“MARISSA,” anang baritonong tinig na tumawag kay Marissa. Napangiti siya. Kalakip ng baritonong tinig ay ang kakaibang sensuwalidad.
“Hmm…?” ungol niya.
“Get up, Marissa,” sagot nito.
Natilihan siya. Bakit tinig na ni Vicente ang naririnig niya? Dahan-dahang nagmulat siya ng mga mata at halos mapasinghap nang mapagtantong nakatunghay sa kanya si Vicente.
Agad siyang bumalikwas. “Ano’ng ginagawa mo rito sa silid ko?” Lalong nag-init ang mga pisngi ni Marissa nang mapagtantong half-naked si Vicente. Isang low-waist pajama bottoms lamang ang suot nito. Hindi man niya gusto pero agad tumutok ang kanyang mga mata sa malapad na katawan ng binata. His chest was a jaw-dropping sight. Hindi ito ma-muscle na tipong action hero pero hindi maitatanggi na exceptional pa rin ang katawan nito. He was lean. Tila kay sarap haplusin ng dibdib nito. Kung magaspang ang mga stubble na nasa pisngi nito, ang mga balahibo naman sa dibdib ay pino.
Mula sa dibdib ni Vicente ay tumaas ang paningin ni Marissa. Saka niya napagtanto na nakatingin sa kanya ang binata. Lalong nag-init ang kanyang mukha dahil alam pala ng binata na dumaan sa mapanuring mga mata niya ang katawan nito. Hindi niya alam kung amusement ba o pang-uuyam ang dahilan ng bahagyang pagtaas ng sulok ng mga labi nito.
“Kanina pa ako kumakatok pero hindi ka sumasagot. Ipinasya ko nang pumasok sa silid mo dahil baka nga mahimbing ang tulog mo. Anyway, gusto ko lang ipaalala sa `yo na may appointment ako ngayon sa EurInt at kasama ka roon. Welcome party ngayong gabi, remember?” anito na ipinagdiinan pa ang salitang “ipaalala” at “appointment.” Gusto marahil nitong puntuhin na trabaho niya ang bagay na iyon and not the other way around. Tumalikod na si Vicente at tinungo ang pinto.
Nakagat ni Marissa ang kanyang labi. Grabeng kahihiyan na ang ipinalasap niya sa sarili sa oras na iyon. Isinubsob niya ang mukha sa mga palad. Salamat na lang at hindi nagkomento ang binata. Ang lakas pa naman ng loob niyang ipangalandakan kay Vicente na hindi siya mai-in love dito pero heto at sa sandaling oras lamang na nakasama niya ang binata ay hindi na siya mapalagay.
“Marissa…?” Natilihan siya. Ang akala niya ay tuloy-tuloy na itong lalabas ng kanyang silid. Kinalma niya ang sarili bago nag-angat ng mukha.
Bumaba na siya ng kama. “Bakit?” tanong niyang hindi tumitingin dito. Mahirap na baka kung saan na naman maglakbay ang mga mata niya. Pero tila malabo nang matanggal sa isip niya ang hitsura ng binata. Bakit kasi may mga lalaki na nag-uumapaw ang karisma sa katawan? At isa si Vicente sa mga iyon.
“Alam ko na naging sarkastiko ako. I’m sorry. I mean, dapat naiintindihan ko na nakatulog ka dahil sa jet lag. Pasensiya ka na.”
Tumango na lang si Marissa pero ang isip niya ay kung saan-saan na naman nagliliwaliw. May-pagkatahimik si Vicente pero sa maikling panahong nakasama niya ang binata ay napagtanto agad niyang humble ito. Marunong humingi ng pasensiya kapag alam na ito ang may pagkakamali. Napansin din niya na wala sa ulo nito ang kasikatan. Hindi ito mayabang.
“Naiintindihan ko naman,” sagot niya.
Bahagyang tumango ang binata. “Okay. Maghanda ka na. Aalis tayo after an hour. Gusto mo bang um-order ako ng pagkain? I’m sure hindi ka makakakain nang husto sa welcome party.”
Oh! Bukod sa humble, maalalahanin pa siya, Marissa, tukso ng isang bahagi ng isip niya.
“Hindi na. Doon na lang din ako kakain.”
“Sige. Ikaw ang bahala. Siyanga pala, narito na si Kuya Dylan. Kasabay na natin siyang pupunta sa party.” Lumabas na si Vicente.
Mariing ipinikit ni Marissa ang mga mata. “Wake up, Marissa!” saway niya sa sarili. Pakiramdam niya ay hindi siya umaaktong propesyonal. Ano ba ang mayroon kay Vicente Valencia? Bakit maging siya ay naguguluhan sa mga ikinikilos?
Mabilis siyang naligo at inihanda ang sarili. Handa siya sa mga pormal na okasyon kaya nagdala rin siya ng mga cocktail dress. Hindi man siya naka-high heels ay bumagay naman ang sapatos niya sa suot na damit.
Naabutan ni Marissa na may kausap sa telepono si Vicente paglabas niya. Muli ay hindi na naman niya napigilan ang sariling pagmasdan ito. Tulad niya ay bagong paligo ang binata. Nakasuot ito ng three piece suit. Ang buhok ay naka-brush up. Funny pero kahit may mga stubble sa mukha ay hindi ito mukhang madumi. He was undeniably gorgeous. Nakakatawag-pansin ang kaguwapuhan ng binata at talaga namang napakalakas ng appeal. s*x appeal.
“What? Seriously, Jacob? Nanalo kayo ng…? Magkano uli? Wow! That’s big money. Congratulations.” Malakas na tumawa si Vicente. “Ano kaya ang sasabihin nina Tita kapag nalamang nag-casino kayo ni Connor?”
Hindi maiwasang marinig ni Marissa ang mga sinasabi ni Vicente. He seemed happy. Kung hindi siya nagkakamali ay ang nakababatang pinsan ang kausap nito.
“Oh, I won’t tell. And you guys are old enough for that… What? Loko! Hindi ako kunsintidor. Dumaan din kami sa ganyan so I perfectly understand your curiosity. Isa pa, we trust you. Alam namin na alam ninyo kung hanggang saan lang ang limit n’yo… Yeah… Okay…”
Bahagyang lumingon si Vicente kaya napansin na siya. Agad itong nagpaalam sa kausap at nilapitan siya.
“Ready?” Sumikdo ang puso ni Marissa nang pasadahan ng tingin ni Vicente ang kabuuan niya. Gayunman ay naging blangko ang emosyon nito kaya wala siyang ideya kung ano ang naging hatol ng binata sa ayos niya.
“YES, YES. I’ve seen the repertoire. Interesting selection, indeed,” masiglang wika ni Vicente sa kanyang producer. Naroon na sila sa bahay nito kung saan ginaganap ang welcome party para sa kanya. Isa iyong garden party. Ang malawak na bakuran ay nagniningning sa mga ilaw at iba pang dekorasyon. Mahigit tatlumpung tao ang naroroon, lahat ay konektado sa album recording niya.
Pasimpleng luminga si Vicente sa paligid. Si Dylan ay abalang-abala sa pakikipag-usap sa ibang executives. Napangiti siya. Bilang manager niya ay may bahagi rin ito sa mga kita niya. Gayunman, hindi iyon napupunta sa pinsan niya dahil awtomatikong dumederetso iyon sa Valencia Foundation. Isa iyong nongovernment organization na tumutulong sa mga kababayan nila sa Mindoro para makapag-aral. Hindi lamang ang share ni Dylan sa kita niya ang iniaambag nito sa foundation dahil nagbibigay rin ang pinsan niya mula sa sariling kita. Well, all of them were practicing just the same.
Nakita rin niya si Marissa sa isang sulok. Nag-iisa ito pero wala sa hitsura na naa-out of place. She looked dignified and confident. At hindi rin maikakaila na maganda ang dalaga kahit hindi gaanong magarbo ang ayos nito.
Totoo ang dahilan ni Vicente kaya ayaw na niya ng assistant na babae. They ended up loving him. Hindi iisang beses na tinangka ng mga ito na akitin siya. Iyong huli pa nga ay nahuli niyang nilagyan ng sleeping pill ang kanyang inumin kaya sinesante niya. Ang iba ay siguradong magte-take advantage na sa sitwasyon. Wika nga ng isang kasabihan ay palay na ang lumalapit kaya samantalahin na ng manok. Pero hindi siya ganoon. Para sa kanya, ang trabaho ay trabaho. Hindi dapat haluan ng kung ano-anong bagay. Valencia men were raised well. Pinalaki sila na may respeto sa mga babae at walang sino man sa kanila ang naging mapaglaro.
“Hire me and rest assured I won’t fall in love with you.” Iyon ang sinabi ni Marissa. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano ang naramdaman nang oras na iyon. Subalit nahamon siya ng determinadong mga mata ng dalaga. Tinanggap niya ito. Wala namang masama kung susubukan niya ang dalaga, lalo pa at napagkasunduan nilang nasa kanya ang karapatan para paalisin ito sa sandaling hindi ito tumupad sa pangako.
Hindi lang maintindihan ni Vicente kung bakit natatagpuan na lang niya ang sarili na palihim na tinitingnan si Marissa at pinanonood ang bawat galaw nito. May kung ano sa dalaga na kumukuha ng kanyang atensiyon. Maganda ito. Aminado siya roon. Pero lahat naman ng naging assistant niya ay maganda at poised. Lamang, sa tingin niya ay may kakaiba talaga sa dalaga.
Bahagyang kumunot ang noo ni Vicente nang makitang nilapitan si Marissa ng isang Pranses. Kung tama ang pagkakatanda niya ay Gustav ang pangalan ng lalaki. At kanina pa rin niya napansin na hindi nito inaalisan ng tingin si Marissa. At hindi mapagkakatiwalaan ang klase ng tingin ng lalaki.
There you go, boy. Paano mo nalaman na kanina pa niya tinitingnan si Marissa? And look at your eyebrows. They’re forming a line! tukso ng isip niya. Sinuri niya ang sarili. At sa kanyang pagkasorpresa ay salubong nga ang kanyang mga kilay. At bakit pakiramdam niya ay gusto niyang ialis doon ang dalaga at ilayo kay Gustav?
Of course, she’s under my custody. Dapat lang na ilayo ko siya sa mga tipo ni Gustav, katwiran ni Vicente bago nagpaalam sa mga kausap at malalaki ang hakbang na tinungo ang kinaroroonan ng dalaga.
HINDI malaman ni Marissa kung paano itataboy ang Pranses na kanina pa dikit nang dikit sa kanya. Ni hindi nga niya maalala kung ano ang pangalan nito.
Si Vicente ay pinagkakaguluhan pa ng karamihan habang siya ay nasa isang tabi at nagmamasid-masid sa mga taong naroroon. Sa tingin niya ay wala namang banta sa kaligtasan ng binata. Si Dylan naman ay kausap din ang mga big boss. Lihim pa siyang napapalatak tuwing pumapasok sa isip niya ang mga Valencia. Wala siyang itulak-kabigin pagdating sa pisikal na hitsura ng mga ito. Lahat ay talaga namang guwapo at nag-uumapaw ang personalidad. Naisip tuloy niya na lahi si Vicente ng mga guwapo. Sa maikling oras na nagkakuwentuhan sila ay napatunayan niyang mababa rin ang loob ni Vicente. Isang katangian na talaga namang kahanga-hanga.
“Vous êtes ravissante!” anang lalaki.
Hindi iyon naiintindihan ni Marissa pero hindi niya gusto ang timbre niyon dahil na rin sa paraan ng Pranses ng pagtingin sa kanya. The guy liked her. Huwag lang itong magkakamali ng kilos dahil kayang-kaya niyang itumba gamit lamang ang mga basic judo throw.
“Hi there, sweetheart,” anang tinig ni Vicente kasabay ng pagpulupot ng isang kamay nito sa kanyang baywang. He kissed her temple. Nagulat siya pero agad ding naunawaan ang mensahe ng mga mata ng binata na nagsasabi na “just go with the flow.”
Noon din mismo ay naunawaan ni Marissa na inililigtas siya ni Vicente mula sa kamay ng lalaking kausap nito. “Hi,” sagot niya bago ipinulupot din ang isang braso sa baywang ng binata. “You’ve been neglecting me,” kunwa ay nagtatampo niyang wika bago idinikit ang kanyang ulo sa balikat nito. Tila natigilan ang binata sa ginawa niya pero agad din naman itong nakabawi. Natilihan si Marissa. There was that peculiar feeling again. Iyon ang unang pagkakataon na naging ganoon sila kalapit ng binata. At nagdudulot ng kakaibang kaba ang palad nito na nasa baywang niya. Hindi niya maintindihan ngunit tila may maliliit na boltahe ng kuryenteng nanunulay sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan. At ang amoy ng binata, napakasuwabe ng dating sa kanyang ilong. It was mild and yet it screamed of masculinity. Tila nanunukso at naaakit naman siyang ipikit ang mga mata at punuin ang mga baga ng amoy ni Vicente.
“Oh, I’ll never do that to you,” ani Vicente na nagpabalik sa naglalakbay niyang isipan. Binalingan ng binata ang Pranses. May sinabi ito sa lalaki sa seryosong tinig pero dahil hindi siya nakakaintindi ng salitang iyon ay hindi rin niya maunawaan. Hanggang sa nagkukumahog nang magpaalam ang Pranses.
“Ano’ng nangyayari?” naguguluhan niyang tanong. “Hindi ko siya maintindihan pero—”
Binawi na ni Vicente ang brasong nakapulupot sa baywang niya. Funny, but she felt empty because of that. “Type ka niya,” anito bago tumiim ang mga labi. Saglit lang naman ang kaseryosuhan ng mga mata ng binata, muli na iyong kumalma. “Hindi ka pa kumakain, ah.”
Sumikdo ang puso ni Marissa. Paano nito nalaman na hindi pa siya kumakain gayong pagdating na pagdating nila ay abala na agad ito sa pakikipagkuwentuhan sa mga naroon? “Okay lang ako,” aniya, bagaman nakakaramdam na nga ng gutom. Hindi lamang siya makaiwas kanina sa Pranses kaya hindi siya makakuha ng pagkain.
“Are you?” hindi kumbinsidong tanong ng binata. Pagkatapos ay hinawakan nito ang braso niya at inakay patungo sa buffet table. “Sabay na tayo. Hindi pa rin naman ako kumakain.” Napatingin siya sa kamay nitong nakahawak sa kanyang braso. Pero bago pa man siya mag-isip ng kung ano-ano ay ipinilig na niya ang ulo.
Kumuha sila ng pagkain. Pagkatapos ay dinala iyon sa mesa nila at kumain. Kahit hindi palakuwento si Vicente ay napalagay siya rito kahit paano.
“Pagdating pa lang natin dito, napansin ko nang masama ang tama sa `yo ni Gustav. Hindi ko siya masisisi, maganda ka naman talaga,” hindi niya inaasahang wika ng binata. Pakiramdam ni Marissa ay tumaba ang puso niya sa sinabi nito, na maganda raw siya. Alam niya iyon pero dahil nagmula iyon sa bibig ng binata, pakiramdam niya ay tunog iyon ng kampana.
“Okay lang sana kung single siya, kaya lang may asawa na `yon, Marissa. Binabalaan lang kita. Nasa iyo pa rin kung—” Natigilan ito sa pagsasalita at napatitig sa kanya. Alam ni Marissa na iyon ay dahil sa maluwang niyang pagkakangiti. Ngiti na noon lamang nakita ng binata. “Salamat sa pagliligtas sa akin. Actually, kahit single siya, hindi ko iko-commit ang sarili ko sa kanya. No way. Ayoko lang gumawa ng gulo kanina. Isa pa, hindi ko rin maintindihan ang mga pinagsasabi niya.”
Tila wala sa sariling tumango si Vicente. Hindi nito inaalis ang tingin sa kanyang mukha. Marahil ay dahil sa ngiti niya. Bigla tuloy siyang nailang dahil umaakto itong animo naengkanto sa pagkakatingin sa kanya.
“Ah, excuse saglit, ha? Naalala ko lang na may kailangan nga pala akong tawagan,” pag-iwas ni Marissa. Bago pa makasagot ang binata ay nakalayo na siya sa mesa nila. Pumasok siya sa loob ng bahay at hinanap ang comfort room. Nakapagtanong naman siya sa isang katulong.
Pumasok siya sa comfort room at doon pinayapa ang sarili. “My God, Marissa, para kang teenager sa inaakto mo!” saway niya sa repleksiyon sa salamin. Agad din naman siyang lumabas. Kabubukas pa lamang niya ng pinto nang walang-ano-ano ay pumasok si Gustav at isinara ang pinto.
“I know you want me, too, baby,” anito na maluwang ang pagkakangisi.
Nagulat si Marissa pero agad ding nakabawi. “Well, you’re wrong. Paano ako magkakagusto sa `yo gayong wala kang panama sa kaguwapuhan ni Vicente?”
Maging siya ay nagulat sa sariling pahayag. Ah, hindi kailangan ng lalaking ito ng paliwanag. Ang kailangan nito ay leksiyon.
She grabbed his wrist with her left hand; she stepped on him with her right foot and started to pivot. Her right shoulder connected solidly with his armpit. It was a basic judo throw. Isa sa mga unang natutuhan niya bilang self-defense. It was a simple power to use her momentum and weight against him. Sa isang iglap ay naibagsak niya ang lalaki sa kanyang harap. Agad itong humiyaw sa sakit pero dahil nasa party ang mga tao, duda siya kung may makakarinig sa lalaki. Hindi naman siya nag-alala dahil alam niya na hindi naman ito napuruhan. “You deserve that, pervert!” aniya bago ito iniwan.
“Dylan!” bulalas ni Marissa nang makita ang binata sa labas ng pinto.
Amused na nginitian siya ni Dylan. Tila alam nito kung ano ang nangyari sa loob ng comfort room. “Looks can be really deceiving, eh? Now I’m convinced that Vicente is in good hands. Sige na bumalik ka na roon. Ako na ang bahala rito. Sisiguruhin kong hindi ka na guguluhin ni Gustav.”
“Thanks.”
Nakabalik sa party si Marissa na wala man lang siyang nakakasalubong na tao. Tila walang nangyari na bumalik siya kay Vicente.
“Nakapagpaalam na ako, puwede na tayong umuwi.” Imporma sa kanya ng binata. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil doon.
“Mabuti pumayag sila?” tanong niya dahil wala pa yatang dalawang oras silang naroroon.
“Alam nilang kailangan kong matulog nang maaga para sa simula ng trabaho bukas. Anyway, maiiwan naman si Kuya Dylan. Siya na ang bahala sa mga bosses,” sagot nito bago siya inalalayan hanggang sa sasakyan. Pagkapasok sa loob ng sasakyan ay muli na namang nanahimik ang binata.
Marissa sighed. Hindi naman matatawag na suplado ang binata pero ibang-iba ito kapag nasa stage at kinakantahan ang mga audience nito. Doon ay nakapaskil ang ngiti sa mga labi at tutunawin ang manonood sa mga nakapanlalambot-tuhod na tingin nito.
“Marissa, puwede ka bang makausap muna?” anang binata nang makabalik sila sa hotel suite.
“Oo naman.” Naupo sila sa sofa.
“I’m not usually like this, you know,” panimula ng binata.
Kumunot ang noo ni Marissa. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Bumuntong-hininga si Vicente. “Hindi ko alam kung bakit naiilang ako sa presensiya mo. Don’t get me wrong, pero ang alam ko, I have a jolly personality. `Sabi ni Charlie, pareho lang daw kami ng level ng kadaldalan at kakulitan. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko magawang ma-apply iyon sa `yo.”
Now he’s opening up to me, naisip niya. “Hindi ka siguro kumportable sa akin. I mean, baka ngayon ka lang nagkaroon ng assistant na kasingganda ko,” pabiro niyang sagot.
Sa pagkamangha ni Marissa ay natawa si Vicente. Nawala ang kaseryosuhan ng mukha nito. “That, too. Masyado ka yatang maganda para lang maging personal assistant ko.”
Namula ang mukha niya. Pero kailangan niyang sakyan ang binata dahil kailangang maging kumportable ito sa kanya. “Okay lang `yon. Guwapo ka naman bilang boss ko kaya hindi sayang ang ganda ko.”
Tumaas ang sulok ng mga labi nito. “Guwapo ako sa paningin mo? Hala ka! `Sabi mo, hindi ka mai-in love sa akin? Hindi mo ba alam na diyan iyon nagsisimula?”
“`Akala ko ba, naiilang ka sa akin? Pero hayan at tinutukso mo na ako,” kunwa ay iiling-iling na balik niya. Pero nakadama siya ng kaba. Sa physical attraction nga ba nagsisimula ang love? If that was the case, then, she was in trouble.
Vicente chuckled. Sa pagtawa nito ay tila lalong lumakas ang karisma. “I don’t know. Maybe I just need this talk. Two weeks din tayong magsasama dito sa Paris kaya gusto kong kumportable tayo sa isa’t isa. Funny, pero gumaan ang pakiramdam ko ngayon. I don’t know…” Nagkibit-balikat ito pero magaan na ang aura ng mukha.
“Ako man, medyo napalagay na ako sa `yo. Ang akala ko talaga, suplado ka. Wait! Does it mean na palagi mo na akong tutuksuhin?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Marissa.
Ngumiti lang nang makahulugan si Vicente kung kaya tumambol na naman ang dibdib niya. Tumayo na ang binata. “Goodnight, Issa.”
“G-goodnight.” Nabulol yata siya sa pagkakabigkas nito ng “Issa.” Tila may kakaibang lambing na kaakibat iyon. May possessiveness.