Chapter 8

1373 Words
"Mom, Dad!" tawag niya sa mga ito ng mapatapat sa screen ng TV. Gusto niyang maiyak pero pinigilan niya dahil baka mag-alala ang mga ito. Isang matapang na babae ang imahe niya sa mga magulang. Palaban at walang kinasisindakan. "Anak!" magkasabay na sambit ng parents niya. Ang mommy niya ay nakahawak pa sa dibdib dito habang nakaakbay naman ang daddy niya at hinihimas ang likod nito. "Elix, sigurado na ba kayo sa gagawin niyo ng fiance' mo?" diretsang tanong ng Daddy niya sa kaniya. Napakunot bigla ang noo niya at pasimpleng binigyan ng nagbabagang tingin si T-Ross. Ano naman kaya ang pinagsasabi nito sa mga magulang ko? Anong fiance'??? T*rantado talaga 'tong talipandas na 'to kahit kailan! Ngitngit niya habang nagkikiskisan ang ngipin niya. "Uhm.. Dad, nagkakamali po ---" hindi niya natapos ang sasabihin dahil agad siyang pinutol nito. "Don't worry, Tito. I will take care of her. And we will bring back Eros. I promise you that," puno ng kumpiyansa nitong sambit sa kaniyang ama. Lihim siyang napairap dito. Aircon talaga! Hay naku! Ang Daddy niya ay isang retired Military, nasa England ngayon ang parents niya kasama ang pangalawang kapatid niya habang siya naman ang bunso at nag-iisang babae. "Mag-ingat kayo sa misyon niyo, nawa ay maging ligtas din si Eros. At ikaw iha, sumunod ka kay Ross para hindi kayo parehas mapahamak," bilin ng ama sa kanya. Napasimangot siya dahil tila ang lumalabas ay siya pa ang pabigat sa misyon nila. "Maasahan niyo po Tito na babantayan ko po si Elix. Papaluin ko po at paparusahan kapag matigas ang ulo," wika nito sa kaniyang ama pero may naglalarong pilyong ngiti sa mga labi ng tumingin sa kaniya. "Binibigay ko ang basbas ko iho. Habaan mo lang ang pasensya sa batang iyan at sadyang matigas ang ulo niyan." Nanghahaba ang nguso niya sa sinabi ng ama lalo na sa sinagot ng aircon na ito. Pigil na pigil siya na bigwasan ang impakto. Pasalamat lang talaga ang lalaking ito at nasa harapan sila ng magulang niya kundi kanina pa ito bumulagta. Hindi naman mapuknat ang nakakalokong ngiti sa labi nito kaya lalong nagpupuyos ang damdamin niya sa inis. Nang matapos ang pakikipag-usap nila sa magulang ay kinumpronta niya si T-Ross. "Hoy Mr. Fierro! Ano ang pinagsasabi mo sa magulang ko ha? Ano'ng fiance'? At bakit parang kilalang-kilala mo ang daddy ko?" sunod-sunod na tanong niya. Tila kasi napakapanatag ng daddy niya na ipagkatiwala siya sa hudas na ito. Kilala niya ang ama niya at hindi ito basta-basta nagtitiwala sa kahit na sino. Ngumisi ito at tumingin sa kanya. Sinenyasan siya na lumapit at umupo sa katabi nitong upuan. Sinimangutan niya ito bago nagsalita, "ayoko umupo. Sagutin mo yung tanong ko! Dami mo pang sinasabi" umirap pa siya dito sabay halukipkip na lalo lang kinalaki ng ngisi nito. "Childhood best friend ko si Eros. Magkaibigan din ang mga pamilya natin. Best friend ng Dad ko ang Dad mo parehas sila na galing sa military." paliwanag ni T-Ross sa kaniya. Ngayon ay unti-unti na niyang naiintindihan. "Pero bakit hindi kita kilala kung magkaibigan ang pamilya mo at pamilya ko? Ni anino mo hindi ko pa naman nakikita sa tanang buhay ko," puno ng kuryosidad ang tono na turan niya dito. Hinimas nito ang baba bago umangat muli ng tingin sa kaniya. Tila ito aliw na aliw sa pagiging curious niya. "Umupo ka nga kasi dito. Ang sakit kaya sa leeg makipag-usap na nakatabingi ang ulo ko," pabirong reklamo nito. Umirap muna siya sa hangin bago padabog na umupo sa tabi nito. "O ayan, umpisahan mo na. Dalian mo!" angil niya dito. "Umpisahan ko na? Dito? Sigurado ka ba, $ekerim? Hindi soundproof dito," sambit nito na tila nang-aakit pa ang mga mata at pinapungay. Marahas niya itong nilingon bago nanggigigil na sinipa ito sa may binti dahilan para mamilipit ito sa sakit pero hindi pa din mabura ang ngiti at dinig pa niya ang pigil nitong pagtawa. "Ang halay mo talagang herodes ka!" "Joke lang! Ang cute mo kasi mapikon. Namumula yung ilong mo, kamuka mo si Rudolf" sumasayaw ang mga mata nito sa aliw habang nakatingin sa mukha niya. "Rudolf, the red-nosed reindeer? Ang luma ng joke mo," patamad niyang sansala dito. "Hindi. Rudolf Hitler!" sabay tawa ng malakas na humawak pa sa tiyan. Habang siya ay nagtitikwasan ang mga kilay at nanlalaki ang butas ng ilong sa sobrang inis. "Sana last na iyan na joke mo kung hindi baka barilin ko na iyang bibig mo!" wika niya na inumang ang baril dito. Umiiling ito na umayos ng pagkakaupo bago muling nagsalita. Tumikhim muna ito, "eto seryoso na. Dito ako nag-elementary at classmate ko din si Eros. Pero nang maka-graduate ako ng elementary ay lumipat kami sa Turkey para doon na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Sa Turkey din kasi nadestino si Dad na ginusto din naman niya dahil nagkaroon din siya ng pagkakataon na hanapin ang lolo ko. Half-Turkish kasi si Dad pero never niya na-meet pa si lolo at nagtagumpay naman siya at nagkita sila." Nagpatuloy pa ito sa pagkukwento habang siya ay tahimik lamang na nakikinig at paminsan ay tumatango-tango. "Bumalik ako ng Pilipinas noong naka-graduate na ako ng college at nagpasya na pumasok sa Special Forces. Doon na kami nagkita ulit ni Eros. Ayun, matapos namin magkita ay hindi na kami mapaghiwalay. Muntik na nga kami maging mag-jowa," sabay pilantik nito ng mga daliri at paghawi nito ng imaginary na buhok. Dinampot niya ang ballpen na nasa table at binato ng mahina dito na mabilis naman nito nasalo. "As if naman papatulan ka ni Kuya Eros!" inirapan niya ito pero sinusupil din na mapangiti. "At eto pa, alam mo bang nakarga pa kita noong baby ka pa?" "Ow?" ayaw na niya maniwala dito basta-basta. Mahirap na. Pero napaisip siya, pitong taon kasi ang tanda sa kaniya ng kuya Eros niya. Ngayon ay twenty-five na siya at malamang ito naman ay nasa thirty-two na kung magka-edad sila ng kuya niya. Nilapit nito ang mukha sa kaniya, "oo, natakot pa nga ako noon kasi ang liit mo at ang lambot. Pero sobrang cute mo kasi at ang taba-taba!" pinisil nito ang pisngi niya habang tila nanggigigil ang mukha. Tinabig niya ang mga kamay nito "Ang sakit, bwisit ka!" "tinulungan ko din si Tita Elisse noon na palitan ka ng damit" may bigla nanaman na sumilay na pilyong ngiti sa labi nito. "Ano pedophile lang?" hinampas niya ito sa braso. "Tapos pinalitan din kita ng diaper. Nakita ko pa nga yung ---" sinadya nitong bitinin ang gustong sabihin kaya inambahan niyang ihahampas ang folder sa mukha nito. "G*go ka! Ang halay ng bibig mo!" "Yung birthmark mo. Ano bang iniisip mo? Ikaw ang mahalay diyan eh!" umangat-angat pa ang mga kilay nito. Inirapan niya ito sabay sandal sa upuan, "ewan ko sa'yo!" Umiling ito bago tumayo na at sinamsam ang mga folders at papel sa table bago pinatay ang laptop "tara na, maaga pa ang misyon natin bukas," pagyaya nito sa kaniya. Tumayo na din siya at humikab bago nagsalita, "alam ko pagod ka na, huwag mo na 'ko ihatid. Magta-taxi na lang ako" Lumingon ito nang nakakunot ang noo habang kipkip ang laptop at mga folders sa kanang kamay "No, $ekerim. Doon tayo sa condo ko". Napanga-nga siya bago naniningkit ang mga mata na lumapit dito "Hoy lalake! May bahay ako kaya doon ako uuwi!" angil niya dito habang nakapameywang. Iniisip pa lang niya na makakasama niya ito sa pagtulog ay hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman. Jusko! Huwag marupok, Ghorl! Tumawa ito ng mahina wari ba ay nabasa ang nasa isip niya ngunit hindi na lang isinatinig sabay palatak, "hindi pwede. Nag-umpisa na ang misyon, $ekerim. Kailangan na nating mag-ingat. Hindi natin alam kung may mata ba dito sa loob ng kampo ang kalaban. Kaya kailangan natin magdoble ingat. Nangako ako kay Tito Rex na babantayan kita kaya huwag na matigas ang ulo kung ayaw mong mapalo" kumindat pa ito bago nagpatiuna sa paglalakad. Gigil na sumunod na lang siya habang inaambahan ito ng suntok sa likod "impakto!" mahinang bulong niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD