Ampon

2030 Words
KROSS “Kross, apo… Gising na…” Agad na dinilat ko ang mga mata ko nang naramdaman ang pag-uga ni Lola sa balikat ko. Agad na bumangon ako. Sigurado akong hindi pa tumutunog ang alarm clock kaya ibig sabihin ay maagang maaga pa. Kinusot ko ang mga mata ko at saka tumingin sa orasan. Nakita kong alas kwatro pa lang ng umaga kaya nagtatakang tiningnan ko si Lola Helen. “Bakit po sobrang aga n’yo naman pong gumising, Lola? Ganun po ba kayo kasabik sa pagpunta sa kaarawan ng pinsan ninyo?” Kunot noong tanong ko. Noong isang araw niya pa binabanggit sa akin na naimbitahan siya sa 60th birthday ng isa sa mga pinsan niya. Ang sabi ni Lola ay umuwi galing sa abroad ang mga anak ng pinsan niya kaya malaki-laking selebrasyon ang magaganap ngayong kaarawan nito. Ang karamihan sa mga kamag-anak ni Lola Helen ay nakatira sa bayan. Medyo nasa looban na kasi itong bahay na tinitirhan namin at marami ng sira lalo na kapag tag-ulan. May mga parte ng kisame ang sira na kaya tumutulo kapag malakas na malakas ang ulan. Nagawan ko naman ng paraan na palitan ang ilan sa mga sirang kisame pero hindi talaga kaya ng budget ang tuloy-tuloy na pagbili ng mga materyales na gagamitin lalo na kung galing lang sa mga part-time jobs ko kukunin ang pambili. Ang Tatay ko, ang nag-iisang anak ni Lola Helen, ay nagtatrabaho sa malayong probinsya bilang driver at sobrang bihira lang na umuwi dito. Hindi rin siya consistent sa pagpapadala ng pera sa amin ni Lola kaya hindi pwedeng hindi ako magtrabaho. Pangarap ko talaga ang makatapos ng pag-aaral at sisiguraduhin ko na hindi ko lang papangarapin ang bagay na yon. Magtatapos talaga ako sa pag-aaral at bibigyan ng maayos na buhay si Lola. 65 years old na siya at hindi niya pa nararanasan ang maginhawang buhay kaya sana ay maging malakas pa siya hanggang sa maibigay ko sa kanya ang magandang buhay na pangarap kong iparanas sa kanya. “Alam mo namang matagal na akong hindi naimbitahan na pumunta sa bahay nila, Kross. Sabik na sabik na akong makita silang lahat,” nakangiting sagot ni Lola. Bakas na bakas talaga sa mukha niya ang saya dahil sa muling pag imbita sa kanya ng pinsan niya. Matagal na panahon na simula noong hindi na kami kinausap ng mga kamag anak niya dahil sa ginawa ni Tatay. Dahil sa isang sako na utang na bigas ni Tatay ay hindi na kinausap ng mga kamag anak niya si Lola. Noong natuto akong magtrabaho ay unang-una kong ginawa ay ang bumili ng isang sako ng bigas para bayaran ang pagkakautang ni Tatay. Pero dahil mumurahing bigas lang ang kinaya ng pera ko ay hindi tinanggap ng kamag anak ni Lola. Iyak nang iyak si Lola noon at sinabihan ako na ‘wag na ‘wag na akong makikialam sa alitan niya at ng mga kamag anak niya. Pagkatapos ng maraming taon na hindi nila pag-uusap ay ngayon lang ulit siya naimbitahan ng mga kamag anak niya kaya siguro hindi na halos nakatulog si Lola dahil sa saya. Tumango lang ako at nagpasya na bumaba na sa kama para tulungan siya sa paghahanda. May binili siyang regalo na native na manok kahapon kaya tutulungan ko siya sa paghahanda. Excited na excited si Lola habang tinutulungan ko siyang ihanda ang dalawang manok na dadalhin niya sa bahay ng pinsan niya. Inalisan ko lang ng balahibo ang mga manok dahil buo niyang dadalhin doon. “Salamat, Kross. ‘Wag mo na akong ihatid doon. Maglalakad na lang ako–” “Hindi na po, Lola. Ihahatid ko na po kayo. Baka rayumahin pa kayo sa paglalakad ng malayo,” agad na giit ko. Medyo malayo rin dito sa amin ang bahay ng pinsan ni Lola kaya mapapagod siya ng todo kung maglalakad lang siya. Tumawa si Lola. “Ito talagang batang ‘to! Ginagawa akong uugod-ugod na matanda!” Reklamo niya. Ngumisi lang ako sa kanya. “Tsaka hindi ba at maaga kayong aalis ni Annalise ngayon para mag enroll, Kross? ‘Wag ka nang mag-abala na ihatid ako, apo. Kayang-kaya ko naman–” “Kung ayaw n’yo pong ako ang maghatid sa inyo ay ikukuha ko na lang po kayo ng tricycle na maghahatid sa inyo doon. ‘Wag na po kayong maglakad. Masyadong malayo.” Nagreklamo pa rin si Lola at ipinagpilitan na maglalakad na lang. “‘Wag na sabi! Mag aaksaya ka pa ng pera na ibabayad sa tricycle, Kross! Alalahanin mong kailangan mo ng pera dahil kolehiyo ka na sa susunod na pasukan!” Umiling ako at saka kinuha na ang mga dala niyang karne ng manok. “‘Wag n’yo pong intindihin ang pera, Lola. Naka sideline po ako kahapon kina Sir Levin kaya may pera akong pambayad sa tricycle na maghahatid sa inyo.” Hanggang sa labasan ay pumapalatak pa rin si Lola kaya lang ay hindi ko na siya pinakinggan at nagtawag na ng tricycle na maghahatid sa kanya sa bahay ng pinsan niya. “Mukhang hindi maglalakad ngayon si Ate Helen ah!” Kantyaw ng tricycle driver na nakuha ko para maghatid kay Lola. Ipinasok ko sa loob ang mga dala ni Lola. “Napaka kulit kasi nitong si Kross! Kaya ko namang maglakad!” Narinig ko pang giit ni Lola. “Ganyan talaga, Ate Helen! Mahal na mahal ka ng apo mo kaya ayaw ka lang na nahihirapan!” “Nang uto ka pa! Siya, sige na! Umalis na tayo para maagang makarating!” Bulalas ni Lola. “Ingat, La! Susundo ako sayo mamayang hapon. ‘Wag ka na pong maglalakad pauwi!” Tuloy-tuloy na bilin ko pa bago tuluyang umandar ang tricycle na sinasakyan niya. Pasado alas singko pa lang ng umaga kaya nagsaing na ako at nagluto ng ulam. Nang nakaluto ay kumain na rin ako agad para makaligo na. Alas sais ang usapan namin ni Annalise na pupunta sa Wesley University para mag enroll. Si Annalise ay kapitbahay namin at kasama kong nakakuha ng scholarship. Player ako ng baseball noong high school at siya naman ay player ng volleyball kaya pareho kaming nakakuha ng scholarship para makapag aral ng libre sa kolehiyo. Kami ang mamimili kung saang school kami mag aaral kaya naging praktikal ako sa pagpili ng school na papasukan. Pinili ko ang Wesley University dahil iyon ang school na pinaka malapit dito sa bahay. Kayang-kaya kong mag bike kapag papasok ako kaya malaki ang matitipid ko sa pamasahe. Pwede pa akong umuwi sa tanghali at sa bahay na lang kumain sa halip na sa school pa. Siguradong mahal ang mga pagkain doon dahil isa ang Wesley University sa mga school kung saan puro anak mayaman ang nag-aaral dahil sa sobrang laki ng tuition fee. “Kross! Ready na ‘ko!” Hinanda ko na ang bike ko nang makita na palabas na si Annalise sa bahay nila. “Alas sais pa lang kaya wala pa sigurong bukas na computer shop sa bayan ‘no, Kross?” Tanong niya. “Bakit? Anong gagawin mo sa shop?” usisa ko. “May kailangan akong i-photocopy. Mauna ka na sa pila mamaya,” sambit niya. “Ipipila na kita,” sambit ko. “Baka may makaaway ka kung papasingitin mo ako mamaya?” alanganing sambit niya. Umiling ako. “Hindi ka naman sisingit dahil nahuli ka ng dating,” sabi ko lang at saka umalis na kami. Umangkas lang siya sa bike ko dahil may lakad pa siya pagkatapos naming magpa enroll kaya hindi siya magdadala ng sarili niyang bike. Pagdating namin sa school ay mahaba na rin ang pila kahit hindi pa nagsisimula. Nakapila pa si Annalise hanggang alas syete pero umalis siya sa pila dahil kailangan niyang pumunta sa shop. Nang bumalik siya ay pinasingit ko agad siya sa harapan pero hindi pa siya nagtatagal sa pila ay may nagreklamo na at lumapit sa akin. Kumunot ang noo ko nang makilala ang step sister ni Sir Levin. Siya ang nag iisang anak na babae ni Chairman Salvatierra at kahapon pa mainit ang ulo niya sa akin dahil naupuan ang pintura sa pavilion nila. Sa itsura at sa pananalita niya pa lang ay halatang sanay siya na nakukuha ang gusto pero alam kong mali ang ginagawa niyang pagsita sa akin dahil sa ginawa kong pagpapasingit kay Annalise sa pila. Saglit na nagkasagutan kami at nang bumalik siya sa pila niya ay hindi na siya tumigil sa paninitig ng masama sa akin. “Pasingitin na kaya natin sila, Kross? Nakakatakot! Accountancy pa naman sila! Baka pag-initan tayo sa klase!” Bulong ni Annalise sa akin. Kumunot ang noo ko at saka sinabi sa kanya na ‘wag na lang pansinin ang kapatid ni Sir Levin. Nang umusad na ang pila at hanggang sa natapos kami sa pagpapa enroll ay nakikita ko pa rin siyang masama ang tingin sa akin sa tuwing mapapalingon ako sa gawi nila. Inabot din kami ng hanggang tanghali sa pagpapa enroll kaya sa halip na umuwi pa sa bahay ay pinuntahan ko na lang si Lola para kamustahin siya doon sa bahay ng pinsan niya. Kapag nakita kong maayos si Lola doon ay uuwi din ako agad para tumuloy sa susunod na part-time job ko. Pagdating ko sa bahay ng pinsan ni Lola ay sobrang daming bisita. Sa sobrang daming tao na nagsisidating pa lang ay hindi na nila ako napansin na nakapasok sa loob kaya agad kong hinanap si Lola pero hindi ko talaga siya nakita sa grupo ng mga kamag anak niya. Imposibleng umuwi na agad si Lola dahil mukhang nagsisimula pa lang na kumain ang mga bisita. Nang hindi ko nakita si Lola sa labas ay pumasok na ako sa loob. Dumaan ako sa pinto sa kusina at nagbabakasakali na makita ko si Lola doon. “Ubos na agad ang mga plato doon! Ang bagal mo namang kumilos, Helen!” Natigilan ako sa pagpasok sa loob nang marinig ang isa sa mga kamag anak ni Lola na nag utos sa kanya. Hindi nagsalita si Lola. Nagpatuloy siya sa paghuhugas ng sandamakmak na mga plato kaya hindi na ako nakatiis at pumasok na ako sa loob. Napatingin agad sa akin ang babaeng nag-utos kay Lola. Mukhang nakilala niya ako kaya napatingin pa siya sa gawi ni Lola bago binalik ang tingin sa akin. “Sinama mo pa pala ang apo mo dito, Helen? ‘Wag kayong mag alala maraming tirang pagkain. Makakapag uwi kayo kahit papaano!” Gusto kong magtimpi sa pang iinsulto nila sa amin pero habang nakikita kong pinapahirapan si Lola sa harapan ko mismo ay hindi ko talaga kayang magtimpi. “Anong karapatan ninyo na paghugasin ng mga plato ang Lola ko?” Mariing sita ko sa babaeng lalabas na sana dito sa kusina. Napatigil siya sa pagsasalita. Si Lola ay agad na lumapit sa akin at pinigilan ako sa pagsasalita pero hindi ko talaga kayang huminahon. Lumapit ako sa mga plato na hinuhugasan niya at saka isa-isang binagsak sa sahig ang mga yon at nabasag. “Kahit na pagod na pagod ako sa trabaho, hindi ko pinaghuhugas ng pinggan si Lola dahil madaling magsugat ang kamay niya sa kahit na anong sabon,” mariin kong sambit at binagsak pa ang ilang mga plato na nasa lababo. “Kross, apo, tama na–” Mas lalo akong nanlumo nang makita ko ang native na manok na dinala ni Lola para iregalo. Parang basta na lang na tinambak ang karne at hindi man lang ginalaw. Halos madurog na ang puso ko nung nalaman kong nag-extra na maglabada si Lola para lang magkapera at makabili ng native na manok na ireregalo sa pinsan niya. Kuyom ang mga kamao na nilapitan ko ang mga karne ng manok at kinuha bago nilapitan si Lola at hinawakan ang braso niya. Kahit na tumatanggi siya ay hindi ako pumayag iwanan pa siya doon. “Bastos na bata! Manang mana kay Krisanto yang ampon niya!” May sumigaw pa mula sa loob pero hindi ko na sila nilingon. Sa gitna ng galit na nararamdaman ko sa ginawa nila kay Lola ay hindi nawala sa isip ko ang narinig ko. Ampon. Ampon lang ba ako ni Tatay?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD