"Si Bryant? Nasaan?" hindi ko na mabilang kung ilang beses ko iyon isinatinig at gaya ng dati ay paulit-ulit isasagot sa akin ni Trenz ang mga katagang 'kumain ka muna' o di kaya'y 'ubusin mo muna iyang pagkain mo'. Nang masigurong wala ng laman ang aking plato ay agad kong ginawaran ng nagtatanong na tingin ang aking kaibigan.
Tapos na akong kumain. Wala na siyang ibang choice kung hindi ang sagutin ang tanong ko.
"Masasaktan ka lang" sa tagal ng aming pinagsamahan ay ilang beses ko na ring narinig ang mga katagang iyan.
Hinawakan ko siya sa braso at hinila patayo.
"Tara, puntahan natin si Bryant"
Gusto ko siyang makita ngayon, ani ng aking isip.
"Punta nalang tayo kila Jay gusto mo?" sagot niya, tinutukoy ang mga kaklase namin. Alam kong nandito sila ngunit mas gusto ko munang makita si Bryant. Pagkatapos niyon ay pinapangako kong makikisama ako sa aking mga kaklase.
Bilang sagot ay umiling ako sa kanya. Ilang beses niya akong tinanong ngunit iisa pa rin ang naging sagot kaya't wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang pumayag.
"Bakit tayo lumabas?" ang sabi kasi ni Trenz ay sundan ko lang siya at dadalhin niya ako kung nasaan si Bryant ngunit ang resulta ay dinala niya lang ako sa labas ng bahay nila, sa likod na bahagi.
" Nasa kubo sila kuya" matapos marinig iyon ay masaya akong napatango. May kubo kasi sa may bandang likurang bahagi ng bahay nila Trenz. Hiwalay ito sa mismong bahay nila at nagsisilbing tambayan. Natatandaan ko pang madalas kaming magpunta ni Trenz doon noong mga bata kami. Dahil nga hindi naman ganoon kalayo ang distansya ay agad kaming nakarating subalit ilang hakbang nalang ay tumigil ako, gayun din si Trenz, hinihintay kung anong gagawin ko.
Mula sa pwesto namin ay natatanaw si Bryant na may mga kasama pang iba. Lahat sila ay college students ayon sa tantya ko. Mukhang nagkakasiyahan sila dapat na ba akong bumalik? Tingin ko naman ay sapat ng nakita ko si Bryant. Matapos makapagdesisyon ay tumalikod na ako ngunit bago pa man makahakbang ay tinawag kami ng isa sa mga taong nasa loob ng kubo kaya't sabay kaming pumunta roon.
Pagpasok pa lang sa loob ay nakita ko agad si Bryant katabi iyong babae na kasama niya noon sa liga at sa litrato.
Isang pamilyar na sakit ang tumubo sa aking dibdib. Kanina ay nakatayo si Bryant kaya't hindi ko nakita ang kasama niyang babae. Naguguluhan tuloy ako kung dapat ko bang ipagpasalamat o hindi na tinawag kami dito.
"Birthday boy, shot!" ani ng isang lalaki na tinawag ni Trenz kanina na kuya Edward, siya rin ang tumawag sa amin.
Tulad ng inaasahan ay tumanggi si Trenz. Buong akala ko ay aalis na kami roon ngunit ayon kay kuya Edward ay huwag daw muna dahil gusto niya kaming makausap. Apat na lalaki at dalawang babae sila doon nang dumating kami. Masaya naman silang kasama. Ang ilan sa kanila ay lasing na kaya't maingay na ang grupo.
Pasimple kong tinitingnan si Bryant at ang katabi niyang babae, si Dei. Ipinakilala niya ang sarili kanina sa amin ni Trenz kaya ko nalaman ang kanyang pangalan. Nakakainis ngunit mabait siya at halatang marunong makisama sa iba. Napayuko ako. Ang saya ng paligid ngunit naninikip ang dibdib ko.
Gusto kong umalis at the same time ay ayaw. Kapag umalis ako dito ay hindi ko malalaman ang mga importanteng bagay tulad ng kung gaano na sila kalapit sa isa't isa. Nakakuyom ang kamaong napahawak ako sa aking dibdib.
"Guys labas muna kami saglit" nakangiting paalam ni Dei na sinundan ni Bryant. Hindi nakaligtas sa lahat na magkasama silang aalis kaya't sinundan iyon ng mga pangungutya.
Mapakla akong napangiti nang makita kung gaano kasaya si Bryant. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang pamumula ng kanyang pisnge. Gusto kong lokohin ang sarili at isiping epekto lang iyon ng alak ngunit paano ko gagawan ng dahilan ang mga kamay nila na magkahawak? Hanggang sa makalabas sila ng kubo ay puno pa rin ng pagkutya at tawa ang mga nasa loob. Hindi ko mawari kung pang ilang beses pero pinagmasdan ko muli ang paligid. Inilibot ko ang aking tingin. Kasabay nito ay ang pagsilay ng aking ngiti.
Tumatawa ang lahat, kailangan kong makiayon.
Iyon ang akala ko ngunit— hindi ko kaya.
Makalipas ang limang minuto ay dali-dali akong lumabas sa kubo. Masyadong madilim ang paligid ngunit wala akong pakialam.
Gusto kong malaman kung saan pumunta sila Bryant.
Gusto kong malaman kung anong ginagawa nila.
Gustong gusto kong malaman.
Bumalik ako sa mismong loob ng bahay nila Trenz. Nang masigurong wala sila sa kabuoan ng salas ay dumiretso ako sa kusina, nakatatak sa isip na gutom ang dahilan kaya sila umalis kanina ngunit maging doon ay hindi ko sila nakita. Nanlulumo akong umupo sa bangko.
"O? Bakit nag-iisa ka?" tanong ng isang babae nang makita ako. Pamilyar siya dahil isa siya sa mga kaibigan noong lalaking lasing kanina.
"Nasaan si Trenz?" dugsong nito at umupo sa tabi ko.
Agad na pumasok sa isip ko si Trenz. Nakikingiti at nakikitawa ako kanina samantalang siya ay hindi. Ilang beses niya rin akong tinanong kung gusto ko ng umalis o kung ayos lang ako. Alam kong nag-aalala siya para sa akin dahil siya lang naman ang nakakaalam kung gaano kahalaga sa akin si Bryant. Gayunpaman ay ayokong abalahin siya, kaarawan niya ngayon hindi niya dapat pinoproblema ang nararamdaman ko kung kaya't siniguro ko kanina na hindi niya napansin na umalis ako sa kubo. Hindi na rin ako nagpaalam sa mga taong nanduon.
"Nasa kubo po sa likod ng bahay" wala ako sa huwisyo para makipag-usap subalit alam ko na mas hindi tama kapag hindi ko siya pinansin. Higit lalo dahil nakangiti niya akong kinakausap.
"Hanggang ngayon pala ay hindi pa sila tapos uminom" sagot nito, hindi nawawala ang ngiti. Huminga muna ito ng malalim bago isubo ang kinuhang pagkain.
"Si Jez kasi masyadong mahina, nalalamangan tuloy kami" sambit nito matapos ngumuya. Hindi ko alam kung kinakausap niya ang sarili o nagrereklamo ngunit dahil sa sinabi niyang iyon ay nagkaideya ako kung saan ko pa pwedeng hanapin sila Bryant.
Maingat akong tumayo at nakangiti siyang tiningnan. Nagrereklamo pa rin siya pero mabilis ding tumigil nang mapansin ang pagkilos ko.
"Sige po, may kailangan pa po kasi akong puntahan"