Labag man sa loob ko ang hinihiling niya ay napilitan na akong iabot sa kanya ang cellphone ko para matapos na kami dito. alam kong hinsi siya titigil sa pangungulit hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya. Kilala ko si Leon. Anumang pagtatangka na lumabas sa bibig niya ay ginagawa niya. Siya iyong tipo ng tao na may iisang salita. Kung anuman ang kanyang sinabi ay papanindigan niya. At ngayong sinabi niyang hindi kami aalis dito hangga't hindi ko ibinibigay ang cellphone ko ay paniguradong hindi talaga kami aalis sa lugar na ito kahit na anong gawin ko o lumuha man ako ng dugo at kahit na mag-alboroto rin ako. Ako rin naman ang mapeperwisyo kung ipipilit kong huwag sundin ang hiling niya. Ako rin ang mapupuyat oras na magmatigas ako at igiit na hindi ko ito ibibigay. Hindi naman siya.

