KROSS
“Hindi mo na sana sila pinatulan, Kross. Ayos lang naman ako. Isang araw lang naman ang kasiyahan na yon.”
Hanggang sa nakarating na kami sa bahay ay nanginginig pa rin ang mga kamay ko dahil sa galit. Hindi mawala sa isip ko kung paano nilang ituring si Lola Helen. Parang hindi ko kayang gawin sa mga kamag-anak ko ang ginawa nila kay Lola kaya hindi ko maintindihan kung paanong naatim ni Lola na pakisamahan pa sila.
Nang maihatid ko si Lola sa bahay ay lumabas ako para pumunta sa pinakamalapit na botika. Nakita ko kanina na pulang-pula na ang mga kamay niya dahil kanina niya pa kinakamot. Sa tantiya ko ay ilang oras nang nababad sa sabon ang kamay niya kaya umabot na sa punto na namumula at tuyong-tuyo ang balat. Kung hindi niya mapapahiran agad ng cream ay siguradong patuloy na mangangati at baka mamaga pa kagaya dati.
Nasabihan na ng doktor si Lola na ‘wag na ‘wag hahawak ng matatapang na sabon lalo na ang mga dishwashing liquid dahil makakasama iyon sa allergy niya. Siguradong wala na siyang nagawa kanina nang utusan siyang maghugas ng mga plato kaya kahit alam niyang delikado at makakasama sa kanya ay ginawa niya pa rin para makisama sa mga taong wala namang pagpapahalaga sa sarili nilang kadugo.
“Ipahid n’yo po yan sa kamay n’yo habang hindi pa namamaga, La. Lagyan n’yo po ng mabuti at ‘wag na ‘wag ninyong titipirin yang gamot–”
“Kross naman! Bakit bumili ka pa nito? Ang mahal mahal nito! Sana itinabi mo na lang yung pera. Dalawang linggo na lang ay mag-aaral ka na ulit. Ayaw kong mag mukha kang kawawa sa eskwelahan na yon dahil hindi ka bumibili ng merienda!” Tuloy-tuloy na sermon niya at saka lumapit sa akin para kunin ang resibo ng gamot na binili ko.
“Ibigay mo sa akin yung resibo at ibabalik ko–”
“La, ‘wag n’yo pong intindihin ang pera dahil mapapalitan pa yon. Intindihin n’yo po yang mga kamay n’yo. Gusto n’yo po bang hindi na naman kayo makahawak ng kahit na ano dahil sa sobrang pamamaga ng mga kamay ninyo?”
Pinipigilan kong ‘wag taasan ng boses si Lola Helen pero kapag ganito siya ay nahihirapan akong magtimpi. Sumasakit ang loob ko sa tuwing nakikita siyang nagtitiis. Madalas ay nagagalit na ako kay Tatay dahil hindi man lang niya iniintindi ang kapakanan ni Lola. Kung ako lang ay kaya ko ang sarili ko dahil bata pa ako at malakas. Paano naman si Lola na matanda na at marami ng nararamdaman sa katawan?
“Mas lalo lang tayong mapapagastos kapag hindi naagapan yang pagsusugat ng mga kamay ninyo, La. Makinig naman po kayo sa akin kahit ngayon lang. Para naman po sa ikakabuti n’yo ‘tong ginagawa ko.”
Nang yumuko si Lola Helen ay agad na iniwas ko ang tingin sa mukha niya. Alam kong iiyakan niya ang mga nangyari ngayong araw dahil wala naman siyang ibang magagawa kung hindi ang umiyak lang.
“Sige na po, La. Gamutin n’yo na po yang kamay n’yo. Kailangan ko na pong umalis dahil dalawang shift ang kinuha ko sa coffee shop ngayong araw.”
Hindi ko na hinintay na magsalita pa ulit si Lola. Lumabas na ako ng bahay at mabilis na pinaandar ang bike ko papunta sa Caphe Cup kung saan ako sumasideline bilang barista. Malaking tulong ang coffee shop na yon sa akin dahil kahit na noong high school pa lang ay pinayagan na akong magtrabaho doon ng may-ari.
“Gerald, nandito na si Kross! Pwede ka nang mag-out!”
Binilisan ko ang pagpasok sa loob para magpalit ng uniform dahil mahigit sampung minuto na akong late.
“Pasensya na, pare. May emergency lang sa bahay.”
Humingi agad ako ng pasensya sa kapalitan kong si Gerald nang maabutan ko siyang nagbibihis dito sa locker.
“Ayos lang, Kross. Ngayon ka lang naman nahuli. Palagi ka ngang maaga dito,” sambit niya. Ngumiti lang ako sa kanya at saka nang nakapagbihis ay lumabas na para magsimula sa pagtatrabaho.
Nang maka-pwesto sa counter ay may mga estudyante agad na lumapit para mag order. Ngayong tanghali ay dito ako sa counter nakapwesto para magtimpla ng kape. Mamaya ay mag seserve naman ako dahil may darating na panibagong barista.
“Can I get a hot latte po, kuya?” Agad na tumango ako sa estudyante na nasa unahan ng pila.
“Anong milk mo? We have full cream, skim, soy and almond,” tanong ko.
“Almond milk na lang po. And can I add a shot of hazelnut po?”
“Sure. Anything else?”
“That’s okay na po. Here’s my card…”
Inabot ko ang card niya at binalik din agad para asikasuhin na ang order niyang kape.
Halos puro estudyante ang mga customer dito sa café kapag ganitong oras. Kahit na bakasyon pa ay hindi talaga nawawalan ng mga batang estudyante itong café dahil bukod sa malapit sa mga establishments at parks ay maganda ang ambiance ng buong lugar.
Kahit na maraming customer at sobrang naging abala ako ay hindi pa rin nawala ang bigat sa dibdib ko dahil sa nangyari kay Lola Helen. Hanggang sa natapos ang shift ko sa counter at nag seserve na lang ako ng mga orders ay naiisip ko pa rin si Lola.
“Bakit late ka kanina, Kross? Anyare? May sakit ba yung Lola mo?”
Napalingon ako kay Ellaine nang magtanong siya. Isa siya sa mga regular employee dito sa Caphe Cup. Magkasing edad lang kami pero mukhang wala na siyang balak na mag aral kaya nag full-time na sa pagtatrabaho.
“Walang sakit si Lola. Sinundo ko pa kasi siya at hinatid sa bahay kaya na-late ako,” paliwanag ko.
“Ahh! Siya nga pala, Kross. Wala ka namang girlfriend ‘di ba?” tanong niya. Napatingin ako sa kanya. Ngumisi siya agad sa akin. “May regular customer kasi na nagpapatanong. Gusto yatang kunin yung number mo pero sabi ko ipapaalam ko muna kasi baka ayaw mo.”
“Ayaw ko talaga, Ellaine.” Agad na tanggi ko.
“Maganda yon, Kross! Makinis! Tsaka anak mayaman!” Bulalas niya. Umiling ulit ako.
“Edi mas lalong dapat na tanggihan kasi anak mayaman pala,” sambit ko. Agad siyang nag-react sa sinabi ko.
“Hoy, hindi ganung klase ng babae si Miss Bianca, ha! Hindi siya matapobre kagaya ng pamilya ng ex mo!” Tuloy-tuloy na bulalas niya. Mukhang hindi niya napigilan ang emosyon niya kaya dalang-dala sa nagiging takbo ng usapan namin.
“S-sorry, Kross. Hindi ko sinasadyang banggitin yung ex mo–”
“Wala namang kaso kung banggitin mo siya, Ellaine. Matagal na kaming hiwalay. Tsaka hindi ako tumatanggi dahil anak mayaman yang may gustong kumuha ng number ko. Alam mo naman na mag-aaral ako ng college kaya wala akong panahon sa kahit na ano maliban sa pagtatrabaho at pag-aaral,” tuloy-tuloy na paliwanag ko.
“Kross! Pakidala nga itong order sa itaas!”
Tumalikod na ako kay Ellaine dahil tinawag na ako ng naka-duty na barista para maghatid ng order sa itaas. Habang paakyat ako sa hagdan ay bumagal ang paglalakad ko dahil sa kanta na kasalukuyang tumutugtog.
Siguro ay isa sa mga dahilan kung bakit binabalik balikan ng mga customer itong Caphe Cup ay dahil sa lahat ng coffee shop na malapit dito ay dito lang ang pwedeng magrequest ng kahit na anong kanta na gusto mong mapakinggan habang nagkakape ka.
Hindi ko alam kung anong eksaktong mararamdaman ko habang pinapakinggan ang kasalukuyang kanta na tumutugtog.
Why do birds suddenly appear every time you are near?
Just like me, they long to be close to you…
Theme song kasi nina Lolo at Lola ang kanta na yan at yan ang palagi kong pinapatugtog sa bahay sa tuwing nakikita kong malungkot siya at sa tingin ko ay namimiss niya si Lolo.
At may isang tao lang na palaging nag rerequest ng kanta na yan dito.
“Kross!”
Napalingon ako sa tawag ni Ellaine. Alam niya ang tungkol sa kanta na kasalukuyang tumutugtog dahil ang ex-girlfriend ko ang palaging nag rerequest non dito sa Caphe Cup.
Siguro ay dahil din sinabi niya sa akin na paborito niya ang kanta na yon kaya nahulog ang loob ko sa kanya at niligawan siya hanggang sa tuluyang naging kami.
“Gusto mo ako na mag-serve niyan?” alok ni Ellaine. Mukhang mas nauna pa akong nakamove on sa paghihiwalay namin ng ex ko kesa sa kanya. Umiling ako at saka nagpatuloy na sa paghatid ng order ng customer.
Wala namang kaso sa akin kung makita ko ulit ang ex-girlfriend ko. Hindi naman ako bitter sa paghihiwalay namin pero aaminin ko na dahil sa mga nangyari sa amin at sa mga sinabi sa akin ng pamilya niya ay mas naintindihan ko kung anong klase ng buhay ang kakaharapin ko kung sakaling hindi ako magsisikap sa buhay.
Nang makita ko ang table ng customer na nagmamay ari nitong kape ay agad akong lumapit sa kanya at sinerve ang order niya.
“Thank you! Here…” sambit niya at saka inabot sa akin ang tissue kung saan sinulat niya ang request niyang kanta. Tumango ako at kinuha ang request niya at dinala sa itaas para ibigay sa DJ.
Bago ako nakababa ay nahagip pa ng tingin ko ang babaeng nagkakape sa isang table malapit lang sa pinagdalhan ko ng order kanina. Kumunot ang noo ko nang makilala siya.
Customer din ba dito yung anak ni Chairman Salvatierra?
Nagtagal ang titig ko sa kanya. Mukhang enjoy na enjoy siya sa pakikinig sa kanta dahil nakikita ko pang ngumingiti.
“Ang ganda…” Hindi ko napigilang bulong habang nakatitig sa anak ni Chairman Salvatierra.
“Talagang maganda yang kanta na yan! May naaalala ka ba naman!”
Kumunot ang noo ko nang mangantyaw si Ellaine sa akin. Hindi ko namalayan na nakaakyat na rin siya dito sa second floor.
“Hindi ka pa naka move on sa ex mo ‘no?!” Ngumisi siya sa akin at nangantyaw.
“Hindi–”
Napatigil ako sa gagawin sanang pagtanggi sa sinabi ni Ellaine na hindi pa ako nakaka move on sa ex ko dahil nakita kong nakatingin na sa akin ang anak ni Chairman Salvatierra.
Nakakunot ang noo niya at mukhang narinig ang sinabi ni Ellaine kaya huminga ako ng malalim at hindi na siya pinansin. Tuloy-tuloy na bumaba na ako pero hindi pa rin maalis sa isip ko ang anak ni Chairman.
Sasabihin ko bang hindi totoo yung narinig niya?
Tumigil ako sa paglalakad at muling lumingon sa kanya. Nang makita kong nakatingin pa rin siya sa akin ay hindi ko alam kung bakit bigla akong umupo at nagtago sa hagdan.
Nagkamot ako sa batok at agad na umiling. “Bakit ko naman pag aaksayahan ng oras na ipaliwanag ang sarili ko sa kanya?”