura; it pains me just looking at her façade. “M-Mama,” tawag ko. Hindi ko alam kung paano ko siya lalapitan lalo na’t hindi kami ‘yong tipong open sa isa’t isa. Natatakot ako dahil baka itulak niya lang ako palayo. Ang hirap para sa ‘kin dahil wala akong maitulong sa kanya. Mahirap sa ‘kin dahil hanggang dito na lang ang pagitan ng relasyon namin ni Mama; hindi tulad ng ibang mga taong malapit sa kanilang nanay. “Pumanhik ka na sa taas, Franz. Wala tayong ulam ngayon. Ginastos kasi ng magaling mong tatay ‘yong pambili natin ng ulam, kaya wala tayong uulamin,” walang emosyong wika ni Mama. Hay, hindi talaga hilig ni Mama magpakita ng kahit kaunting lambing. Tulad ko, ayaw niya ring maglabas ng emosyon. Sana magbago na ang tatay ko, pero mukhang malabong mangyari iyon. “Ayos lang po. Wala rin po akong ganang kumain,” pagsisinungaling ko. Kung alam mo lang, Mama. Gutom na gutom na ako. Araw-araw na lang ganito. “Sige na’t pumanhik ka na sa taas. May pasok ka pa bukas.” Tumango-tango ako saka pumanhik na. Hindi pa rin nawawala ang bigat sa aking dibdib. Lagi na lang ganito tuwing nandito si Papa, puro sigawan saka p*******t ang nagaganap. Ganito ang buhay namin. Minsan, dalawang beses sa isang araw nakakakain; kadalasan ay isa, pero ayos lang. Sanay na ako—hindi, mali. Sawang-sawa na ako. Gusto kong ipagsigawan na hindi porke sanay na ako ay maayos lang sa akin ang lahat ng ito. Nasasaktan din ako; napapagod din ako. Ang hirap dahil para akong tinanggalan ng kalayaan upang magsabi ng nararamdaman ko. Hindi ko magawang sumagot; hindi ko magawang ipaglaban ang sarili ko. Mahina lang ako. Parang pinipiga ang puso ko kay Mama. Gusto kong tanungin kung bakit ‘di pa niya hinihiwalayan si Papa. Mahal ko si Mama kahit hindi kami gaanong open sa isa’t isa. Dama ko lahat ng mga efforts niya para sa ‘kin. Hindi ko alam kung paano natitiis ni Mama lahat ng mga katarantaduhan ni Papa. Bakit ba siya nagpapakamartir kay Papa? Minsan, kapag sinasaktan ako ni Papa, napapaisip ako kung paano niya natitiis iyon? Ang bigat sa kalooban. Araw-araw na lang ganito. Sawang-sawa na ako sa buhay ko. Sawang-sawa na ako sa pagmamaltrato ni Papa. Sawang-sawa na ako sa mga kaklase ko. Sawang-sawa na ako sa pag-iyak ni Mama tuwing gabi. Sawang-sawa na ako sa kaduwagan ko. Sawang-sawa na ako sa gutom. Sawang-sawa na ako sa lahat-lahat! Kahit gusto kong umiyak ay hindi ko iyon magawa-gawa. Nakakagalit . . . sobra. “S-sige po, ‘Ma. Panhik na po ako sa taas.” Nakita ko ang dismaya sa mukha ni Mama. Klarong-klaro na kailangan niya ng kausap, pero ‘di ko alam kung ano ang pumipigil sa ‘kin na lapitan siya. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kinamumuhian ko ang sarili ko dahil isa akong duwag. Hindi totoong hindi ako marunong makiramdam. Alam ko nang eksakto kung ano ang nangyayari; hindi ko lang alam kung paano ko haharapin ang lahat ng iyon. Ang hirap maging bata’t tanga. Pagpanhik ko sa taas, agad kong binagsak ang katawan ko sa banig na tinutulugan ko saka impit na humikbi dahil sa bigat na nararamdaman ko. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinilit na patulugin ang aking sarili. “G-gusto ko na magpahinga,” namamaos kong bulong saka tuluyang natulog. “WELCOME home, Franz.” Agad kong inangat ang tingin ko sa aking paligid dahil sa pagbati no’ng misteryosong lalakeng na laging nagpaparamdam sa ‘kin tuwing nananaginip ako. At nandito na naman ako, sa autumn scenery na ‘to. At ayan na naman siya—ang misteryosong estranghero ng panaginip ko . . . na may suot-suot na puti’t gintong Venetian mask. “Layuan mo ‘ko,” walang gana kong utos sa kanya. Tinawanan niya lang ako nang mahina. Ba’t ganyan itsura niya? Mukhang timang. “Layuan mo ‘ko,” mapang-asar niyang ginaya ang boses ko in a high-pitched tone. “Bakit mo ‘ko ginagaya?” kunot-noo kong pagtataka. “Bakit mo ‘ko ginagaya?” “Tigilan mo iyan. ‘Di na ako natutuwa.” “Tigilan mo iyan. ‘Di na ako natutuwa,” mimic niya muli. Buwisit! Dahil sa inis ko, tinulak ko siya palayo saka inirapan siya. Wala ako sa mood para makipagbiruan. Dismayado pa ako sa mga magulang ko. “Sira-ulo,” pag-ungot ko sabay talikod. Nang talikuran ko siya, napatagilid ako ng ulo nang makita ko siyang sumulpot sa harap ko. Ha? Paano siya napunta riyan? Ano iyon, magic? “Paano ka—” “Nais kitang dalhin sa isang magandang lugar, Binibini. Papayag ka bang sumama sa ‘kin?” Tinaasan ko siya ng kilay. Ang suspicious ng approach niya. Ba’t ako sasama? At saan naman kami pupunta? “Ayaw ko,” mariin kong pagtanggi. Tumayo siya nang matuwid saka napahawak sa kanyang baba. “Hmm, gano’n ba?” “Oo.” “All right, suit yourself. You see that dark portal behind you?” Agad naman akong napalingon sa kanyang tinuro. Halos lumuwa ang aking mga mata sa nakita ko. May . . . black hole na papalapit sa ‘min! No, no, no! “If you don’t come with me, that black hole is going to consume you . . . forever. Kaya kung ako sa ‘yo, Binibini, sumama ka na sa ‘kin. That, my friend, is where you came from and it gives you nightmares, but since you don’t want to come with me, then all right . . . suit yourself.” Tinalikuran niya ako, at nagsimulang maglakad palayo. Tiningnan ko muli ang likod ko; pabilis lang nang pabilis ang paglapit sa ‘min ng black hole. Ayan na naman ‘yong nakabibinging boses ng mga magulang ko’t ng mga kaklase ko. Ayaw ko na mapunta riyan ulit! Hindi, layuan niyo ako! “S-sandali!” pagpigil ko sa kanya. Agad siyang napahinto saka dahan-dahan akong tinalikuran. Binigyan niya ako ng isang nakaiiritang ngiti. “Hmm?” “S-sasama na ako.” Hinabol ko siya. Kaunti na lang, at maabutan na ako nitong black hole. Ayaw kong makain niyan! “Akala ko ba ayaw mo?” pamimikon niya. Ang sarap talagang sapakin nitong lalakeng ‘to. “Gusto mo ba akong sumama, o hindi?” Tinaasan ko siya ng boses. Nakasusura; mukhang ayaw pa niya akong isama. Nakuha pa niya talagang mang-inis! Nagulat na lang ako nang bigla siyang nawala sa harap ko, at biglang sumulpot sa likod ko na tila bang isang multo upang ako’y mapalingon. Tinapik niya ang balikat ko na ikinagitla ko. Nakakaasar na magic man ‘to! Sinamaan ko siya ng tingin. “Ano bang ginagawa m—” “Let’s not waste anymore time, Franz.” Ngumisi siya nang malawak. “The celebration is about to start.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD