PROLOGUE : FIRST ENCOUNTER (Flashback)
Third Person POV
Three years ago.
EXCITED na naupo si Catalina sa napili niyang upuan sa loob ng sinehan. Agad niyang inilapag ang dalang milktea sa space na bilog sa may gilid ng inuupuan niya. Habang ang isang box ng pizza naman ay ipinatong niya sa kaniyang kandungan. Then relaxed niyang inilapat ang likod sa may sandalan.
Hay.. This is life!
Kaka-out niya lang sa office at dito talaga siya dumeretso. Siyempre, to treat herself. Fresh graduate siya sa kursong Business Management at ngayong araw ang unang sahod niya sa first job niya kaya napaka-memorable na 'date' ito kasama ang sarili niya.
This is self-love!
Masaya at kuntento siya sa buhay niyang single. She's only 22 by the way. Hindi niya ugaling makiuso na makipag-relationship goals kahit pa nga may nanliligaw sa kaniya sa trabaho dahil tingin niya sa mga lalaki, sakit lang sa ulo. Hindi naman siya NBSB. Nagka-boyfriend na siya no'ng college pero hindi rin nagtagal. Imbes kasi na ma-inspire ay na-stress lang siya. Gusto niyang mag-aral nang mabuti, eh 'yong ex niya panay yaya gumala at kumain kung saan-saan. Tapos sa huli ay nalaman niyang two timer pala kaya agad niyang iniwanan.
Isa pa, ayaw niya nang may nagko-kontrol sa kaniya. Hindi niya ugaling mag-update ng mga pinaggagawa niya sa buhay niya. Gusto niya ng privacy at ayaw niyang may taong nagde-demand ng oras niya.
Sa ngayon, pangarap muna niya ang binubuo niya para sa pamilya. Gusto niya kasing makabawi sa mga magulang. Maipa-second floor man lang ang bahay nila sa Bicol at mabilhan ng pambiyaheng traysikel ang tatay niya ay ayos na sa kaniya.
"Hoy! Ano ba?"
Napalingon si Cat sa pinanggalingan ng maeskandalong tinig ng babae. Galing lang sa row ng inuupuan niya.
"Ssshhh! Anlakas naman ng boses mo!" mahinang saway naman ng lalaking kasama nito na nagkataong katabi niya.
"Manyakis ka! Bakit mo hinawakan ang boobs ko?"
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Catalina.
"Grabe ka naman, nadanggi lang eh."
"Ano'ng nadanggi? Pinisil mo pa nga."
"Ssshh! Tsk! Napaka-eskandalosa mo."
"At napaka-manyak mo! Hmmp! Ayoko na sa 'yo. First date pa lang natin 'to, pero ganiyan ka na. Diyos ko! Baka buntisin mo lang ako."
Dahil madilim ang paligid ay hindi niya kita ang mukha ng mga ito. Pero kita niya ang anino ng babae nang tumayo ito at dumaan pa sa harap niya.
Sinubukan pa itong pigilan ng kasama nitong lalaki.
"No, Ella. Saan ka pupunta?" Iniiwas ulit agad ni Cat ang mga paa at hita para hindi madali ng lalaki nang dumaan din ito sa harap niya.
"Bahala ka na sa buhay mo, break na tayo! Manyakis!" asik ulit ng babae.
"Damn. Eh, 'di bahala ka. Kunwari ka pa. Gusto mo rin naman!"
Hindi alam ni Cat kung matatawa ba o maiinis. Ang dalawa hindi talaga nahiyang magtalo kahit maraming nakakarinig sa kanila. Nawala tuloy ang focus niya sa panonood. Naging sentro ng katatawanan ang dalawa. Tuluyan na ngang nawala ang babae pero ang lalaki ay nanatiling nakatayo pa rin sa gitna. Nagulat pa si Cat nang bigla itong nag-excuse sa kaniya. Wala naman siyang nagawa kundi paraanin ito. Bumalik ito sa dating puwesto, sa tabi niya!
Pilit na ibinalik ni Cat ang focus sa panonood. Rinig niya ang malalalim na buntong-hininga ng lalaki sa tabi niya. Kung minsan nag-uusal pa ito ng mga mura sa wikang Ingles. Pero ang muling umagaw ng atensyon niya ay nang walang sabi-sabing dinampot nito ang baon niyang milktea at uminom doon.
"H-Hoy... akin 'yan. B-Bakit mo ininuman?" kanda utal niyang tanong.
"Nauuhaw ako, bakit?" walang gatol na sagot nitp.
Bahagyang napaawang ang labi niya. "A-Alam mong hindi naman sa 'yo. Wala ka namang dala pagpasok mo rito..." protesta niya pa.
"Pa'no ba 'yan ubos na?" Parang wala lang nitong ibinalik sa pinagkuhanan ang ubos na lagayan.
Parang bata namang gustong maiyak ni Catalina. Halos wala pang bawas iyon nang ilapag niya. Favorite flavor niya pa naman 'yon at sa mamahaling tea house niya binili.
"W-Walanghiya ka! Hindi ka lang manyakis, mang-aagaw ka pa!" bulalas niya.
Pero tinawanan lang siya nito. "Napakaiyakin mo. Ano ba 'yan? Pahingi nga." Hindi pa nakuntento't pati ang pizza niya ay kinuhanan nito. "Hmmm... O mumurahin lang naman 'to baka magreklamo ka pa diyan, ah."
Pero nagsisintir na siya sa inis. Kung may malilipatang upuan lang talaga, aalis na siya roon. Kaya lang punung-puno kasi ang sinehan dahil sikat na hollywood film ang pinanonood nila.
"B-Bayaran mong lahat ng kinuha mo." Halos gumaralgal na ang boses niya sa sobrang inis.
"Oo. Mamaya. Manahimik ka muna, nanonood ako..."
Napabuntong-hininga na lang siya. Rather than magtatalak ulit ay sinunod na lang ito ni Cat. Sayang naman ang ibinayad niyang pambili ng ticket kung hindi ie-enjoy ang panonood. Pero makakapag-enjoy pa ba siya eh panay ang dukot nito sa kahon ng pizza na nakapatong sa mga hita niya? Nakaapat yata ito o tatlo. Kapal ng mukha!
Nang matapos ang pelikula ay agad tumayo si Catalina. Okay nang huwag na lang nito iyong bayaran, gusto niyang lumayas na lang sa harap nito.
"Oy, sandali lang, Miss!"
Bahagyang nanlamig ang pakiramdam niya nang maramdaman ang mainit nitong palad na nakahawak sa isang braso niya.
At napasinghap siya nang sa unang pagkakataon ay nakita niya ang mukha nito. Napalunok pa siya. May karapatan naman palang magyabang at maging makapal ang mukha. At maging manyakis! Guwapo. Halatang hindi pure Pinoy. Mestiso. Kutis-artista, halatang may kaya.
"B-Bitawan mo ako!" Agad siyang tumungo. Nahihiya siya sa hitsura niya. Lakas ng loob niyang magtaray, hindi naman siya kagandahan.
Binitiwan naman siya nito kaya mabilis siyang nakatalilis palayo. Sumabay siya sa maraming taong lumalabas ng exit. Hindi na niya ito nilingon. Medyo na-stranded siya kaya natagalan siyang lumabas. Nang tuluyang makalabas ay pasimple niya pang hinanap kung nasaan ito. Ngunit hindi na niya ito nakita pa. Buti naman!
Naalala niyang may bibilhin pa nga pala siyang libro sa bookstore kaya umalis na siya roon. Sumakay siya ng escalator pababa sa may second floor.
Mahilig kasi siyang magbasa ng mga romance novel at iyon ang sadya niyang bilhin. Una na talaga iyon sa listahan niya pagkakuhang-pagkakuha niya pa lang ng sahod.
"Ay, ang taas!" mahinang bulalas niya habang nakatingala sa librong gusto niyang bilhin. Kung bakit kasi kung ano pa 'yong maganda at sikat na libro ang inilalagay sa taas? Panay ang lingon niya sa paligid kung may available bang staff na maaari niyang utusan para kuhanin iyon. Pero wala. Ngunit gustong-gusto niya talagang mabili iyon kaya sinubukan niyang talun-talunin baka sakaling maabot niya.
"Hays! Tumayo ka kasi!"
Natigilan siya nang makarinig ng pamilyar na boses. Huli nang mapagtanto niyang kinukuha na pala ng lalaki ang librong pakay niya. Nang wala man lang kahirap-hirap.
"Hindi ka siguro natulog no'ng pinapatulog ka ng nanay mo sa tanghali no'ng bata ka," sabi pa nito nang nakangisi.
Tulala naman si Catalina na nakatingin lang sa mukha ng lalaki.
"Woy, nangangalay na ako!" Sa tagal niyang abutin ang ibinibigay nitong libro ay ipinatong na lang nito iyon sa ulo niya.
Saka lang siya natauhan.
"S-Salamat!" taranta niyang sabi.
Tumalikod na si Cat sa lalaki at nagkukumahog na nagpunta sa counter. Marami pa sana siyang gustong librong tingnan kaya lang, huwag na dahil hindi siya komportable sa presensya nito. Paano siya nito nakita roon? Sinundan siya?
"Four hundred ninety-five pesos, Ma'am!" sabi ng cashier matapos i-punch ang libro. Dali-dali siyang kumuha ng limang daan sa wallet.
"No. Ako na magbabayad!"
Ngunit bago pa niya maiabot iyon ay nakapag-abot na ng isang libo ang lalaki.
"H-Hindi! Ako na," protesta niya. Nagpalipat-lipat tuloy ng tingin ang cashier.
"No, Miss. Itong akin ang tanggapin mo." Halos ipagdukdukan na ng lalaki ang pera sa kaha. Sa haba ba naman kasi ng biyas nito. Kinindatan pa nito ang babaeng cashier, ayun, sumunod tuloy.
Hindi na lang kumibo si Catalina habang pinapanood ang cashier na balutin ang libro. Akma niyang kukunin iyon pero mabilis na nahagip ng lalaki.
"Tara na!" yaya nito sa kaniya nang nakalahad pa ang isang kamay. Animo kaytagal na nilang magkakilala.
Pero hindi iyon inabot ni Cat. "A-Akin na 'yong libro. Uuwi na ako," pilit kaswal na sabi niya. Hindi siya makatingin dito.
"It's too early, com'on!" Bigla na lang nitong nahagip ang isang kamay niya at mahigpit iyong hinawakan. Hinila pa siya nito palabas ng bookstore. Halos kalahating metro ang distanya nila mula sa isa't isa. "Nagugutom ako, I want to eat somewhere..." Tumungo pa sa kaniya ang lalaki. Sobrang tangkad kasi na halos kapantay lang siya ng balikat nito. "Ikaw? Saan mo gusto?"
Hindi nakatugon agad si Catalina. Para siyang wala sa sarili. "A-Aba'y malay ko sa 'yo. Uuwi na ako't hinahanap na ako sa amin. B-Bitawan mo na ako." Nakatingin siya sa mga kamay nilang magkasalikop. Hindi niya alam kung bakit may tila mga paru-parong naglalaro sa sikmura niya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Para siyang kinikilig na kinakabahan sa higpit ng hawak nito sa kaniya. Pero kapag naaalala niya ang tagpo sa sinehan kanina, naiilang siya. Kalinaw-linaw pa rin sa pandinig niya ang mga pinagsasabi ng babae. Manyakis ang lalaking ito. Ngayong wala na sila ng babaeng iyon ay sa kaniya naman lumalapit. Diyos ko! Wala pa sa hinagap niya ang makipag-ano.
"Sus! Eh ilang taon ka na ba? Hindi ka na teenager. Iti-treat kita. Sabi mo, 'di ba, bayaran ko 'yong mga kinain ko? Tutuparin ko 'yon. Nakakahiya naman sa 'yo, baka hindi ka makatulog niyan mamayang gabi."
Hinila na naman siya nito. Para siyang batang sunud-sunuran naman.
DINALA siya nito sa isang hindi mataong restaurant. Paano ba namang magiging matao eh pagtingin niya sa presyo ay halos isang buong araw na niyang sahod ang isang klase ng dish. Napalunok si Cat habang litong tumitingin sa menu. Wala kasi siyang mapili. Naghahanap kasi siya ng mura pero wala siyang makita.
"Ano sa'yo?" tanong nito mayamaya.
"I-Ito na lang." Nakaiwas siya ng tingin nang ituro ang gusto niya.
"This one? Sigurado ka?" Parang gulat na gulat pa ito. "Fried rice, gabi? My God! Nocturnal ka ba?"
Napasimangot siya. "Nagtatanong ka tapos aangil ka?" katwiran niya. "I-Iyan lang ang gusto ko diyan."
Tumawa ito. Nakita na naman niya ang mapuputi nitong ngipin at biloy sa magkabilaang pisngi. "Ako na nga ang o-order. Baka first time mo sa ganitong lugar."
At iyon na nga ang nangyari. Marami itong in-order sa waiter. Hindi na lang siya nagreklamo dahil halata namang wala itong balak siyang pakinggan. Nang dumating ang iba't ibang klase ng pagkain ay saka niya lang naramdaman ang matinding gutom. Ngunit hindi niya iyon pinahalata rito. Nahihiya siya.
"So ano nga palang pangalan mo, Miss?"
Natigilan siya sa pagnguya. Oo nga pala, kanina pa sila magkasama pero hindi pa rin nila alam ang pangalan ng isa't isa.
"C-Catalina..." mahina niyang tugon bago uminom ng juice.
"So Cat for short, hmmm? And I'm Brix. Brixton. Nice to meet you!" Naglahad pa ito ng kamay.
"N-Nice to meet you, too." Kimi niya namang inabot na lang iyon. Nagulat pa siya nang mahigpit nitong hawakan ang kamay niya.
"So tayo na ba, Cat?" nakangising tanong nito, samantalang siya ay pinanlakihan ng mata.
"A-Ano? Teka-"
"Just kidding!" Pumalatak ito. "Napaghahalataan kang nerbiyosa eh. Siyempre I need to get to know you first. So, working ka na, I guess? Ano'ng work mo at saan? At saan ka rin nakatira?"
Umiling-iling siya. "H-Huwag mo nang alamin. Dahil tiyak kong hindi na naman tayo magkikita ulit. At saka... imposibleng maging tayo. H-Hindi kita type!"