Ipinilig ko ang aking ulo at pasimpleng umalis sa arcade nang sa gayon ay makaalis na ako sa lugar na ’to. Gusto ko silang iligaw pero papaano ko ’yon gagawin kung patuloy silang nakasunod sa akin?
Hindi ko nga lang sigurado kung sinu-sino ang mga ’yon pero what if isa sila sa mga alagad ng mapapangasawa ko raw? Paano kung hindi talaga alagad ni Daddy ang mga nasa bahay namin—sa mismong subdivision? s**t! Ngayon pa lang na naririnig ko ang bagay na ’yon, sumasakit na ang utak ko sa kaba at takot. Wala pa akong alam sa ganitong bagay dahil never naman akong nakaranas nang kakaibang aura na aakalain ko nang papatayin ako agad-agad. Damn it!
Sinamantala ko na ang maraming tao ngayon. Dagsaan pala ngayon dito sa mall, which is mas maganda. Siguro ay dahil katatapos lang ng mga klase nila. Halos lahat kasi ng mga tao ngayon dito ay students ng mga kilalang university.
Umigting ang aking panga nang maramdaman ko pa ring nakasunod sila. Kaya mabilis akong nagtungo sa escalator nang sa gayon ay hindi na nila ako masundan nang todo. Naglakad na nga rin ako pababa para lang mas mapabilis pero mas lalo akong nakakaramdam ng presensya nila.
Hell!
Nang makarating ako sa labas ng mall, hindi na ako nag-atubiling pumara ng taxi para makaalis na. Bahala na si Batman kung ano ang mangyayari. Ang mahalaga kasi sa akin, makaalis na sa lugar na ’to. Hindi na ako natutuwa, never akong matutuwa sa ganitong bagay.
“Hoy! Miss! Ako ang pumara—”
“I’m sorry!” hinging paumanhin ko nang makasakay ako sa taxi. Dali-dali kong kinuha ang purse ko para makakuha ng pera at kaagad na inabutan ang babaeng nagrereklamo. “Nagmamadali kasi ako. Salamat.”
Napaawang naman ang babaeng nakatingin sa akin na para bang hindi inaasahan ang ginawa ko pero minabuti ko na lamang tingnan ang aking harapan. Doon ko lamang napansin na naghihintay ang driver sa akin para sabihin ang location na pupuntahan ko.
Wala akong maisip. Basta ang nasa isip ko na lang ay makaalis na sa lugar na ’to. Labag din kasi sa kalooban ko ang iwan ang sasakyan ko sa parking lot pero alanganin kasi kung magpupunta pa ako. Baka mas lalo lang akong ma-corner at ma-timing-an nilang may walang tao roon.
Nagtangis ang aking baga sa naisip ko. Wala na akong ibang alam na gawin kung hindi ang tumakbo dahil iba talaga ang dating ng aura nila. Hindi ako natutuwa—never akong natuwa.
“Kuya sa Soriano’s Restaurant na lang po,” wika ko kahit na alam ko naman na may kalayuan ito rito sa mall. Aabutin yata kami nang thirty minutes kung magpupunta ako sa restaurant namin ngunit wala na akong maisip na ibang dahilan kung hindi ay ’yon lamang.
“Sige po, ma’am,” magalang na sagot naman ng driver.
“Salamat po,” pahayag ko naman nang marahan. Medyo hindi pa rin ako mapakali sa kinauupuan ko kahit na medyo mabilis naman ang driver.
Pasulyap-sulyap nga ako sa likod kung may nakasunod ba sa amin hanggang sa naramdaman ko na lamang ang pagpintig ng sintido ko.
Shit! Tension headache!
Wala pa man din akong gamot na dala ngayon pero pinili ko pa rin namang maging kalmado. Hindi kasi puwedeng napipikon ako o nagagalit dahil madalas umatake ang tension headache ko sa sobrang iksi ng pasensya ko. Hindi pa man din puwedeng itigil ang sasakyan sa drug store para bumili ng gamot dahil masusundan nila ako kaagad.
Sakto namang iniinda ko ang sakit ng aking ulo, naramdaman ko naman ang pag-vibrate ng aking cellphone. May tumatawag pero mukhang si Kassidy ’to. Bigla ko ba namang iniwan sa isang clothing line kanina dahil sa naramdaman ko ang presensya ng mga taong hindi ko naman kilala.
Medyo marami rin sila. Hindi ko nga lang sigurado kung ilan talaga dahil hindi naman ako magaling sa panghuhula. Kung marunong lang akong makaramdam ng mga kalaban—nagawa ko na. Kaso hindi. Paano ko ba naman ’yon magagawa kung hindi ako nag-aral ng martial arts? Kapag kasi nag-aral ako nang ganoon, mahahasa talaga ang reflexes ko. Iyong nararamdaman ko lang na presensya ngayon, sadyang hula lang ’yon ng utak ko dahil ramdam ko talaga ang bigat.
Nang makuha ko ang aking cellphone, napakunot na lamang ang aking noo nang sagutin ko ang tawag ni Kassidy. Hindi ko alam kung ano ang rason niya, kung bakit bigla na lamang siyang tumawag maliban sa hahanapin na naman niya ako. Hindi naman malabo iyon pero panigurado rin naman na nag-aalala siya.
“Hazel! Bakit naman iniwan mo ako rito? Salita ako nang salita—”
Hindi ko na siya pinatapos sa kaniyang naging pahayag sa akin. Normal lang naman na ganito ang reaksyon niya pero wala akong oras para makipagbiruan. Bukod sa balak ko lang namang umalis para sana makahinga at makapag-isip-isip kung paano ko sasakyan at iiwasan ang kasal na sinasabi ng mga alagad ni Daddy, wala na.
Kung hindi lang sana ako hinabol ng mga lalaking ’to, matutuwa sana ako. Kaso nga lang, hindi. Never akong matutuwa. Patong-patong ang problema ko ngayon. Akala ko pa man din ay day off pero mukhang hindi day off ang balak ng mundo sa akin. Balak yata akong baliwin sa problema.
“Mamamasyal kasi talaga ako, Kassidy. Wala akong plano sa pamimili ng mga damit,” paliwanag ko sa kaniya.
“Kuripot ka lang! Kadalasan pa ng mga pinili kong damit ay size mo tapos bigla mo akong iniwan?”
Napairap na lamang ako sa naging rason sa akin ng kaibigan ko. Hindi naman ako kuripot. Sadyang marunong lang akong gumamit ng pera. Ayaw ko namang magtampo ang pera sa akin kung sakali. Kung balak ko lang naman gumastos, sana kanina ko pa ginawa. Sana marami na akong dalang paper bags ngayon.
“I’m not. Magpapahangin lang ako ay hindi magsha-shopping,” depensa ko sa aking sarili.
Gusto ko mang sabihin sa kaibigan ko ang tungkol sa nararamdaman kong may mga sumusunod sa akin, huwag na. Baka siya pa ang mag-panic. Hindi pa man din siya marunong kumalma.
“Sige na. Tawag ako later. Gusto ko lang munang makapag-isip—”
“You can’t! Bumalik ka rito at samahan mo akong mamasyal at bumili—”
“Wala nga akong balak gumastos, Kassidy,” pinal na lintaya ko dahil sa pagkapikon sa kaniya. Ang kulit ba naman kasi ng kaibigan ko. Nakakapagtaka nga kung bakit nagawa ko siyang maging kaibigan kung gayon na sobrang laki ng maintenance niya sa buhay.
Mayaman nga siya pero sobra-sobra ang pinapamili niya. Akala naman niya ay magagamit niya lahat. Iyong damit nga na binili namin last week sa isang sikat at mamahaling clothing line, hindi ko pa nagagamit. Gusto ko ngang gamitin pero pakiramdam ko ay hindi ko bagay. Mahal kasi iyon at medyo naaalibadbaran ako sa tuwing naaalala kong binudol ako ni Kassidy.
Pangbili na kasi iyon ng motor. Kung hindi lang ako napikon sa kaibigan ko dahil sa pangungulit niya sa akin noon, hindi ko talaga iyon bibilhin.
Nang magsasalita pa sana si Kassidy, pinatay ko na kaagad ang tawag at kaagad na lumingon sa aking likuran. Doon ko lamang napagtanto na may nakasunod na sasakyan sa likod naman. Isang itim na SUV.
“Kuya,” usal ko sa driver nang lumingon ako sa kaniyang gawi. Sobrang bilis na nga namin pero nagawa pa rin nila kaming sundan. Tangina! Kamote riders ba ’tong mga ’to? “Puwede po bang bilisan niyo nang kaunti ang takbo? Nagmamadali po kasi talaga ako.”