Hindi na niya mabilang kung ilang ulit na niyang tinapunan ng tingin ang silver laptop na nakalapag sa ibabaw ng coffee table; kasabay ng bilang din niyon ang makailang ulit na niyang pagsulyap sa pinto ng silid ni Carmela. Mula nang makalabas siya ng naturang kuwarto ay napukol na ang tingin niya sa bagay na iyon na nakalapag sa ibabaw ng maliit na mesa sa living room. May kung ano'ng nais humatak sa kanya palapit kanina roon matapos tahimik na isara ang pinto. Natitigilang napatitig doon si Jiro at animo ay hinihikayat siya nitong alamin ang mga tagong bagay na naroon. Isang bagay na hindi niya mawari kung ano iyon—at kung bakit ganoon na lang din kung makahatak sa kanyang buong sistema ang kuryosidad. Muli ay napasulyap siya sa nakapinid na pinto ng kuwarto ng dalaga maging sa oras n

