KADAX’s POV “Mom, Dad,” hindi ako makapaniwala na nandito na ang parents ko. Akala ko, gabi pa sila makakarating pero hapon pa lang nandito na sila. Paano sila nakapasok? Sino ang nagpatuloy sa kanila? Ibinaba ko ang palakol at lumapit ako sa kanila. Hindi naman ako papagalitan ni Lolo Cirilo kung tumigil ako sandali at lapitan ko ang parents ko. Palapit na rin sila sa akin. Pinunasan ko muna ang aking pawis. Hindi dahil naaasiwa ako na maamoy nila kundi mababasa sila. Tagaktak pa naman ang pawis ko. “Kumusta ka, anak?” ganito ang Mommy ko. Laging tunog na nag-aalala. Hinawakan pa niya ang aking pisngi. “Madudumihan po ang kamay mo, Mom,” sambit ko. Nagmano ako sa kanilang dalawa at ako lang ang humalik sa pisngi nila. “Okay naman po ako. Sino po ang naghatid sa inyo rito?”

