Halos alas onse na ng gabi nang maisipan na niyang umuwi dahil ilang piraso ng balut na lamang ang natitira sa mga paninda niya.
"Oh Ana, uuwi ka na?" takang tanong ni Ria sa kan'ya.
"Ay hindi, papunta pa lang," pilosopong sabi niya rito.
Kita naman niyang napasimangot ito pagkatapos ay biglang nanlaki ang mga mata nito.
"Ana!"
"Bakit?" walang pakialam na sabi niya at initabi na ang lamesa at maliit na upuan niya.
"Ana!"
"Bakit ba?!" Inis na baling niya rito.
Pero bigla itong napanguso at tinuro ang naglalakad na si Dok Pogi papunta sa may parking lot.
"Anak ng tokwa naman, Ria! Bakit ba hindi mo kaagad sinasabi!" At mabilis na niyang kinuha ang basket ng balut niya at patakbong hinabol ito.
Dahil sa kakamadali ay hindi niya napansin na may nakausli pa lang semento roon at bigla siyang nadapa.
"Ay puki mo!" mabilis na sabi niya.
Nakita niyang naggulungan ang mga balut na tinda niya dahil tumaob ang basket na dala-dala niya.
"Miss, are you okay?" tanong ng pamilyar na boses.
Shit! Si Dok Pogi.
Bago siya mag-angat ng tingin ay inayos muna niya ang buhok niya pagkatapos ay ngumiti. "Hi, Dok! Oo okay lang ako, huwag kang mag-alala masiyado sa akin." Nakangiting sabi niya rito.
"Ikaw na naman?!" Kunot noong sabi nito. "Are you following me?"
"Ha? Nako Dok, hindi no. Napadaan lang ako rito kasi nagtitinda ako ng balut," kaila niya, pero biglang nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang mga balut na tinda niya. Nako! Hindi pwedeng mabasag ang mga iyon dahil tiyak na malulugi siya.
Napatingin naman ito sa mga balut na nagkalat sa daan at mukhang naniwala naman ito.
Akmang kukuhanin na niya iyon nang sinubukan niyang tumayo ay napaigik siya dahil kita niyang may sugat pala ang mga braso at tuhod niya.
Pero dahil nakaluhod siya at nakatayo ito sa may harapan niya ay nakatutok siya sa may harapan nito na malaki ang pagkakabukol kaya mabilis siyang napalunok.
"Ang laki naman ng itlog," wala sa sariling sabi niya.
"What?!"
"H-Ha? Wala po Dok, ang sabi ko masarap iyang mga balut ko at masasabaw parang ako. Este, parang ikaw. Ay este magagandang klase. Baka gusto mo akong subukan?" Habang nakangiting sabi niya.
"You know what? You are scaring the hell out of me." At mabilis na siya nitong iniwanan na hindi man lamang siya tinulungan.
Pero siya ay nakangiti lang rito habang tila nangangarap.
"Ana! Ano bang nangyari sa iyo?" Bigla ay sabi nang kadarating na si Ria at marahan siyang tinulungan patayo. "Kanina pa kita nakikitang nakaluhod diyan, huwag mong sabihing pinagdadasal mo iyang mga basag mong balut?"
Nang muling mahimasmasan at maalala ang mga balut na tinda niya ay mabilis pa sa alas kwatrong tumayo siya at hindi alintana ang mga sugat.
Nang makita ang mga iyon ay bigla siyang nalungkot. Hindi na niya ito pwedeng ibenta dahil may mga basag na ang mga iyon mukhang balot na naman ang uulamin niya sa loob ng tatlong araw.
Pabagsak siyang naupo sa may kama niyang may manipis na foam at napatingin sa may bintana nang ganap na makauwi sa maliit niyang bahay. Bakit ba kasi hindi siya pinanganak na mayaman para hindi na niya kailanganin pang magtrabaho araw-araw?
Pero nang maisip niya ang poging doktor ay napangiti siya dahil nagkaroon naman siya ng inspirasyon para magtinda sa may hospital. Hindi niya alam pero malakas talaga ang tama niya rito dahil bukod na sa gwapo talaga ito ay may malakas itong awra na tila humihigop sa buong pagkatao niya. Ayain nga lang siya nito ng one night stand ay siguradong papayag siya.
Kinabukasan ay alas kwatro pa lamang ng umaga ay nagpunta na siya ng palengke para bumili ng mga kakailanganin niya sa iluluto niyang pagkain na ilalako niya sa may hospital.
"Magandang umaga ho Manang, ang ganda niyo naman ngayon." Ngiting bati niya sa suki niyang nagtitinda ng baboy sa palengke.
"Nako Ana, huwag mo na akong bolahin at sige na, bibigyan na kita kaagad ng discount." Ngiting sabi nito sa kan'ya.
"Ayun! Salamat, Manang!" Ngiti niya.
"Napakasipag mo talaga, ano? Sa umaga ay nagtitinda ka ng pagkain, sa tanghali naman ay naglalako ka ng mga damit, tapos sa gabi ay nagtitinda ka ng balot. Paano ka makakapag-asawa niyan kung puro trabaho iyang ginagawa mo?" seryosong sabi nito sa kan'ya.
"Nako, Manang! Huwag mo na akong alalahanin. Malapit na ho akong ikasal." Ngisi niya rito.
Kita naman niya ang panlalaki ng mga mata nito. "Talaga? May nobyo ka na pala? Sayang naman at irereto ko sana sa iyo iyong anak kong lalaki."
"Magiging boyfriend ko pa lang." At lalong lumaki ang ngiti niya nang maisip na naman niya si Dok Pogi.
"Ikaw talaga, Ana! O siya sige goodluck sa iyo." Sabay iling nito.
Siya naman ay binilisan na ang pamamalengke at tatanghaliin na siya at baka maunahan pa siya ni Mary sa pagpapa-order ng pagkain sa may ospital.
Alas singko y media na nang makauwi siya sa bahay. Balak niyang magluto ng sinigang na baboy at ginataang kalabasa. Mamaya ay tatanungin niya ang mga nurse roon kung ano ang paboritong pagkain ni Dok Pogi para malutuan naman niya ito.
Saktong alas-otso ay nasa may ospital na siya.
"Ate Michelle!" Sigaw na sabi niya nang makita ito na naglalakad sa may hallway.
"Oh, Ana? Anong menu mo ngayon?" Ngiting baling nito sa kan'ya.
"Sinigang at kalabasa." Seryosong sabi niya habang nagpapalinga-linga sa may paligid.
"Sinong hinahanap mo?" takang tanong nito.
"Si Dok Pogi ba nandiyan?"
"Ha? Sino?"
"Iyong nakalaglag ng panty ko nang isang araw," medyo malakas na sabi niya dahilan para mapalingon ang ibang dumadaan sa kan'ya.
"Ah, si Dok Yago? Oo, pero nasa may operating room pa. Pero patapos na rin siguro iyon. Bakit?"
"Eh Ate Mich, ano bang paboritong pagkain ni Dok?"
"Mahilig iyon sa mga ginataan."
Bigla naman nanlaki ang mga mata niya dahil sa sinabi nito. "Totoo ba?! Saktong-sakto pala itong dala ko. Ituro mo sa akin iyong clinic niya ha?" Ngisi niya rito.
"Ikaw Ana, ha? Baka naman kasi guluhin mo si Dok? Busy iyon at baka mapagalitan ka—"
"Hindi, promise!" At itinaas pa niya ang isang kamay niya na parang nanunumpa. "Sige na, bibigyan kita ng discount doon sa bra na kinuha mo sa akin nang isang araw!"
Napatitig lang ito sa kan'ya pagkatapos ay tumango na. May kalakihan kasi itong ospital kaya siguradong maliligaw siya kapag hindi niya tinanong rito.
Nang malaman ang clinic nito ay bigla siyang napangiti.
Masaya siya habang nilalako niya ang mga pagkain na dala niya. Sinadya niyang itinira ang isang order ng kalabasa at kanin. Balak niya kasi iyong ibigay sa asawa niya, este sa magiging asawa niya.
Nang maubos ang dalang pagkain ay nagpunta muna siya sa may banyo para tignan ang sarili. Dapat pala ay bumili siya ng mga bagong damit para hindi naman nakakahiya rito. Isang simpleng lumang puting blouse at maong short at tsinelas na fake ang suot niya. Halos mapudpod na nga iyon sa may sakong. Kinuha niya ang pulbos at suklay niya sa suot niyang maliit na sling bag at sinimulang suklayan ang may kahabaan niyang itim na buhok. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya kagandahan. Pantay lang ang kulay ng balat niya, hindi siya maputi. Hindi rin siya sobrang sexy pero meron namang shape ang katawan niya at ipagmamalaki niyang malalaki ang dibdib at puwitan niya.
Ilang sandali lang ay may pumasok na dalawang nurse na babae na hindi niya kilala at naghugas ng kamay sa may gripo.
"Ang gwapo talaga ni Dr. Fegerson kahit na seryoso ito kanina sa pag-oopera ano?" parang kinikilig na sabi pa nito.
"Oo nga, kinikilig nga ako kanina habang pinupunasan ko iyong pawis niya. Tapos ang bango-bango pa niya!" Nakangising sabi pa ng isang kasama nito.
Teka? Ang asawa niya ba ang pinag-uusapan ng mga ito?
"Ako nga muntik ng maihi kanina habang inaabot ko iyong scalpel. Kahit naka-gloves ito ay atleast ay nagkadikit ang mga kamay naming dalawa." Ngiting-ngiting sabi nito.
"Ehem. Excute me lang ha? Ang asawa ko ba ang pinag-uusapan niyo?" Taas kilay na tanong niya sa mga ito.
Bigla naman ang mga itong natigilan at napatitig sa kan'ya.
"Excuse me? Sinong asawa mo?" takang tanong ng isang nurse.
"Sino pa, edi si Dr. Yago!" inis na sabi niya.
Mabilis naman na nagkatinginan ang dalawa at pagkatapos ay sabay siyang tinignan pagkatapos ay biglang natawa.
"Ikaw? Asawa ni Dok? Are you okay?"
"At bakit? May problema ba kayo sa akin?" mariing sabi niya.
Pero sa halip na sagutin siya ay tinignan lang siya mula ulo hanggang paa.
"You are day dreaming girl." Ngisi ng isa.
"I know right." Pakikipag-apir pa ng isa.
"Hoy! Para sabihin ko sa inyo, mayaman talaga ako. Nagpapanggap lang ako na mahirap para hindi ako makilala ng mga security guards ng tatay ko! Diyan na nga kayo, mga hampas lupa!" At inis na lumabas na siya ng banyo. Ang akala ba ng mga ito ay uurungan niya ang mga ito? Siya pa ba? Siya si Ana Cantutay, at wala siyang inuurungan!