CHAPTER 2

2088 Words
PAGKATAPOS ng unang set ng pagtugtog ng Summer Rain Band ay nagpahinga muna ang banda. Inisang lagok lang ni Katarine ang natitira pang laman ng mineral water na nasa lapag ng stage na katabi ng drum set bago siya tumayo at isiniksik ang drumstick sa bulsa sa likod ng pantalon niya. Kagyat pa siyang napangiti sa sarili nang matanaw ang mga taong nasa loob ng Infinite Music Lounge kung saan sila regular na tumutugtog. Hindi magkamayaw ang dami ng tao sa gabing iyon at hindi rin naman lugi ang mga taong naroon dahil sa ganda ng music lounge, sarap ng pagkain doon at ganda ng musika na tinutugtog nila gabi-gabi. The lounge is considered as one of the high-end nightclub s***h music club in the Philippines located in Manila. Sa katunayan ay ilang beses na itong na-feature sa mga business at showbiz news. Numero uno ring dinadayo ng mga sikat na personalidad sa loob at labas ng bansa ang lounge dahil sa one-of-a-kind ambiance ng lugar na pinaghalong Arabic, Greek and Mediterranean setting. Lalo pang dinumog ang lugar nang madiskubre ng mga tao na ang music lounge ay pag-aari ni Nicole Andrade, ang sikat na Filipino pop singer turned actress at tinaguriang IU of the Philippine showbiz. And today is just another day at the lounge. Full packed ang lugar kahit pa nga pangkaraniwang araw lamang iyon. Pababa na sana siya ng stage para pumunta sa banyo nang sabihin sa kaniya ng isang waiter na tinatawag siya ni Aldrich, ang manager ng lounge. Kaibigan itong matalik ni Brian at ito ang nagrekomenda sa banda nila kay Nicole. “Yes, boss?” tanong niya sa lalaking matanda lang ng ilang taon sa kaniya pagkalapit niya rito. Naabutan niya itong nakatayo sa may bar kung saan ito naghihintay sa kaniya. Bahagya siyang tumalungko at kumapit sa steel backrest ng bar stool para marinig ang sasabihin nito dahil may kaliitan ito kumpara sa kaniya na 5’7” ang taas. Medyo maingay na rin dahil sa pumailanlang ng disco music na pinatugtog ng DJ ng lounge na si Don. “May naghahanap sa iyo, Kata. Abogado raw,” imporma nito. Kumunot ang noo niya. At bakit naman may maghahanap na abogado sa kaniya? May naatraso na naman ba siya nang hindi niya alam? “May gulo ka na naman bang napasukan? May naagrabyado ka ba?” tila nabasa nito ang tanong sa isip niya. Nagdududa siya nitong tinitigan bago sinilip ang lalaking nasa isang sulok ng establisyemento. Pinagsalikop niya ang kamay saka umiling. “Last time I checked, nag-counter charge na si Brian sa physical injuries na ikinaso sa akin ng magaling n’yong kaklase. Nakipag-settle na lang sila kay Brian kaya ‘di na natuloy ang kaso,” pahayag niya saka sinundan ang sinisipat nito. Medyo madilim sa bahaging iyon kaya hindi niya masyadong makita ang hitsura ng naghahanap sa kaniya. “Ah, ewan. Naku, ikaw, Kata, tumino-tino ka na, ha. Paano ka ba naman maliligawan niyan kung inuunahan mo ng sindak ang mga lalaking inirereto namin sa iyo?” muli nitong sermon sa kaniya.  Itinirik lang niya ang mga mata saka umiling at sumimangot. Raratsada na naman kasi ito ng panenermon sa kaniya, palibhasa kasi, nakahiligan na yata nito ang i-set-up siya kung kani-kanino, eh, panay naman malamya o ‘di kaya ay out of her league ang inirereto nito sa kaniya. “SIge na pupuntahan ko na?” sabi na lang niya dahil sasalang na naman sila sa stage after twenty minutes. Sinamahan siya nito sa isang sulok ng bar. Agad na tumayo ang lalaki na nakaupo sa pandalawahang lamesa na naroon. Matangkad ito, mga nasa 5’10” o 5’11” siguro ang height nito. Nakasalamin ito at naka-suit and tie, halata rin sa malikot na mata nito na hindi ito palagawi sa ganoong klaseng lugar. Bumaba ang tingin niya sa lamesa nito, naroon ang isang baso ng orange juice na nangangalahati pa lang ang laman at isang tasa ng mixed nuts na complimentary na inilalagay sa bawat lamesa sa lounge. Napangiti pa siya sa sarili dahil mukhang hindi yata ito umiinom ng alak. Muli niyang sinipat ang lalaki. Halos kasing-edad niya lang siguro ito, nasa early thirties pihado. Kahit pa nga madilim sa bahaging iyon ng bar, hindi maikakaila na magandang lalaki ito. Iyon nga lang, walang self-confidence at tila ba ilang na ilang sa mataong lugar. “H-Hi, I’m Dylan Torres. Attorney Dylan Torres,” pakilala nito sa kaniya bago inilahad ang kamay. “Kata,” matipid na tugon niya. Inabot niya ang kamay nito at nakipag-kamay rito. Inanyayahan siya nitong umupo ngunit tumanggi siya. “I’m fine, thank you.” Sumandig siya sa pader paharap dito saka humalukipkip. Wala rin namang nagawa si Aldrich kahit pa nga palihim siya nitong sinaway at inginuso ang upuan ngunit hindi naman siya natinag. Nagpakawala na lang ito ng hininga. Alam kasi nitong nuknukan talaga ng tigas ang ulo niya. “Aalis na muna ako. Mag-behave ka, ha,” bulong ni Aldrich saka siya pinandilatan bago nagpaalam sa kaharap na abogado. “Siya na ang bahala sa iyo, attorney.” Tumikhim siya bago tiningnan ang lalaki na noo’y nakatingala at kiming nakatitig lang sa kaniya. Bahagya siyang lumapit. Dumukwang siya at itinuon ang mga palad sa lamesa. “Spit it up, attorney. Am I in trouble?” naiinip niyang tanong. Sa dami kasi ng trouble na nasangkutan niya, hindi na bago sa kaniya ang makausap ng kung sino-sinong abogado, magkaminsan pa nga ay mga pulis na pawang naninindak pa. “Ah, hindi… hindi,” kaagad na sagot nito na iwinagyway pa ang mga palad sa harap niya. Alanganin itong ngumiti saka bumuntong-hininga. “Ahm, tapos ka na ba sa pagtugtog? Gusto ko sanang i-explain sa ‘yo ang lahat ng kailangan kong sabihin sa tahimik na lugar at hindi rito,” sambit nito saka iniligoy ang mga mata sa paligid pagkuwa’t bumalik sa kaniya. “May dokumento rin kasi na kailangan mong makita at mabasa,” paliwanag nito. Muli siyang tumayo. Pinagkrus niya ang kaniyang dalawang kamay sa tapat ng dibdib niya saka siya nagkibit-balikat. “May dalawang set pa kami, eh,” sagot niya bago ito pinakatitigan. “Tungkol ba saan ‘yan? Sabihin mo na lang, attorney, kahit pahaging.” Muli itong humugot ng hininga bago alanganing ngumiti at umiling. “Mamaya na lang siguro. Importante kasing maintindihan mong maigi ito. Willing naman akong hintayin ka.” Sa halip na linawin sa kaniya ang sadya ay minabuti nitong ipagpa-mamaya na lang pagpapaliwanag. Tumaas ang kilay niya. Iba ang pakiramdam niya sa sinabi ng lalaki kaya pinagmasdan niya itong maigi para basahin ang awra nito. “We’ll be off siguro mga eleven pa? Okay lang sa iyo?” naninigurong tanong niya habang hinihintay ang magiging reaksyon nito. “Of course, of course. Take your time,” tugin nito na hinaluan ng awkward na ngiti. Nagtaka siya sa ikinilos nito. He is not intimidating as the others but he is definitely smart, ‘yon nga lang, mukhang ilang bullies na ang bumiktima rito. She exhaled then nodded. “Okay. Excuse me,” paalam niya saka ito tinalikuran. Makaraan ang ilang minute ay bumalik na ang banda sa stage at muling tumugtog. Halos nalimutan na rin niya ang engkuwentro niya sa batang abogado habang tumutugtog ang banda. Napuno ng saliw ng musika ang utak niya lalo at hindi magkamayaw ang mga taong naroon sa lounge. Mentras lumalalim ang gabi ay mas lalo pang parami nang parami ang taong dumarating. Partida, hindi pa weekend ngayong gabi pero mukhang hindi na mahulugang-karayom ang loob ng lounge. Dahil sa ilang requests ng mga fans na hindi naman matanggihan ni Brian, lampas hating-gabi na sila natapos sa pagtugtog. “Sino ‘yon?” bulong ni Brian sa kaniya habang inaayos nila ang mga instrumento pagkatapos ng huling kanta nila. “Are you in trouble again?” Humarap ito sa kaniya at pinagmasdan ang ekspresyon ng mukha niya. Itinirik niya ang mga mata niya at naiinis na bumuga ng hangin. “Why is everybody asking me that? Mukha ba talaga akong sanggano because of my tats and piercing? O, talagang ‘yan na ang iniisip n’yo sa akin because troubles seem to follow me wherever I go?” naiiritang reklamo niya. “He looks decent, kabaligtaran mo. So, bakit ka hinihintay? Kanina pa ‘yan dito, ah,” nagdududang tanong nito saka lumipad ang tingin sa lalaking noo’y papalapit na sa stage. Siniko niya ang ka-banda saka umiling. “Malay ko. May kailangan daw sa akin, eh. Malay mo, gusto akong kontratahin,” tudyo niya na ikinasama ng tingin nito. “The hell! Ikaw? Magpapa-party ako kapag sinulot ka ng ibang banda. Sakit ka sa ulo ko, eh, alam mo ba ‘yon?” biro nito saka umiling-iling at ipinagpatuloy ang pagliligpit. “Bet? Malay mo, ito na ang huling gig ko? Sigurado, mami-miss n’yo ako!” tudyo niya saka pabirong tinadyakan ang guitar case na hawak nito. Inasikan lang siya nito bago natatawang umiling. Sa tagal ng pagsasama nila ni Brian sa banda, parang magkapatid na ang turingan nila. Kung dati ay masyado itong mahigpit lalo na sa love life niya, ngayon ay halos ipagtulakan na siya nito sa pakikipag-date. “Una na ‘ko,” paalam niya sa mga ka-banda matapos isuksok ang drumstick sa bulsa niya sa likod. Malapad na ngumiti ang mga ka-banda niya saka nang-asar nang makalapit ang abogado. “Invited kami sa kasal n’yo ni attorney, ha,” tudyo ni Ramil, ang bassist ng banda. “Attorney? Abogado ang ka-date mo, Kata?” Nanlaki ang mata ni Brian bago muling ipinukol ang tingin sa lalaking nasa ibaba na ng stage. “Oo, Bry. Maigi ‘yan para makaalpas agad sa trobol,” tumatawang sambit ni Oli, ang vocalist nila. Sasagot na sana siya nang tawagin siya ng abogado kaya masamang tingin na lang ang ipinukol niya kay Oli na ginantihan lang nito nang nakakabuwisit na kindat bago binirahan ng malakas na tawa. “Sige na,” taboy ni Brian saka siniko si Oli. Patalon siyang bumaba ng stage bago muling lumingon nang tawagin siya ni Oli. “Attorney, walang curfew ‘yan kaya okay lang kahit umaga mo na ihatid o kahit itanan mo na, walang maghahanap diyan,” pang-aasar ng lalaki. “Buwisit na—” Hindi na niya naituloy pa ang pagsasalita at paghakbang sana pabalik sa stage nang pigilan siya sa braso ng abogado. “Don’t worry, binibiro ka lang nila,” pigil nito. His voice is deep but not deep enough to swipe her off her feet. Muli niyang sinipat ng nagbabagang mata si Oli na noo’y nakaguhit sa mukha ang nakakabuwisit na ngiti. Kung pupuwede lang makapanakit ang mata niya, siguradong plakda na ito sa stage at naghihingalo na! Nagbuga siya ng hangin saka tinanggal ang pagkakahawak ng lalaki sa kaniya. “Saan mo gustong tumambay?” tanong niya saka muling humakbang sa direksyon palabas ng lounge. “Your call. Anywhere. Basta peaceful and quiet,” sagot nito habang nakasunod sa kaniya. She smirked. “I know a place… kaso…” Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa bago nagpatuloy, “Ay, huwag na lang. Baka magka-phobia ka!” panunudyo niya saka muling naglakad. “No, it’s fine. As long as tahimik at makakapag-usap tayo nang maayos, okay lang sa akin kahit saan,” wika nito na sinabayan ang paglalakad niya. Muli siyang tumigil sa may pintuan saka nginisian ang abogado, pagdaka’y pinaglapat niya ang mga labi niya at pinakatitigan ito. “Sigurado ka, attorney?” taas-kilay niyang tanong sa kaharap. Kumunot-noo ito saka nagsalita, “As long as we’re not going to a cemetery, then, I’m fine.” Alanganin siya nitong tiningnan saka muling nagsalita. “You’re not planning to go there, aren’t you?” Napahagalpak siya ng tawa saka umiling. “It’s actually worse,” sagot niya na lalong ikinalalim ng gitla ng noo ng abogado. Muli siyang napahalakhak saka tuluyang lumabas ng lounge at iniwan ang napalunok na lalaki. Tila nagdalawang-isip tuloy itong sumunod sa kaniya. ‘Cute sana, kaso, halatang totoy pa!’ sa loob-loob niya saka lumingon at inaya ito na sumunod na sa kaniya. Kung kanina ay determinado itong makausap at makasama siya, ngayon ay tila umurong ang buntot nito dahil sa kaba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD