Napahinga si Jiro habang nakatitig sa sariling repleksyon sa salamin matapos maisuot ang kanyang t-shirt. Biyernes ngayon kaya okay lang na hindi siya naka-uniform na papasok ng university. Kahit paano rin ay humupa na ang mga bakas ng pasa sa kanyang mukha pero halata pa rin ang sugat sa pumutok na gilid ng kanyang bibig. Hindi niya mapigilang mapahinga nang malalim bago dinampot ang kanyang bag. Isang panibagong araw na naman ang bumungad pero wala pa rin si Carmela. Nami-miss na niyang marinig ang boses nito. Nami-miss na rin niyang masilayan muli ang mukha at ngiti nito sa mga labi. Nami-miss na rin niya na muli itong makasama at makakuwentuhan ng mga random na topic at gayon din ang makasabay ito sa paglalakad sa hapon. Ngayon kasi ay deretso na siya sa sakayan ng jeep tuwing uwian

